Kabanata 1: Ang Napili
"Isabela! Nandito na ang mga madre at hinihintay ka. Madali ka at bumangon na riyan!" Dinig kong sigaw ni nanay mula sa labas.
"Opo, inay," sagot ko at saka mabilis na tumayo. Pinagpag ang unan at saka itinupi ang banig.
Bawat galaw ko ay maririnig ang langitngit ng sahig namin na gawa sa kawayan. Hinagilap ko ang suklay na gawa sa kabibe at saka pinasadahan ang buhok kong abot hanggang baywang. Nakahanda na talaga ako. Suot ko ang espesyal na bestidang puti na pinatahi pa ni nanay sa bayan para sa araw na ito.
Ang araw kung saan ganap na akong titira kasama ng mga madre para sa paghahanda bilang maging kaisa rin nila. Ako ang nag-iisa sa dalawampung dalaga na pinamilian nila rito sa baryo namin.
Ngumiti ako sa salamin at saka nagpasyang bumababa.
Bumungad sa'kin si Sister Angge. Isa sa mga madreng pinakamalapit ako.
"Handang handa ka na ba, hija? Dala mo na lahat ang iyong gamit?" tanong niya.
"Opo, Sister," magalang kong sagot. Bitbit ko ang bayong kong naglalaman ng ilang damit at mga personal ko pang gamit.
"Kung ganoon ay tara na at baka gabihin pa tayo sa biyahe natin," yakag niya.
Nilingon ko sila inay at itay na parehong may mumunting luha sa gilid ng mga mata nila. Saglit akong huminto at saka hinayaang yakapin sila ng mahigpit ng mga sandaling 'yon.
Hinalikan ako ni itay sa noo. "Palagi kang mag-iingat at magdarasal doon, anak."
Si nanay naman ay ginawaran ako ng mariin na halik sa magkabilang pisngi. "Huwag kalimutan humingi ng gabay sa Poong Maykapal, Isabela," malinaw na paalala niya.
Tumango ako saka tumulo ang kanina ko pa ring pinipigil na luha. "Pagbalik ko po ay isa na akong ganap na madre. Dala ko lagi ang mga paalala ninyo."
Isang ngiti ang ibinigay ko sa kanila bago tumalikod at sumakay sa bangka kasama si Sister Angge.
Noon pa man ay nauuso na ang pagiging madre sa baryo namin. May mga kadalagahan na kada taon ay nagpapakita ng interes para maging ganap na madre. Mabusisi ang pagpili sa mga bago tuluyang mapili. Kadalasan sa bente o higit pa ay isa lang talaga ang kinukuha. At isa ako sa mga mapalad na napili ngayong taon.
Tinanaw ko ang malawak na karagatan na tatawirin namin ni Sister para makatawid sa kabilang ibayo ng bundok. Nandoon ang lugar kung saan ako sasanayin at ihahanda para maging madre. At kalaunan ay maging ganap na asawa ng Poon.
Bilang maging parte at kaanib nila, ay dapat malinis at dalisay ang iyong p********e. Marami sa amin ang hindi nakapasa noon. Dahil hindi pa man nagdidisiotso ang iba, may mga nobyo na. Ang iba naman ay walang mga nobyo pero nang suriin ay mga hindi na birhen.
Tatlo na lang kami noon, pero ako lang ang napili dahil daw sa itim na itim kong buhok, maputing balat, at mga asul na mata.
Hindi ko rin alam kung bakit naging asul ang mga mata ko. Ang sabi lang ni inay at itay noon, ay isa ako sa mga natupad na hiling nila noon sa Maykapal. Isa raw akong himala na ipinagkaloob sa kanilang mag-asawa.
Lumipas ang kulang-kulang dalawang oras ay nakatawid na kami sa kabilang isla. Pagdating doon ay agad na may umalalay sa'kin pagbaba ng bangka. Mga kababaihan rin na may takip sa mukha at nakagwantes ang mga kamay.
"Salamat," mahinay na sabi ko sa kanila.
Pero hindi sila umimik at patuloy na nakayuko lang. Kasabay namin sila nang sumakay kami sa itim at mahabang sasakyan. Makintab 'yon at unang beses kong makakita ng ganoon kagarang sasakyan sa labing walong taon ng buhay ko.
Pinagbuksan ako ng isa sa mga babae. Dahan-dahan akong umupo sa likod—at halos manlaki ang mata ko nang makitang may telebisyon sa loob! Bumuka ng bahagya ang bibig ko nang sipatin ko 'yon. Mabango sa loob at amoy mayaman.
"Ganito pala ang prebilehiyo ng isang magmamadre," bulong sa isip ko.
Wala akong makausap dahil hindi naman sumakay sa tabi ko si Sister Angge. Sa harap siya, kasama ng drayber at hindi ko naman sila makita dahil sa nakaharang sa pagitan namin.
Dumungaw ako sa labas nang napansin ko na tinatahak namin ang daan paakyat ng bundok. Mula rito ay tanaw ko ang malawak na karagatan pero hindi ko na tanaw ang baryo kung saan nandoon sina inay at itay.
Ilang oras pa bago kami tuluyang tumigil sa harap ng malaking gusali. Nakahanay ang mga nakaitim na madre nang makababa ako. Bahagya rin silang nakayuko.
Si Mother Dolor ang agad na lumapit at marahan akong inobserbahan. Mula paa ko ay dahan-dahan siyang tumingin pataas, para bang sinusukat ang bawat hibla ng pagkatao ko. Nang tumigil ang mata niya sa aking asul na mga mata, tila may bahagyang ngiti sa gilid ng kanyang labi.
"Kamusta ang biyahe papunta dito, hija?" magaan ang boses na tanong ni niya.
"Medyo mahaba po pero maayos naman po ang biyahe." Ngumiti ako.
"Halika ka muna sa loob," yaya niya sa'kin.
Iginiya niya ko papasok sa entrada ng kumbento. Malawak 'yon at may magkasalubong na hagdan, pinapagitnaan ang isang fountain. Halata man na luma na ang lugar pero hindi alintana na naaalagaan 'yon at nalilinis ng ayos.
Dumiretso kami sa hallway at pumasok sa isang opisina. Nagsusumigaw sa taas ang lagayan ng libro at ang malaking mesa ng narra sa gitna na wari ko'y mas matanda pa sa'kin. Amoy lumang pahina ng papel na may konting amoy ng natuyong tinta ng ballpen.
Itinuro ni Mother ang upuan sa harap ko. "Maupo ka."
Agad naman akong sumunod habang hinihintay siyang umupo sa kabilang panig. Pero hindi niya ginawa, umupo siya sa tapat ko. Nag-iba bigla ang ekspresyon niya. Nawala ang ngiti, napalitan ng kakaibang kaseryosohan.
"Alam kong naabisuhan ka na kung ano ang gagampanan mo rito, Isabela," mariing sabi niya.
"Bago mag-ala sais ay dapat tapos ka nang kumain. Ala sais y media ang dasal para sa Poon. Puting bestida lamang ang iyong susuotin at walang iba pa. Walang panloob, walang kahit anong kolorete sa katawan, walang kahit anong pabango. Ang pagdarasal ay natatapos bandang alas otso para sa amin. Pero para sa'yo na naghahanda at nagsasanay para maging kabilang sa amin. Maiiwan kang nakahiga hanggang alas diez. Saka ka lang pwedeng bumalik sa silid mo. Bawal lumabas o gumawa ng ingay pagsapit ng alas dose. Wala nang pwedeng magbukas ng ilaw pagsapit ng oras na 'yon hanggang matapos ang ritwal mo bilang madre," mahabang paliwanag niya.
Sumang-ayon lamang ako. Nabanggit na rin naman ito sa amin noon pa. Isa lamang ito sa mga pagsubok para maging isang ganap na asawa ng may Poon.
Nagpatuloy si Mother. "At kada ikalawang linggo ng buwan ay pupunta kang mag-isa sa santuaryo ng Maykapal para doon gawin ang pagsusuri sa'yong kadalisayan at pagpapatunay ng iyong kapurihan."
"Opo, Mother," halos bulong ko.
Tumango siya bilang saka muling bumalik ang kaninang ngiti niya.
"Sister Loreta," tawag niya sa isa pang Sister. "Handa na ba ang panligo ni Isabela?"
Pumasok ang isa pang madre. "Opo, mahal na ina," sagot nito saka yumuko.
Bumaling sa'kin si Mother Dolor. "Sumama ka sa kanya para masimulan ang iyong paglilinis."
Yumuko rin ako at nagpasalamat.
Naglakad kami paakyat sa hagdan, diretso sa malaking kwarto. Nanlaki ang mata ko. Mas malaki pa yata ang silid na 'yon kesa sa kwarto kung saan kami galing.
"Ito ang magiging silid mo habang naghihintay sa pagiging ganap na asawa ng Poon," paliwanag niya saka iminwestra ang kwarto.
Naglakad siya papunta sa isa pang pinto. Kung nagulat ako sa kwarto, mas nagulat ako sa banyo. Halos magkasing laki iyon sa mismong silid ko.
Nilibot ko ang tingin ko. Sa gitna no'n ay parang maliit na lawa pero malaking balde na puno ng pulang rosas at puting tubig.
"Dito naman ang banyo," sunod niya.
Halos mapalundag ako ng may lumapit sa'kin na dalawa pang babae. Hindi sila kabilang pero mukhang isa sila sa nagsisilbi rito.
Hinawakan nila ang suot kong bestida saka 'yon tuluyang hinubad.
Katulad ng paalala ay hindi ako nagsuot ng kahit ano pa sa ilalim ng damit. Iginiya nila ko papunta sa balde saka inilubog doon. Hindi ko napigilan ang kuryosidad—sumalok ako ng kaunting tubig at tinikman. Lasang gatas ito, ngunit may alat na parang dugo na natuyo. Nang lunukin ko, may kakaibang init na gumapang mula lalamunan ko pababa sa sikmura.
Mamaya ay nagpaalam si Sister Loreta at naiwan kaming tatlo. Tulad ng kaninang umalalay sa'kin sa bangka ay nakagwantes rin sila.
Hindi ko mamalayan kung gaano katagal nila akong nilinisan hanggang sa nilamon na ako ng pagka-antok...
"My Maria..." boses ng lalaki 'yon.
Hindi ko mahagip kung nasaan siya pero ramdam kong malapit lang dahil sa hiningang dumampi sa batok ko.
"My sweet Maria," bulong niya kasabay ng pagdampi ng kung anong mainit sa tenga ko.
Nanindig ang balahibo ko. Alam kong dila niya 'yon!
Sinubukan kong ibuka ang bibig ko para magtanong pero imbes na salita ang lumabas do'n—
"A-ah..." Isang ungol ang kumawala galing sa'kin.
Sinubukan ko ulit pero—
"Ah..." ungol lang ang tanging nalabas sa bibig ko.
"Hmm... Ah, this voice... sweeter than hymns. Soon, it will sing only for me," sabi niya. Saka muling dinilaan ang leeg ko. "The milk clings to you like a vow, but it is my blood that makes you mine. Even your moans, Maria, are prayers answered in my name," patuloy niya.
Bigla akong napaahon kasabay ng pagkagulat ng dalawang babaeng naglilinis sa'kin.
"Siya na nga yata... ang tunay na napili," pabulong ng isa sa kanila
Isang panaginip. Bumalik sa'kin ang mga katagang binitawan ng boses na 'yon.
"Prayers answered in my name."
Siya kaya ang Poong Maykapal na tinutukoy ng marami? Ramdam ko ang pananayo ng balahibo ko sa buong katawan. At ang kakaibang kiliti na hatid no'n sa kaibuturan ko.
Ito ba ang pakiramdam ng isang pinagpala?
Napakagat ako sa labi, saka wala sa sariling sinalat ang aking leeg—tila nanatili pa rin ang init ng kanyang dila.