Chapter 2

1415 Words
TWO WEEKS EARLIER... “Hanggang ngayon, wala ka pa ring tawag o text man lang. Kahit smart alert man lang sana o isang poke sa f*******: account ko. Pwede na ‘yon basta magparamdam ka lang! Nakakainis!” sambit ko sa aking sarili habang nakatingin sa aking telepono. Hindi ko na kasi maintindihan kung bakit may mga taong nakakatiis ngayon. Mahirap na ba iyong magsabi man lang? Magparamdam kung buhay pa ba’t humihinga? Kahit isang tuldok lang sana sa comment section sa isa sa mga posts ko sa f*******:, matatanggap ko na kaso wala talaga. Napabuntong-hininga na lamang ako bago ko itinago iyon sa aking bulsa. Sabado na ngayon at pasado alas otso na ng gabi. Sa kamalas-malasan ko nga lamang ay naka-engkwentro ako ng mga batang hamog habang nasa daan pauwi. “Ahh! Tulong! Letse!” mamawis-mawis at hinihingal kong sigaw habang tumatakbo sa madilim na kalsada. Isang kumpol kasi ng mga batang gala ang gustong jekwatin itong mga chichiryang binili ko kanina sa convenient store na malapit sa apartment na tinutuluyan ko. Lima sila. Madudungis sila at sa tantiya ko’y nasa pagitan ng pito hanggang sampung taong gulang ang edad nila. “Bwiset na mga bata ‘yon! Binigyan ko na nga ng pera, hahabulin pa ako! Arrgh!” Nang lumiko ako sa huling kanto na nakita ko para sana takasan sila ay napahinto ako sa pagtakbo. Lagot na, dead end. “Ate, ibigay mo na sa amin ‘yan.” Nilingon ko sila. Unti-unti ay lumapit sila sa akin habang ako, unti-unti ring umurong. “Binigyan ko na kayo ng pera, ‘di ba? Pati ba naman ‘tong mga binili ko, kukuhanin n‘yo rin? Bumili na lang kayo, ano ba! Tigilan n‘yo na ako!” sigaw ko sa kanila habang pasulyap-sulyap sa aking likuran, tinitingnan kung may mauurungan pa ba ako. “Ibigay mo na sabi sa amin ‘yan, Ate!” Akma na sana siyang tatakbo papalapit sa akin ngunit natigil siya dahil sa isang lalaking nagsalita mula sa kanilang likuran . “Boys?” Nanliit ang aking mga mata, sinisipat ko kasi kung sino iyong nagsalita ngunit napansin kong nakasuot siya ng itim na face mask at nakasuot din ng sombrero. “Sino ka ba, ha?” pagmamatapang na bulyaw noong bata roon sa lalaki. “Pulis,” maikli at agad na tugon noong lalaki saka namulsa. Nakita ko namang nag-panic ang mga bata saka nag-unahan sa pagtakbo palayo. “Hoy, pulis daw!” “Hala, tara na!” “Takbo!” Napangisi na lamang ako dahil doon. Pailing-iling pa ako habang pinanonood ang batang iyon na kumakaripas nang takbo palayo. “Sus! Mga batang ‘yon, duwag naman pala,” ngingisi-ngisi ko pang sambit sa sarili ko saka inayos ang supot ng mga chichiryang hawak ko. Pag-angat ng ulo ko para sana magpasalamat doon sa lalaki ay nakita ko na itong naglalakad na palayo. “Teka lang, Kuya! Ay, este manong pulis! Saglit lang!” sigaw ko habang hinahabol siya. Nang makalapit ako sa kaniya ay tumigil siya sa paglalakad saka ako hinarap. “Manong pulis, salamat pal—” “Hindi ako matanda para tawagin mong manong. Isa pa, hindi rin ako pulis,” pagputol niya sa sasabihin ko. Nangunot naman ang noo ko dahil sa narinig ko. “Ha? E ‘di ba sabi mo kanina sa mga bata na pul—” “Hindi nga ako pulis. Mukha ba akong pulis sa suot kong ‘to?” pagsusungit niya saka ako tinitigan. Napatingin rin ako sa kaniya at sa kaniyang suot. Isa iyong plain white shirt at sweatpants. Nang mapansin ko iyon ay napangibit ako. “T-teka naman. E bakit ba ang sungit mo?” singhal ko sa kaniya. Pakiramdam ko ay naka-ngisi na siya ngayon sa likod ng suot niyang face mask. “Akala ko, ‘yong mga bata lang ang mauuto ko, pati pala ikaw,” agad akong napanguso dahil sa sinabi niya. “Alam mo, Miss, umuwi ka na. Gabing-gabi na, gala ka pa nang gala. Ka-babae mo pa namang tao. Kaya ka na lang napagti-tripan sa daan. Tss.” Agad na umakyat ang dugo sa mukha ko dahil sa inasal niya. Bago pa man siya makaikot patalikod sa akin ay nagsalita ako. “Ang yabang mo!” Muli niya akong tiningnan. Iyong mga mata niya, parang naiinis sa presensya ko. “Anong mayabang ron?” tanong niya. “Basta!” Napabuga siya ng hangin. “Umuwi ka na. Maraming sipay sa daan,” sambit niya saka nagdire-diretso sa kaniyang paglalakad. Ano? Sipay? Letse. “Bwisit ka! Hindi ako bata para kuhanin ng sipay!” nagdadabog na sigaw ko pa. Sa inis ko ay dumukot ako ng isang balot na chichirya sa supot na aking hawak saka iyon binuksan. “Bye!” Bwiset na iyon. Ang yabang! “Ang yabang-yabang,” tanging naibulong ko sa sarili ko sabay subo ng chichirya sa bibig ko. Dahil walking distance lang naman ang convenient store pabalik sa apartment na tinitirahan ko ay naglakad ako pauwi. Lingon sa kanan, lingon sa kaliwa. Baka kasi may sipay. Hay! Nang ilang hakbang na lang ang layo ko mula sa gate ng apartment ay napahinto ako dahil sa kaluskos na nagmumula sa likod ko. May sumusunod ba sa akin? Pagpihit ng ulo ko para tingnan ang gawing likuran ko ay nanlaki ang aking mga mata dahil sa nakita ko. “Ikaw? Teka, sinusundan mo ba ako?” agad kong tanong matapos kong makita ang lalaking nagpanggap na pulis kanina. Saglit siyang tumigil sa kaniyang paglalakad, tila nagulat pa sa tanong ko ngunit agad naman siyang nakabawi saka namulsa at naglakad papalapit sa akin. “Ang assuming mo masyado. Hindi kita sinusundan.” “Sinungaling! Sinusundan mo ako, e!” “Hindi kita sinusundan. Bakit ba ang kulit mo?” “E, bakit nasa likuran kita kung hindi mo ako sinusundan?” “Anong masama roon?” Napairap ako at napabuga ng hangin dahil sa mga isinasagot niya sa akin. “Magsabi ka na nang totoo!” muli kong sigaw sa kaniya. “Ewan ko sa iyo.” Akma na sana siyang aalis pero natigilan siya nang muli ko siyang sigawan. “Stalker!” “Hindi ako stalker,” mabilis niyang tugon. “Huwag kang assuming, pakiusap.” Agad din siyang lumingon sa malaking bahay sa tapat namin sabay sabing, “Yan ang bahay ko, oh?” Napalunok ako. “Ano?” “Tsk.” Napaawang na lang ang bibig ko matapos niyang ituro ang malaking bahay na katapat ng apartment ko. Naramdaman ko rin ang kaniyang muling pagngisi sa likod ng kaniyang face mask bago niya ako tuluyang lagpasan at tinungo ang sinasabing niyang kaniyang bahay. “Ah. So kapitbahay ko ang masungit na lalaking ‘yon? Bakit ngayon ko lang napansin na may nakatira na pala roon? Tsk. Isang masamang kapitbahay!” Kinalma ko ang aking sarili saka tumingin sa itaas. Mas marami akong dapat pagtuunan nang pansin. Hawan noon ang kalangitan at kitang-kita ang mga bituin. Naging dahilan iyon para maalala ko ang mga bumabagabag sa akin. Bago pa man ako makapasok sa loob ng aking apartment ay biglang tumunog ang aking telepono. Sa sobrang saya ko sa pag-aakalang siya ang hinihintay ko ay nadismaya lamang ako nang makitang si Jayana ang nasa screen. “Oh, Jayana?” sambit ko makaraang masagot ko ang kaniyang tawag. “Bakit para kang nalugi sa boses mo? May nangyari ba?” Napabuntong-hininga pa ako bago ko siya muling sinagot. “Wala. Wala naman,” sagot ko. “May masungit lang akong nakasalubong sa daan.” “Is that Kyo?” tumatawang sabi niya na nakapagpatahimik sa akin. “Oy, Dasura? Nariyan ka pa ba?” Maraming taon na ang nakalilipas ngunit hindi nagsasawa ang tainga ko para pakinggan ang pangalan na iyon. “Jayana?” “Oh?” “Miss ko na siya,” halos walang buhay na sabi ko sabay buntong-hiningang muli. Tila nakahalata naman si Jayana kaya agad niyang binago ang tono ng kaniyang boses saka nag-aalalang nagtanong sa akin. “Wala ka pa rin bang balita sa kaniya?” Napailing ako. “Wala. Hindi ko alam. Parang may mali kasi. Parang may problema. Ewan ko, Jayana.” Sa loob ng matagal na panahong hindi ako umiiyak ay tila sabik ang mga mata kong gawin iyon. Oras na siguro para pakawalan ang mga ito. Habang nasa kabilang linya si Jayana ay hinayaan niya akong umiyak dahil sa naguguluhan kong isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD