“Tennessee, wala kang mask.”
Nakita ko pa kung paano nanlaki ang kaniyang mga mata matapos niyang kapain ang kaniyang mukha at mapagtantong wala nga siyang suot na mask.
Sa bilis ng pangyayari ay nagulat na lang rin ako nang bigla siyang lumapit sa akin. Dire-diretsong hinila niya ako papasok ng kanilang bahay kasunod ang iba pa.
“Tennessee, sandali! Ano’ng gagawin mo?” rinig kong usisa ng kaniyang kasama pero hindi niya iyon pinansin.
Pagkatapos saraduhan ni Tennessee ang pinto ng bahay ay pinalibutan nila ako. Nag-alis na rin ng mask sina Denmark, Wolf, at Vien. Nakita ko rin na lumapit si Quinn kasunod ni Tennessee na umuusok ang ilong sa galit.
Tinitigan nila ako, pinag aaralan kung isa ba akong threat sa kanila. Ngingiti na sana ako nang biglang sumigaw si Tennessee.
“Hoy babae! Bakit ka sumigaw kanina? Hindi mo ba naisip na baka may makarinig sa ‘yo? Nag-iisip ka ba, ha?”
Napapitlag ako dahil sa pagtaas ng boses niya. Bigla akong natakot dahil sa galit niyang itsura.
“Teka, Tennessee, tinatakot mo naman siya. Huwag kang sumigaw,” saway ni Denmark dito pero nanatili siyang bingi.
“Ano kasi...” Bigla akong nautal. Pakiramdam ko kasi ay kakainin niya ako nang buhay.
“Teka lang, Tennessee. Ano ‘to? Ano ba’ng nangyayari?” tanong ni Quinn na tumingin sa akin bago kay Tennessee.
Sa halip na sagutin ni Tennessee ang tanong ni Quinn ay tiningnan niya ako nang masama at pagkakuwa’y padabog na umalis at pumasok sa isang kwarto.
Napaupo ako pagkatapos. Nahihiya ako sa harap nila matapos akong sigawan ni Tennessee.
Bakit ba ang sungit niya?
“Pambihira talaga si Tennessee. Umagang-umaga, mainit ang ulo,” naiiling na sabi ni Quinn.
“Miss? Okay ka lang ba?”
Pag-angat ng aking ulo ay nakita kong nakaupo sa harapan ko si Denmark.
“Sorry. Hindi ko kasi alam. Masyado akong naging masaya nang makita ko kayo. Sorry talaga,” paghingi ko ng paumanhin sa kanila habang nakayuko.
“Iyon naman pala e. Ano ba kasi’ng problema ni Tennessee at biglang nagkagano’n?” nagtatakang tanong pa ni Quinn.
“Naku, okay lang ‘yon. Pagpasensyahan mo na si Tennessee at mukhang may topak e,” sambit naman ni Vien.
“Kakalipat lang din kasi namin dito. Nag-aalala lang ‘yon. Baka kasi may mga makakita sa amin,” saad pa ni Quinn.
Inangat ko ang aking ulo saka tumango.
“Naiintindihan ko naman. Pasensya na kayo. Masyado akong naging hindi maingat at nakalimutan kong hindi nga pala kayo ordinaryong tao.”
“Ha?” sabi ni Denmark. Nagkamot pa siya ng kaniyang ulo. “Tao rin naman kami e. Sintu-sinto nga lang. Ayos lang iyon.”
Bahagya akong natawa sa sinabi niya. Shouldn’t these guys be calling their manager or their company to bribe me? Iyon kasi ang kalimitang napapanood ko. I obviously made a little problem around one of their talents, hindi ba dapat patahimikin ako? Iyong tipong may malaking halagang suhol kapalit nang pagtahimik ko tungkol sa inasal niyang hindi maganda at sa katotohanan alam ko na narito lang sila.
But they were kind. Except him.
“Tama ‘yon. Pasensya ka na sa inasal ni Tennessee. Hayaan mo at babasagin ko ang itlog niya,” biro pa ni Vien kaya mas lalo pa akong natawa.
“Pero sabi mo, nakita mo si Tennessee kagabi? Nagkita kayo?” usisa bigla ni Denmark.
Bigla ko namang naalala kung ano ang nangyari kagabi.
“Boys?”
Nanliit ang aking mga mata, sinisipat ko kasi kung sino iyong nagsalita ngunit napansin kong nakasuot siya ng itim na face mask at nakasuot din ng sombrero.
“Sino ka ba, ha?” pagmamatapang na bulyaw noong bata roon sa lalaki.
“Pulis,” maikli at agad na tugon noong lalaki saka namulsa.
Nakita ko namang nag-panic ang mga bata saka nag-unahan sa pagtakbo palayo.
“Hoy pulis daw!”
“Hala, tara na!”
“Takbo!”
Napangisi na lamang ako dahil doon. Pailing-iling pa ako habang pinanonood ang batang iyon na kumakaripas nang takbo palayo.
Bahagya akong ngumiti. “Siya kasi iyong nagpanggap na pulis kagabi dahil kinukuyog ako ng mga batang hamog pagkalabas ko ng convenient store. Hindi ko alam na siya iyon hanggang sa makita ko kayo ngayong umaga,” sagot ko.
“Pulis?” hindi makapaniwalang sambit ni Denmark. “Grabe talaga ang mga galawan ni Tennesse ngayon!”
“Tagasaan ka ba, Miss? Ihahatid ka na namin. Sorry sa abalang ginawa ni Tennessee.”
Agad naman akong napatayo at iwinagayway ang aking kamay bilang pagtanggi sa sinabing iyon ni Wolf.
“Naku, hindi na. Salamat sa inyo. Kapitbahay ninyo ako. D‘yan lang sa tapat ang tinutuluyan ko.”
Nakita ko ang pagngiti nila habang nakatingin sa akin.
“Hindi ba tayo magpapakilala?” suhestiyon ni Denmark na nakatingin sa tatlo pa niyang kagrupo. Nang tumango sila ay muling lumingon sa akin si Denmark.
“Ako si—”
“Ikaw si Denmark. Ikaw si Vien, Wolf at Quinn. Tapos iyong masungit ninyong kagrupo ay si Tennessee,” sabi ko. Dagdag ko, “Pasensya na ulit. Hindi ko kasi napigilan ang sarili ko kasi fan ninyo ako e. Fan po talaga ako ng Epilogue at hindi naman ako masamang tao. Mauna na ako. Lalabas na ako. Promise, hindi ako mag-iingay. Pasensya na ulit,” nakangiwi kong sambit saka nagpaalam sa kanila.
Bago pa man ako makalabas nang tuluyan ay biglang nagsalita si Denmark na ikinakabog ng dibdib ko.
“Miss, ano’ng pangalan mo?” tanong niya sa akin kaya pumihit ang ulo ko para tingnan siya.
Proud ako sa sarili ko dahil kalmado ako sa kabila ng katotohanang kaharap ko ang mga lalaking ito.
“Oo nga. Para naman malaman namin kung ano’ng pangalan ng kapitbahay namin,” pagsang-ayon ni Quinn.
“Dasura. Ako si Dasura,” maikli kong tugon saka ngumiti.
“Sige, Dasura. Pasensiya ka na ulit kay Tennessee,” nakangiting saad pa ni Denmark.
Nang makalabas na ako ng bahay nila ay hindi ko mapigilang hindi mapangiti at mapatalon dahil sa kilig.
Agad kong tinawagan si Jayana nang makabalik ako sa apartment para ibalita kung ano’ng nangyari.
“Dasura? Ano’ng—”
“Jayana! You wouldn’t believe me!” halos pumiyok na sambit ko sa telepono habang nagtatatadyak sa kama.
“Ha? Ano?”
“Guess what?”
“Gaga! Sabihin mo na!”
“Kapitbahay ko ang Epilogue!”
“Ano?” bulalas niya. “You mean, the boyband that made you head over heels? No way, Dasura.”
“It’s for real! And you know what? Napakasungit talaga ni Tennessee!”
“Hindi ako naniniwala.”
“I have proofs.”
Rinig na rinig ko ang pagtili ni Jayana sa kabilang linya bago siya muling nag-usisa sa akin. Simula kasi nang ipakilala ko sa kaniya ang Epilogue ay naging fan na rin siya nito.
“Paano nangyari iyon? I mean, I should go there!”
“Hindi ko alam. Basta kanina, naroon ako sa bahay nila tapos...”
Napanguso naman ako at napasimangot pa nang maalala ko si Tennessee.
“Tapos?”
“Tennessee kinda resembles Kyo. Ang sungit niya,” sabi ko. “I really miss the way he nags at me.”
Pagkatapos niyon ay kapuwa tumahimik kaming dalawa ni Jayana.