As soon as my hand touched his arm, parang ako iyong nakuryente. Pero dahil ito na ang pagkakataon para makausap ko siya ay ipinagwalang-bahala ko na lamang iyon.
Dahan-dahan ay bumalik si Tennessee sa pagkakaupo niya sa tabi ko habang nakahiga ako at nakahawak pa rin sa kaniyang braso.
“Ano?” malamig niyang tugon. Dahan-dahan naman akong bumangon nang hindi siya binibitawan.
“Ang sweet mo sa parteng kinukumutan mo ako pero bakit ang sungit mo na naman ngayon?” agad kong tanong.
Napabuga siya ng hangin dahil sa aking tanong. Was I too straightforward? Aalis na sana siya nang muli ko siyang pigilan.
“Bitiwan mo na ako,” utos niya pero hindi ko siya pinakinggan.
Napanguso ako. “Ano kasi...”
“Umuwi ka na. Huwag ka nang matulog dito sa sala.”
“Tennessee... kasi...”
“Ano? Bitawan mo na ako’t umuwi ka na. Puro lalaki kami rito at hindi magandang natutulog ka sa bahay ng mga lalaking hindi mo naman kilala,” naiinis pa niyang sabi.
Tiningnan ko siya. Hindi man ganoong kaliwanag sa loob ngunit sapat na iyong ilaw mula sa karaoke TV para makita ko ang nakakunot niyang noo.
“Hindi kilala? Kilala ko kaya kayong lima,” sambit ko. “Pasensya na pala at nakatulog ako dahil sa wine.”
“Bakit ka pa kasi uminom?” tila nanenermon na sabi pa niya. “Umuwi ka na.”
Nang tangkain na niyang alisin muli ang aking kamay sa kaniyang braso ay nagsalita ako ulit.
“Samahan mo akong umuwi!”
Saglit siyang natigilan dahil sa aking sinabi. Ganoon din naman ako. Agad akong napalunok. Nakabawi rin naman agad siya kaya muli ko siyang narinig na magsalita.
“Anong sabi mo?” tanong niya na tila hindi makapaniwala.
Lumingon ako sa sala at nakita kong tulog na tulog pa rin iyong apat.
Tumingin ulit ako kay Tennessee saka ko sinabing, “Tulog na sila. Ikaw na lang ang gising.”
“Ano naman kung ako na lang ang gising?” aniya sabay lingon sa mga kasama naming tulog.
Sinipat ko ang aking relo at nakita kong pasado alas dose na. Dagdag ko pa, “Nakakatakot na lumabas.”
“Ang lapit lang ng bahay mo. Ano’ng nakakatakot doon?” naiinis na sabi niya.
“Nakakatakot nga kasi...”
Para akong bata, alam ko. Totoo namang nakakatakot na lumabas ng ganitong oras kahit pa nasa kabilang kalsada lamang ang aking tinutuluyan.
Saglit siyang tumahimik. Nakatingin lang siya sa akin saka bahagyang sumulyap sa kamiyembro niya.
Hindi rin ako nagsalita. Mga paghinga lamang namin ang naririnig ko. Napahawak ako nang mahigpit doon sa kumot sa pag-aakalang wala siyang pakialam sa sinabi ko. Babawiin ko na sana iyon nang bigla naman niyang binasag ang katahimikan sa pagitan namin.
“Tumayo ka na. Ihahatid na kita,” mabilis niyang sabi.
Tumayo na siya saka tumalikod. Dahil sa gulat ay hindi agad ako nakatugon sa kaniyang sinabi. Parang awtomatikong may humampas sa dibdib ko dahil sa kabog niyon. Hindi ko rin naman kasi inaasahang papayag nga siyang ihatid ako.
“Ano na? Magpapahatid ka pa ba o hindi?”
Bahagya akong nagulantang sa kaniyang boses kaya agad akong napatayo. Ang sungit talaga.
“Heto na. Tatayo na nga ako,” sabi ko saka hinawi ang g**o-g**o kong buhok.
Sinundan ko siya hanggang sa makalabas kami ng pinto. Nauuna siya sa paglakad kaya nang bigla siyang huminto ay nabunggo ako sa kaniyang likuran.
Letse. Ang epic. Bato ba ang likod niya?
“Sorry,” mahinang sabi ko.
Hindi siya nagsalita bagkus ay nagdiretso na siya sa paglalakad palabas ng gate. May ilaw sa labas at nagmumula iyon sa mga poste ng ilaw sa kalsada.
Tahimik naman akong sumunod sa kaniya hanggang sa makarating na rin kami sa gate ng apartment na tinutuluyan ko.
“Bakit ba pareho sila?” naibulong ko na lamang sa aking sarili nang maalala ko kung gaano sila nagkakapareho ni Kyo.
“Sino?”
“Ha?”
Pagtunghay ng aking ulo ay hindi ko na namalayang nakaharap na pala sa akin si Tennessee at nakatingin.
“Sino’ng kapareho ko?” ulit niya.
Agad akong napatakip sa aking bibig nang mapagtanto kong narinig pala niya ang aking sinabi. Umiling ako pagkatapos.
“I couldn’t be the same with any person you’re talking. Kung sino man ang sinasabi mo, hindi kami pareho,” aniya.
No. Tennessee reminded me of Kyo so much. Napahugot ako ng isang malalim na paghinga.
“Wala. Mali ka lang ng narinig,” pagtanggi ko habang hindi makatingin sa kaniya.
“Pasok na.”
Doon ko lang ulit naramdaman ang hinahon ng kaniyang boses. Agad naman akong napalingon sa kaniya saka tumango at naglakad patungong gate ng apartment.
Nang makapasok na ako sa gate ay naroon pa rin siya sa labas, nakatayo lang at nakatingin sa akin.
“Tennessee?”
“Oh?”
Quick change. Napakabilis magpalit ng mood!
“Pwede ka nang bumalik. Salamat sa paghahatid sa akin,” pagpapasalamat ko sa kaniya pero bahagya lang siyang tumango.
Dahan-dahan akong tumalikod saka nagsimulang maglakad patungo sa pinto ng bahay. Ngunit bago pa man ako tuluyang makapasok sa loob ay tinawag niya ang pangalan ko.
“Dasura...”
Dahilan iyon para kumabog na naman nang malakas ang aking dibdib. Letse talaga! Bakit ba ako kinakabahan sa kaniya? Dahan-dahan ay nilingon ko siya.
“Happy birthday ulit,” sabi niya, “kahit late na.”
Bigla akong nakaramdam ng saya dahil sa sinabi niyang iyon. Tila nahihiya pa siya dahil hindi siya makatingin ng diretso sa akin.
“Salamat,” tugon ko saka palihim na napangiti.
Tumango lang ulit siya saka tumalikod at bumalik na sa kaniyang bahay. Kinilig ako roon at hindi ko itatanggi iyon. Sana ganoon na lang siya lagi.
Masaya akong pumasok sa loob ng apartment dahil sa wakas ay huminahon na si Tennessee. Hindi ko maalis sa mukha ko ang ngiti ko dahil bukod sa katotohanang sila ang Epilogue na nakasama ko sa birthday ko, I made Tennessee calm down for a short while.
Crush at bias ko si Denmark sa Epilogue pero mukhang mas nakukuha na ni Tennessee ang atensiyon ko, naisip ko saka tuluyang pumasok sa loob.