HINDI alam ni Donita kung kukutusan ang kapatid o matutuwa sa sinabi nito. Nalaman niya mula rito na gawa-gawa lang ng mga ito ang kwentong iyon para mapauwi siya. Kasabwat nito ang Mommy nila at sina Nanay Cora at Tatay Gilbert. Pakiramdam niya ay napagkaisahan siya ng mga ito ngunit hindi niya magawang magalit sa mga ito.
“‘Nay, ‘Tay, bakit niyo naman kinunsinti ang kabaliwan ng babaeng ito? Nag-alala ako ng husto sa inyo. Halos atakihin na ako sa puso nang malaman kong may malubha kayong sakit, ‘Tay, eh. Kung gusto ninyo ako mapauwi, huwag naman sa ganitong paraan.”
Hindi niya mapatigil ang mga luha niya habang kaharap ang mga ito. Unang-una ay dahil sa sobrang na-miss niya ang mga ito. Ang ikalawa, ewan niya kung dahil sa relief na wala itong sakit o sa paghihimutok niya sa pagsisinungaling ng mga ito sa kanya.
“Anak, hindi na kasi naming alam ang gagawin para mapauwi ka. Miss na miss ka na namin.”
“Pasensya na, anak. Alam kong magagalit ka pero noong sinabi ng mommy mo na ayaw mo nang bumalik dito ay nalungkot ako. Kami ng Nanay Cora mo. Maano bang dalawin mo kami rito paminsan-minsan.”
“Saka huwag mo na akong sisihin, Ate. Ginawan na nga kita ng pabor, eh. At saka, doktor ka sa puso, wala kang sakit sa puso. Well, partly ay meron...”
Binato niya ng masamang tingin ang kapatid niyang nakasandal sa hamba ng pinto nila. Silang tatlo nina Nanay Cora at Tatay Gilbert ay nakaupo sa sofa. Pinapagitnaan siya ng mga ito habang nakayakap siya sa tiyuhin.
“Ano namang pabor, aber? Kaya n’yo naman akong mapauwi nang walang ganitong dahilan, eh! Saka tigilan mo na nga iyang puso-puso na iyan. Hindi ko makakain ‘yan.” Pinahid niya ng tissue ang mga luha niya.
Naiikot na lang nito ang mga mata. Mabuti na lang at hindi ito nagsasalita ng anumang tungkol kay Grendle sa harapan ng mga itinuring na magulang nila.
Suminga siya sa hawak niyang tissue. Nang mapansing lasug-lasog na iyon ay ibinato niya iyon sa trash can at kumuha ng panibago sa tissue box na ibinigay ng kapatid niya. Alam na daw nito na may iyakang magaganap. Pero siya lang ang umaatungal ng iyak dito!
“Patawad, anak.” Niyakap siya ni Nanay Cora. “Gusto ka lang naming makasama ulit. Sana nga ay dumito ka na. Marami namang ospital dito sa Pilipinas. Hindi mo kailangang makipagsapalaran sa ibang bansa tulad ng iyong ina. Matanda na kami.”
Nabagbag ang damdamin niya sa sinabi nito. Paano siya magagalit sa mga ito? Walang ginawa ang mga ito kundi ang mahalin at alagaan siya noon. Kahit nga nasa ibang bansa niya ay dama niya pa rin ang pag-aaruga at pagmamahal ng mga ito. Siya pa nga ang walang utang na loob at basta na lang pinabayaan ang mga ito dahil lang sa nasaktan siya sa pag-ibig.
“‘Nay, pasensya na rin po kung hindi na ako nakauwi. Naging busy lang po ako sa Canada. Pero hindi rin naman po ako pwedeng manatili rito. Sayang po ang trabaho ko sa abroad. Malaki po ang sahod doon at—”
“Iyon ba talaga ang dahilan, anak?”
Nabigla siya sa tanong nito. “Ano bang sinasabi ninyo, ‘Nay? Natural iyon ang dahilan.”
“Sigurado kang hindi dahil kay Grendle kaya ayaw mo nang umuwi rito at manatili?”
Hindi siya kaagad nakasagot. Narinig na naman niya ang pangalang iyon. Wala bang ibang gagawin ang mga kakilala niya kundi ipaalala ito sa kanya?
Hindi mo rin naman siya nakalimutan kahit milya-milyang ang layo ninyong dalawa, anang maliit na tinig sa isipan niya.
She told that voice to shut up.
Waring napansin ni Tatay Gilbert ang pagtahimik niya kaya palihim na kinalabit nito ang asawa. “Cora, pagpahingahin muna natin ang anak natin. Pagod siya sa biyahe. Magluluto ako ng paborito mo, anak, ngayong hapunan, ha? Magpahinga ka ng mabuti.”
Tumango na lang siya. Inihatid pa siya ng mga ito sa dating silid niya. Naiwan ang kapatid niyang abala sa pagkalikot sa cellphone nito.
“SWEETIE, kailan ka ba ulit pupunta sa condo? Nami-miss na kita.”
“Wala akong panahon ngayon. May nire-record kaming bagong kanta.”
Inilipat ni Grendle sa kabilang tainga niya ang cellphone. Awa ng Diyos ay nakalusot siya sa ilang fans na nasa labas ng building ng Davies Entertainments. Ang hindi niya malusutan ay ang babaeng nasa kabilang linya. That was Eliza Drillon. Isa itong papasikat na artista, maganda at sexy pero habang tumatagal ay hindi na niya nagugustuhan ang ugali nito.
Dumeretso siya sa elevator.
“Kaya ba hindi mo na rin nasasagot ang tawag ko ay dahil sa pagka-busy mo, hmm?” malambing na sabi nito.
Hindi. Iniiwasan lang talaga kita. “Yeah. ‘Sorry for that.”
“It’s alright. Alam ko naman kung gaano kayo ka-busy. Kayo yata ang pinakasikat na banda sa bansa! Isasama ba kayo ng MQTV sa pagpunta nila sa Dubai next month? Isama mo na ako para magkaroon tayo ng panahon together,” ungot nito. Noontime show ang nabanggit nito sa isang TV station.
Napabuntong-hininga siya. Pinagbibigyan niya lang ang mga kapritso nito para hindi siya nito parating guluhin. Siguradong nagsawa na ito sa pagpapasikat sa bracelet na binigay niya rito kaya nagpaparamdam na naman ito sa kanya. Binigyan niya lang naman ito ng bracelet dahil inayawan iyon ng nobya ng mga kaibigan niya. Sample iyon ng bagong produktong iniendorso ng kumpanya ng pamilya nila na nadala niya sa mga gig nila. Nang mairita sa palagian niyong pagsabit sa kamay niya tuwing hahalughugin niya ang bag ay naisipan na niyang idispatsa iyon. Si Eliza nga ang napagbigyan niya.
“Sure. Kung isasama kami ng MQTV.” Tatanggihan nila ang alok kung sakali. Bumukas ang elevator. “I have to go. Bye.”
“Wait, Gren—”
Naputol na niya ang tawag na iyon. Gumawa siya ng reminder sa utak niya na magpapalit na siya ng numero. Hindi niya gusto ang ugali ng babae. Masyado itong clingy at demanding. Ang pakinabang lang nito sa kanya ay sa personal na pangangailangan niya bilang lalaki.
Nasa loob na ng recording studio ang apat pang myembro ng banda niyang The Rebel Slam nang pumasok siya roon. Dumako sa kanya ang mga mata ng mga ito pero tuloy-tuloy lang siya sa upuang nakalaan para sa kanya.
“Guess whose back?” maya-maya’y malakas na sabi ni Clyde.
Napatingin siya sa nakangising si Clyde. Kapiling nito ang drumset nito at humahampas ng mahihinang beat. Sa nakalipas na mga taon, wala pa ring pagbabago rito.
“Na-late lang ako ng ilang minuto, Clyde. Huwag kang OA.”
“Hindi naman ikaw ang tinutukoy ni Clyde, eh,” wika ni Aser na hawak ang bass guitar nito.
Napakunot-noo siya. “Sino?”
Nagkatinginan ang mga ito at nagngitian ng makahulugan. Pagkatapos ay sabay-sabay na ibinalik ang paningin sa kanya. Parang hindi niya gusto ang nababasa niyang kalokohan sa mga mukha nito nang magsingisihan ang mga ito. Si Kyle lang ang nananatiling tahimik at abala sa pagkutingting sa gitara nito. Sa kanilang lima, ito ang masasabi niyang pinakanagbago.
“Ilibre mo muna ako ng Fererro bago ko sabihin sa ‘yo,” sabi ni Clyde.
“Chocolates, dude? Ang bakla mo talaga.” Bumaling sa kanya si Mackey. Kaharap nito ang keyboard nito. “Ako, sportscar lang. Masaya na ako, dude Gren.”
“Pilitin mo muna kami bago namin sabihin,” wika naman ni Aser.
Napabuntong-hininga siya at dinampot ang sarili niyang gitara. Naiintindihan niya si Kyle kung bakit mas gusto nitong kausap ang gitara nito. “Eh ‘di, ‘wag.”
“Dude, you’ll pay millions for this information. Come on!”
“‘Tol, hindi ka maniniwala. Tsk.”
“Huwag na nga nating inisin si GJ at baka hambalusin tayo ng gitara niyan.”
Eksaheradong nginisihan niya si Aser na siyang huling nagsalita.
“But, before that, kailangan mo muna kaming bayaran ng milyon—”
“She’s back.”
Kunot-noong nilingon niya si Kyle. Nag-angat ito ng paningin sa kanya. Kung wala lang silang pagkakapareho minsan sa ugali, matatakot siya sa tingin nito. It was blank and colder. Pinanindigan na yata ng kaibigan nilang ito ang pagiging Ice Prince.
Who’s back?
Hindi niya magawang isaboses rito ang tanong na iyon. Ewan. Bigla na lang siyang nagkaroon ng idea kung sino ang tinutukoy nito.
“‘Tol Kyle, ‘wag ka namang panira ng pagkakaperahan. Malapit nang ibigay sa amin ni Grendle ang bagong Ferrari niya, eh.”
“Sasabihin niyo lang naman na dumating na si Donita. Pinapatagal niyo pa. Tsk.” Ibinaling nitong muli ang pansin sa gitara nito.
“You’re so heartless like ever,” komento rito ni Aser.
“Bigla akong nanginig do’n, dude!” Nagkunwari pang nanginginig si Mackey habang yakap ang sarili.
Siya naman ay hindi kaagad nakapag-react. He had the hint of whom they’re talking about but it’s still different when they confirmed it.
So, after nine years, she finally came back. Hindi niya alam kung matutuwa siya.
Inilipat niya ang paningin sa mga song sheets na nasa stand at ipinakita sa mga itong balewala iyon sa kanya. Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa na sa kabila ng ginawa sa kanya nito dati ay bumibilis pa rin ang t***k ng puso niya sa tuwing nababanggit ang pangalan nito. Asar na pinayapa niya ang emosyon. Wala na dapat siyang nararamdamang kahit na ano sa babae. That girl, who hurt him so badly, broke her promises and left him... just like what his mother did to him.
“Seen,” naiiling na sabi ni Mackey.
“Wala ka man lang bang sasabihin d’yan, GJ? Pwedeng mag-react. Alam naman naming hindi ka kasingbato ni Kyle.”
“Huwag niyo akong idamay d’yan.”
“‘Tol, pwede mo kaming arkilahin para samahan kang puntahan siya.”
Inihinto niya ang pagbuklat sa song sheet sa isang kanta at tinipa iyon. “Why would I do that? Tapos na sa amin ang lahat nine years ago pa. Hindi porke’t bumalik siya, babalik din sa dati ang lahat.”
Dahil hindi na babalik ang lahat katulad noon.