┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈
"Why do you look so down? Is something on your mind? You seem troubled, do you want to talk about it?" Tanong ni Amore kay Mary habang pinagmamasdan ito. Halatang may iniisip ang kaibigan nila dahil sa malalim na titig nito sa labas ng bintana ng coffee shop. Kasama nila ngayon si Celestina at si Nosgel, at kahit na masaya ang ambiance ng café at naaamoy aroma ng freshly brewed coffee sa hangin... naririnig ang mahihinang tunog ng mga porselanang tasa na inilalapag sa lamesa, at ang mga tao sa paligid ay mukhang chill lang sa pag-inom ng kanilang kape... halatang si Mary lang ang hindi makasabay sa good vibes. Nakabusangot lang ang mukha nito na tila ba pinagtaksilan ng kanyang nobyo.
Hindi naman sumagot si Mary sa tanong ni Amore. Nanatiling nakapako lamang ang tingin ni Mary sa isang restaurant na katapat lang ng coffee shop. Halos hindi na niya napapansin ang iniinom niyang caramel macchiato na unti-unti nang lumalamig. Napansin ito ni Nosgel at Celestina, kaya nagpalitan sila ng tingin ni Amore, nag-aalalang baka may mabigat na problema si Mary dahil kanina pa ito tahimik na tila ba naiiyak na.
"Okay ka lang ba?" Tanong ni Celestina. Saglit siyang nilingon ni Mary pagkatapos ay ngumiwi ito na akala mo ba ay may malaking problema. Pagkatapos ay muling nilingon muli ang fancy restaurant na nasa tapat lang nila.
"Si kuya mo talaga, Celestina! Ang playboy niya sobra! Nakakainis!" Biglang sabi ni Mary na may halong inis at frustration sa boses niya. Nagulat naman si Celestina at tinignan nila kung saan nakatingin si Mary. Mula sa glass wall ng isang fancy restaurant ay kitang-kita si Trenz at ang isang napakagandang babae na nakaupo sa pandalawahang table. Ang kasama nitong magandang babae ay mukhang nasa mid-twenties, maganda, sophisticated, at mukhang nag-eenjoy sa usapan nilang dalawa. Mukhang masaya silang dalawa habang kumakain, nagbubulungan pa at may halong pagngiti na parang walang ibang tao sa paligid nila sa loob ng restaurant.
Natawa si Celestina nang makita niya ang kuya niya at isang magandang babae. Hindi naman niya ito kilala, at wala din naman binabanggit si Trenz sa kanya tungkol sa babaeng kasama nito. Pero imbes na makisabay sa inis ni Mary ay huminga lang ito nang malalim at marahang inikot ang tinidor sa cheesecake na nasa plato niya.
"Baka naman business meeting lang 'yan, Mary. Ang dami niyang meetings ngayon, kaya baka isa lang 'yan sa mga lunch meetings niya." Sagot ni Celestina nang kalmado habang nilalaro ng tinidor ang cheesecake na hindi pa niya nababawasan.
Pero nagulat siya ng biglang inagaw ni Mary ang plato niya! Hindi lang 'yon, pati tinidor na hawak niya, kinuha rin nito kaya napatingin siya s akanyang kaibigan. Hindi pa naman niya ito nakakain, pero syempre ay gusto niya itong kainin, 'yun nga lang ay kinuha na ito ni Mary.
"Akin na lang 'to, ubos na ang sandwich ko. Nai-stress ako masyado sa kuya mo! Naiinis ako sa kanya." Mariing sabi ni Mary habang sinusubo ang malaking piraso ng cheesecake na dapat ay kay Celestina. Halos maluha-luha pa ito, pero tuloy-tuloy lang sa pagnguya, 'yung tila ba gusto rin niyang lunukin ang sama ng loob niya at ang inis para mawala na ito.
Napatigil naman sina Amore at Nosgel sa pagkain ng kanilang pasta. Halos sabay nilang tinulak ang plato nila sa harapan ni Mary, parang gustong ipaalam na kung gusto nitong kumain para mawala ang stress, sige lang, kuhanin na rin nito ang kanilang pagkain.
"Uy, baka naman kulang pa 'yan, Mary. Hayan pa, sa'yo na rin itong pasta ko, baka sakaling mawala 'yang stress mo." Natatawang sabi ni Nosgel. Bigla namang ibinaling ni Celestina ang ulo niya patalikod at saka ito simpleng natawa.
"Sa'yo na rin ang pagkain ko, Mary. Baka gutom lang talaga 'yan, hindi stress." Sabi naman ni Amore kaya napatayo na si Celestina at nagtungo sa isang sulok at tumawa ng tumawa. Napatingin tuloy sa kanya ang kanyang mga kaibigan.
"Order pa kayo, kukulangin tayo nito, eh!" Sabi ni Mary.
Dahil sa sinabi ni Mary ay lalo lang napasubsob si Celestina sa pagtawa sa sulok, halos hindi na makahinga sa kakatawa. Napatingin tuloy sa kanya sina Mary, Amore, at Nosgel, nagtataka kung anong nangyayari sa kanya. Pero imbes na sumagot, itinaas lang ni Celestina ang isang kamay niya na tila ba hudyat na huwag na muna siyang kausapin dahil baka lalo lang siyang matawa.
"Problema mo? Ikaw yata ang kailangang kumain." Inis na sabi ni Mary.
Paglingon muli ni Mary sa katapat na restaurant ay nagulat siya ng makita niya na nakatingin na sa kanila si Trenz. Nanlaki pa ang mga mata niya at bigla siyang napatingin sa kanyang mga kaibigan.
"Ces, nakita na tayo ng kuya mong playboy." Sabi ni Mary at hindi malaman kung tatayo ba para umalis na sila o kakainin pa niya ang mga pagkaing nasa harapan niya.
Muli niyang nilingon si Trenz at nagulat ito ng bigla itong tumayo at iniwan ang babaeng kasama nito, pagkatapos ay lumabas ng restaurant at tumawid.
"Oh my god, oh my god, Ces! Papunta dito ang kuya mo!" Nanlalaki ang mga mata na sabi ni Mary habang hawak ang kanyang tinidor. Kitang-kita ang kaba sa kanyang mukha, pero sa halip na mag-panic, natawa lang si Celestina at saka napatingin sa pintuan ng café na kasalukuyang bumubukas. Dumaan ang malamig na simoy ng hangin mula sa labas, sabay sa pagpasok ng isang pamilyar na pigura... si Trenz na gwapong-gwapo sa suot nitong three piece suit.
Si Mary naman ay nagpatuloy lang sa pagkain at nagpapanggap na walang pakialam, pero sa totoo lang ay mabilis na tumitibok ang kanyang puso. Pero nagulat siya ng biglang naupo si Trenz sa tabi niya at mahinang tumawa, pagkatapos ay tinignan ang mga plato na nasa ibabaw ng table at lahat ay nasa harapan ni Mary.
"Ang dami mo namang pagkain. Hindi naman kaya nakakahiya sa mga kasama mo na ikaw lang ang kumakain?" Bulong ni Trenz, bahagyang nakangisi habang sinusulyapan ang mga plato sa harap ni Mary.
"Ano ba ang pakialam mo? Stress ako at naiinis kaya sa pagkain ko binubuhos, and F Y I... sila ang naghatid niyan sa harapan ko at hindi ko hiningi." Inis na sagot ni Mary kaya muling natawa si Trenz.
"Kanina pa kayo dito? So, pinapanood mo ako sa tapat ng restaurant?" Tanong nito, muntikan na tuloy maibuga ni Mary ang laman ng kanyang bibig. Pero syempre ay hindi siya nagpapahalata at hindi niya aaminin kay Trenz na kanina pa niya ito pinagmamasdan. Agad niyang tinaasan ng kilay si Trenz at saka niya ito tinarayan.
"Hindi, noh! Pakialam ko naman sa inyo. Hindi ko nga alam na may kalingkisan kang sawa na magaling pumulupot na mukhang tuko, noh!" Sagot niya kaya natawa ang kanyang mga kaibigan at maging si Trenz ay bahagyang natawa, pagkatapos ay bahagya niyang piniga ang ilong ni Mary, at saka niya pinunasan ng hinlalaki ang kaunting cheesecake na nasa gilid ng bibig nito, pagkatapos ay saka niya dinilaan ang kanyang daliri. Nagtilian naman sila Amore dahil sa ginawa ni Trenz.
Muling natawa si Trenz at saka ito humarap kay Celestina na nakaupo din sa tabi niya. Ngumiti naman sa kanya si Celestina at saka inayos ang buhok ni Trenz.
"Kakalingkis sa'yo ng babaeng 'yon kaya ayan at gulo-gulo na ang buhok mo." Sabi ni Celestina sa kuya niya. Natawa naman ito bago nagsalita.
"Kailan ang travel mo pabalik ng England?" Tanong niya, sabay hagod sa buhok ni Celestina.
"Isasabay na kita, kailangan kong bumalik ng England next week. May mga trabaho akong dapat na asikasuhin sa England." Muli niyang sabi at ngumiti. Sasagot na sana si Celestina, pero bago pa siya makapagsalita ay biglang may humila ng kanyang buhok.
Nagulat ang lahat, sabay-sabay silang napatingin sa babae na ka-date ni Trenz. Galit na galit ang babae habang mahigpit na hinihila ang buhok ni Celestina.
"Haliparot ka! Pati nobyo ko, nilalandi mo!" Sigaw nito, puno ng poot ang mukha habang si Celestina ay pilit na binabawi ang kanyang mahabang buhok.
Saglit na tumigil ang mundo ni Trenz dahil sa sobrang pagkabigla sa nangyari. Pero isang segundo lang ang lumipas at agad na kumilos si Mary. Walang pag-aalinlangan na agad niyang dinaklot ang isang plato ng pasta mula sa mesa at diretsong inihilamos sa mukha ng babae kaya nabitawan niya si Celestina. Wala itong kamalay-malay na sinaktan niya ang kapatid ni Trenz.
"Ano ngayon? Ikaw ang totoong haliparot!" Galit sabi ni Mary, habang ang babae naman ay napaatras, hindi alam kung uunahin bang punasan ang mukha o sumugod ulit. Si Celestina naman ay agad na niyakap ni Trenz at makikita sa mukha ng binata ang matinding galit na nararamdaman niya.
Susugod naman sana si Amore at Nosgel, pero bago pa sila makagalaw ay biglang itinulak ni Mary ang babae kaya natumba ang babae at bumagsak sa sahig. Bigla siyang inupuan ni Mary sa tiyan at saka sinampal sa mukha. Hindi 'yon ang ininda ng babae... gusto lang niyang itulak si Mary dahil sa payat niya ay hindi siya makahinga.
"Baliw kang babae ka! Maling-mali ka ng kinalaban mo!" Sigaw niya, hindi alintana ang mga tao sa paligid na nagsimula nang magbulungan at maglabas ng cellphone para i-video ang eksena.
Nilapitan ni Trenz si Mary at pilit itong itinayo, pagkatapos ay saka pa lang nakawala ang babae. Nagmamadali itong tumayo at akmang yayakapin si Trenz, pero isang sampal ang dumapo sa mukha niya.
"Sino ang nagbigay sa'yo ng karapatan na saktan ang kapatid ko?" Galit na galit ito habang kinukuha ang kamay ni Celestina, at pagkatapos ay inayos niya ang buhok nito. Gulat na gulat naman ang babae dahil sa kanyang narinig. Halos hindi makapaniwala na nasaktan pala niya ay kapatid ni Trenz.
"H-hindi ko alam, oh god, I am so sorry." Sabi ng babae at akma itong lalapit kay Trenz pero itinulak siya nito palayo.
"I never want to see your face again, do you understand? And just to be clear... I am not your boyfriend. There is nothing between us, and you know that." Galit na sabi ni Trenz at saka niya inalalayan si Celestina upang makalabas ng coffee shop.
Si Mary naman ay galit na nakatitig sa babae na nagugulantang pa rin. Nakalabas na sila Trenz, pero nananatiling nakatayo si Mary, tila ba handa na ulit ito na sunggaban ang babae at ibalibag sa bawat sulok ng café. Humakbang si Mary ng ilang hakbang papalapit sa babae, pero natigilan siya lalong-lalo na ang babae ng bigla siyang hawakan ni Trenz sa kamay at saka ito iginiya palabas. Ngumisi siMary sa babae at saka niya ito binelatan.
"Ewe! Nakakahiya ka Trenz! Seryoso ka?" Sigaw ng babae, pero sa halip na patulan ni Trenz ay binalewala na lamang ito habang si Mary ay kumekendeng-kendeng papalabas.
Nang makarating sila ng parking lot ay binitawan na siya ni Trenz pagkatapos ay humarap ito kay Celestina at muling ineksamin ang kanyang kapatid.
"Okay ka lang ba?" Tanong niya. Isang simpleng ngiti ang gumuhit sa labi niya at saka nagsalita.
"Pasalamat siya naunahan niya ako dahil kung nakawala agad ako, hindi lang pasta ang nasa mukha niya. Ilulublob ko siya sa inodoro." Galit na sabi ni Celestina sabay flip ng kanyang buhok, nagkatawanan tuloy ang kanyang mga kaibigan. Dumating naman si Cairo at Ellijah na kasama nila sa loob ng restaurant, pero walang kaalam-alam sa nangyari sa coffee shop dahil busy sa mga waitress na nilalandi nilang dalawa. Napansin na lang nila na wala na ang dalawa sa table ng mga ito kaya mabilis silang lumabas ng restaurant, at pagtingin nila sa tapat ng restaurant ay duon pa lang nila nakita si Trenz.
"Ano ba ang nangyari?" Tanong ni Cairo. Sa inis ni Trenz ay pinitik niya sa ilong ang dalawa niyang kaibigan kaya nagkatawanan sila Celestina.
"Umuwi na kayo. Huwag ninyong pababayaan si Mary at mukhang nabitin sa kinakain niya." Sabi ni Trenz sabay tawa ng mahina. Inis naman siyang tinaasan ng kilay ni Mary.
"Stress lang ako!" Inis niyang sabi kaya ang lakas ng pagkakatawa ng kanyang mga kaibigan.