CHAPTER NINE *BHL: Denial*

1938 Words
"Paris alam kong hanggang ngayon dinaramdam mo pa rin ang pagkawala ng mga magulang mo pero nandito ako, handa ako na maging magulang mo para protektahan ka..." Hindi maitatago ang lungkot sa boses ng kaniyang tita Luming. Kasalukuyan itong nagluluto sa kusina at pinapanood naman ito ni Paris Nag-iisa nalang din sa buhay ang kaniyang tita Luming. Kapatid ito ng kaniyang Ama. Hindi na rin ito nakapag-asawa. Napayakap siya sa kaniyang tita habang nagluluto ng pagkain para sa pananghalian. Bumaba siya nang hindi nakikita si Grecian. Naisip niyang namasyal ito sa dalampasigan. Bahagyang nagulat ang kaniyang tita sa ginawa niyang pagkayakap dito. Alam ng tita niya kung gaano siya kalambing. "Naku, itong batang 'to parang nasa korean drama tayo nito..." Napatawa siya sa sinabi nito. "Kasi po, ikaw na lang ang natitirang kamag-anak ko dito sa Batanes. At wala na rin sina lola at lolo kaya nagpapasalamat po ako na sa kabila ng lahat, nandiyan po kayo para sa 'kin tita." Naramdaman ni Paris ang buntonghininga ng kaniyang tita. "Ako at ikaw na lang Paris ang nagtutulungan sa oras ng kagipitan at kalungkutan. Hindi ko kakayanin kapag ikaw mawala na din. Ipinangako ko sa mga magulang mo at sa Diyos na aalagaan kita sa abot ng aking makakaya." Dahil sa sinabi nito ay tuluyan na nga siyang napaluha. Napaka-suwerte niya sa tita niya. "Si tita naman pinaiyak mo naman ako," napapahikbing sabi ni Paris. "Ay naku! Sige na, mamaya na tayo magdramahan at tatapusin ko na muna itong ginagawa ko..." Nagtawanan silang dalawa. "Sige po tita. Hanapin ko na lang din po sina Henry at Sarah." "Ay naku, mabuti pa nga. 'Yong mga batang 'yon ay naku! sobrang likot. Kanina pa 'yon naglalaro sa labas ng bahay." "Sige tita ako na bahala..." Nang akmang lalabas na ng kusina ay bigla naman siya nitong tinawag. "Paris! Alam mong alam ko kung ano ka. Sana ingatan mo 'yang puso mo." Isang ngiti ang itinugon niya sa sinabi ng kaniyang tita at saka lumabas ng kusina. **** "Saan ka pupunta?" Isang walang emosyong tanong mula kay Grecian nang makita niya si Gilbert na tinutungo ang bahay ni Paris kaya kaagad niya itong hinarang. "Alam mo ang sagot." Malamig ang boses nito nang tumugon ito sa tanong niya. Napangisi naman si Grecian sa inasal ni Gilbert. Malakas ang kumpiyansa ni Grecian sa sarili. Maiigi niya itong tinitigan sa buong katawan. Nakaporma si Gilbert. "Wala siya sa loob. Umalis siya." "What do you want from Paris? Simula nang dumating ka dito, mainit na dugo mo sa 'kin ah? May problema ka ba?" Napansin ni Grecian ang angas nito nang magsalita. "Kung ano man ang dahilan ko, sa 'kin nalang 'yon." "Hahanapin ko siya. Tumabi ka." Unti-unting umiinit ang dugo ni Grecian dahil sa angas nito. Tila walang may gustong magpaawat sa mainit na titigan ng dalawa. "Gilbert?? 'Andito ka na pala!" Isang boses ang pumutol sa mainit at nagbabadyang gulo mula sa dalawa. Kasama ni Paris ang dalawang bata. "Hello Paris!" Nag-iba kaagad ang ekspresyon ng mukha ni Gilbert nang makita nito si Paris. Parang bata namang inirapan ito ni Grecian. "Tara sa loob?" nakangiting tanong nito. Tumango naman si Gilbert. Napansin ni Grecian na napatingin sa kaniya si Paris. Nabigla siya nang hindi ito nag-abalang magsalita para sa kaniya at agad na pumasok sa loob ng bahay. Inis niyang sinundan ang mga ito sa loob ng bahay. Nagpunta ang mga ito sa sala. Pumunta naman si Grecian sa kusina. Nakita niyang nagluluto ang tita ni Paris. "Tita, tulungan na po kita diyan," nakangiti niyang sabi. Nilingon siya nito at ngumiti. "Oh sige, heto tikman mo nga." Kaagad nitong inangat ang sandok at nakita niyang may sabaw ito. Tinikman niya iyon. "Ang sarap po..." Isang ngiti ang itinugon nito kay Grecian. "Sinigang na hipon ang ginawa ko. Mukhang kailangan 'yan ng mga sikmura niyo ni Paris." Napapatawa ito habang nagsasalita. "Bakit po?" takang tanong niya dito. "Naku, napapansin ko kasi sa 'yo, palagi mong inaasar ang pamangkin ko." Kinabahan naman si Grecian sa sinabi nito. "Aaah... gano'n lang po talaga ako kay Paris," nahihiya niyang tugon habang nagkakamot sa likod ng ulo niya. "Alam mo, ngayon lang kita nakilala bilang isang kaibigan ni Paris pero ngayon ko lang nakita ang pamangkin ko na gano'n mainis. Simula nang mamatay ang mga magulang niya, tahimik lang 'yang pamangkin ko pero nang makita ko siyang naasar dahil sa ginagawa mo, natutuwa ako kasi matagal ko nang hindi nakikita ang gano'ng side ni Paris. Makulit na bata dati si Paris." Nakikinig lamang si Grecian habang nagkwe-kwento ito sa kaniya. Hindi siya makapaniwala sa kwento nito. Palagi niyang nakikita si Paris kapag magkasama sila ni Helen. Totoong tahimik si Paris at hindi niya ito nakitang ngumiti o kahit na anong ekspresyon sa mukha ay hindi niya mabasa. Ngayon lang. "Naku tita, pasensiya na po kayo sa 'kin. Talagang gano'n lang po ako sa kaniya," nahihiyang sabi niya dito. "Hindi ako galit sa 'yo... Sa totoo lang nagpapasalamat ako kasi dahil sa 'yo, nakita ko ulit si Paris na gano'n... pero dahan-dahan lang... kasi sa pagkakaalam ko, madaling maapektuhan si Paris sa mga bagay-bagay. Lalo na kapag mahal niya ang isang tao," paliwanag nito. "Sige po, tatandaan ko po ang sinabi niyo," nakangiti niyang tugon. "Oh siya sige na. Ako na ang bahala dito, puntahan mo muna sila sa sala. Kung gusto mong asarin si Paris, ay hala! Sige. Basta tandaan mo ang sinabi ko ha?" Natawa siya sa sinabi nito. Tumango naman siya bilang tugon. "Sige po tita, tatawagin ko na lang sila para makakain na." Pagkatapos niyang magsalita ay agad siyang umalis. Naabutan niya ang mga ito na kumakanta at naggigitara. Hindi maitatanggi ni Grecian na magaling kumanta at tumugtog si Paris. Napapahanga siya kapag naririnig niya ang boses nito. "Erhm! Aah Paris, kakain na tayo. Henry, Sarah, tara na?" Napalingon ang mga ito nang magsalita siya. Napalingon din si Gilbert. Ang akala nito ay tatawagin din ito ni Grecian pero hindi niya ito pinansin. "Sige pupunta na kami. Aah, Gilbert dito ka na mananghalian?" Si Paris ang nagsalita. "Hindi na sige lang, paalis na rin ako niyan eh. Sa susunod nalang." Pagkatapos nitong magsalita, agad itong tumayo. "Sigurado ka? Nakapagluto na si tita eh," tugon naman ni Paris. "Sigurado siya Paris. 'Wag na nating ipilit." Hindi makapaniwala si Grecian na lalabas iyon sa bibig niya. Nakita niyang bahagyang napatawa ang dalawang bata dahil sa sinabi niya. Tiningnan siya ni Gilbert at Paris. Nagtatanong ang tingin ni Paris kay Grecian samantalang sumama naman ang tingin ni Gilbert kay Grecian. "Sige na Paris, mauuna na ako. Sa susunod na lang. Dito na lang muna itong gitara ko para may babalikan ako," paliwanag nito kay Paris. "Oh sige basta sa susunod ha?" nakangiting tugon ni Paris. Tumango naman si Gilbert sa sinabi niya. Hindi pa rin maalis ang inis sa isip ni Grecian. "Naghihintay na ang pagkain," pagpaparinig naman niya sa mga ito. "Sandali," walang emosyong tugon ni Paris. Nakita niyang napabungisngis ang dalawang bubwit na kanina pa palipat-lipat ang tingin. Natapos ang pag-uusap ng dalawa at napagdesisyunan na ni Gilbert na umalis. Nang makaalis ito ng bahay ay agad naman itong lumapit sa kaniya kasama ang dalawang bata. Ang akala niya ay papansinin siya nito pero nilagpasan lang siya ni Paris. Inis niya itong sinundan papuntang dining room. Nang makarating si Grecian sa dining room, naabutan niyang nakahanda na ang mga pagkain at nakaupo na rin ang mga bata pati na si Paris. Nakapagtatakang hindi siya nito pinapansin. Kahit isang salita wala itong sinasabi sa kaniya. Hindi niya naman ito masisisi. Siguro ay iniisip pa rin nito nalimutan ang nangyari sa kanila. "Umupo ka na dito Grecian." Napalingon siya sa tita ni Paris. Nakita niya naman na may bakanteng upuan sa tabi ni Paris. "Salamat tita," nakangiting tugon niya habang umuupo sa tabi ni Paris. Nakita niyang tumaas baba ang kilay ng dalawang bata habang tinititigan siya. Nginitian niya ang mga ito. Napansin ni Paris na tumabi si Grecian. Nang nangangalahati na si Grecian sa pagkain, narinig niya naman si Paris na biglang nagsalita at tumayo. "Tapos na po ako tita. Henry, Sarah, tapusin niyo na 'yan ha? sa labas na muna ako magpapahangin." Pagkatapos nitong magsalita ay mabilis itong nakaalis sa dining room. Hindi nakatiis si Grecian at mabilis niya itong sinundan. Isang nagtatakang mga mukha ang makikita sa dalawang bata at sa tita ni Paris. **** "Paris!!" Isang malakas na sigaw ang kaniyang narinig mula sa likod niya. Naiinis siya sa presensya ni Grecian. Naiinis din siya sa sarili kung bakit ganoon na lang ang epekto nito sa kaniya. "Pwede ba, Grecian? just stop this nonsense thing!" iritado niyang sabi nang makalapit na ito sa kaniya. Napatawa ito. Isang bagay na ikinakainis niya mula dito. "Pilit kong iniintindi na wala kang gusto sa 'kin dahil ang akala ko, ang mga kagaya mong tahimik, imposibleng magka-gusto sa isang–" hindi na natuloy ni Grecian ang sasabihin nang biglang nagsalita si Paris. Kita niya ang pagka-dismaya sa sinabi niya. "What the hell Grecian! Anong sinasabi mo?!" Gulat ito sa sinabi niya. "Alam kong crush mo ako." Napangisi si Grecian at nanunuksong ngumiti kay Paris. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "Noong sinabi ng mga batang isa ako sa mga crush mo, at noong magkadikit tayo sa kama, naramdaman kong gising ka, Paris. Alam ko ring kinakabahan ka sa mga oras na 'yon." Parang nabibingi si Paris sa mga sinasabi ni Grecian. Hindi alam ni Paris ang sasabihin. Napamaang siya. Hindi niya alam kung paano magsalita. Hanggang sa may naisip siya. "'Yon lang Grecian? Sige nga, sinadya mo rin bang halikan ako? Sinadya mo bang hawakan ang kamay ko at halikan ako?" Nanggigil si Paris habang nagsasalita. Kita niyang umurong ang dila ni Grecian. Nagpatuloy siya sa pagsasalita. "Hindi ko alam kung ano ang ginawa ko sa 'yo para ganituhin mo ako Grecian! Wala kang karapatan para asarin mo ako! Oo, hindi ako isang tunay na lalaki! 'Wag mo nang ipa-mukha sa 'kin! Eh anong pakialam mo kung may magustuhan ako? Kung magkaroon ako ng crush?" Hindi malakas ang boses ni Paris pero maririin ang bawat salita at sakto lang para marinig iyon ni Grecian. "Paris hindi ko sinasad–" Nag-iba ang tono ng boses ni Grecian. Ngayon niya napagtanto ang mga nasabi niya kay Paris. "Hindi. Sinadya mo 'yon, Grecian! 'di ba ang sabi ko, balikan mo na si Helen? Bakit nandito ka pa?! Bakit pati ako dinadamay mo?!" Biglang tumulo ang mga luha ni Paris. "Paris sorry," biglang sambit ni Grecian. "Kahit na gan'to ako, alam ko pa rin kung ano ang pakiramdam ng maging masaya, Grecian. Alam ko rin kung paano sumaya at kahit na GUSTO KITA, wala ka pa ring karapatan na panghimasukan ang buhay ko!" Hindi nakapagsalita si Grecian dahil sa mga sinabi ni Paris. Nakita ni Paris ang ekspresyon ng mukha ni Grecian habang nakikinig ito sa mga sinasabi niya. Huli na nang mapagtanto niya ang sinabi niyang Gusto niya ito. Kitang kita sa mga mata nito na iniintindi nito bawat salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Alam ni Paris na hindi nito makakalimutan ang sinabi niya. Ngayon pa na nalaman niyang hindi ito madaling makalimot. Wala na siyang nagawa. Isang malalim na titig ang nakita niya mula kay Grecian. Tila nangungusap ang mga mata nito. Hindi niya kayang titigan ito. Hindi niya kayang makipagsabayan o ang makipagtagisan sa mga titig nito. Mabilis siyang umalis sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung saan pupunta. Basta ang alam niya, kailangan niya muna itong iwasan. Baka kung ano pa ang masabi niya at hindi mapigilan ang sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD