Tumakbo siya sa abot ng lakas niya. Paglingon niya ay humahabol pa rin sa kanya si Lina at ang lalaking nakabantay kanina sa entrace.
Nadaanan pa niya ang ilang kababaihan sa tabi ng kalsada at tila natawa pa ang mga ito sa kanya bago sumulyap sa mga humahabol sa kanya na lalo pa ng mga itong ikinatawa.
Marahil ay tanggap ng mga babaeng iyon ang trabaho nila… Marahil ay pinili nila iyon at ginusto.
Pero hindi siya!! Hinding-hindi niya gugustuhin ang ganoong klaseng trabaho! Mahirap lang siya pero may dignidad siya at malaki ang respeto niya sa sarili niya! Hindi niya kailanman gugustuhing ialay ang katawan niya sa kung kani-kaninong lalaki kahit pa ang kapalit niyon ay ang pagyaman niya. May pangarap siya.. Pangarap niyang umasenso sa buhay at magkaroon ng pamilya balang araw.. pero hindi sa ganoong paraan!
Pumagitna siya sa kalsada at muntikan pa siyang mabangga ng isang itim na kotse na ubod ng kintab.
“Please, tulungan niyo ako!!” pinagkakatok niya ang glass window ng sasakyan habang nanginginig ang buong katawan niya sa kaba. Kahit masira niya pa ang salamin ng kotse at masugatan ang kamay niya ay wala siyang pakialam basta’t makatakas lang siya.
“Please!!!” sigaw niya.
Napalingon pa siya sa mga humahabol sa kanya at ilang metro na lang ang layo ng mga ito sa kanya.
“Buksan niyo to!!” muling sigaw niya sa kung sinumang tao sa loob ng kotse. Hindi niya makita kung ilan ang sakay niyon dahil itim na itim ang kotseng iyon maging ang salamin niyon.
“Maawa kayo…” pumapalahaw at nawawalan na ng pag-asang pakiusap niya. Nauubos na rin ang lakas niya at mukhang bibigay na ang mga tuhod niya dahil sa sobrang panginginig ng mga iyon.
Napapikit siya nang bigla na lang siyang nakarinig ng pag-click at nakita niyang bahagya nang bukas ang pinto ng kotse sa may passenger seat.
“Get in.” isang buo at malamig ng boses ng lalaki ang narinig niyang nagsalita.
Napalingon muli siya sa mga humahabol sa kanya at ilang hakbang na lang ang layo ng mga ito sa kanya. Wala na siyang panahon para mag-isip kung lalaki man ang nasa loob ng kotseng iyon dahil ang hangad niya lang ay ang makatakas at ang makalayo sa club na iyon. Kailangan niyang iligtas ang puri niya. Iyon ang mahalaga.
Dali-daling sumakay siya sa passenger seat at nakahinga siya ng maluwag nang mabilis niyang naisara ang pinto. Humarurot naman agad paalis ang sasakyang kinalululanan niya kaya napasandal na siya sa upuan.
Napapikit siya at tahimik na nagpasalamat ngunit agad niyang muling nilingon ang mga humahabol sa kanya sa huling pagkakataon at nakitang napasuntok na lang sa hangin ang lalaki habang nakasabunot naman si Lina sa buhok nito.
“Cover yourself.”
Napalingon agad siya sa buong-buong boses na iyon sa tabi niya.
Agad nanlaki ang mga mata niya at hindi niya naiwasang maiawang ang mga labi niya.
Diyos ba sa kagwapuhan ang nasa tabi niya??
Bigla na lang niyang naramdaman sa mga hita niya ang paghulog doon ng isang tela.
Itinapon na pala ng lalaki doon ang tela na iyon dahil natulala na lang siyang napatitig dito. Napansin din niyang nakapolo na lang ito at nang napatingin siya sa damit sa hita niya ay napansin niyang kakulay iyon ng suot nitong pantalon. Iyon marahil ang coat nito.
Marahas na bumuntong hininga ang lalaki pagkatapos ay kinuha muli ang coat nito at basta na lang itinakip sa dibdib niya hanggang sa mga hita niya. Napalingon pa ito sa harap kaya napasunod doon ang tingin niya at nakita niyang nakatutok lang naman sa kalsada ang tingin ng driver nito na nawala na pala sa isip niya.
“T-thank you…” sa wakas ay nakapagsalita na siya.
“Pakibaba na lang ako sa may kanto.” Dagdag niya nang may makita siyang kanto sa unahan.
Hindi niya alam kung saan na siya pupunta. Wala rin siyang kapera-pera dahil wala naman siyang bag na dala. Pero ang mahalaga ay nakatakas na siya sa Tiyahin niya at sa impiyernong gusto nitong pagtrabahuhan niya.
Saka na niya iisipin ang susunod na mangyayari sa kanya. Marami naman siyang alam na trabaho kaya madali lang din siguro siyang makakahanap ng solusyon sa mga problema nya.
Tiningnan niya sa salamin ang driver ngunit tumingin lang ito sa amo nito na wari ay hinihintay ang pahintulot nito.
“It’s midnight. Wala ka nang masasakyan.” Malamig na sabi pa rin ng lalaking katabi niya.
Ngunit kahit ganoon ito kalamig magsalita ay masasabi niyang nakadagdag pa iyon sa appeal nito. Hindi siya ang tipo ng babaeng mabilis maakit sa mga lalaki. Ngunit kakaiba ang dating sa kanya ng lalaking katabi niya na seryoso lang ang mukhang nakatingin sa unahan nila.
Napatingin siya muli sa labas ng bintana. Oo, hatinggabi na nga. Mangilan-ngilan na lang din ang nakikita niyang dumaraang sasakyan na kasabayan nila at halos lahat ay mga pribadong sasakyan pa.
Kung bababa siya at maglalakad sa kalsada ay baka lalo lang siyang mapahamak o baka maabutan pa siya ng Tiyahin niya dahil malamang ay alam na nitong nakatakas siya.
Pero saan siya pupunta?? Saan siya tutuloy?
“Do you want a job?” biglang tanong muli ng katabi niya na sa harap pa rin nakatingin. Agad siyang tumangu-tango at nakita niya namang napasulyap sa gawi nila ang driver nito.
“O-oo! Kailangan ko ng trabaho!” mabilis niyang sagot dito.
“I need a maid.” Dugtong ng lalaking katabi niya. Nakita niyang muling napasulyap sa gawi nila ang driver ng lalaki at nang tingnan niya sa salamin ay diretso pala itong napatitig sa katabi niya na tila nagtataka.
“A-ako! Pwede akong maid! Masipag ako at alam ko lahat ng gawaing-bahay! Ako na lang ang kunin mo!” maliksi niyang sabi sabay harap dito ng maayos.
Lumingon ito sa kanya at tinitigan ang mukha niya na may blangkong ekspresyon ang mukha.
Ang gwapo talaga…
“You’re hired.” Mabilis nitong sabi at muling humarap sa unahan.
“T-thank you, Sir! Ako nga po pala si Leslie.” Nakangiti niyang pakilala rito ngunit hindi na ito muli pang humarap sa kanya o ni nagsalita.
Mukhang suplado at laging seryoso ang magiging amo niya.
Pero ok lang! Mas mabuti na iyon kaysa ang maging prostitute siya.