Natigilan ako sa kanyang sinabi. Kumalas ako sa kanyang yakap at unti-unting umiling. Kumunot ang noo niya dahil sa naging reaksyon ko. "Hindi pwede..." tanggi ko. Nag iwas ako ng tingin sa kanya.
Inangat niya ang aking baba. Pinilit kong iwasan ang matalim niyang mga mata ngunit hindi ko magawa. Hinihila ako ng mga ito para tingnan siya ng tuwid. "Why? Ayaw mo ba 'kong makasama?" madiin na tanong niya.
Gusto ko. Gustong-gusto kong makasama siya. Pero... bakit kailangan pa naming magsama sa iisang bubong? Malinaw naman sa akin na tanging pisikal na kagustuhan lamang ang nais niya. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang umabot sa ganito.
"Bakit... bakit kailangan pa nating magsama?" matamlay na tanong ko. Tinanggal ko ang kamay niya na nakahawak sa aking baba. Napayuko na lamang ako.
"Gusto kitang bantayan," sagot niya.
Bakit niya ako gustong bantayan? Para masigurado niya na siya lang ang lalaking tatabihan ko tuwing gabi? Kahit na hindi niya ako bantayan, hindi rin naman ako matutulog kasama ang ibang lalaki. Hindi ko kayang gawin ang ginagawa namin sa iba. Ang nararamdaman ko sa kanya ay higit pa sa pisikal na pangangailangan.
"Hindi mo naman ako kailangan bantayan."
"But, I want you. To be with you," mas bumilis ang pintig ng aking puso. Pinisil ko ang aking mga kamay para pakalmahin ang aking sistema. Kaya lang, hindi ko na 'yon nagawa dahil inabot ni Victor ang aking mga kamay. Nalilito na ako sa mga ipinapakita niya.
"Please, Ria."
Mariin akong pumikit. Binawi ko ang aking mga kamay. Pinilit kong maging matatag para sa mga salitang sasabihin ko.
Nag mulat ako para tagpuin ang kanyang mga mata. "Victor..." umpisa ko. "Bakit kailangan pa nating magsama? Para saan? Pisikal lang naman ang namamagitan sa atin."
Kitang-kita ko ang pagkabigla niya sa aking sinabi. Nag iwas siya ng tingin. "Alright. Hindi na kita pipilitin kung ayaw mo," ang mga mata niya ay nakatuon sa sahig. Gusto ko siyang hawakan ngunit natatakot ako. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya ngayon. Baka magalit lang siya kapag dinagdagan ko pa ang aking mga sinabi.
Tumayo ako para maibsan ang kung ano mang tensyon na namumuo sa amin. "Gusto mo bang mag almusal? Magluluto ako..." alok ko.
Tango lamang ang natanggap kong sagot mula sa kanya. Iniwan ko siyang nakaupo sa aking kama. Malalim pa rin ang kanyang iniisip.
Naghanda na ako ng aming almusal. Natapos na ako sa fried rice, inilapag ko na ito sa mesa. Napapatingin ako sa kanya habang nagluluto ako. Napakagwapo talaga niya. Natatakpan na ng magulo niyang buhok ang kanyang noo at kalahati ng kanyang tainga. Ang kanyang katawan ay hinubog para hangaan ng mga babae. Idagdag pa ang tattoo niya na nasa kaliwang braso.
Tumingin siya bigla sa akin kaya agad kong binalik ang atensyon sa pagluluto. Nahuli niya ako. Nakakahiya! Kita ko sa gilid ng aking mga mata ang pagtayo niya. Naglakad siya patungo sa akin. Mas lalong bumilis ang pintig ng aking puso. Para akong hihimatayin sa bawat hakbang na ginagawa niya.
"I'll help you," aniya mula sa likuran ko.
Umiling ako. Hindi ako humarap sa kanya. "Kaya ko na. Bisita kita. Dapat ay nakaupo ka lang d'yan," pinilit kong ituon ang aking atensyon sa niluluto. Pero ang init ng kanyang katawan ay nararamdaman ko na sa aking likuran. Nagwawala na ang buong sistema ko dahil sa pinagsamang kaba at saya.
"No..." aniya. Halos mapalundag ako nang maramdaman ko ang paglapit pa niya sa akin. Hinawakan niya ng aking mga kamay mula sa likuran. Nanigas ako sa aking kinatatayuan. Ang kanyang dibdib ay dumikit na sa aking likod. Mas mainit pa yata ang kanyang katawan kaysa sa apoy na nanggagaling sa kalan.
Ginalaw niya ang aking mga kamay. Nagmistula akong puppet na sumusunod sa bawat galaw niya. Hindi ko alam kung paano ko natagalan ang pagiging malapit ng katawan niya sa akin. Lumayo lang siya nang matapos na ang aming pagluluto. Doon lang din ako nakahinga ng maluwag.
Kumuha ako ng plato at baso para sa aming dalawa. Siya naman ay pinuno ng tubig ang pistel. Sabay kaming umupo. Pumwesto siya sa aking harapan. Wala pa rin siyang suot na pang itaas. Pawis na ang kanyang dibdib. Gusto ko itong punasan. Umiling agad ako sa aking naisip.
"Sorry kung 'yan lang," nahihiyang sabi ko. Napagtanto ko na baka hindi nga pala siya kumakain ng itlog at tuyo. Sana ay bumili na lang ako ng pandesal sa bakery.
Tumingin siya sa akin. "Okay lang. Kumakain ako ng ganito. Don't worry," ngiti niya. Nilagyan niya ng kanin ang aking plato. Natunaw ang puso ko dahil sa kanyang ginawa. Para akong nanaginip. Sana ay huwag muna akong magising kung talaga ngang panaginip ito.
"Saan ang mga magulang mo?" tanong niya bigla habang kumakain kami.
Natigilan ako sa aking pagkain. Nanikip na naman ang puso ko nang maalala ko ang aking mga magulang. Malungkot akong bumaling sa kanya at umiling. "Wala na sila..."
Nanlaki ang mga mata niya sa aking sinabi. Hindi ko na lang pinansin ang kanyang reaksyon. Nagpatuloy ako sa aking pagkain. Ayokong umiyak. Hindi ako iiyak sa maraming tao. Kung iiyak man ako, tanging sarili ko lang ang makakaalam.
Hindi na kami ulit nag usap hanggang sa matapos ang aming almusal. Mabuti na lang ay hindi na niya binuksan ang topic tungkol sa aking mga magulang. Ayoko na munang pag usapan ang tungkol dito. Nangungulila lang ako lalo kapag naiisip ko na mag isa na lang talaga ako sa buhay.
"Uh, maliligo na muna ako. Aalis ka na ba?" tanong ko pagkatapos naming kumain. Kakatapos ko lang hugasan ang aming mga pinagkainan. Siya naman ay nanatiling nakaupo habang nakatingin sa akin.
"Aalis ka ba?" balik niyang tanong sa akin.
"Oo."
"Saan ka pupunta?"
"Trabaho," pumunta ako sa aking cabinet na malapit sa kama para kumuha ng damit.
"Diba mamayang gabi pa ang trabaho mo?"
Lumingon ako sa kanya. "May isa pa 'kong trabaho pag umaga. Diyan sa carenderia ni Aling Sita," sabi ko. Kinuha ko na ang mga damit at towel ko para sa banyo na makapagbihis. "Maligo na ako, ah? Paki lock na lang ang pinto kung aalis ka na."
Dinama ko ang tubig na dumaloy sa aking katawan. Ngayon ko lang naramdaman ang sakit ng aking katawan. Lalo na ang pagitan ng aking hita. Hindi pa rin mabura sa isip ko ang mga ginawa namin ni Victor. Ang mainit niyang mga halik. Ang bawat galaw niyang nakapagpabaliw sa akin. Kailangan ko rin palang mag isip ng paraan kung paano takpan ang marka na iniwan niya sa aking leeg.
Kalahating oras yata ang itinagal ko sa loob ng banyo. Akala ko ay umalis na si Victor paglabas ko. Hindi pala. Naabutan ko siyang nakaupo sa aking kama. Nakasuot na ang kanyang t-shirt. May hawak siyang pamilyar na bagay. Ang frame kung saan nakalagay ang huling litrato namin ng mga magulang ko.
Umupo ako sa tabi niya habang pinupunasan ang aking buhok. Siya naman ay nanatiling nakatingin sa larawan namin. "Si Mama at Papa 'yan," pagpapakilala ko. Napangiti ako ng mapait nang makita ko ulit kung gaano kami kasaya sa litrato. Buhat ako ni Papa, si Mama naman ay nakahalik sa aking pisngi habang tumatawa ako. Walong taong gulang pa lang ako noon.
"What happened?" tanong niya. Humarap siya sa akin.
Natigilan ako sa pagpupunas ng aking buhok. Binawi ko sa kanya ang frame at ibinalik iyon sa itaas ng cabinet. Pinagmasdan ko ang aming litrato. Naiiyak ako ayokong makita ni Victor. "Nahulog sa bangin ang bus na sinasakyan nila noon," kinuha ko ulit ang towel para punasan ang basa kong buhok. Humarap ako sa salamin para hindi kami magkatinginan.
"Ilang taon ka nang mamatay sila?"
"Siyam," inabot ko ang suklay. Bakit napunta na naman sa ganito ang aming usapan?
"Too young..." mahina niyang sabi. "Ikaw na lang bang mag isa ang nabuhay simula no'n?"
Sinagot ko pa rin ang kanyang tanong kahit na gusto ko nang matapos ang usapan. "Hindi naman. May iilang kamag anak na kumkop sa akin, kaso'y pinamimigay rin ako dahil hindi ko naman sila nabibigyan ng pera," natawa ako ng mapait.
"Paano ka nakapag aral?"
"Scholarship at nag working student ako..." humarap ulit ako sa kanya. "Uhm, wala ka bang gagawin ngayon?" iniba ko ang usapan.
Umiling siya agad. "Anong natapos mo?" tanong niya ulit.
"Business Management."
"Pareho pala tayo..." aniya. Tumango ako. Oo, pareho kami. Kaya ko nga siya nakilala dahil pareho kami ng kurso. Hindi lang kami sabay nag graduate dahil nauna siya. Irregular student kasi ako noon. "Pero bakit... iba ang pinasukan mong trabaho?"
Umupo ulit ako sa kanyang tabi. Nakatingin siya sa akin habang ako naman ay nilalaro ang suklay na hawak ko. "Wala, eh. Hindi ako natatanggap."
"Gusto mo bang ipasok kita sa ibang trabaho? May isang branch-"
Lumingon ako sa kanya at agad na umiling. "Huwag na," Tanggi ko.
"But, Ria-" umiling ulit ako. Ayokong isipin niya na ginagamit ko ang pisikal na relasyon namin para lang magkaroon ng trabaho. Kailangan ay labas ang personal na buhay namin. Malinaw sa akin ang bagay na iyon. Tsaka masaya naman ako sa aking trabaho.
Bumuntong hininga na lang si Victor at hindi na nakipagtalo. Binalingan niya ng tingin ang aking unit. Siguro ay nagtataka siya dahil wala itong kwarto. Ang tulugan, sala, at kainan ay magkakasama na. Marahil ay nagtataka rin siya kung bakit walang laman ang aking unit. Tanging cabinet, kama, electric fan, mesa, dalawang upuan, at kalan lang ang meron ako. Nagtitipd kasi talaga ako. Hangga't maaari ay hindi ako bumibili ng kahit na anong gamit para hindi madagdagan ang singil sa kuryente.
Binalik niya ang tingin sa 'kin. "Are you sure you're safe here?" tanong niya. May bahid ng pag aalala ang kanyang boses.
Tumango ako. "Oo naman..." apat taon na ako dito pero wala pa namang nangyaring hindi maganda sa akin.
Tinanggal niya ang suklay na hawak ko. Nipalag niya iyon sa aking kama pagkatapos ay hinawakan ang aking mga kamay. Napakainit na naman ng kanyang palad.
"Paano kung nagugustuhan na pala kita?" bigla na lamang lumabas ang mga salitang 'yan sa kanyang bibig.
Panandalian akong natigilan sa kanyang tanong. Pero nang maalala ko ang dahilan kung bakit kami nandito sa ganitong sitwasyon ay ngumiti na lamang ako. Imposible. Wala pang isang buwan na magkakilala kami.
"Ikaw talaga..." tawa ko. "Si Aaliyah ang mahal mo, 'di ba?" binawi ko ang kamay ko at nag ayos ng upo.
Gusto kong umasa. Kaso ay mali. Maling mali. Kasinungalingan lamang kung maniniwala ako na nagugustuhan na niya ako. Minsan, ang matamis na kasinungalingan ang nagdudulot ng hinagpis sa buhay ng isang tao. Kuntento na ako na ganito kami. Masamang umasa ng sobra. Sa huli ay ako lang naman ang masasaktan. Kaya habang maaga pa ay kailangan ko ng pigilan ang sarili ko na maghangad sa mga bagay na hindi ko naman talaga maaabot.
"Tara. Alis na tayo," tumayo na ako. Isang oras na akong late sa carenderia ni Aling Sita. Ang dami ko ng atraso sa kanya. Baka tuluyan na niya akong tanggalin sa trabaho kapag paulit-ulit ang mga ginagawa ko.
Hindi naman siya tumayo. Nanatili siyang nakaupo sa aking kama. "Tara na, Victor..." aya ko ulit sa kanya. Naalala ko rin ang kanyang sasakyan. Iniwan lamang niya 'yon sa labas nitong eskinita. Baka pinagkaguluhan na iyon doon o kaya naman ay ginasgas na ng mga batang naglalaro.
Hindi pa rin siya tumayo. Tulala lamang siya. Hindi ko maintindihan. Lumapit ako sa kanya. Hinila ko siya patayo ngunit hinigit din niya ako, kaya naman napaupo ako sa kanyang kandungan. Napadaing ako dahil sa gulat. Tatayo na sana ako kaso ay kinulong niya ako sa kanyang mga braso. Ipinatong niya ang kanyang baba sa aking balikat. Nakikiliti ako sa bawat paghinga niya.
"Hindi ka ba natatakot mag isa?" mahinang tanong niya.
"Hindi," sagot ko. Tumingin ako sa braso niya na mahigpit na nakayakap sa akin. "Sanay na akong mag isa, Victor. Hindi na ako natatakot."
"I'm scared," nanginig bigla ang kanyang boses. Para bang ngayon lang niya nailabas ay lungkot na nararamdaman. "Ako, takot mag isa..." mas lalong nanginig ang kanyang boses. "Takot na takot ako."
"Bakit ka naman natatakot?" hinaplos ko ang braso niyang nakayakap sa akin para pakalmahin ang kanyang boses.
"Kasi... lahat ng minamahal ko, iniiwan ako," aniya. "Lahat, Ria..." naramdaman ang pagtulo ng luha niya sa aking balikat. Dumaloy ito patungo sa aking likuran. "Lahat iniiwan ako..." gusto kong harapin siya, kaso ay pinipigilan niya ako sa paggalaw. Ayaw niyang ipakita sa akin na umiiyak siya.
"Mahahanap mo rin ang para sa 'yo," sabi ko na lang. Wala akong ibang maisip na salita para patahanin siya sa pag iyak.
"Kaya natatakot akong magustuhan ka, dahil alam kong iiwan mo rin ako..." muling tumulo ang luha niya sa aking balikat. Humapdi ang puso ko dahil sa kanyang sinabi. Iniisip ba niya na tulad din ako ng mga babaeng minahal niya? Iniisip niya na iiwan at sasaktan ko rin siya?