Maligamgam na tubig ang sumalubong kay Roselda nang tuluyan na silang makaalpas sa lagusang nagdurugtong sa lawang alat at sa dagat. Hindi niya mawari ang sarili. Ganito pala ang pakiramdam na nakakahinga sa ilalim ng tubig. Parang normal lang ito pero hindi. Sa lupa, ang paghugot ng hininga ay hindi napapansin. Nararamdaman lamang ito kapag umaangat at bumababa ang dibdib kasabay nang pagpuno ng baga ng hangin. Pero sa ilalim ng tubig ay kakaiba. Waring hinahagkan ng bagay na nagsisilbing hininga ang kanyang buong katawan. Nararamdaman niyang dumadaloy ang tubig sa kanyang mga hasang; kusang bumubuka at sumasara ang mga hiwa upang humugot ng hangin mula sa tubig. Napayuko siya upang silipin ang sariling buntot. Ubod ito ng puti at tila nagliliwanag sa dilim. Kusa itong kumkawag-kawag na

