Sa silid ni Managat, sa kasuluk-sulukang bahagi, nakasiksik si Sarikit. Yakap niya ang sariling buntot. Larawan ng lungkot ang kanyang inosenteng mukha. Hindi siya mapakali. Hindi niya mawari ang kanyang nararamdaman. Ito ay dahil hindi pa rin nakakabalik si Managat sa Lalawod. Mayroon kayang nangyaring masama sa kanya? Matagal na siyang nawawala at iyon ang nais niyang malaman. Naisip niyang puntahan si Amang Maalam sa kanyang silid ngunit hindi na siya tumuloy. Natitiyak niyang marami itong ginagawa dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nalulunasan ang karamdaman ng Punong Maayo. Kailan kaya ito gagaling? Magbuhat nang magkasakit ito ay madami na ang nagbago sa kaharian. Ang mga Sirikan at Puti. At si Kalain, ang nakakatandang kapatid ni Maayo, na siyang pumalit sa kanya bilang ba

