"Eda, isang kahibangan ang naiisip mo." Sabi ni Managat sa dalagang mortal. "Hindi ko natitiyak na iyon talaga ang mangyayari. Ang sabi ni Amang ay..." Biglang hinablot ni Roselda ang halamang giginhawa sa kamay ni Managat at kinagat ito. Ayaw niyang makinig sa pagtutol ng engkantong-dagat kaya agad niyang nginuya ang laman ng kanyang bunganga. Nagulat pa siya dahil sa lasa ng halamang-dagat. Lasang-alat ito subalit nang madurog na ito ng kanyang mga ngipin ay nahaluan na ito ng tamis. Mabilis niya itong nilunok at napalingon sa gawi ng sireno na nangingislap ang mga mata. Puno ng pananabik ang kanyang diwa at bumabaha ng mga imahinas'yon ang kanyang isipan. Muntik pa siyang matawa sa reaks'yon na nakalahad sa hitsura ni Managat. Masasabi niyang natatakot at nag-aalala ito para sa kanya.

