Sa bahagyang kadiliman, napalingon si Roselda at kanyang nasulyapan ang kahindik-hindik na tanawin. Nakita niya ang anyo ng dalawang isda na paparating. Malaki sila at tila maputlang puti ang kulay ng balat, na nagmistulang multo sa dilim. Pero hindi lang iyon. Natanaw din niya ang malalaking bunganga ng mga ito na punong-puno ng matatalas na mga ngipin. Hindi lang sila basta mga isda. Dahil mga pating sila, mga puting pating. Dahil sa kanyang nakita, hinayaan ng dalaga na gabayan siya ng lakas na hindi niya namalayang mayroon siya. Nakaramdam siya, hindi ng kaba, kundi takot, nakakalulang takot. Naramdaman din niya ang takot ng kanyang lambana. Para bang nilukob nito ang buo niyang diwa. At sa higpit nang hawak ni Managat sa kanyang galang-galangan, batid niyang takot na takot rin ito.

