Iniwan ni Maalam ang munting sirenang si Sarikit sa silid ni Managat matapos nilang bumalik mula sa Silid Hinigkuan. Nanghina at nawalan ng malay ang lambana nito sa ginawang pakikipag-ugnayan kay Managat. Oo, ang pambihirang kakayahang ito ng mga lambanang-tubig ay kamangha-mangha, ngunit may panganib din itong dala lalo pa kung nasusobrahan. Bilang isang manggagamot, masasabi niyang may kinalaman ang layo sa igsi ng sandaling pinahiram ng lambana upang sila ay makapag-usap. Kapag mas malapit, mas mahaba sana ang usapan; kapag mas malayo, mas maigsi. Pero kahit na ganoon, nagpapasalamat pa rin siya. Kahit na maiksi lamang ay sapat na iyon dahil nakausap niya si Managat at napag-alamang ligtas ito. Iyon ang mahalaga. Binigyan na niya ng lunas ang lambana at ilang saglit lamang ay manunumb

