CHAPTER 2

1560 Words
Habang nasa loob ng aquarium ay pilit na hinihila pababa ni Tahti ang laylayan ng suot niyang maikling bestida na hindi pa yata umabot sa gitnang hita niya ang dulo. Kapos na kapos sa tela iyon. Buong-buhay niya ay ngayon lang siya napilitang magsuot ng ganoong klaseng damit. Hapit na hapit, nakadikit ang tela sa balat niya kaya kitang-kita ang hubog ng kanyang katawan. Kung hindi lang siya gipit at nangangailangan ng malaking halaga ng pera ay hinding-hindi siya magsusuot ng ganoong klase ng damit. Nabundol kasi ng sasakyan ang kapatid niyang si Tarin at ngayon ay tatlong araw nang comatose sa ospital. Hindi niya talaga kadugo si Tarin, pero tunay na kapatid na ang turing niya rito dahil musmos palang ito ay sa kanila na ito nakatira. Dose anyos lang siya nang dalhin ng mga magulang niya ang noon ay dalawang taong gulang na bata sa tahanan nila. Hindi na siya nagtanong kung saan galing ang bata, at hindi na rin siya nakapag-usisa dahil namatay sa aksidente sa bus ang mga magulang niya dalawang taon matapos dumating sa kanila si Tarin. Mula noon ay si Tahti na ang tumayong kapatid at magulang sa bata. Kapag kailangan niyang umalis ay iniiwan niya sa kapitbahay na may mabuting loob ang kapatid niya. Sumiksik siya sa dahon ng pinto sa pinakagilid at alanganing sumulyap sa limang babaeng nasa loob din ng maliit na silid na iyon. Sobrang ganda ng mga ito, parang mga modelo. Makinis. Maputi. Matangkad. Sa taas niyang limang talampakan at dalawang pulgada, pakiwari niya ay lumiit siya sa presensiya ng mga ito. Sa katawan naman ay hindi patatalbog ang lima. Puwedeng ilaban sa patimpalak ng pagandahan at palakasan ng alindog ang mga ito. Ang suot pa naman ng mga ito ay manipis na tela na tila korona lang ng dibdib ang natatakpan. Sa ibaba naman ay kakarampot na tela lang din ang suot ng mga ito. Bumalik sa isipan niya ang napag-usapan nila kanina ng kanyang bisor sa pasilyo sa labas. “Boss, parang-awa mo na, handa po akong gawin ang kahit na anong ipapagawa n’yo sa akin,” sumamo niya. Kung sasabihin nitong lumuhod siya at halikan ang paa nito ay walang pagdadalawang-isip niyang gagawin iyon. “Kahit ano?” paniniyak ng bisor. “Opo.” Napahugot ito ng malalim na paghinga. Biglang tumunog ang cellphone nito. Tumingin ito sa screen ng aparato at nagpipindot. May natanggap itong mensahe. Base sa ekspresyong lumatay sa mukha ng lalaki at sa pagtuwid ng mga balikat nito ay natitiyak niyang galing ang mensahe sa isang importanteng tao. Kapagkuwan ay ibinalik nito ang cellphone sa bulsa at hinayon siya ng tingin mula ulo pababa. “Handa ka ba talagang gawin ang kahit na anong ipapagawa ko sa iyo?” paniniyak nito. “Opo!” Maigting siyang tumango. “Kahit ano pa iyan, Boss Elson.” Napabuga ito ng hangin. “Halika, sumama ka muna sa akin.” Dinala siya nito sa dressing room ng mga pole dancers ng Nocturne. May metal rack doon kung saan naka-hanger ang iba’t ibang estilo ng damit. Pinaraanan nito ng kamay ang mga iyon, hanggang sa huminto ang tingin nito sa isang kulay puting bestida. Iyon na ang pinaka-simple sa lahat. Kinuha nito iyon at lumingon sa kanya. “Isuot mo ’to,” utos sa kanya ng bisor. “P-po? B-bakit ko po isusuot ito?” Waitress siya sa Nocturne. Ang mga empleyado roon ay kahanga-hanga ang resume. Siya lang yata ang nakapasok doon na nag-aaral pa. Sinuwerte lang na patay na patay ang bisor niya kay Lucreza—ang may-ari ng maliit na bahay na inuupahan niya. Mabuting magkaibigan sila ni Lucreza kaya walang nagawa ang bisor nang sabihin dito ni Lucreza na gawan nito ng paraan na makapasok siya sa Nocturne. “Nag-text sa akin ang kanang-kamay ng isa sa may-ari nitong bar. Naghahanap daw ng babae ang boss niya. Ang big boss nitong Nocturne.” Halos lumuwa ang mga mata ni Tahti sa narinig. “Babae? Babaeng parausan? Gagamitin ang katawan ko? Aangkinin? Ayoko po!” tanggi niya, hindik at gilalas. Niyakap ng sariling mga kamay ang katawan niya. Birhen pa siya. Wala pang karanasan sa lalaki, at sa pakikipagtalik. Hindi pa siya handa. Paano kung masokista pala ang big boss? Baka baboyin siya? May napanood pa naman siyang pinapatakan ng kandila ang balat ng babaeng kaniig. Umungol ang bisor. “Akala ko ba handa kang gawin lahat?” “Pero... hindi po ‘for sale’ ang katawan ko.” “Sabi lang naman, naghahanap ng babae. Hindi naman sinabi kung para saan talaga." “Tanong mo kung para saan, Boss,” aniya. “Confidential. Ayaw magbitiw ng detalye." “Bakit daw ho?” Napakamot sa likod ng ulo si Elson. “Confidential nga! Ang kulit mo, Tahti. Pero malaking pera ang ibabayad sa iyo rito, sigurado iyan. Big boss ’to, eh. Ubod ng yaman ang dalawang may-ari nitong bar kaya hindi ka titipirin sa bayad. Ano, ayaw mo ba?” Kung hindi niya lang kailangang-kailangan ng pera ay kanina pa siya tumanggi. Nakakapanlumo ang sitwasyon niya. “Baka gawin akong pang-regalo, tapos i-gangb*ng ako, Boss? O baka ibenta ako sa underground auction?” Napaubo ang bisor, nagulat sa mga sinabi niya. "Ano ba iyang mga pinapanood mo, Tahti? Tayog ng utak mo, kung saan-saan na nakarating." "Please, Boss, tanong mo kung para saan ang babae?" Malakas na nagbuga ng hangin si Elson. “Dami mo namang tanong. Wala naman akong maibibigay na sagot sa iyo. Kung ayaw mo, humindi ka, tapos ang usapan. Inaaksaya mo pa ang oras ko, eh. Pero wala talaga akong maipapautang sa iyo. Ang pera ko, pinambili ko na ng plane ticket papuntang Japan. Mag-a-out of the country kami ni Lucreza. Kaya ubos na ubos din ako ngayon. Pati alkansiya ko, tinaktak ko na ang laman, pam-pocketmoney namin ng my labs ko.” Nanlumo si Tahti. Wala na siyang ibang malalapitan. Wala rin namang maipapahiram sa kanya si Lucreza. Maluho rin kasi ang kaibigan niya, kaya palagi itong walang pera. Wala rin naman siyang kakilalang mayamang tao. “Sa totoo lang, kung hindi nag-text sa akin ang kanang-kamay ng may-ari ay hindi naman din kita i-endorso sa mga iyon. Ikaw pa, baka sumakit lang ang ulo nila sa iyo. Kaso hindi ko alam kung bakit ikaw talaga ang partikyular na binanggit. Tahti Veraluna raw, eh. Wala namang ibang Tahti Veraluna rito bukod sa iyo.” Kumuyom ang mga kamay ni Tahti sa bestidang nasa mga kamay niya. Mariin niyang naipikit ang mga mata at humugot ng malalim na paghinga. Bahala na! Mag-iingat na lang siya. Meron naman din siyang dalang DIY self-defense spray palagi. Homemade. Gawa sa pinaghalong dinikdik na siling labuyo, suka, bawang, at alkohol. Kapag iniregalo siya ng may-ari sa grupo ng mga kalalakihan, hindi talaga siya mag-aalangang bulagin ang mga ito. Hindi siya letson sa piyestang-bayan na pagsasaluhan ng mga ito, hah! Bumalik sa kasalukuyan ang kamalayan ni Tahti nang bigla siyang hinawi pagilid ng isa sa limang babae. Pinukol pa siya ng matalim na tingin nito, bago nito hinila ang pinto pabukas at lumabas ng aquarium. Ang apat pang babae ay sumunod din sa una hanggang sa siya na lang ang natitira sa loob ng aquarium. Napalingap siya sa kabuuan ng aquarium, kinakabahan. Baka pati siya ay dapat na ring lumabas? Hinawakan niya ang doorknob, pero nang pihitin niya iyon ay naka-lock. Hindi niya mabuksan. Bakit nakasarado na? “Ms. Veraluna, marunong ka bang sumayaw?” Napaigtad si Tahti at hinanap ang pinanggalingan ng boses. May speaker pala sa itaas na sulok na nakadikit sa kisame. “M-marunong naman ho,” sagot niya, kahit naguguluhan siya sa mga nangyayari. Sumasali siya sa mga dancesport competition mula pa noong highschool siya, para makalikom ng pera panustos sa kanyang pag-aaral at araw-araw na pangangailangan nilang magkapatid. “Sumayaw ka nga,” anang boses mula sa speaker. Huminga nang malalim si Tahti. Lahat gagawin niya para sa kapatid niya. Pumikit siya at sinimulang ikumpas ang mga kamay at igalaw ang katawan. Sumayaw siya kahit walang musika. Iginalaw niya ang mga balakang, hinagis niya pakaliwa’t kanan. Iniliyad niya ang dibdib at pinasayad ang kamay mula sa leeg pababa, hanggang sa tiyan niya. Nang bumagsak ang mga hibla ng buhok sa tapat ng kanyang mukha, ay ginamit niya ang isang kamay upang hawiin iyon pagilid. “F*ck. Tell her to stop dancing. Now!” Marahas na nagmulat ng mga mata si Tahti nang marinig ang baritono at supladong boses na iyon. Pinagagalitan ang taong nag-utos sa kanyang sumayaw. Parang galing sa pinakailalim ng lalamunan ang buong-buong tinig na iyon. Deep, rough, and hot. Animo latigo ng apoy na humagod sa katawan niya. Masarap iyon sa tainga kahit malinaw na hindi natutuwa ang may-ari ng boses na iyon. “Tell that woman to stop dancing before I break her legs,” maigting na wika ng lalaking malalim at buong-buo ang tinig. “Yes, Sir,” tugon dito ng taong siyang nakikipag-usap sa kanya. “Ms. Veraluna, tama na iyan. Puwede ka nang lumabas ng aquarium.” “Ah, s-sige po.” “Bring her here. Now.” Napatuwid ang likod ni Tahti nang marinig ulit ang boses na iyon. Bakit kasi tila may masarap na kilabot iyong hatid sa kalamnan niya? Pero ang kudlit ng takot at pangamba ay nasa puso niya pa rin. Makakaharap na ba niya ang big boss?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD