Paglabas na paglabas ni Tahti mula sa aquarium ay muntik pa siyang mapaigtad nang tumambad sa harapan niya ang lalaking naka-pormal na uniporme. Tuwid ang likod nito at nakasuot ng kulay abuhing formal suit. May nakakabit na earpiece sa kanang tainga nito. “Ms. Veraluna, magandang gabi,” pagbati nito sa kanya.
Bumuka ang bibig ng dalaga, pero hindi niya alam kung paano magri-react kaya dumaan muna ang ilang minutong katahimikan bago siya nagpasyang kaswal na tugunin ang lalaki. “M-magandang gabi rin ho,” aniya, nautal pa nang bahagya. Ang isang kamay niya ay kumuyom sa laylayan ng suot niyang bestida.
“I’m Jago, right-hand man of the big boss,” pakilala nito sa sarili. “Ako ang nagsasalita kanina sa speaker,” dugtong nito.
Natutop niya ang tapat ng bibig. “Ah, ikaw pala iyon?” Yumukod siya at dinampot ang knapsack bag na iniwan niya kanina sa tabi ng pader bago siya pumasok sa loob ng aquarium.
Tumango ang lalaki, ang mga mata nito ay disimuladong dumako sa bag na isinukbit niya sa isang balikat. “Sa anim na aplikante ay ikaw ang nakapukaw sa interes ng boss ko," sabi nito sa kanya.
Aplikante? Ano ang in-apply-an niya? Pinagsuot lang siya ni Elson ng manipis at maikling bestida, tapos ay itinulak siya sa loob ng aquarium. Wala siyang kaalam-alam kung ano talaga itong pinapasok niya. Napahaplos sa batok si Tahti. “Ahm, Jago, b-bakit ba talaga naghahanap ng babae ang boss mo?” Hindi na niya napigilang isatinig ang tanong na kanina pa bumabagabag sa kanya.
Tipid na ngumiti ang lalaki. “Malalaman mo rin mamaya.” Iminosyon nito ang malaking double doors na gawa sa solidong kahoy. “Sumunod ka sa akin, Ms. Veraluna,” anito sa kanya. Nauna na itong maglakad.
Tumalima naman ang dalaga.
Pinindot ni Jago ang kombinasyon ng mga numero at tumunog ang digital pad na naka-install sa pinto. Pinihit nito ang doorknob at itinulak na pabukas ang pinto. “Come in.” Ikiniling pa nito ang ulo.
“H-ha?” Hindi siya gumalaw sa kinatatayuan. Sa totoo lang ay natatakot siyang pumasok sa loob ng pribadong silid na iyon. Kahit isang beses ay hindi pa niya nasisilip ang loob ng kuwartong iyon. Kapag nasa aquarium ay hindi rin naman maaaninag ang nasa kabilang bahagi ng makapal na salaming pader. At ang sabi ng bisor niya ay bawal pumasok ang mga empleyado ng Nocturne roon.
Umalsa ang magkabilang kilay ni Jago. “Ms. Veraluna?” untag nito sa kanya. “Ayaw mo bang pumasok?”
“Ahh, p-papasok! Papasok ho ako!”
Pagkapasok niya sa loob ng silid ay lumapat na pasara ang dalawang solidong dahon ng pinto. Gulat siyang napalingap doon at napalunok. Kahit na kalampagin niya iyon, alam niyang hindi siya makakalabas. Kumabog ang dibdib niya at lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa strap ng kanyang knapsack bag. Kahit anong mangyari ay hindi niya bibitiwan ang bag dahil nandoon ang DIY spray niya.
Inilingap ni Tahti ang tingin sa palibot ng silid. Nahigit niya ang paghinga nang matantong ubod ng lapad pala ang kabuuang sukat ng silid. Karpetado ang sahig. Ang isang panig ng pader ay gawa sa matibay na salamin mula kisame hanggang pinakailalim, at natatakpan ng makapal at itim na kurtina. Iyon ang parteng nakatunghay sa bista sa labas ng bar. Madilim ang loob ng kuwarto, subalit may iilang hugis parisukat na ilaw ang nakakabit sa mga pader na nagsasabog ng malamlam at maputlang ginintuang liwanag sa lugar.
Sa isang bahagi naman ay makikita ang full-height liquor cabinet kung saan naka-display ang iba’t ibang uri ng mga mamahaling inumin. May light fixtures pa na lalong nagpapatingkad sa kulay ng bawat bote.
May pahabang mesa sa pinakagitna ng kuwarto, may L-shaped sofa na kulay itim, at—“M-may tao!” biglang sambit niya, gulat na gulat nang makitang may mestizong lalaking nakaupo sa sofa. Hindi man lang nag-angat ng ulo ang lalaki, at ni hindi ito lumingon sa direksyon niya. Abala ito sa work tablet nito. Natitiyak niyang narinig nito ang boses niya, subalit hindi nagbago ang anyo ng mukha nito.
Mula sa kinatatayuan niya ay napagmamasdan niya ang gilid na anggulo ng mukha ng estranghero. Matangos ang ilong nito. Maganda ang hugis. Manipis. Pati ang pinakadulo ay manipis. Ang mga labi nito ay mapula ang kulay. And along the man’s sharp jawline, he had a short and trimmed beard, creating a clean yet rugged look.
Bumaba ang tingin niya sa leeg nito. Prominente ang buko ng lalamunan ng lalaki. Ang sarap pagmasdan. Dumako ulit pataas ang tingin niya, sa mga mata ng binata. Kahit nakatagilid ay ang ganda na ng hugis ng mata nito, at sa ibabaw niyon ay malagong kilay. Ang buhok nito ay kulay itim at maayos na hinagod palikod, subalit may iilang hiblang naiwan sa magkabilang gilid ng noo ng lalaki.
Ang kulay ng balat ng estranghero ay mamula-mula, at napakalinis tingnan. Parang ang bango tuloy nito. Formal suit ang suot ng binata. Napalunok si Tahti nang hindi naitago ng pormal nitong kasuotan ang hugis ng katawan nito. Malapad ang linya ng mga balikat. Tuwid ang likod. Mahaba rin ang mga binti nito, kaya natitiyak niyang matangkad ang lalaki. At sa pinaka-paa nito ay isang pares ng mamahaling leather na sapatos.
“Ahm, boss ko iyan,” biglang sabi ni Jago. Lumapit ito sa sofa at naupo roon.
Boss nito? Ang big boss? Ang guwapo pala nito.
"Maupo ka na, Ms. Veraluna," ani Jago.
Sa tapat ng mesa ay may pang-isahang silya. Doon siya itinurong maupo ng kanang-kamay ng boss. Tumango siya at nakayuko ang ulong lumapit sa upuan saka tahimik na umupo roon.
Kulang na lang ay isang bombilyang nakalawit sa kisame, sa ibabaw ng ulo niya, at magmumukha na talagang nasa interrogation room siya.
Tumikhim si Tahti at tumingin kay Jago. "Could you tell us a bit about yourself, Tahti?” tanong nito sa kanya.
Nag-alis siya ng bara sa lalamunan, kumakabog ang dibdib niya, lalo na ngayon dahil sa big boss na tila walang balak na tapunan man lang siya ng tingin. Sana kahit isang segundo ay tumingin naman ito sa kanya para mapagmasdan niya ang mga mata nito. “Tahti Veraluna ang pangalan ko. T-tatlong buwan na akong nagta-trabaho rito sa Nocturne bilang waitress.”
“You’re a waitress here?”
Animo binaligtad ang sikmura ng dalaga dahil sa bigla na lang nagsalita ang big boss. Humigpit ang pagkakahawak niya sa strap ng kanyang bag nang maghugpong ang mga mata nila. Tila mata ng agila kung makatitig ito sa kanya—matiim, matalas, matalim. Mata ng mandaragit na handa siyang silain.
Nanuyo ang lalamunan ni Tahti. Binabawi na kaagad niya ang inaasam kanina na sana ay tumingin man lang ito sa kanya. Huwag na lang pala. Sapagkat nanunuot sa kalamnan niya ang tiim ng mga titig nito. Hindi niya matagalan iyon. Nalulusaw siya.
“Ms. Veraluna?” untag nito sa kanya nang wala itong makuhang sagot mula sa kanya.
“Ahh, opo! Waitress ho ako rito!”
“Are you even of legal age? Are you sure you’re not underage?”
“Hindi po ako underage!” pagdiriin niya.
“How old are you?” Habang nagtatanong ay nakapukol kay Tahti ang mga mata nito.
“Twenty-one po,” sagot niya.
Umukit ang mapang-uyam na ngiti sa sulok ng mga labi ng lalaki. He twisted his lips in a mocking smirk before spitting the word, “Liar.”
Napapitlag si Tahti. Nasusuka na siya sa nerbiyos.
“Are you really twenty-one?” tanong sa kanya ng big boss.
Napabuntong-hininga ang dalaga. Wala na sigurong saysay na patuloy pa siyang magsinungaling dahil mukhang alam naman na nito kung ano ang tunay niyang edad. “E-eighteen po,” aniya.
“But I don’t remember allowing anyone under age twenty-one to work here. I have a strict age requirement—that’s in the policy.”
Napanganga si Tahti. Hindi niya alam na may ganoong polisiya pala ang Nocturne. Paano kasi’y ginawan lang ni Elson ng paraan na makapasok siya roon. Kaya pala ang sabi nito sa kanya ay huwag na huwag niyang sasabihin kahit kanino na disiotso palang siya, at kapag may nagtanong, sabihin niyang twenty-one na siya.
Nagsimula nang mawalan ng kulay ang mukha niya. Napatingin siya sa kamay ng big boss nang gumalaw ang mga daliri nito at mabagal na tumapik sa armrest ng sofa. Sa totoo lang ay wala siyang maapuhap sabihin.
“How did you get in?”
Hindi pa rin siya umimik. Nangangatog na ang mga tuhod niya.
“Tinulungan ka ng bisor mo? Are you in a relationship with him?”
“Hindi po! Wala po kaming relasyon ni Boss Elson!” maigting niyang pagtanggi.
Umalsa lang ang mga kilay ng big boss. “I don’t care about your relationship with him, but I won’t tolerate dishonesty in the workplace.” Inihagis nito sa gitna ng mesa ang tablet na hawak nito kanina. Softcopy pala ng mga pinasa niyang requirements sa Nocturne ang tinitingnan nito sa screen ng aparato nang dumating sila sa loob ng silid kanina. “Peke ang mga sinumite mong pre-employment documents sa HR.”
“S-Sir, m-magpapaliwanag ho ako—”
“You’re fired.”
Si Jago ay tahimik lang. Hindi ito nangahas na magsalita.
Si Tahti naman ay pinamukalan na ng luha ang mga mata. Akala niya, sa pinasok niyang iyon, ay makakakuha na siya ng malaking halaga ng pera, iyon pala’y mawawalan pa siya ng trabaho.
“Sir, s-sorry ho. Huwag n’yo po akong sesantehin. K-kailangang-kailangan ko po talaga ang trabaho ko rito sa bar. M-may kapatid ako sa ospital at—”
Literal na umalsa ang mga balikat ni Tahti nang may ihagis ulit ang lalaki sa mesa. Brown envelope. Medyo makapal iyon. Napatingin siya roon, naguguluhan.
“Effective today, your employment c*ntract with Nocturne has been terminated. And that’s final.”
Tuluyan nang pumatak ang mga luha ni Tahti. Nanginig ang ibabang labi niya. Namula ang magkabilang pisngi niya.
“But,” dugtong ng big boss. “I’m giving you another job. The c*ntract is inside that envelope."
Nagulat siya. Hindi niya inaasahan iyon. "A-anong klaseng trabaho po?" tanong niya.
"Read the c*ntract. Then sign it."