Nagising ako mula sa isang kakaibang panaginip. Hindi lang luha kung di butil ng pawis ang gumagapang sa aking mukha.
"Melissa..." tawag ng isang boses sa akin.
Sumilip ako sa tent na tinutulugan ko para tingnan kung sino ang nasa labas. Walang tao sa paligid. Tuluyan akong naglakad- lakad para hanapin ang aking mga kasama sa package tour na sinamahan ko. Dinig ko ang tawanan at kantahan ng mga kasama ko na puro pares ng babae't lalaki sa isang puwesto kaya hinayaan ko na sila.
Wala naman akong balak makipagsaya sa kanila. Hindi ako sumama para makipagkaibigan. Narito ako para makalayo. Makahanap ng katahimikan.
Malakas na ihip ng hangin, malutong na tunog ng alon. Malayang sumasayaw ang aking buhok habang naglalakad sa pampang. Tanging liwanag lang mula sa bilog na buwan ang gamit ko habang binabaybay ang tabing dagat.
"Melissa..."
Nilingon ko ang direksyon ng boses na tumawag sa pangalan ko.
"Nasaan ka?" tanong ko sa kawalan.
"Melissa..."
Inilibot ko ang aking paningin hanggang aa mamataan ko ang isang puting hugis na dahan-dahang umaangat sa tubig.
"S-sino ka?" halos pabulong kong bigkas dala ng takot sa naghuhugis lalaking nilalang. Ang bulong ko ay umabot sa kaniya. At ang boses niya ay malinaw na nakarating sa akin.
"Ako si Medardo. Alam kong matagal ka nang naghihirap sa pag-iisa. Malungkot at nangungulila. Sumama ka sa 'kin. Paliligayahin kita." Ngumiti ang ngayon ay tila tao na sa paningin ko. Isang guwapong lalaki na kulay nakakulay ng dagat sa pagkaasul ang mata.
Pero ang tumimo sa dibdib ko ay ang bawat salitang binigkas niya. Tama siya. Matagal na akong nag-iisa. Mula pa sa magulang na agad akong nilisan at mga kapatid na pareho nang may pamilya. Sa edad kong kuwarenta ay wala akong nakasamang lalaki ni isa. Kung ilang beses lang akong niligawan at lahat ng iyon ay pawang panloloko lamang.
Nagsimula akong humakbang patungo sa tubig. Hindi ko magawang alisin ang mata ko sa mga titig niya. Unti-unti, nakikita ko sa mga mata niya ang matagal ko nang pinapangarap sa buhay.
"Halika... Ibibigay ko sa'yo ang lahat ng pangangailangan mo," muling sambit nito.
"Miss Melissa! Miss Melissa!" dinig kong tawag ng mga tao sa likuran ko.
"Kinukuha siya ng maligno! Habulin ninyo siya!"
Pinilit kong humakbang nang mas mabilis sa tubig. Hindi ko papayag na pati ito ay mawala sa akin. Ang totoo'y nagpunta ako rito para tuluyang manahimik. Tuluyang bitiwan ang malungkot at mabigat kong buhay.
Isa itong regalo. Nang banggitin ng tour guide namin ang kuwento tungkol sa isang nilalang na nangunguha ng buhay taon-taon tuwing summer, hiniling ko na na ako ang piliin niya. Ito ang gusto ko.
Kaunting distansiya na lang at maabot ko na ang kumikinang na kamay niya. Ilang puwersa na lang. Kahit nasa may hingahan ko na ang tubig ay pilit akong umusad papalapit sa kaniya. Mahahawakan ko na siya nang may kung anong puwersa ang humila sa akin. Lumubog ako sa tubig pero pilit akong nanlaban.
Sa ilalim ng tubig, namataan ko ang maliwanag na kamay ng nilalang. Sa isip ko, tinawag ko ang kaniyang pangalan.
Medardo.
Kahit anong hatak ng kamay sa aking katawan, pilit kong inabot ang kamay ni Medardo. At nang maabot ko ito, tila bigla akong pinakawalan ng taong pilit kumukuha sa akin. Mabilis akong kumapit kay Medardo at niyakap niya ako nang mahigpit.
"Sa akin ka na. Wala nang makakabawi sa iyo," bulong niya.
Nilingong ko ang pampang. Doon ko nakita ang kasama naming lifeguard, bitbit ang isang katawan at inilapag sa bungahinan. Nasaksihan ko kung paano niya ito pilit binuhay. Ngunit wala itong kilos.
Wala nang buhay ang aking katawan.
WAKAS