Narito ngayon, nakatingin sa malayo,
Tinatanaw kung saan ang langit at dagat ay nagtatagpo
Iniisip noong ikaw at ako ay unang nangako
Nagpasyang ibuklod, ating mga puso
Panahon ng tag- init nang ika'y aking inibig
Sa ngiti ng araw, pagmamahal mo sa akin ay nabanggit
Ilang buwan at taon, mundo natin ay sumayaw
Nabuhay ng matiwasay na tayo lamang ang magkaulayaw
Ngunit ang buhay sadya yata'ng kay lupit
Ang saya at perpektong pagsasama, tila bigla na lang pumait
Ang mga ngiti sa ating labi
Napalitan ng lihim na mga hikbi
Oh, ang kapalaran nga naman sadyang mapanlinlang
Hindi mo masasabi kung nasaan ang hangganan
Ang sikat ng araw na puno ng init
Ngayon di kayang tumunaw sa pusong kay lamig
Ang alon ng dagat na dati'y saksi sa pag-ibig
Ngayon ay tahimik at sa paninibugho ko ay nakikinig
Hanggang kailan ako magkakaganito?
Kung taon-taon , tuwing ganitong panahon, ikaw lang ang nasa alaala ko
Hanggang kailang maghihintay, sa iyo'ng pagbabalik
Hanggang kailan masusubukan kalimutan ang iyong halik
Panalangin ko sa may Kapal, araw gabi kong inuusal
Tila di naririnig, aking mga dasal
Darating pa ba, ang araw ng pagdiriwang
Ang araw at oras na hindi ika'y di na magpaparamdam
Matitigil pa ba ang damdaming nagluluksa
Ang mapait mong dulot kailan aalisin ni Bathala?