Summer. Pinaka-exciting na panahon sa buong taon. Bukod sa magandang klima, tapos na rin ang school year kaya libreng- libre para sa summer getaways. As usual nagplano ang buong tropa para makapaggala sa iba't ibang lugar gaya ng ginagawa't nakasanayan nila taon-taon.
"Kailangan maganda yung lugar, Nickolas, ha?" banggit ni Jomar sabay akbay nila sa akin ni Philip. Ako kasi ang in-charge sa location ngayong taon dahil bukod sa bagong transfer ako, lahat sila ay nakapagplano na noong mga nakaraang taon.
"Oo naman. Maganda sa amin," nahihiyang wika ko. Nasa byahe na kami ngayon papunta sa aming bario.
"Mukhang super nature trip tayo ngayon, ah. Malayo-layo ito sa bayan. May signal pa ba rito?" tanong ni Linda habang nililibot ang mata sa paligid.
"Hindi mo kakailanganin ang internet dito. Lahat ng oras mo mapupunta sa kalikasan," salong sagot ni Rica. Napangiti ako sa masayang hitsura niya.
Huminto ang sasakyan namin sa bungad ng baryo. Hindi na kasi maipapasok 'yun paloob. Mabato na sa parteng iyon ng lugar namin.
Agad nahinto ang ginagawa ng mga kamag-anak ko nang marating namin ang aming lugar matapos ang kalahating oras na lakad. Lahat ay napatingin sa aming grupo. Mabilis kong namataan si Apo Andong. Ang aming pinuno sa lugar na iyon.
"Kulas, mabuti at may naisama ka," salubong nito sa amin.
Ako si Kulas.
"Apo Andong, mga kaklase ko po," pakilala ko sa kanila.
"Lalang, ipaghanda sila ng makakain at busugin," utos niya sa aking ina na nasa tabi. Iyon lang at umalis na ito. Wala ring imik na tumalikod si nanay at sumunod.
"Wow, Nickolas, parang primitive pa ang village ninyo. Ang ganda!" Impit bulong ni Linda sa akin. Naglabas agad ito ng camera at kinuhanan ang buong lugar ng litrato. "Nagloloko ata ang liwanag dito," sabi nito habang tinitingnan ang pictures.
"Bakit?" tanong ni Jomar na lumapit sa kaniya.
Nakitingin ako sa pictures. "May mga reflection ang kuha ko sa mata nila. Nakakainis! Hindi naman matingkad ang araw dahil mapuno," reklamo ni Linda.
"Huwag mo na lang kunan ang mga kamag-anak ko. Hindi naman sila nakaayos man lang," biro ko. "Sa paligid na lang kung gusto mo."
Mayamaya ay dumating ang mga pagkain. Agad naman silang nagsikain dahil sa gutom.
"Hunting ang ginagawa niyo sa gubat no? Ano'ng karne ito?" tanong ni Philip habang panay ang nguya.
"Siguro baboy ramo. Kakaiba ang lasa, eh. Pero masarap!" habol ni Jomar.
Hindi na ako kumibo at tahimik na kumain. Nanibago sila sa haba ng nilakbay namin. Tago kasi ang lugar na ito at 'di basta naaabot ng sibilisasyon.
*******
Matapos kumain ay ninaya ko sila sa tagong ilog ng aming lugar sa may ibaba ng kabilang parte ng bundok.
"Falls! Amazing!" Inikot ng magagandang mata ni Rica ang paligid. Hangang-hanga ito sa nakikita.
"Look! Cave! This place is just magical. Wala pang nakapag-blog nito. I wonder why." Isa isa nang nagtanggal ng damit ang grupo at sumulong sa tubig.
"Sagrado ang lugar na ito. Hindi kami nagpapapasok nang basta-basta. Iniingatan namin ang kalikasan gaya ng pag-iingat niya sa amin," simpleng paliwanag ko.
"Cool, " tanging sagot ni Jomar.
Maghapon kaming naligo at naglibot sa paligid. Sinamahan ko sila sa kuweba kung saan maaring lumusong sa isang parteng may tubig.
"Let's go further. Gusto kong makita roon," turo ni Linda sa paloob ng kuweba.
"Hindi maari. Delikado," harang ko.
"Come on. It will be fun!" sang-ayon ni Jomar sa kasintahan.
"Huwag na. Kung hindi puwede, huwag na natin ipilit. Si Nicko ang mas nakakaalam ng lugar na ito. Tara na," wika ni Rica. Ngumiti ito sa alin na ikainit ng aking pisngi. Agad akong lumayo.
Pagod na pagod sila sa pagsagwan, pagtalon at paglangoy. Pagsapit ng dilim, niyaya ko na sila pabalik sa amin. Naabutan naming busy ang mga kamag-anak ko sa labas.
"Fiesta ba?" tanong ni Philip. Nilingon ko ang malalaking banga at palayok na nakahanda habang lahat ay nag-aayos ng mahabang lamesa.
"Parang... gano'n. Pero tinatawag namin 'yon na pasasalamat at alay," sagot ko bago sila pinapasok sa loob ng bahay.
"Alay?" tanong ni Rica. Pilit na ngiti lang naisagot ko.
"Grabe nakakapagod," humihikab na sabi ni Linda.
"Magpahinga na kayo. Tutulong lang ako sa labas," wika ko.
"Sama ako. Gusto kong mapanood," sabi ni Rica.
Napahinto ako sa sinabi niya. Muli itong nagpakita ng ngiti sa akin.
"Mamaya, makikita niyo ang ritwal," nakangiti kong sabi. "Magpahinga na muna kayo."
Bago ako bumaba, naghatid na ng mainit na sabaw ang tiya ko para sa kanila na agad naman nilang ininom.
"Nicko, nag-enjoy ako. Salamat sa pagdala sa amin dito," habol ni Rica. Tanging tango ang nagawa kong isagot.
Pagbaba ko, pinuntahan ko ang aking ina at ama na nagsasabit na ng ilang halaman sa poste ng mga lamesa.
"Handa na ba ang mga alay?" tanong ni nanay.
"O-opo." Napalunok ako nang wala sa oras.
"Para ito sa ating angkan. Salamat sa iyong pagsunod," wika ni Apo Andong sabay abot sa akin ng malaking kahoy. Kumabog ang dibdib ko. "Sigurado akong matutuwa si Bathala."
Tiningnan ko ang aking ama at dalawa kong pinsan na may hawak na ring kahoy. Ang aking tiya at ina ay may bitbit na lubid. Handa na sa gagawing paghuli. Wala nang atrasan ito.
"Nicko... "
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa kahoy nang marinig ko si Rica. Pababa na ito nang lingunin ko. Hindi!
"B-bakit 'di ka pa natutulog?" kinakabahan kong tanong.
"Hindi pa ako inaantok, eh. Saan kayo manghuhuli ng iaalay?" tanong nito habang lumalapit sa akin. "Puwede ba akong sumama?"
Napahinga ako nang malalim. Hindi ko kaya. Naguguluhan na ako.
"Kulas, oras na." Naghanda si Apo Andong. Hinawakan na nito ang sibat at hinintay ang aking aksyon.
Kumapit naman sa akin si Rica na walang kaalam-alam. Ngumiti pa ito sa akin.
Nahati ang isip ko. Pagmamahal sa kadugo o t***k ng aking puso. Alin ang pipiliin ko? Kinapitan ko nang mahigpit ang kahoy na hawak ko. Kasing-higpit nang hawakan ko ang kamay ni Rica.
Dahan-dahan, nagsimulang maglitawan ang dilaw na mga mata ng aking mga kabaryo. Nakaramdam ako ng panganib. Tila may lalabas at mapupunit ang aking balat sa likod. Nagsimula na ring mamaga ang aking buong gilagid.
"N-Nicko... Ang mata mo..."
"Rica, huwag kang bibitiw... Huwag ka ring matakot sa maaring maging hitsura ko."
"H-Ha?"
"Magtiwala ka sa akin. Kahit ano'ng mangyari, ilalabas kita rito. aiintindihan mo?"
Simpleng tango ang isinagot ni rica sa akin. Pero sapat na iyon lalo na nang hawakan niya ako nang mahigit.
-Wakas-