Palagi akong umiiyak tuwing gabi. Hindi mabura bura sa aking isipan ang nangyari. Kahit anong gawin ko ay talagang naaalala ko lagi ang ginawa nila sa akin sa Canteen. Nawawalan ako ng ganang pumasok dahil doon at nagpapanggap na lamang na masama ang aking pakiramdam kahit na may iba akong dahilan.
“Sinabi ko kay Mommy ang ginawa nila sa’yo at sabi ni Mommy ay pupuntahan niya raw ang school mo pag nagpasya kanang pumasok,” ani Dira nang binisita niya ako sa bahay.
Ayaw ko kasing ipaalam ito kay Mama at baka mag-alala lamang siya. Kaya nang marinig ko ang sinabi ni Dira ay agaran akong umiling lalo na’t ayoko na ring palalain ang nangyari.
“Huwag na, Dira. Baka ibully lang ako lalo dahil doon...”
“Anong huwag na? What they did to you is unforgivable, Cee! They need to be punished! Tingnan mo nga... Ayaw mo ng pumasok sa klase. Natrauma kana dahil sa kanila!”
Yumuko ako at hinilamos ang aking mukha. Ewan ko ba at parang wala na akong guts na pumasok pa. Para akong nakakulong sa isang madilim na classroom at wala ng balak na lumabas para magpakita sa kanilang lahat.
“Mommy decided to talk to them. I also told her na huwag nalang ipaabot sa Mom mo para hindi siya mag-alala sa’yo,” aniya.
Bumuntong ako ng hininga at naging blangko na ang aking isipan kung ano ang dapat na gawin sa nangyari sa akin. Hinaplos ni Dira ang aking likod.
“Hindi ka dapat nila ginagano’n, Cee. Kung hindi natin sila tuturuan ng leksyon ay baka ipagpatuloy nila ‘yan sa’yo. Kuya also agreed that Mom will talk to those kids. The Head of the discipline’s office needs to know about their behavior.”
Sa totoo lang, kaya ko namang magpatuloy nalang nang walang ibinabalik sa kanila na kahit ano sa kanilang ginawa. Ayoko lang talagang palalain dahil wala na rin namang magbabago at tapos na nila akong ipahiya. Ngunit katulad ng sabi ni Dira ay baka nga ipagpatuloy nila ‘yon sa’kin dahil nananahimik ako at hindi lumalaban.
Katulad ng laging sinasabi sa akin ni Vincent, mamaliitin ako ng mga taong nakapaligid sa akin dahil pinapalampas ko lagi ang mali nilang ginagawa at hinahayaan silang ilagay ako sa ganoong sitwasyon. Hindi ako lumalaban at mas pinipili ko na lamang manahimik katulad ng nangyari sa kanilang bahay.
Ano rin naman kasing laban ko sa kanila? Eh hindi naman mawawala ang sakit na dinulot nila sa akin kahit na gumanti man ako. Kaya mas pinipili ko nalang iiyak habang pinipilit kong magpatuloy.
“Sino ‘yung sumundo sa’yo noong nakaraang araw? Kuya mo?”
“Ang gwapo naman no’n. Imposibleng boyfriend mo ‘yon eh ‘di ba at nanliligaw si James sa’yo?”
“Ilang taon na ‘yon?”
“Pakilala mo naman ako, oh...”
Nagulat ako sa paglapit ng aking mga kaklase nang pumasok akong muli ilang araw ang lumipas.
Tatlong araw akong absent at nagpapanggap na may sakit ngunit napapansin na ni Mama na wala akong lagnat kaya medyo nagtaka na siya kung ba’t ayaw ko pa ring pumasok. Baka mahuli rin ako sa lessons kaya pinilit ko na lamang ang aking sarili at nilunok ang nararamdaman kong kahihiyan.
Pinagtitinginan ako ng lahat kahit noong pumasok na ako sa gate. Nagbubulung-bulungan pa ang iilan at hindi ko alam kung dahil ba iyon sa nangyari sa canteen o may iba pang dahilan. Ngayon na pumasok na ako sa classroom ay sunod sunod agad ang paglapit sa akin ng mga babae kong kaklase at nagtatanong tungkol kay Vincent.
“May girlfriend ba ‘yon? Yayamanin ‘yon eh! Imposibleng ikaw ang girlfriend no’n.”
“Pinsan mo?”
“Anong full name niya? May f*******: ba siya?”
Napaatras na ako sa sunod sunod nilang tanong. Halos narito na ang iilan kong kaklase at natanaw ko pa ang mariing tingin ng grupo ni Janna sa akin. Mukhang wala pa si Janna at si James. Nagtungo ako sa aking silya ngunit hindi pa rin ako tinantanan ng iilan at nagawa pa nila akong palibutan.
“Sobrang gwapo niya! Para siyang prince charming na lumabas sa libro!”
“Ang tangkad tangkad at napaka mamahalin pang tingnan!”
“Anong type no’n sa babae? Ireto mo naman ako, Celeste!”
Nagkukumpulan sila sa bawat gilid ko. Nakakagulat dahil hindi ko naman maalalang naging close ko sila at iyon pa halos ang unang beses na kinausap nila ako. Lumalapit lang sila sa akin dahil may kailangan sila ngunit kung hindi lumitaw si Vincent ay baka gawin lamang nila akong katatawanan dahil sa nangyari sa akin.
Kung isa ito sa mga araw na nananalangin akong magkaroon ng kaibigan ay baka natuwa na ako. Ngunit mulat na ako sa katotohanan dahil sa nangyari sa canteen kaya hindi ko maiwasang malasahan ang tabang sa aking bibig.
“Kaibigan ko lang ‘yon,” tanging sagot ko habang abala na sa paglalabas ng aking notebook.
“Huh? Single ba ‘yon? Anong pangalan, Celeste? Ipakilala mo naman ako!”
“Ako rin!”
Nakita ko ang pagpasok ni Janna. Mariin agad ang tingin niya sa akin. Nagkunwari akong abala sa aking notebook kahit ramdam ko ang talim ng kanyang tingin.
Nilagpasan niya ako at tahimik na nagtungo sa kanyang upuan saka siya kinausap ng kanyang mga kaibigan. Naririnig ko ang pangalan ko sa kanilang gawi ngunit hindi na ako masyadong nakinig pa lalo na’t alam kong wala silang magandang sasabihin tungkol sa akin.
Maya maya lamang ay si James naman ang dumating. Nagulat ang lahat nang nakita itong may pasa sa mukha. Nilapitan siya ng kanyang mga kaibigan at natawa pa ang ilan habang iritado si James.
“Sinuntok ako noong boyfriend ni Celeste,” narinig ko ang kanyang boses kaya hindi ko naiwasang lingunin siya.
S-Si Vincent? Sinuntok siya ni Vincent? Hindi ko iyon halos kayang paniwalaan pero naalala kong nagbanta nga si Vincent na may araw rin si James sa kanya.
Iniwas ko agad ang aking tingin at naging tahimik sa aking upuan lalo na’t tumigil na rin ang mga kaklase ko sa pagkukumpulan sa akin dahil hindi ko naman sila sinasagot.
“Hindi daw ‘yon boyfriend ni Celeste. Kaibigan niya lang daw ‘yon,” sabi ng isa sa mga babae kong kaklase.
“Tsss. Wala akong pakialam kung ano niya ‘yon. Gago siya. Ang sakit sakit ng mukha ko. Binantaan pa ako na babalikan niya ulit ako pag pinakialaman ko ulit si Celeste.”
Nalaglag ang aking mga mata sa aking mga daliri at pinisil iyon habang namamahinga ito sa aking kandungan. Wala akong masabi lalo na’t hindi ko naman inutusan si Vincent na gawin iyon sa kanya. At sa galit niya kay James ay talagang sinuntok niya na ito.
Umiwas na lamang ako sa aking mga kaklase. Nang pumasok ang aming guro at nakita ako ay napangiti siya.
“Mabuti naman at pumasok kana, Miss Madrigal. In-excuse ka at masama raw ang pakiramdam mo...”
Tumango ako ng marahan. “Pero maayos na po...”
“Mabuti naman. Manghiram ka nalang ng notes sa mga kaklase mo nang makahabol ka sa lesson natin, okay?”
“Ah... P-Pwede po bang magpa xerox na lang po ako galing po sa libro? Ililipat ko nalang po sa aking notebook,” sabi ko lalo na’t alam kong wala naman akong mahihiraman na notes sa aking mga kaklase.
“Oo pwede naman...” Ngumiti siya sa akin at binuklat ang libro nang may biglang dumating.
Namilog ang aking mga mata nang makitang kumaway pa sa akin si Dira kasama si Tita. Naka eleganteng dress ito at may mamahaling nakasabit na bag sa kanyang braso. Kapansin pansin din ang kanyang pearls sa leeg at hinubad niya pa ang shades na suot para tingnan ng maayos ang aming adviser na si Ma’am Limundo.
“Yes?” ani Ma’am at nangingiti siyang nilapitan.
Nagbulung-bulungan agad ang aking mga kaklase lalo na’t pinansin pa ako ni Dira. Tinitingnan ako nila at halata sa kanilang mukha ang pagiging kuryoso kay Dira. Nakauniporme ito at litaw na litaw ang kanyang ganda lalo na’t puti lahat ang kanyang suot, nagpapatunay na nag-aaral ito sa mamahaling eskwelahan.
“Gano’n ba?” Medyo may concern sa tono ng aming adviser nang lingunin ako.
Tumango si Tita at muling nagsalita.
“I want those kids to be punish and I hope you take a legal action for this because what they did to Celeste is bullying...” ani Tita na pumaibabaw ang tinig.
Nagsinghapan ang aking mga kaklase at nilingon ang grupo ni Janna at James. Nang tingnan ko rin ang mga ito ay nakita ko kung paano namutla ang iilan sa kanila. Si Dira naman ay pagalit ang tingin sa aking mga kaklase at sinundan din ng tingin kung sino ang tinititigan ng aking mga kaklase, tila ba hinuhulaan niya nalang kung sino ang tinitingnan ng lahat.
Tumango tango ang aking adviser at humarap sa akin.
“Celeste, hija. Pwede mo bang pangalanan kung sino ang mga estudyanteng nambully sa’yo sa canteen?”
Sinenyasan agad ako ni Dira na tumayo. Kinagat ko ang aking labi at ilang sigundo pa akong hindi makakilos. Anong mangyayari kung gagawin ko ito? Pero naniniwala akong sa bawat masamang gagawin sa iyong kapwa ay may kapalit itong parusa.
Iyon ang laging sinasabi ni Mama sa akin. At kung mananatili akong tahimik ay magpapatuloy sila sa pagiging gano’n. Baka ay may matulad pang iba sa akin dahil walang naglakas ng loob na ituro ang kanilang maling gawain at hindi naitama ang kanilang ginawa.
Kaya dahan dahan akong tumayo at humarap sa kinaroroonan ni James. Nakita ko ang kanyang pagyuko at para bang hindi niya ako kayang tingnan.
“S-Si James po...” sabi ko.
“James. Sino pa?” ang aming adviser.
Hindi agad ako nakasagot at tiningnan ang inuupuan ni Janna. Nakita ko kung paano kumuyom ang kanyang kamay at wala sa akin anf mga mata.
“Ma’am, si Janna po ang nag-utos sa akin na gawin ‘yon kay Celeste...” sabi ni James nang tumayo siya.
Nalaglag ang panga ni Janna, hindi makapaniwalang nilalaglag siya nito.
“Miss Janna Tuazon. Is that true?”
Nakita ko ang panginginig ni Janna. Ni hindi siya makatingin ng buo sa aming adviser.
“Sino pa ang sangkot, James?” tanong ng aming adviser.
“Kami lamang po...”
“Pumunta tayo sa Guidance ngayon din,” sabi ng aking adviser at naunang lumabas.
Kinagat ko ang aking labi at naglakad patungo kina Dira. Ngumiti sa akin si Tita at hinaplos ang aking buhok.
“Tuturuan natin ng leksyon ang mga batang ‘yan...” aniya.
Ramdam ko agad ang panlalabo ng aking mga mata. Hinawakan naman ni Dira ang aking braso at sinamahan ako sa paglalakad habang iritado niyang nililingon sila Janna sa aking likuran.
“Buti nga at nagka black eye siya! Hindi naman pala kagwapuhan, Cee! Ang pangit pangit niya!”
Nanatili akong tahimik hanggang sa makarating kami sa Guidance Office. Pinaupo kami isa isa roon. Nasa sofa lamang si Dira habang si Tita naman ang aking katabi at nasa aming harapan si James at Janna na katabi ang aming adviser.
“Gusto ko lang sanang ireklamo ang dalawang estudyanteng ‘to dahil sa ginawa nila kay Celeste. The kid got traumatized. Ni ayaw na nitong pumasok dahil sa ginawa nilang pamamahiya. They should be punish for bullying her,” ani Tita at mariing tiningnan sina Janna at James na kapwa nakayuko.
“Ano bang nangyari, hija?” concern na tanong sa akin ng head pagkatapos marinig ang reklamo ni Tita.
“P-Pinahiya po nila ako sa canteen at... at pinagtawanan po...” Yumuko ako dahil pakiramdam ko ang babaw lang naman ng nangyari at talagang umiyak lamang ako sa kahihiyan.
“Bakit niyo ‘yon ginawa sa kanya?” tanong ng head.
“Eh dare po kasi sa’kin ni Janna na ligawan ko raw si Celeste at pag sinagot na ako ay bastedin ko sa canteen... Na ipahiya ko raw at amining hindi ko naman ‘to gusto...” pag-amin ni James.
“How dare you, younglady? Who are you to play with someone’s mental health like a joke? Hindi mo ba naisip ang trauma na ibinigay mo sa iyong kaklase?” galit na bigkas ni Tita.
“Alam niyo bang nasa rules ng school na bawal ang bullying?” ang head ang nagsalita.
“Halos ayaw ng pumasok ni Celeste dahil sa ginawa niyo. What you did to her is traumatizing,” si Tita na hindi pa rin nawawala ang galit sa boses.