Hindi ko alam kung saan ako tatakbo, ang gusto ko lamang ay makaalis agad doon habang bumubuhos ang aking mga luha.
Bago pa tuluyang makalayo ay may humigit na sa aking pulso. Nagpumiglas ako at nilingon kung sino iyon ngunit natigilan din nang makita ko ang mga mata ni Vincent.
Nagulat siya nang makitang basa ang aking mga mata at umaagos ang aking mga luha. Ang gulat ay agarang napalitan ng galit at mas hinila niya ako papalapit sa kanya.
“Who hurt you?” galit niyang tanong at mahigpit ang pagkakahawak sa akin.
Ramdam ko ang tinginan ng lahat sa kanya lalo na’t pamilyar ang suot niyang uniporme, halatang galing ito sa pinaka malaki at pribadong eskwelahan sa aming bayan na tanging mayayaman lamang ang nakakapag-enroll.
Parang artista si Vincent sa kanilang mga mata ngunit hindi niya man lang magawang pansinin na tinitingnan na kami ng maraming estudyante dahil nasa akin ang kanyang tingin.
Lito pa ako kung sasabihin ko ba sa kanya ang nangyari ngunit kusa iyong lumabas sa aking bibig.
“S-Sa canteen... Y-Yung manliligaw ko... p-pinahiya niya ako. P-Pinagkatuwaan lang pala nila ako... H-Hindi pala t-totoo...” Yumuko ako at mas lalong nabasag ang aking boses dahil sa aking iyak.
Hindi ito ang unang beses na napahiya ako at hindi rin ito ang unang beses na nakita ako ni Vincent na umiiyak at walang nagbago sa nararamdaman ko ngayon katulad ng una kong naramdaman dahil sa pang-iinsulto sa akin.
Pakiramdam ko ay mas lalo akong nanliit at hindi na kailanman magtitiwala sa mga taong papalapit sa akin. Sa tuwing hinahayaan ko silang kilalanin ako, wala silang ibang ginawa kundi ang saktan ako at pahiyain. Para bang nababasa nila sa aking mukha na mabilis akong magtiwala kaya kinukuha nila ang pagkakataong iyon para itulak ako sa kanilang bitag at ilagay ako sa nakakahiyang sitwasyon.
Yumuko ako at bumuhos lalo ang aking mga luha nang maalalang tama nga si Vincent sa kanya. Sa kagustuhan kong patunayan na may mga tao pang handang maging kaibigan ako, sa huli ay nabigo rin ako. Sa huli, tama nga si Vincent sa kanila. Bata pa nga ako at walang alam sa takbo ng kanilang isip.
Hinila niya ang aking kamay patungo sa kung saan. Noong dumilat ako ay nakikita ko na kung saan niya ako dinadala.
“A-Ayoko ng bumalik doon!” Pilit kong binabawi ang aking kamay sa kanya ngunit ayaw na akong bitiwan ni Vincent.
Maraming nakiusyoso dahil sa panghihila ni Vincent sa akin hanggang sa makarating kaming muli sa canteen. Naghahalakhakan sila Janna roon habang sa kanyang tabi ay nakaakbay na sa kanya si James.
Nang pumasok kaming bigla ay unti-unting tumahimik ang loob. Nakay Vincent ang kanilang tingin at nakikita ko kung paano sila napapasinghap kakatitig sa kanya. Panay pa rin ang pagbuhos ng aking mga luha at sa tuwing naaalala ko ang ginawa nila sa akin ay mas lalo lamang akong naiiyak.
Marami agad ang nagbubulung-bulungan habang ang iilan ay kuryoso kaming tinitingnan lalo na’t hindi pa binibitiwan ni Vincent ang aking kamay.
“Ituro mo kung sino ang lalakeng ‘yon,” matigas na sabi ni Vincent nang iginala niya ang tingin sa kabuuan.
Natahimik ang lahat. Nakita ko kung paano tinanggal ni Janna ang kamay ni James sa kanyang balikat at unti-unting namutla. Ni hindi sila makatingin sa akin ng deritso lalo na’t masyadong galit tingnan si Vincent at natatakot silang ituro ko ang isa sa kanila.
“Celeste,” tawag ni Vincent sa akin lalo na’t hindi ako umiimik.
Yumuko ako kinagat ang aking labi. Ayaw kong ibalik sa kanila ang ginawa nilang pamamahiya sa akin. Ayokong iparamdam sa kanila kung gaano kasakit ang pinaramdam nila sa akin. Ngunit hindi ko lubos maisip kung ba’t nagawa nila iyon sa akin. Kung ano ang naging kasalanan ko sa kanila kung bakit nila ako inilalagay sa nakakahiyang sitwasyon.
“Sa mga mangangahas na mananakit sa kanya, huwag na huwag kong malalaman kung sino kayo dahil hindi ako magdadalawang isip na ibalik sa inyo ang ginawa niyo,” pagbabanta ni Vincent at iginala ang tingin sa bawat estudyanteng naroroon.
Pagkatapos niya iyong sabihin ay muli niya akong hinila paalis doon. Nakayuko na lamang ako hanggang sa napansin ko na nasa labas na pala kami ng school. Binuksan niya ang pinto ng kanyang kotse at pinapasok ako sa back seat.
Pumasok ako at pinanood siyang umikot pagkatapos isara ang pinto. Pumasok siya sa kabila at tumabi sa akin. Mariin agad ang kanyang tingin sa akin at nagbabanta pa ang kanyang mga mata.
Muli akong humikbi habang pinapalis ang aking mga luha. Kahit pa siguro gantihan sila ni Vincent, kahit pa ibalik niya ang sakit na ginawa nila sa akin, hindi na mabubura ang sakit na nakaukit sa aking puso. Malalim ang naging sugat no’n at pakiramdam ko ay hindi agad iyon magagamot.
“Sinabi ko na sa’yo pero hindi ka nakinig,” pagalit na sabi ni Vincent at nakita ko na naglahad siya ng malinis na panyo para sa akin.
Hindi ko iyon kinuha at yumuko lamang habang kinukusot ko ang umiiyak kong mga mata. Humalukipkip si Vincent sa aking tabi at ramdam ko na nasa akin ang kanyang tingin.
“I already warned you but you didn’t listen. At sumama ka pa talaga sa canteen...”
“E-Eh hindi ko naman alam na g-gano’n pala ang gagawin ni James sa akin... Hindi ko naisip na g-gano’n pala siya kasi ang bait bait niya sa’kin...” Humikbi ako lalo.
“Hindi purket mabait sa’yo ang isang tao ay hindi kana kayang saktan, Celeste. You trust way too easily...”
Tanging iyak ang aking naisagot lalo na’t tama rin si Vincent. Ang dali dali kong nagtiwala. Pinakitaan lamang ako ng mabuti ay para na agad akong tutang sumusunod sa kanyang amo. Hindi ko naman gano’n ka kilala pero binibigay ko agad ang buo kong tiwala sa kanila.
Bakit may mga gano’ng tao? Bakit sila namamahiya ng kapwa nila tao? Anong naging kasalanan ko sa kanilang lahat? Ano ang ginawa ko sa kanila para ganonin nila ako? Wala naman sana akong ginagawa. Mabait naman sana ako. Ni hindi ko maalalang may ginawa ako na ikinagalit nila. Hindi ko maalalang may pamamahiya akong ginawa sa kanila para ipahiya rin nila ako ng gano’n.
Hindi ko na alam kung kaya ko pa bang pumasok pagkatapos ng ginawa nila sa akin sa canteen. Nanliliit ako at ang gusto ko na lamang ay umuwi. Ni ayoko ng magpakita roon sa classroom dahil parang pinagkakaisahan ako ng lahat. Hindi ko na ata kayang ipakita ang aking sarili pagkatapos ng nangyari sa canteen.
“Gusto kong umuwi...” bulong ko.
“I’ll get your things first,” ani Vincent at muling lumabas sa kanyang kotse para kunin ang aking mga gamit.
Medyo natagalan siya kaya naging abala ako sa pagpupunas ng aking luha lalo na’t namumugto na rin ang aking mga mata kakaiyak. Anong sasabihin ko kay Mama pag nalaman niyang bigla akong lumiban sa klase? Baka isipin niyang nagbubulakbol ako at hindi nag-aaral ng mabuti. Eh balak ko pa naman sanang mag-ipon at makapagtapos agad ng pag-aaral para makatulong sa kanya tapos ganito pa ako.
Dumating din naman si Vincent. Ibinigay niya sa akin ang aking bag at nagsimula na ulit siyang magmaneho.
Naging tahimik lang ako sa front seat habang tinatanaw ang labas ng bintana ng aming nadadaanan. Doon ko lang namalayan na huminto kami sa isang Convenience Store.
Lumabas si Vincent doon at pumasok saglit. Nanatili lamang ako sa loob hanggang lumabas itong muli na may dala ng supot. Bumalik siya sa driver’s seat at ibinigay iyon sa akin.
Kunot noo ko iyong tinanggap at sinilip ang loob. Nagulat ako ng makitang klase klaseng ice cream ang kanyang binili para sa akin. Kumuha ako ng isa at inilagay sa tabi ang supot para buksan iyon. Sinimulan kong dilaan ang cornetto at medyo kumalma rin kahit papaano nang kumalat ang lamig at matamis na lasa nito sa aking bibig.
“Puntahan nalang muna natin si Indira,” aniya at muling nagmaneho.
Nasa ice cream lamang ang aking atensyon sa lumipas na minuto. Medyo naenjoy ko ang pagkain no’n kaya muli akong nakaubos ng isa pa hanggang sa nakarating na kami ng tuluyan sa malaki nilang paaralan.
Nalula ako sa sobrang laki ng building. Ibang iba ito sa aming paaralan lalo na’t noong pumasok kami, nakita ko agad ang malaking kaibahan nito sa publiko naming school.
May malapad silang field. Malilinis ang paligid at para kang namamasyal sa park. May mga vendo machine sa gilid kung saan malaya kang nakakabili ng gusto mong drinks. Malaki rin ang kanilang canteen na tinatawag nilang Cafeteria.
“Hi Vincent...” May grupo ng mga babae ang ngumiti kay Vincent at binati siya.
Tumango lamang si Vincent habang nakapamulsang naglalakad sa aking tabi. Nang nilingon niya ako ay ngumiwi agad siya nang tingnan ang aking blusa. Yumuko ako at napagtantong nahuhulog na pala ang chocolate ng aking ice cream at dumikit pa iyon doon.
“Ang dungis mo kumain.” Iritado niyang ibinigay muli sa akin ang kanyang panyo.
Kinuha ko iyon para gawing pamunas sa aking blusa. Nagpatuloy kami sa paglalakad at napapansin ko talaga kung paano napapatingin ang mga estudyante sa kanya.
Ang lilinis at ang gaganda ng mga babaeng estudyante. Puro pa mapuputi at makikinis. Ako lamang ata ang napadpad na kapos dito dahil lahat sila ay sumisigaw ng karangyaan ang kanilang mga imahe.
“Who is she? Can’t remember Vincent has another sister...”
“She doesn’t looked like Indira... Girlfriend?”
“She’s too young. She’s probably one of his circle of friends.”
Ngumiwi ako nang marinig na english speaking pa ang iilan. Pinagt-tsismisan nila kami sa sosyal na paraan! Nakakawindang naman dito. Parang ang hirap makipagbonding sa kanila dahil panay english.
“Cee!” Pumaibabaw agad ang sigaw ni Dira at nagmamadaling lumabas ng kanyang classroom nang makita ako.
Niyakap niya ako ng mahigpit. Noong humiwalay siya ay hinawakan niya agad ang magkabila kong pisngi at tumitig ng mataman sa aking mga mata.
“Wait... Umiyak ka ba?” Saka niya sinamaan ng tingin si Vincent. “Inasar mo na naman ba itong si Cee, Kuya?”
Umiling si Vincent. “Pinaiyak noong gago niyang manliligaw. Pinahiya sa canteen. Dare lang pala...” iritadong sabi niya.
Namilog ang mga mata ni Dira at nakita ko agad kung paano dumaan ang galit sa kanyang mga mata, tila ba handa niya na itong sugurin.
“Why are they so mean?! Dapat binugbog mo, Kuya!”
“May araw din sa’kin ‘yon...” Narinig kong sabi ni Vincent.
Hinila ako ni Dira sa ibang direksyon at dinala sa kung saan para lamang makakwentuhan ako. Doon ko sinabi sa kanya ang lahat at muling naiyak nang maalala ang pamamahiya nila sa akin. Niyakap niya ako habang galit na galit siya.
“They’re all bullies! Dapat sa kanila isumbong sa Dispine’s Office para ma punish sila! Kuya! Do something about it!”
Umiling ako lalo na’t wala rin namang mangyayari. Tapos na nila akong pahiyain. Tapos na nila iyong gawin sa akin. Nakatatak na iyon sa aking isipan at ang hirap ng burahin.
“I hate them! Ang sasama ng ugali nila!”
Wala na akong balak na pumasok ulit dahil sa nangyari. Parang ayoko na ulit silang makita. Pakiramdam ko ay mamaliitin lamang nila akong muli pag pumasok ako roon. Ipapamukha lang nila sa aking lahat kung gaano ako ka awa awa sa araw na iyon at ipapahiya lang akong muli.
Ngunit may choice ba ako? Wala naman akong pwedeng lipatan at ayaw kong abalahin si Mama sa ganoong bagay. Ayoko ring isipin niyang pinagtutulungan ako sa school. Kaya noong nagtanong siya kung bakit maaga akong umuwi ay kinatwiran ko na lamang na masakit ang aking ulo at masama ang aking pakiramdam kaya ayaw ko ulit pumasok.
Hindi ko talaga alam kung pangit ba ang aking ugali kaya ayaw ng lahat sa akin o ano. Pakiramdam ko ay lahat ng tao ay ganoon ang gagawin sa akin at mas mabuti na lamang na mapag-isa ako. Na sanayin ko ang aking sarili na huwag masyadong makihalubilo dahil gano’n lang din naman ang makukuha ko sa kanila. Sa huli, sarili ko lang din ang maaasahan ko.