"Nanliligaw?!" Namilog ang mga mata ni Dira nang makwento ko sa kanya ang panliligaw ni James sa akin.
Araw araw siyang bumubuntot. Tuwing lunch ay niyayaya niya ako laging kumain sa canteen ngunit palagi rin akong tumatanggi lalo na't kakaiba ang tinginan na nakukuha ko roon. Nagtatawanan pa ang grupo ni Janna kaya mas lalo akong nahihiya.
Sa forest ako madalas at doon niya naman ako hinahatdan ng pagkain katulad ng cheese sandwich at juice. Sa sobra niyang bait ay hindi ko na alam kung papatigilin ko ba siya o ano dahil sa wakas ay may kaibigan na ako.
Kaso ayoko namang sa ganoon na paraan. Palagi kong sinasabi ni James na papayag naman ako kahit magkaibigan kami kaso makulit siya at gusto niyang manligaw.
Sa lakas ng boses ni Dira habang nasa pool kami naliligo ay hindi nakaligtas iyon kay Vincent na kakarating lamang at topless pa. Mabilis kong sinenyasan si Dira na huwag maingay lalo na't ayoko iyong makarating kay Vincent dahil ano na naman ang kanyang sasabihin tungkol sa bagay na iyon.
"Pogi ba?" Nakangising tanong ni Dira habang nakahilig kami sa bawat gilid ng pool at nakalublob ang aking katawan sa malamig na tubig.
Tumango ako at ngumiti.
"Oo. Sikat 'yon siya sa school dahil mabait at gwapo," sabi ko na ikinahagikhik ni Dira.
"Sabi ko sa'yo may manliligaw rin sa'yo eh! Eh ano bang feeling mo sa kanya?"
Hindi muna ako sumagot lalo na't bumaba si Vincent sa tubig. Lumangoy ito. Tiningnan ko siyang napupunta sa dulo saka ko muling tiningnan si Dira na halata ang pagiging interesado sa aming topic.
"Sabi ko ayos lang sa'kin kahit friends kami. Eh hindi ko pa siya nagugustuhan eh... At bawal pa ata akong magboyfriend. Ang sabi ni Mama sa akin pag college na raw ako..."
"Malay mo magustuhan mo siya! At experience lang naman 'yon! Pag nagbreak kayo at least may idea kana sa susunod mong magiging boyfriend!" aniya.
"Anong boyfriend?" biglang sulpot ni Vincent sa aming likuran na kapwa namin ikinatili ni Dira sa gulat.
Mabilis kong sinabuyan ng tubig si Vincent para lumayo siya sa amin ni Dira. Ginaya rin ni Dira ang aking ginawa para tantanan kami nito lalo na't alam kong hindi niya magugustuhan ang aming topic.
"May nanliligaw na kay Cee at bawal kang makisawsaw sa topic namin!" sigaw ni Dira na ikinatalim agad ng tingin ni Vincent sa akin.
"Anong manliligaw? Bawal ka pang magboyfriend ah," aniya, ni wala ng pakialam kung natatamaan namin siya ng tubig.
Tumigil ako sa kakasaboy sa kanya ganoon din si Dira. Umahon ako sa tubig at umupo sa gilid habang si Dira naman ay nanatili roon habang nakahawak pa rin.
"Eh gusto niya akong ligawan eh," sabi ko.
"Sus. Baka lolokohin ka lamang niyan. Paiiyakin," aniya na ikinasimangot ko.
Eh mukha namang mabait si James. Sikat din siya sa pagiging mabait sa mga babae sa school. At sa araw na lumipas ay wala naman siyang ginagawa na masama sa akin. Panay pa nga siya nanlilibre. Kung anu-ano rin ang kanyang binibigay sa akin.
"Mabait kaya siya. Binigyan niya nga ako kahapon noong bulaklak..."
"Binibigyan ka lang ng kung anu-ano nagpapaniwala ka agad. Sabihin mo na tumigil na sa panliligaw. Bastedin mo," utos niya na agaran kong ikinasimangot ganoon din si Dira.
"Ang kj mo talaga kahit kailan, Kuya. Bakit niya babastedin 'yon eh nagkakamabutihan nga sila. He's taking care of Cee! At palagi nang may kasama si Cee tuwing break time dahil sinasamahan siya nito!"
Hindi man lang nagbago ang ekspresyon ni Vincent at parang sigurado talaga siya sa iniisip sa lalake. Naiirita tuloy ako sa kanya. Eh hindi nga ako nakikialam sa lovelife niya. Hindi ko nga siya sinasabihan na huwag manligaw ng babae o kung ano ano pa. Kaya bakit niya pakikialaman ang akin? Eh ako naman ang kikilala. At mabait naman 'yon!
"Ayoko." Humalukipkip ako.
Nailing si Vincent at pinasadahan ng haplos ang kanyang buhok paatras. Gumuguhit ang iritasyon sa kanyang mukha at hindi iyon nabubura sa paglipas ng ilang minuto.
"You're just eleven. What do you know about boys..."
"Magt-twelve na ako this year!" giit ko.
"Bata pa rin," aniya na para bang sapat na ang rason na iyon para tigilan ko ang kahibangang ito.
"Eh malay mo mabait talaga, Kuya! At ikaw nga nanliligaw ka rin ng girls. Ano namang kaibahan sa ginagawa ng lalake kay Cee," si Dira na iritado na rin.
"Iba ako. Alam kong hindi ko lolokohin ang babae. Eh 'yang lalakeng 'yan... kabisado niyo ba? Ni hindi niyo alam ang takbo ng utak ng ibang lalake. Sa huli, kayo pa rin ang kawawa at iiyak lang," ani Vincent.
Mas lalo lang akong nainis. Ayokong paniwalaan si Vincent. Baka sinasabi niya lamang ito sa akin para maging mag-isa lang ako habangbuhay sa pag-aaral. Baka gusto niya lamang siraan ang lalakeng iyon at asarin ako.
"Pag hindi mo 'yon binasted ay pupuntahan kita roon sa classroom niyo at hahanapin ko ang lalakeng 'yan," pananakot ni Vincent na ikinaalarma ko pa saglit.
"Huwag kang matakot d'yan kay Kuya, Cee. Hayaan mo siya. Sagutin mo 'yon..." sulsol naman ng aking bestfriend sa mahinang boses.
Ngumisi ako at tumango lalo na't sa sinasabi ni Vincent ay mas lalo tuloy akong naging ganado na kilalanin lalo ang lalake para may maisumbat ako sa kanya na mali ang kanyang iniisip kay James. Na sa huli ay opinyon ko pa rin ang matimbang at mali ang kanyang iniisip tungkol dito.
At baka kasi itinutulad niya sa iba si James eh hindi naman lahat ng lalake ay gano'n. Baka mabait talaga 'yon. Baka kahit hindi maging kami ay iyon din ang maging kaibigan ko. At kung maniniwala ako sa pinagsasabi ni Vincent ay baka maging loner na talaga ako habangbuhay.
Kahit na tinakot niya akong pupuntahan ako sa aming paaralan para lang basted-in ko si James ay hindi pa rin ako nagpatinag. Pagkapasok ko ay nakita ko agad si James na kumaway sa akin.
Ngumiti ako pabalik at nahihiyang umupo sa aking silya. Nagbubungisngisan ang mga kaklase kong babae at parang may pinagkakaabalahan sila na hindi ko na inusisa pa.
Lumapit si James sa akin at inukupa ang katabing silya. Medyo basa pa ang kanyang buhok at umaalingasaw na agad ang kanyang pabango.
"Mamaya ulit sa lunch ha... Sa Canteen na tayo..." anyaya niya lalo na't iyon ang lagi kong tinatanggihan.
Ngumuso ako at inisip muna ng mabuti kung papayag na ba lalo na't gusto ko rin talagang mapatunayan sa aking sarili na iba si James sa sinasabi ni Vincent. Na mabait ito.
"Osige..." pagpayag ko na ikinatayo niya at malawak agad ang ngiti.
"Talaga? O sige walang bawian ha!" sabi niya kaya tumango ako at ngumiti.
Pumasok na ang iilan pa naming kaklase kaya umalis din si James sa aking tabi at sinalubong ang kanyang mga kaibigan. Nag-usap sila saglit at napapansin ko rin kung paano nagtatawanan ang kanyang mga kaibigan habang nililingon ako na hindi ko na lamang pinansin lalo na't hindi ko rin naman iyon naiintindihan.
Noong sumapit ang recess ay lumapit si James sa akin at binigyan ako ng nakagawian niyang cheese sandwich at juice. Kahit anong iling ko ay hindi niya naman iyon pinapansin at sa huli ay kinukuha niya na ang aking kamay para kusa kong tanggapin.
Nakakatipid ako lagi ng baon dahil sa kanya at naitatabi ko iyon palagi dahil hindi ko na kailangang bumili lalo na't binibigyan ako ng kung anu-anong pagkain ni James.
"Kawawa naman siya..."
"Kung ako sa kanya ay hindi ako mangangarap na magiging boyfriend ko si James. Eh hindi naman siya kagandahan."
"Baka feeling niya agad ang ganda ganda niya dahil lang nililigawan siya..."
Iyon ang palagi kong naririnig sa aking mga kaklase ngunit hindi ko na lamang masyadong pinapansin katulad ng aking nakagawian. Kaya noong sumapit ang lunch time at niyaya na ako ni James sa canteen ay pumayag na ako.
Maraming tao roon at naroon din ang grupo ni Janna. Kasama namin ang mga kaibigan ni James at humalo kami sa kanilang table. Kahit nahihiya ay tinatagan ko na lamang ang aking loob dahil baka ito na rin ang unang hakbang na magkakaroon na ako ng sarili kong grupo at kaibigan.
"Kayo na ba, James?" tanong ni Timothy habang inaakbayan ni James ang aking upuan.
Tumawa si James at umiling. "Hindi pa nga ako sinasagot nito! Sana naman sagutin ako..." pagpaparinig niya sa akin.
"Eh ba't naman kasi hindi mo pa sinasagot, Celeste? Nako sagutin mo na 'yan!"
"Oo nga sagutin mo na 'yan! Kawawa naman ang kaibigan namin!"
"Oo nga! Sasagutin na 'yan!"
Halos mabingi ako sa kanilang panunukso lalo na't tumatawa pa si James at hindi man lang sila pinipigilan. Sa sobra nilang ingay ay nagtitinginan na ang lahat sa akin. Pilit ko silang sinasaway na hinaan ang boses lalo na't pati ang grupo ni Janna ay nasa amin na rin ang atensyon.
"James, patigilin mo sila," naf-frustrate kong sabi lalo na't nakakahiya na.
"Sagutin mo muna ako..." aniya at humalakhak.
"Sasagutin na 'yan ni Celeste, uy!"
"Sagutin mo na si James, Celeste!"
"Sagutin mo na!"
Sa sobrang ingay nila ay napilitan na lamang akong tumango nang matigil lang silang lahat. Namilog agad ang mga mata ni James nang makita ang munti kong tango.
"Anong ibig sabihin no'n? Sinasagot mo na ako?" tanong niya sa gulat na ekspresyon.
Marahan akong tumango kahit hindi ko naman pinag-isipan ng maayos ang aking desisyon. Ang gusto ko lamang ay tumigil silang lahat sa kakatukso sa amin lalo na't masyado na akong nahihiya.
"Narinig mo 'yon, Janna?!" si James na tumayo agad at nagtungo sa grupo nila Janna.
Nagtawanan agad ang mga kaibigan ni Janna. Nalilito naman akong tiningnan ang mga ito lalo na't pati ang mga kaibigang lalake ni James ay nag-aapir-an na para bang nagkakasundo silang lahat at ako lamang ang walang ideya kung ano ang nangyayari, kung bakit parang may kung ano silang pinagkakatuwaan at ako lamang ang hindi alam kung ano iyon.
"Ginawa ko na ang utos mo. Ano... Girlfriend na ba kita? Sinagot niya ako!" pagmamayabang ni James at humagalpak ng tawa na ikinatuyo ng aking lalamunan.
Tumayo si Janna at nakangising nagtungo sa akin. Pinagtatawanan ako ng lahat.
"Ilusyunada... Akala mo ba talaga totoong nagkakagusto sa'yo si James? Akala mo ba talaga maganda ka? Ako ang tunay niyang nililigawan, Celeste. Dare ko lamang 'yon sa kanya para mapatunayan niya kung hanggang saan ang kaya niyang gawin para sa akin," aniya at ngumisi ng matagumpay.
Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Pakiramdam ko ay nabibingi ako at hindi magsink-in sa akin ang nangyari. Gusto kong tumayo at tumakbo paalis ngunit ang hirap hirap gawin.
Nanubig ang aking mga mata at halos manlabo ang aking paningin habang patuloy nila akong pinagtatawanan.
“Paniwalang paniwala siya sa’yo, James! Masyado mo naman kasing ginalingan ang panliligaw! Halos samahan mo siya lagi kaya akala niya tuloy totoo talagang may gusto ka sa kanya!” Isa sa mga kaklase namin ang nagsabi no’n.
Tumawa si James at inakbayan si Janna.
“Pinagtiisan ko nga rin, eh. Ang hirap pala. Ang weird weird nitong si Celeste. Pero kailangan ko ‘yung gawin dahil iyon ang gusto ni Janna kaya pinagbutihan ko talaga,” pagmamalaki niya at parang narinig na ng buong estudyante na pinaglaruan lamang nila akong lahat.
Nanginginig akong tumayo lalo na’t nagbabagsakan na ang malalaking luha sa aking mga mata. Tumakbo ako paalis at dumaan sa gilid ni Janna ngunit nagawa niya pa akong patirin kaya nawalan ako ng balanse at nabangga ang isang estudyante na may hawak na drink kaya natapon iyon sa aking uniporme.
Nagtawanan silang lalo. Pakiramdam ko ay ako na ang pinakamalas na estudyante sa araw na ‘yon. Humikbi ako at mas lalong tumakbo palabas para salbahin ang sarili sa kahihiyan lalo na’t nilalamon na ako. Ano bang masamang ginawa ko sa kanila at pinagkakaisahan nila akong lahat? Bakit nila ako ginaganito?
“Ayon po si Celeste oh!” isang tinig ng babae ang pumaibabaw.
Hindi ko na alintana kung sino iyong naghahanap sa akin. Ang gusto ko lamang ay makaalis sa sobrang kahihiyan.