"Kumain kayo ng marami ha!” ani Mama habang tinitingnan si Dira at Vincent na abala na sa pagkukuha ng pagkain.
Natatawa ko pa ring sinusugod si Vincent para pahiran ng chocolate icing ang kanyang mukha lalo na’t hindi ako makaganti ganti. Si Dira naman ay hindi kami pinapansin lalo na’t nasa lumpiang shanghai ni Mama ang kanyang buong atensyon at paborito niya ‘yon.
“Argh! Nakakainis ka!” sigaw ko kahit may ngiti sa aking labi nang huminto ako sa kakaabot sa kanya.
“Pandak ka kasi,” ani Vincent at humalakhak.
Sinimangutan ko siya at umismid. Lumapit ako kay Dira lalo na’t ganado na ang kanyang pagkagat sa lumpiang shanghai. Natawa naman si Mama sa amin ni Vincent.
“Kumain kana rin Vincent. Mamaya mo na ulit asarin ‘yang si Celeste,” ani Mama at binigyan din ito ng plato.
Tinanggap ni Vincent ang bigay ni Mama na plato at pinasalamatan ito. Nagtungo siya sa aming tabi ni Dira at tinabihan ako sa upuan.
“”Tita ang sarap talaga ng lumpiang shanghai!” ani Dira nang lingunin si Mama na abala pa sa lababo.
Ngumiti si Mama sa kanya. “Salamat Indira... Kumain ka ng marami...”
“Mauubos niya ‘yan, Tita,” ani Vincent kaya tumawa si Mama habang si Dira naman ay iritadong tinapunan ng masamang tingin si Vincent.
Nagmamadaling tumayo si Dira at inabot ang regalo na inilagay niya kanina sa mesa. Inilahad niya ang malaking paperbag sa akin.
“Here! Buksan mo ang regalo ko for you dali!”
Binitiwan ko ang kinakaing lumpiang shanghai at inilagay saglit sa gilid ng plato ni Vincent. Inilagay ko sa aking kandungan ang paperbag at sinimulan iyong buksan habang ramdam ko naman ang pagiging kuryoso ni Vincent lalo na’t naroon din ang kanyang tingin.
Sinilip ko ang loob at namilog sa aking mga nakita.
“Make-ups!” Ngumiti ako kay Dira nang lingunin ko siya.
“Magpaganda kana since may crush ka...” sabay hagikhik ni Dira kaya namula ako.
“Twelve ka pa ah? Anong make-up,” biglang singit ni Vincent at nagawa pang pitikin ang aking noo.
Kapwa namin siya sinamaan ng tingin ni Dira. Nagawa ko pang ilayo ang paperbag para lang hindi niya maabot dahil mukhang may balak agad siya roon.
“Edi pag eighteen ko na gagamitin,” sabi ko habang nakatingin sa magkakasalubong niyang kilay.
“Pakialamero ka talaga kahit kailan, Kuya. Let Cee use make-ups! Babae kami! Anong gusto mong gawin namin? Magpaka dugyot?” ani Dira kaya tumawa si Mama nang marinig ‘yon.
“Tss. Magpaganda kayo para sa sarili niyo. Hindi ‘yung para sa mga crush niyo,” giit niya at iritadong sumubo.
“Eh ‘yon pa rin naman ‘yon. We want to look good all the time.” Saka ako tiningnan ni Dira. “May perfumes din sa loob. It’s a Victoria Secret Vanilla Lace! Mabango ‘yon!”
Huh? Mahal ‘yon ah? Niyakap ko si Dira para magpasalamat. Humagikhik siya at yumakap pabalik.
“Thank you... Ang dami dami mo na ngang nabibigay sa’kin!” Sumimangot ako nang humiwalay sa kanya.
“Maliit lang na bagay, Cee! We’re sisters! Right po, Tita...” Saka niya nilingon si Mommy na nginitian agad siya.
“Ang sweet mo talaga Indira. Kaso ‘yang si Celeste kasi ay hindi masyadong mahilig sa materyal na bagay. Kaya huwag kanang magtaka kung ganyan ‘yang kaibigan mo...”
“Oo nga po eh! Kaya pinagpipilitan ko po lagi para lang tanggapin niya,” si Dira nang tiningnan akong muli at ngumisi.
Nailing na lamang ako habang nakangiti. Ipinagpatuloy niya naman ang pagkain habang itinatabi ko na ang regalo pabalik sa mesa. Binalikan ko ang inilagay na lumpiang shanghai sa plato ni Vincent pero wala na roon kaya nagtataka ko siyang nilingon.
“Nasa’n ang lumpiang shanghai ko?”
Kumurap siya. “I ate it since it’s on my plate...”
Namilog ang aking mga mata. “Eh akin ‘yon!”
Nagkibit siya at ipinagpatuloy ang pagsubo na parang wala lamang iyon sa kanya. Umismid ako at kumuha ng panibago. Nalihis din naman ang aking atensyon lalo na’t nagkukwentuhan na kaming dalawa ni Dira at nakikisali na rin si Mama sa amin na kumakain na rin pagkatapos ilapag sa mesa ang spaghetti.
“Talaga? Nakakahiya naman sa Mommy mo...” si Mama nang malamang may balak pa ang parents ni Dira na bigyan ako ng party sa kanilang bahay.
“Tuloy pala ‘yon, Dira?” tanong ko lalo na’t tinanggihan ko ‘yon.
“Yes! Pretty please, Cee! Magpa pool party tayo sa bahay! Kahit tayo tayo lang!” Nagpuppy eyes siya sa akin.
“Eh magastos na ‘yon...” sabi ko at nagkamot ng ulo.
“Hindi ah! Mommy agreed too! It’s just a small party. So please...”
“Uh... Sino bang balak niyong imbitahan?” Lalo na’t baka ay sumulpot na naman iyong mga kaibigan nilang mayayaman. Parang hindi ko na ata kayang makihalubilo sa ibang tao maliban sa kanilang dalawa ni Vincent.
“Uhm... It’s up to you! Pwede ring tayo lang,” aniya.
Bumuntong ako ng hininga at tumango na lamang lalo na’t halata namang hindi nila ako tatantanan sa bagay na iyon. Humagikhik agad si Dira babang si Mommy naman ay nangingiting umiling sa kakulitan nito.
Si Mama at si Vincent naman ang naging abala sa pag-uusap habang nagtatawanan kaming dalawa ni Dira lalo na’t pinapahiran namin ng icing ang isa’t isa. Kinuha niya pa ang kanyang cellphone at nagpicture kami habang malalaki ang aming ngisi sa camera at kapwa may chocolate ang aming mga mukha.
Naging masaya ang aking kaarawan dahil nandiyan silang dalawa. Naging kontento rin naman ako pero alam kong may hinihintay ako sa gabing ‘yon, na sana ay bago man lang matapos ang aking kaarawan ay makausap ko si Papa.
Lumabas ako para tingnan ang mga bituin sa langit at tahimik na nananalanging maalala ni Papa na kaarawan ko. Medyo malamig ngunit hindi ko na iyon alintana lalo na’t bumabagabag sa aking isipan kung matutupad pa ba ang aking hiling.
“Ba’t nandito ka sa labas?”
Nagulat ako sa boses ni Vincent. Mabilis ko siyang nilingon. Nakapamulsa siya sa kanyang khaki shorts at mukhang hindi rin alintana ang lamig dahil sa suot na itim na hoodie.
“Wala lang... Medyo nagpapahangin lang...” Saka ko nilingon ang may pinto at nakita si Dira na abala sa pakikipag-usap kay Mommy.
Ibinalik ko ang tingin sa langit at bumuntong ng hininga.
“Oh...” Bigla siyang may inilahad sa akin.
Kumurap ako at nalaglag ang tingin sa kanyang kamay. Nakita ko ang isang kahon na kulay velvet at may ribbons pa.
Kuryoso ko itong kinuha. Binasa ni Vincent ang kanyang labi at nanatili ang tingin sa langit.
“Hindi ko alam kung ano ang ibibigay sa’yo lalo na’t nabigay na ata halos lahat ni Dira pero alam kong magagamit mo ‘yan...”
Ngumuso ako at dahan dahang binuksan ang kanyang bigay. Tumambad sa akin ang apat na pares ng kumikinang na hairpin at nababalot pa ng maliliit na diamonds ang bawat gilid nito. Nalaglag ang aking panga lalo na’t sobrang ganda no’n at parang iyon ang unang beses kong makakita ng gano’n ka gandang hairpin.
Hindi ito basta bastang hairpin lalo na’t sa desinyo pa lang ay halatang mamahalin na. Parang nakakahiyang ilagay sa sabog kong buhok lalo na’t masyado itong maganda.
“Ang ganda naman nito...” sambit ko kaya napunta ang tingin ni Vincent doon.
Kumuha siya ng isa at inilagay sa gilid ng aking buhok. Itinagilid niya ang kanyang ulo para tingnan ako ng maigi.
“Pwede na...” aniya at ngumisi sa pilyong paraan.
Mabilis ko siyang sinimangutan lalo na’t alam kong inaasar niya na naman ako.
“Salamat...” sabi ko sa mahinang paraan at isinara ulit ang box para hindi mawala ang ilan.
“Don’t lose it. Use it to tame your messy hair,” sabi niya.
“Ang ganda niya parang hindi naman bagay sa buhok ko. Ang pangit ko pa naman...” Medyo tumawa ako ngunit sinamaan niya agad ako ng tingin at muli na namang pinitik ang aking noo.
“Magsuklay ka kasi.”
“Kahit magsuklay ako wala pa rin namang magbabago. Pangit ako. Kaya siguro ginano’n ako ni James—“Aray!” Sinamaan ko agad ng tingin si Vincent ang pinitik niya ang aking labi.
“Stop spouting nonsense. Gago ‘yon at hindi sa kanya nakabase ang pisikal mong itsura.” Iritado niyang sabi at muling namulsa.
Umismid na lamang ako lalo na’t gano’n naman talaga siya magsalita. Niyakap ko ang aking sarili at muling tiningala ang langit. Naalala kong muli si Papa.
“Malapit nang matapos ang birthday ko...” bulong ko habang ramdam ko ang mabigat kong dibdib.
Tiningnan ni Vincent ang kanyang pulso para tingnan ang suot niyang relo.
“Tara...” Bigla niyang hinila ang aking kamay.
“Huh? Sa’n tayo pupunta?” lito kong tanong lalo na’t patungo kami sa dala nilang kotse ni Dira.
Binuksan niya ang front seat at pinapasok ako roon. Binuksan niya naman ang driver’s seat at inukupa iyon. May kinuha siya sa likod at kinulikot ang kanyang cellphone habang nagtataka ko siyang tiningnan. Kuryoso ko siyang pinanood saka niya isinaksak ang earphone sa kanyang cellphone at inilahad iyon sa akin.
“Put it on your ear,” aniya.
Medyo nalilito ako ngunit sinunod ko rin ang kanyang sinabi. Magkakasalubong pa ang aking kilay hanggang sa may narinig ako.
“Celeste... Anak ko...”
Namilog ang aking mga mata nang marinig ko ang pamilyar na boses ni Papa.
“P-Papa...” Hindi makapaniwala kong nilingon si Vincent. Tahimik niya akong tinitigan habang nagpatuloy naman sa pagsasalita si Papa.
“Happy birthday anak ko... Alam kong hindi na kita halos nabibigyan ng oras lalo na’t busy ang Papa mo pero natutuwa ako dahil alam kong inaalagaan ka ng mabuti ng Mama mo...”
“P-Papa...” Tumakas agad ang hikbi sa aking boses at nagpaligsahang umagos ang aking mga luha.
“Alam kong marami na akong pagkukulang sa’yo. Ang laki ng kasalanan ko... Hinahayaan ko ang mga araw na lumipas nang hindi ko man lang naipaparamdam sa’yo ang responsibilidad ko bilang ama ngunit sana huwag mong kalimutan na mahal na mahal ka ni Papa, Celeste... Mahal na mahal kita anak...” Nabasag ang kanyang boses at narinig ko ang munti niyang iyak.
Pumikit ako habang dinadama ang umaagos kong luha. Sapat na ‘to sa’kin Papa... Sapat na sa’kin na marinig ang boses mo. Naiintindihan ko kahit busy ka at wala kang oras para sa akin. Malaking bagay na ito para sa akin.
“Palagi mong tatandaan na nandito lang si Papa lagi para sa’yo... Mag-aral ka ng mabuti. Balang araw ay magkikita ulit tayo. At p-pakisabi sa Mama mo... na pasensya na. Pasensya na at nabigo ko siya... k-kayong dalawa ng Mama mo...” Nanginig si Papa kaya mas dumami lamang ang aking mga luha.
“Papa...” daing ko habang kinukusot ang mga mata kong walang tigil sa pag-iyak lalo na’t nasasaktan ako sa kanyang tinig.
“Miss na miss na kita anak kaso baka matagalan pa ako... Mag-iingat ka lagi... Happy Birthday. Mahal na mahal kita, Celeste...”
Tumango ako kahit alam kong hindi niya iyon makikita.
“Mahal na mahal din po kita...” daing ko sa nanginginig na boses.
Hindi na ito muling nagsalita pa at mukhang doon na natatapos ang kanyang tinig. Nabasa ang aking palad nang mas umiyak ako ng malakas doon.
“P-Papa...” Umakyat baba ang aking balikat kakaiyak.
Sobrang miss na miss ko na si Papa. Marinig ko lang ang kanyang boses ay malaking bagay na iyon sa akin. Kahit ito nalang ang matanggap kong regalo ay wala na akong mahihiling pa.
“I called him... Nagbabaka-sakali akong makatyempo at makahingi ng greetings siya para sa’yo. Noong nakaraang araw ko siya napagtagumpayang tawagan kaya ipinasuyo niya na rin na iparinig sa’yo ang pagbati niya.”
Dumilat ako para tingnan si Vincent. Sa aking tuwa sa kanyang ginawa ay lumapit ako sa kanya para yakapin ito ng mahigpit. Nagulat siya lalo na’t para akong owl na biglang kumapit sa kanya ngunit kalaunan ay naramdaman ko rin ang kanyang pagkalma.
“Ang laking bagay nito sa’kin... S-Salamat... Ang tagal ko na siyang hindi nakakausap...” Humikbi ako habang ibinabaon ang aking mukha sa kanyang balikat. “Ito lang ang hiling ko, n-na marinig ko ang boses ni Papa at mabati niya ako... A-At tinupad mo ‘yon... M-Maraming salamat...” Pumikit ako para pigilan ang luha sa pagdaloy lalo na’t nababasa ko na siya ngunit ayaw na ata nilang huminto.
Ito ata ang birthday gift na natanggap ko.