“Celeste, may hindi ka ba sinasabi sa’kin?” biglang tanong ni Mama sa gabing iyon.
Hindi agad ako nakapagsalita lalo na’t alam kong nililihim ko sa kanya ang pambubully sa akin sa school. Ayokong pati iyon ay isipin niya pa lalo na’t busy siya.
“Nakausap ko ang Mama ni Janna, iyong kalaro mo. Humihingi siya ng tawad sa’kin dahil sa ginawang pambubully sa’yo ni Janna. Bakit hindi mo ‘to nabanggit sa akin,” nahimigan ko agad ang galit sa boses ni Mama.
Yumuko ako at pinaglaruan ang aking daliri. Kinagat ko ang aking labi at hindi alam kung paano sasabihin sa kanya ang lahat.
“Alam mong hindi ko papahintulutan ang apihin ka ng kahit sino!” giit niya sa galit na boses.
“Naayos naman po, Mama... Pinarusahan na sila at nangako na rin silang hindi na nila uulitin ‘yon...”
“Iyon ba ang rason kaya ka lumiban sa klase ng ilang araw?”
Mas lalo akong yumuko at bigong tumango. Pumikit ako para hindi makita ang kanyang ekspresyon sa gilid ng aking mga mata. Ramdam ko ang kanyang singhap.
“Bakit kayo nag-aaway ni Janna eh malapit kayo ah? Palagi mo pa nga iyong nakakalaro...” ani Mama na kinokontrol na lamang ata ang galit.
Dahan dahan akong dumilat lalo na’t naramdaman ko rin siya sa aking tabi habang nakaupo ako sa mahabang de kahoy naming upuan.
“Ano bang nangyari sa batang ‘yon? Akala ko pa naman ay matalik kayong magkaibigan tapos malalaman ko nalang na binubully kana pala,” naiiling niyang sabi.
“Gano’n po talaga siguro Mama... May mga taong panandalian lang sa ating buhay,” sabi ko.
Medyo natigilan siya sa aking sagot. Ngumiti ako. Hinaplos niya naman ang aking likod.
“Kumusta naman ang pakiramdam mo? Maayos na ba? Bakit hindi mo sinasabi sa akin ang ganitong bagay, anak?” Namungay ang kanyang mga mata sa akin.
“Ayaw kong mag-alala ka sa’kin, Mama...” sabi ko. “At isa pa, kaya ko naman na ang sarili ko... Hindi na ‘yon mauulit. Natuto na rin naman na ako...”
Nagtagal ang paninitig ni Mama sa akin. Para bang binabasa niya ako sa pamamagitan ng kanyang malalim na tingin. Sa huli ay bumuntong din siya ng hininga.
“Sabihin mo pa rin sa akin kung may nagpapabigat ng nararamdaman mo, Celeste. Oo at busy ako pero isipin mong mabuti na nandito lang ako lagi sa’yo. Makikinig ako, anak... Hindi ko hahayaan na lumilipas ang araw na mag-isa mong pinapasan ang kalungkutan...”
Ngumiti ako at tumango. Ang sarap sa pakiramdam na alam kong may mga taong ganito sa aking buhay. Na hindi ko kailangang manglimos ng atensyon dahil may mga taong handang ibigay sa akin ang bagay na iyon. Sapat na ito sa akin... Kontento na ako.
Napapadalas ang pagpunta ni Vincent sa paaralan tuwing lunch break at palagi talaga siyang pinagkakaguluhan ng mga babae roon. Hindi na mga kaklase ko ang nagtatanong dahil kahit ang mga hindi ko naman kilalang babae ay nakukuryoso na rin kay Vincent.
Ang sinasabi ko sa kanila lagi ay kaibigan ko lamang ito ngunit pinagdududahan na nila ang aking sagot. Ang iniisip nila ay boyfriend ko raw ito kahit ilang beses ko ng sinabi na hindi kami gano’n.
At napaka imposible ng kanilang ibinibintang na relasyon naming dalawa. Bunsong kapatid nga lang halos ang tingin ni Vincent sa akin at tumatayo naman siyang mahigpit na Kuya sa akin kahit palihim ko siyang crush. Hindi rin naman iyon katulad ng pagkakagusto nila sa kanya. Ibang iba iyong akin. Nakikita ko nga ang sarili ko na isa sa naglalakad sa pulang carpet bilang bridesmaid ng kanyang bride sa future.
“Gano’n din ang usap-usapan sa school. May kinalolokohan daw na babae si Kuya sa school niyo at pinaghihinalaan nilang secret girlfriend ni Kuya. Nakakatawa silang lahat.” Humagikhik si Dira habang nasa pool kami ng kanilang bahay at naliligo muli lalo na’t tirik na tirik ang araw sa Sabado ng hapong iyon.
“Ang pangit naman ng iniisip nila. Baka bigla nalang akong dumugin ng fangirls ni Kuya Vincent dahil sa kumakalat na tsismis,” sabi ko.
“Subukan lang nila at ako talaga ang kanilang makakalaban!”
Kapwa kami humagikhik ni Dira at natawa sa sarili naming topic lalo na’t nakakatawa rin talaga ang tsismis. Sa lahat ng paghihinalaang girlfriend ni Vincent ay ako pa talaga! Hindi nila alam na sobrang close lang talaga namin. Kaso wala rin naman kasi atang sinasabi si Vincent sa kanila at hinahayaan niya pa. Worst, mukhang wala rin siyang nililigawan sa ngayon. Ni hindi nga namin alam ni Dira kung may gusto ba siyang babae dahil parang wala naman...
Nagpatuloy ang mga ganoong araw na hinayaan na lamang namin at kusang huhupa rin naman ang ganoong tsismis. Titigil din sila sa kakakalat ng ganoong balita lalo na’t ilang beses ko rin namang nililinaw kung ano talaga kami ni Vincent. At nakakadiri naman. Hindi ba nila alam na halos magkapatid na kaming dalawa? Parang ang layo layo ng lipad ng kanilang utak sa amin.
Naging abala kami sa exams. Todo rin ang aking pag-aaral lalo na’t gustong kong makakuha ng mataas na marka. Kaya noong lumabas ang result at malalaki ang aking nakuha na ipinakita ko agad iyon kay Mama.
“Naku! Ang rami ko ng utang sa’yo! Ano bang gusto mo at bibilhan kita!”
Umiling ako lalo na’t wala rin talaga akong maisip na gusto. Hindi naman talaga ako mahilig sa materyal na bagay kaya wala rin akong masabi na gusto kay Mama.
Ngunit may bukod tanging pumasok sa aking isip.
“Mama... Pwede bang tawagan natin si Papa? Medyo ang tagal ko na po siyang hindi nakakausap. Busy po ba siya?”
Kitang kita ko ang unti-unting pagkapawi ng ngiti ni Mama. Sa tuwing napag-uusapan namin si Papa at nababanggit ko ito sa kanya ay parang nag-iiba agad ang kanyang mood.
Nag-iwas siya ng tingin at tumayo para abalahin ang sarili sa paghahanda sa lamesa. Sinundan ko naman ito ng tingin para hintayin ang kanyang sagot.
“Naku... Sobrang busy kasi noong ama mo. Baka mahirapan tayong contact-in ‘yon...”
“Baka naman ay bibigyan niya ako ng kahit kaonting oras lang, Mama!” sabi ko sa determinadong boses.
Natigilan siya saglit ngunit nagpatuloy sa pagsasandok ng kanin.
“Osige... At susubukan ko. Pero huwag kang umasa ha... Noong nakaraan nga tinawagan ko ‘yon napagalitan pa ata ng kanyang boss dahil ang rami talaga nilang ginagawa.” Natawa si Mama at inilagay ang plato sa lamesa.
Bumuntong ako ng hininga lalo na’t malapit na rin ang aking kaarawan. Ang gusto ko lamang ay ang makasama si Papa sa pagcecelebrate. Gano’n ba siya ka busy at hindi siya pwedeng maglaan ng kaonting oras man lang para makausap ako?
Ayoko rin namang masesante si Papa dahil sa kakulitan ko. At isa pa, nakukuha ko naman ang kanyang padalang laruan. ‘Yun nga lang iba pa rin talaga kung nakakapag-usap kami at nakikita ko siya.
“Miss ko na si Papa...” daing ko at wala sa sariling ginalaw ang pagkain sa matamlay na paraan.
Natigilan si Mama sa aking tabi. Ilang sigundo siyang ganoon hanggang hinaplos niya ang aking pisngi at ngumiti sa akin.
“Hayaan mo at susubukan ko naman... Baka sakaling... m-mabigyan ka niya ng oras...”
Tumango ako at ngumiti, medyo nawawalan na ng pag-asa na makausap ang aking ama. Laman iyon ng aking isipan at napagkuwentuhan din namin ni Dira ang tungkol kay Papa.
“Nakakalungkot naman... Kahit nasa ibang bansa sina Mommy at Daddy ay nakakausap ko naman sila minsan sa pamamagitan ng video call. Ano bang trabaho niya roon? Ang sungit naman ng kanyang boss! Ang pangit ng ugali!” Ismid ni Dira habang nakaupo kaming dalawa sa lounger at may hawak kaming shake sa aming kamay.
“Miss ko na nga si Papa eh... Gusto ko siyang kakuwentuhan ulit... Ewan ko ba at ano ang pinagkakaabalahan niya roon pero sabi ni Mama ay sobrang busy raw talaga ni Papa. Ayoko rin naman na masibak siya sa trabaho dahil sa akin...”
“Eh paano na ‘yan? Malapit na ang birthday mo ah?”
Bumuntong ako ng hininga at sinipsip ang straw ng aking mango shake. Wala talaga akong ideya. Iyon nalang ang munti kong hiling na sana ay mapagbigyan man lang. Kahit saglit lang at papayag na ulit akong hindi kami makapag-usap ng ilang araw ni Papa basta ay pagbigyan lamang ako kahit sa sandaling oras man lang...
Gusto ko lang naman siyang kumustahin. Gusto kong malaman kung maayos ba ang kanyang kondisyon at kumakain ba siya ng maayos doon. Gusto ko ring iparating sa kanya na miss na namin siya ni Mama at maayos lang ang aming kalagayan dito at hindi niya kailangang mag-alala sa amin. Gusto kong sabihin sa kanya na mahal ko siya ngunit hindi ko alam kung paano siya kakausapin.
“Hingin mo nalang kaya ang number ng Papa mo sa Mama mo at tayo ang tumawag sa kanya? May cellphone si Kuya! Pwede natin siyang utusan!”
Namilog ang aking mga mata sa naisip na ideya ni Dira. Oo nga ‘no? Tumango agad ako. Madali lang namang kunin ang numero ni Papa lalo na’t nahahawakan ko naman minsan ang cellphone ni Mama dahil nakikigamit din ako para mag games.
Kaya noong nahawakan ko ang kanyang cellphone ay sinulat ko agad sa papel ang numero ni Papa. Ibinigay naman agad namin iyon kay Vincent para siya na ang bahalang tumawag.
“Out of coverage. Mukhang naka off,” sabi niya nang subukan niya itong tawagan.
Napasimangot ako. Baka in-off ni Papa dahil busy siya sa trabaho. Hindi ko nalang kinulit si Vincent na tawagan itong muli lalo na’t baka ay hindi na rin iyon ang numero ni Papa at nagbago ito ng number katulad ng sabi niya. Edi paano ko siya makakausap?
Habang palapit ang aking birthday ay mas lalo lang akong tumatamlay dahil hindi man lang nangyayari ang munti kong hiling. Papa... Magt-twelve na ako... Sana ay batiin mo ako sa aking kaarawan at hindi mo makalimutan.
Sumapit din naman ang aking birthday. Bumili si Mama ng cake para sa akin at s’yempre inimbita ko si Dira at Vincent sa aming bahay lalo na’t hindi naman karamihan ang handa ni Mama pero sapat lamang para mabusog kami.
“Nako... Pasensya na talaga at hindi masyadong bongga ang birthday ni Celeste. Eh nag-iipon din kasi ako para sa kolehiyo niya,” ani Mama habang inilalapag sa mesa ang kanyang mga niluto.
“Ayos lang po, Tita! At hindi naman nagrereklamo si Cee! Kahit nga siguro walang handa ay papayag ito eh!” si Dira na ikinatawa ni Mama.
May desinyo ang aming bahay. May kaonting nakalagay na Happy birthday, Celeste sa pader at may mga isinabit si Mama na balloons sa itaas. Binilhan niya nga rin ako ng dress para may maisuot akong bago kahit sinabi ko sa kanya na ayos lang kahit iyong mga luma ko lalo na’t marami rin namang binibigay sa akin si Dira na magaganda kaso nagpumilit talaga si Mama.
“Teka sisindihan ko ang cake... Nasa’n na ba ‘yung posporo?” Hinanap ni Mama ang posporo.
“May lighter ako, Tita,” ani Vincent at pumwesto sa may cake sabay hablot palabas ng kanyang lighter at sinindihan ang kandila.
Ngumiti si Mama at tumingin sa akin. Sinimulan nila akong kantahan ni Dira habang si Vincent naman ang hawak ng cake na inilalapit niya sa akin para mahipan ko pagkatapos ng kanilang pagkanta.
“Wish kana bago mo hipan!” ani Mama pagkatapos nilang kumanta.
Nahihiya akong pumikit at ipinagsalikop ang aking mga palad.
“Sana... Sana makausap ko si Papa... Sana batiin niya ako,” mahina kong daing at dumilat din para hipan ang kandila.
“Yehey!” si Mama na pumalakpak gano’n din si Dira.
Napangiti ako at kinagat ang labi habang nanatili ang munting hiling sa aking isipan. Nagsimula na silang galawin ang pagkain habang si Vincent ay inilapag na ulit ang cake.
“You’re already twelve, little princess,” aniya at bigla na lamang nilagyan ng chocolate ang aking mukha.
Tumili ako at natatawang tiningnan si Vincent. Gumanti ako at kumuha rin ng kaonting chocolate para ipahid iyon sa kanya. Nagawa ko pang sumampa sa de kahoy na upuan para lang maabot ang kanyang katangkaran.
“Happy birthday!” natatawa niyang sabi habang iniiwas niya ang sarili niya sa akin.