“FREE taste kayo diyan! Free taste!” malakas na bulahaw ni Olivia sa harapan ng mga mamimili. Halos mautas na siya kakalako ng paninda sa mga ito upang bumili lamang ng binebenta niya.
Nauwi ang pag-hahanap niya ng trabaho bilang promodizer ng mga preservative foods. Pansamantala lang naman ito dahil nahihirapan siyang mag-apply sa mga kilalang kompanya dahil kulang siya sa karanasan. Nanghihinayang kasi siya sa kikitain ng raket niya ngayon kaya pinatos na niya. Isa pa, ang Kuya Brando niya ang nag-rekomenda ng trabahong ito sa kanya. Nahihiya naman siyang tumanggi.
“Miss, magkano ang produkto niyo?” Sa wakas ay may nagtanong rin na customer sa kanya.
“Four-hundred pesos po madam, per pack,” sagot niya. Mga preservative foods ang binebenta niya. Kailangan pa niyang lutuin ang mga ito upang may matikman na libre ang mamimili.
“Ang mahal naman. Lakas makatubong lugaw,” reklamo nito.
“Bibili ho ba kayo, madam? Kasi kung hindi malaya kayong umalis,” pagtataray niya.
“Hmp! Ang sungit naman ng tindera na ‘to. Akala mo naman kung sinong kagandahan,” anang babae sa kanya at saka naka-ingos na umalis sa kanyang harapan.
Mabuti na lamang ay aircon ang mall at nabawasan ang pagkairita niya. Simple lang naman, kung ayaw bumili e ‘di umalis. Hindi naman niya pinipilit. Ang lagay, siya pa ang kailangan mag-adjust. Kasalanan ba niyang mahal mag-presyo ang intsik na may ari ng kanyang itinitinda.
Nagsimula muli siyang magsalita sa lapel na nakadikit malapit sa bibig niya. Lahat ng mabulaklak na salita ay sinabi na niya para lang mabentahan. Pero lintian! Hindi pa niya naabot ang kota. May krisis ba ngayon sa Pinas? Mukhang ang komisyon niya ay magiging konsumisyon yata.
“Bumili na kayo! Murang mura lang! Free taste before you buy! Swak na swak sa panlasa!” animo’y naglalako sa palengkeng tinda niya.
Pero dedma pa rin ang mga tao. Namataan niya ang tsekwang may-ari ng tinitinda niya papunta sa pwesto niya. Maagap niyang inayos ang mga kalat. Napatingin siya sa orasang pambisig, alas-kwatro na pala ng hapon at ganitong oras mismo ito nag-iikot sa bawat stall na pagmamay-ari nito.
“Ako, inspeksyon dito. Ikaw Olivia, kamusta benta?” anang intsik nang makalapit sa kanya.
“Ako may benta pero ‘di abot kota,” sabi niya na napapagaya na rin sa tono nito.
“Ako inis na sayo. Ilang araw ikaw ‘di abot kota. Kapag ito tuloy-tuloy walang kota, ikaw tanggal ko na,” banta nito.
“Bawas ikaw presyo tinda para tao bili.” Palusot pa niya.
“Hindi pwede! Ako lugi kapag bawas presyo! Ikaw ayos tinda, para tao bili!”
Napasimangot siya. Mukhang kailangan talaga niya ng pasensya pa para makabenta. “Bwisit na tsekwa ‘to. Ayaw magpalamang.” bulong niya sa sarili.
“Ano sabi mo?” tanong nito na mukhang naabot nang pandinig nito.
“Sabi ko, Tsitae ganda lalaki.”
“Sino Tsitae?”
“Ikaw, este iyong bodegero sa warehouse,” pinilpil niya ang bibig. Gusto niyang matawa pero pinigilan niya ang sarili. “Boss, ikaw bantay muna tinda. Ako punta bodega kuha supply.” Pakisuyo niya rito. Kailangan niya kumuha ng iba pang paninda para pang-display sa estante.
“Sige. Basta ikaw balik agad,” pagpayag nito.
Kaagad siyang nag-tungo sa warehouse partikular sa freezing area. Naroon si Heat—ang tinutukoy niyang bodegero, na noo'y nakapatong sa mga karton at nagpapahinga. Naglulugaw na naman ang loko. Hindi sila close nito dahil malakas ang hangin sa katawan nito porket ma-itsura. Signal number one palang ay pakiramdam niya, liliparin na siya. Kaibigan ito ng kapatid niya. Hindi niya alam na magkikita sila rito hanggang sa nakita na lang niya ito noong nagsimula siya sa trabaho. Nagbubuhat ito ng mga delivery galing sa mga supplier ng araw na iyon.
Nilapitan niya si Heat at tiningnan. Topless at labas ang mga pandesal sa tiyan ng lalaki. Parang puwet ng sanggol na pinagpatong-patong. Tumaas ang tingin niya sa mukha nitong mahimbing na natutulog. Gwapo pala talaga ang loko sa malapitan. Hindi na siya magtataka kung bakit matunog ang pangalan nito sa lugar nila. Heat the sexy as f**k ang tawag dito ng mga tao. Mayroon itong katawan na tipong nirarampa sa catwalk.
Kung tutuusin, hindi ito mukhang bodegero lang. Kutis mayaman bagama’t moreno. Wala siyang alam sa lalaki maliban sa kaibigan ito ng Kuya Brando niya at bagong dayo lang sa lugar nila. Sa totoo lang, may kahawig ito na hindi niya masabi kung sino.
Biglang may sumagi sa isip ni Olivia na kapilyahan. Nilabas niya ang pentel pen sa bulsa at nagsimulang drawingan ang mukha ni Heat. Nakailang doodle siya roon bago ito nagising at gulat nang makita siya. Mabilis niyang itinago ang pentel pen sa likod niya.
“What are doing here?” pupungas-pungas itong tumayo.
Lihim na nagbunyi ang loob niya dahil wala itong kaalam alam na may drawing ang mukha nito. Ang isa pang rason kung bakit nayayabangan siya rito ay ang pag-i-ingles nito nang wala sa lugar. Dakilang bodegero lang naman pero kung umasta akala mo tagapagmana ng mga Quangco. Gayunman, bagay rito ang pagiging conyo nito at tila ba sanay na sa paggamit ng lengguaheng banyaga.
“Kukuha ako ng supply masama ba?” pagsusungit niya at saka muling sumulyap sa abs nito bago ito makapagsuot ng saplot.
“No. There’s nothing wrong with that, but the wrong is, you keep staring to my naked body while I’m sleeping.”
Umawang ang bibig niya. “H-hoy! Ang kapal mo naman, mister! H-hindi ko tinitingnan 'yang katawan mo no! Marami niyan sa Europe pero mga humble. Hindi kagaya mo, assuming. Sukat ba namang isipin na tinitingnan ko ang katawan mo. The nerve!” Naipaypay niya ang palad sa mukha sabay iwas nang tingin. Nakita kaya nito ang pagtitig niya sa mga tinapay nito?
“E ‘di hindi kung hindi. Dami mo’ng sinabi. You’re so defensive. Napaghahalataan ka tuloy,” ani Heat at saka tumayo. “Tabi, may trabaho pa ako.” Akmang lalagpasan siya nito ngunit agad niyang pinigilan.
“T-teka, aalis ka na?”
“Why?”
“Pwede patulong namang buhatin iyong mga produkto ko. Mabigat kasi eh,” pakiusap niya.
“No. Trabaho mo 'yan kaya gawin mo.” anito, hindi man lang naawa sa pakiusap niya. Ang yabang talaga! Samatalang natutulog lang naman sa oras ng trabaho. E, kung isumbong kaya niya ito sa supervisor.
“Sige na please. Pumayag ka na at hinihintay na ako ng amo ko sa labas.” Huling hirit niya.
Naitikom niya ang bibig ng ilapit nito ang mukha sa kanya. “Ang tinutulungan ko lang ay iyong mga magaganda. Bakit maganda ka ba?”
Aba bastos to ah! Sasapukin niya sana ito subalit mabilis itong tumalikod at walang lingong nag-lakad palayo. Itinaas lang nito ang kamay bilang pamamaalam.
Napapadyak siya sa sobrang inis. Sinipa niya ang karton na malapit sa kanya. Natigilan siya nang may marinig siya sa may pinakamadilim na parte ng bodega. Parang may kumakaluskos. Naglakad siya palapit roon. Mas lumakas ang kaluskos. Kinabahan na siya kaya naisip niyang umalis na lang pero may biglang nag-takip ng panyo sa ilong niya. May naamoy siyang kemikal roon kaya tuluyan na siyang nawalan ng malay.