MAIGTING ang pagtitig ni Olivia sa kisameng inaanay na. Hindi siya pinapatulog ng kanyang mga agam-agam. Kasama na roon ang alok ni Mr. Del Fredo sa kanya na magpanggap bilang heredera ng mga Pajanel. Patuloy sa paggulo ng isipan niya. Kanina pagkadating niya sa bahay ay agad niyang ni-research ang tungkol sa pamilyang Pajanel. Subalit bigo siyang makakalap ng impormasyon sa social media. Masiyadong misteryoso ang mga ito.
Hindi mapakali at pabaling baling siya sa higaan. Isang daang milyon kapalit ng papapanggap. Kung tatanggapin niya iyon, sigurado na ang pag-asenso nila ng kanyang pamilya. Hindi na niya kailangang magpakakuba sa pagtatrabaho dahil magiging donya na siya pati na rin ang mga magulang niya. Kahit ang Kuya Brando niya ay hindi na rin papasada ng jeep dahil kotse na ang imamaneho nito kapag nagkataon.
“Hays. Ang sarap lang mangarap,” usal niya at pinakatitigan ang butiking kanina pa kumakaway sa atensyon niya. Kung mansiyon na ang titirhan niya, wala na siyang mga butiki at anay na makikita pa. Unti-unti ay nakaramdam din siya nang antok mula sa mahabang pagiisip. Mabuti pa ay bukas na niya pagiisipan ang magiging desisyon niya. Napahikab siya. Sakto namang may tumulo ng kung anong likido sa bibig niya. Nalasahan niya iyon. Napamura siya ng makumpiramang tae ng butiki ang nalaglag sa bunganga niya. Totoo nga ang swerte ay dumadating sa hindi inaasahang pagkakataon.
“OLIVIA anak, wala ka bang pasok ngayon?” salubong ng kanyang itay galing sa labas. May bitbit itong supot ng pandesal at pansit. Kasalukuyang umaga at oras para sa agahan.
“Day off ko po, tay,” kinuha niya ang dala ng kanyang itay at inihain sa lamesa. “Nasaan po ang, inay?”
“Maagang pumunta ng palengke para tumulong magtinda sa kaibigan niya. Kahit paano ay may komisyon siya roon kaya tinatiyaga na niya.”
“Ganun po ba. E, ang Kuya Brando po, bakit wala rin ata?”
“Iyon, pumasada. Alam mo naman ‘yon, nagsisipag dahil nahihiya sayo.”
Nakaramdam naman siya kahit paano nang awa para sa nakakatandang kapatid. Halos wala nang pahinga ang Kuya Brando niya sa pamamasada ng jeep. Minsan tuloy ay naiisip niyang umiiwas lamang ito sa kanya dahil iniisip nitong masama ang loob niya sa paggamit ng perang pinapadala niya, na para sana sa pagpapagawa ng bahay.
“Naku itay, wala namang dapat ikahiya. Pamilya ay pamilya. Sino ba naman ang matutulugan kundi tayo tayo rin. You know, the family that eats together, stay together. Kaya gorabels na at mag-almusal na tayo, tay.” Sumalampak siya sa upuan at sinandukan ang kanyang ama. Magkasabay silang kumakain nang may kumalabog na kung sinong herodes sa pintuan nila. Walang pakundangan iyon na binabayo.
Abat sino naman kaya ang pontio pilatong balak gumiba ng pinto nila? “Ako na po ang magbubukas, itay,” presinta niya at saka inis na tinungo ang pintuan.
Pagkabukas ay bumungad sa kanya ang mukha ng lalaking tumulong sa kanya magbuhat ng bagahe niya noong nakaraang araw. “Ikaw ba ang kapatid ni Brando?”
Tinaasan niya ito ng kilay. “Oo. Ako nga bakit?”
“Ang kuya mo, sinaksak! Dinala siya ngayon sa ospital! Dalian niyo puntahan niyo na!”
Dinagsa nang takot ang dibdib niya. “Ano? B-bakit anong nangyari?” May pag-aalala sa kanyang tinig.
“Tinambangan ang jeep na pinapasada niya. Ang mga kaaway niya sa kabilang pathwalk ang mga sumaksak sa kanya.”
Kinilabutan siya. Mga sumaksak? Ibig sabihin marami ang involve sa nangyari sa kanyang kapatid.
“Anong nangyari kay Brando, Olivia?” tanong ng kanyang ama. Hindi niya namalayan ang pagsulpot ng ama sa kanyang likuran.
“S-Si k-kuya itay, s-sinaksak. Tara na po at puntahan natin sa ospital.”
Dali-dali nilang binabaybay ang ospital kasama ang kanyang ama. Bagama’t hirap itong maglakad ay nakaalalay siya. Dumeretso siya sa nurse station upang magtanong.
“Nurse, may dinala ba ditong pasyente na ang pangalan ay Brando Cosme?”
May tiningnan ang nurse sa clipboard. “Kayo po ba ang kamag-anak niya?” balik tanong nito sa kanila.
Mabilis siyang tumango. “Oo. Kami nga.”
“Sa ngayon po ay nasa emergency room ang pasyente. Kasalukuyang agaw-buhay dahil sa marami na ring dugo ang nawala. Payo ko po sa inyo ay maghanap ng blood donor dahil baka po kailanganin ng pasyente. Sa ngayon po kasi ay kulang ang supply ng dugo dito sa hospital,” paliwanag ng nurse sa kanya.
Napahilamos siya. Napahawak naman sa dibdib ang kanyang ama. Agad niya itong inalalayan upang makaupo. Nag-aalala siya kanyang ama at baka atakihin ito nang altapresyon.
“Tay, ayos ka lang ba?”
“Anak, ang Kuya Brando mo. Ang kuya Brando, mo. . .” sa halip ay nag-aalalang wika ng itay niya.
“Huwag ho kayong mag-alala, tay, may awa ang, Diyos. Ililigtas niya si kuya.”
Sigurado siya, makakaligtas ang kapatid niya. Tumawag siya ng nurse upang ipa-kunsolta ang ama niya sa mga ito. Ipinagbilin niya muna ang ama sa mga nurse at taimtim na naghintay sa emergency room. Lumipas ang sandali ay hindi pa rin mapakali si Olivia. Nakaabang siya sa paglabas ng doktor sa ER. Atat siyang malaman ang lagay ng kapatid.
Maya-maya lamang ay lumabas na ang doktor sa ER. Patakbo niya itong nilapitan.
“Dok, kayo po ba ang gumamot sa kuya Brando ko?”
“Ako nga, miss,” tugon nito.
“K-kumusta na po ang lagay ng kapatid ko?”
“Masiyadong madaming saksak ang sinapit ng kapatid mo. Napuruhan ang isa sa mga vital organ niya. Kinakailagan namin siyang operahan sa madaling panahon. Sa ngayon ay stable siya pero hindi namin sigurado ang mangyayari in the next twenty-four hours.”
“Dok, gawin niyo po ang lahat. Operahan niyo kung kinakailangan. Handa kaming magbayad kahit magkano. Basta, pagalingin niyo lang ang kapatid ko,” pagmamakaawa niya.
“We will do everything, miss. Kami na ang bahala sa lahat. Sa ngayon ay, kailangan niyong magbayad ng kalahating halaga para maisakatuparan na ang operasyon,” paalala ng doctor bago muling bumalik sa ER.
Nanlulumong napaupo na lamang siya. Saan siya kukuha ng pera? Maliit na lang ang laman ng savings niya. Isang tao lang ang naiisip niya ngayon. Ito lang ang makakatulong sa suliranin niya. Dinukot niya ang tarheta sa bulsa. Sumunod ay ang kanyang cellphone. She dialled the number patiently.
Nakailang ring ang kabilang linya hanggang sa wakas ay sagutin iyon. “H-hello, Mr. Del Fredo. Pumapayag na ako sa gusto mo. Basta tulungan mo ang kapatid ko.”