Hindi naman nagtagal at dumating na rin ang inorder kong pagkain. Tahimik ko lamang tinatapos ang napakaraming pagkain sa aking harapan. Patuloy pa rin naman sa pagkain at hindi pinansin ang mga babae na nasa aking tabi at walang tigil sa pag-uusap tungkol sa akin.
Angas na angas kung kausapin ako kapag hindi ako nakatingin pero sa oras naman na nasa harapan na nila ako ay parang takot akong tignan. Hindi ko talaga alam kung ano ang gusto nilang mangyari at kung bakit ganiyan silang klaseng tao.
Lumipas ang ilang sandali ay na tapos na rin ako at ang mga babae sa aking tabi na naman ang abala sa pagkain. Nakikita kong napapalingon ang mga ito sa gawi ko nang itaas ko ang aking kamay at sumenyas ng bill.
Tumango naman ang nagsisilbi sa akin at agad na lumapit sa cashier.
"Alam niyo ba na wala kayong mapapala sa ganiyan?" Tanong ko sa mga ito.
Nag-aalalang napatingin naman ang mga ito sa akin. Akala ko ba ay sinadya nila na marinig ko ang pinag-uusapan nila? Bakit tila gulat pa yata sila ngayon?
Nang makarating na ang waiter sa aking harapan ay agad ko binayaran ang lahat.
"Thank you for coming again and again here, sir,"saad ng Waiter.
"No problem,"tugon ko at umalis na para bumalik sa aking silid at matulog.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at inilibot ang aking paningin sa paligid. Napaka-tahimik na ng lugar. Madilim na rin ang paligid, sa tingin ko ay gabi na. Hindi ko naman inaasahan na aabutin pala ako ng ilang oras bago magising.
Pinakiramdaman ko naman ang aking katawan at halos tumalon ako sa tuwa noong hindi ko na maramdaman ang bigat nito. Hindi na rin masakit ang ulo ko at parang wala lang nangyari sa akin, o hindi man lang ako dumaan sa pagka-sakit. Nagmamadali akong tumayo at tinignan ang paligid upang siguraduhin na wala na talaga ang pagka-hilo ko at sobrang tuwa ko naman dahil wala na talaga.
Lumapit ako sa bintana at hindi mapigilan ang ipikit ang aking mga mata at pinakiramdaman ang malamig na simoy ng hangin.
Sobrang sarap. Akala ko ay mamamatay na ako dahil sa pagod at sa sakit ko, ngunit, mukhang malabo naman. Ang sarap sa pakiramdam na ngayon ay bumalik na sa dati ang katawan ko. Naka-ngiti lamang ako habang nakapikit nang bigla ko na lang narinig ang pag-tunog ng ng pagkagutom mula sa aking tiyan.
Oo nga pala, hindi pa nga pala ako kumakain. Sana naman ay may iniwan na pagkain silang Treyni sa akin kanina, baka kailangan ko pa magluto bago mawala itong pagka-gutom ko.
Dahan-dahan naman akong lumabas mula sa aking kwarto at tinignan ang sala.
Walang tao, umuwi na ba silang lahat? Kung sabagay ay alas dose na yata ng gabi. Hindi na rin nakak-gulat kung natutulog na ang mga iyon sa mga oras na ito. Dahan-dahan lamang akong naglalakad patungo sa kusina. Halos mapatalon naman ako sa tuwa nang makita ko ang ilang mga lalagyan ng pagkain sa lamesa na may kaniya-kaniyang takip.
Lumapit ako roon agad at binuksan ang mga ito. May pagkain nga!
Nagmamadali na akong kumuha nang kutsara at agad na sinunggaban ang mga pagkain. Gutom na gutom na ako at hindi ako masiyadong naka-kain kanina dahil sa wala akong lasa sa mga oras na iyon.
Patuloy lamang ako sa pagkain hanggang sa hindi ko na napansin na naubos ko na pala ito. Ilang sandali pa ay tumayo na ako at kumuha ng tubig atsaka uminom. Niligpit ko na rin ang mga pinggan na ginamit ko at inilagay sa lababo upang hugasan, ngunit, kung ngayon ako maghuhugas ay hindi kaya magtataka si Treyni kung bakit may ingay mula sa kusina nito? Baka mapagkamalan niya akong magnanakaw. Siguro bukas na lang.
Inilagay ko na lang sa lababo ang mga pinagkainan ko atsaka nilinis ang lamesa. Pagkatapos ay nagtungo ako sa sala at umupo roon.
Ngayon, ano na ang gagawin ko? Busog na ako pero hindi na ako makakatulog nito, sa haba ba naman ng tulog ko kanina ay parang impossible na makakabalik pa ako sa pagtulog. May mga tao pa kaya sa labas? Wala naman sigurong masama kung susubukan ko lang naman hindi ba? Wala rin namang mga masasamang tao sa bayan na ito kung kaya ay ligtas lang ako.
Tama!
Gagala na lang ako.
Bumalik na ako sa aking kwarto upang magbihis ng panibagong damit. Kailangan ko magsuot ng damit na hindi masiyadong manipis dahil panigurado ay sobrang lamig sa labas ng bahay na ito. Hindi rin ako sigurado kung ano o sino ang mga lumalabas sa bayan ng mga oras na ito. Mas mabuti na iyong handa.
Pagkatapos ko magbihis ay agad akong naglakad na palabas ng bahay. Nag-iwan lamang ako nang isang maliit na papel sa lamesa na kung saan pinaliwanag ko roon kung nasaan ako.
Nang tuluyan na akong makalabas sa bahay ay sumalubong naman sa akin ang napaka-lamig na hangin. Kahit makapal na itong suot kong damit ay hindi ko maiwasan ang hindi mapa-yakap sa aking sarili. Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makarating na ako sa gitna ng bayan.
May ilang tao pa rin naman dito sa labas ngunit hindi na gaanong karami. Iyong karamihan na nandito ay iyong mga taong walang tahanan at tanging sa daan lamang sila nakatira simula pa noong una.
Sobrang napaka-tahimik na ng paligid. Samantalang, karamihan naman sa mga gusali ay nakasarado na ang bintana at pati na rin ang mga pinto. Medyo may kadiliman na rin ang daan dahil walang masiyadong ilaw dito.
Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa pasukan ng bayan kung saan kami dumaan ni Nola noong panahon na mayroong pagdiriwang sa bayan. Napa-ngiti na lang ako sa mga kinikilos nito ngayong may sakit ako. Napaka-bait nito at inaalagaan lamang niya ako. Nasaan kaya siya ngayon? Sigurado ay nagpapahinga na rin siya dahil ilang araw na rin itong walang pahinga. Hindi ko nga alam kung ilang oras lamang ang kaniyang tulog simula noong mga misyon nila, dagdag ko pa na lagi ako nitong binabantayan.
Bigla naman akong napayakap ng mahigpit sa aking katawan ng maramdaman ko na naman ang lamig ng simoy ng hangin. Mukhang kailangan ko na yatang bumalik sa bahay, wala naman masiyadong na pupuntahan dito.
Babalik na sana ako nang bigla kong naalala ang tanawin sa burol na iyon, ang burol na kung saan ako dinala ni Nola. Ang burol na kung saan kitang-kita ang kabuuan ng bayan na ito at pati na rin ang malawak na lupain na naka-palibot sa kaniya, pati na rin ang langit na kitang-kita ang makikintab na mga bituin. Wala naman sigurong masama kung pupunta ako roon? Atsaka is pa, impossible rin na nandito pa iyong lalaking palaging naka-sunod sa akin.
Nagsimula na akong maglakad patungo sa burol na iyon kahit sobrang dilim ng daan. Hindi ko na masiyadong makita ito ngunit salamat naman at bigla na lang lumitaw ang buwan.
Kanina ay halos madapa ako dahil sa wala akong makita, ngunit ngayon ay kitang-kita ko na ang dinadaanan ko. Patuloy ko lamang tinatahak ang daan na kung saan ako dinala ni Nola. Hindi ko naman maalala na ganito pala kahirap akyatin ang lugar na ito, napakaraming bato at kaunting pagkakamali mo lang ay maari ka matumba.
Ilang sandaling paglalakad pa ay nakarating na rin ako sa tuktok. Nagpahinga lamang ako saglit bago ako naglakad ulit patungo sa ilalim ng isang puno na kung saan kami nagkwe-kwentuhan ni Nola noon.
Dito, sa lugar na ito ipinagkatiwala ni Nola ang bagay na tinatago niya sa lahat. Dito niya sinabi sa akin ang rason kung bakit naging ganoon na lang siya kung umasta sa ibang tao. Dito rin nagsimula ang pagkakaibigan naming dalawa.
Napa-ngiti na lang ako atsaka umupo na sa damuhan. Tahimik lamang ang paligid at napaka-presko ng hangin, nagiging ganito ka ganda lamang ang lugar na ito tuwing gabi.
Ibinaling ko naman ang tingin ko sa bayan at napa-ngiti.
Sa bayan na ito naninirahan ang mga bago kong kaibigan. Sa bayan rin na ito ay nagkaroon ako nang sakit na hindi ko inaasahan na pwede pala. Sa bayan na ito ay nakaramdam ako ng saya at pamilya, ngunit, sa bayan na ito, ay hindi rin naman ako magtatagal.
Alam ko na hindi ako pwedeng mamalagi dito, gustuhin ko man o hindi ay darating din ang araw na kung saan kailangan ko rin magpaalam sa kanilang lahat. Kailangan ko rin magpaalam dahil kailangan ko tapusin ang misyon ko sa buhay. Kailangan ko magpaalam dahil maaring ilang araw na lang mula ngayon ay mahahanap na ako nang taong iyon at maari silang madamay. Ngunit ano naman ang magagawa ko? Napalapit na sila ng sobra sa akin, hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi maiyak sa tuwing naiisip ko na aalis na ako.
"Nandito ka lang pala."
Agad ko naman na pinahiran ang luhang tumulo sa mata ko at tinignan ang taong kakarating lang. Naka-tukod lamang siya sa kaniyang mga tuhod habang hinahabol ang kaniyang hininga. Sa tingin ko ay tumakbo ito nang sobrang layo dahil sa lalim ng bawat paghinga nito.
"Ayos ka lang ba?" Tanong ko sa kaniya atsaka tumayo bago ito hinawakan sa balikat at hinaplos.
"Bakit ka ba umalis sa bahay nila Treyni?" Tanong ni Nola. Tumayo na naman ito ng maayos atsaka huminga ng malalim. "Alam mo ba na halos gisingin ko na ang buong tao sa bayan?"
Seryoso lamang itong naka-tingin sa akin ngunit ramdam ko sa boses nito ang pag-aalala.
Sa bayan na ito, ay nakilala ko ang isang taong naging malapit ng sobra sa akin.
"Nakikinig ka ba? Alam mo naman na sobrang delikado na ng buhay mo. Ano ba ang ginagawa mo sa lugar na ito, at napag-isipan mo pa talaga na pumunta rito ng hating gabi?" Tanong nito.
Lumapit naman ako sa kaniya atsaka hinawakan ang kaniyang kamay. Alam ko naman na nag-aalala lang talaga si Nola sa akin kung kaya ay ganito na lang ito kung maka-asta.
"Huwag kang mag-alala,"sabi ko, "Ayos lang ako at wala na rin akong sakit."
Iginaya ko ang kaniyang kamay patungo sa aking noo at ngumiti. Hindi ako sigurado kung nakikita ba niya ako ngunit gusto ko lang mapanatag ang kaniyang kalooban, at gusto ko lang sabihin na hindi na niya kailangan pa mag-alala.
"Wala ka na ngang sakit pero wala ka naman sa bahay at nagpapahinga,"saad nito at tinulak ang noo ko. Gulat na napa-hawak naman ako sa aking noo at masamang sinundan siya ng tingin. Nakangisi lang itong naglalakad patungo sa inuupuan ko kanina at inilatag ang isang tela na hindi ko na pansin na dala-dala niya.
"Buti na lang at nakita ko 'yong sobrang liit na papel na iniwan mo,"dugton nito atsaka umupo na, "Kay raming papel sa isang tukador doon sa sala, bakit iyong maliit naman ang ginamit mo?"
Naka-simangot naman akong naglakad papalapit sa kaniya at padabog na tumabi rito. Hindi ko na kasalanan 'yon! Hindi ko naman nakita ang mga papel sa sala nila. Atsaka isa pa, kung alam ko lang na marami pala ang papel nila roon ay hindi ko na ginamit iyong papel na nakita ko lang sa isang tabi.
"Hindi ko alam,"tugon ko at naka-ngusong nakatingin lamang sa harap. Pumunta lang ba ito dito upang pagalitan ako? Akala ko pa naman ay nag-aalala siya kaya naisipan niyang hanapin ako, iyon pala at papagalitan lang. Kung sabagay ay lagot naman siya kay Draco at Lauriel kapag may nangyari sa akin, paano ba naman kasi ay siya 'yong inatasan na bantayan ako.
Siguro nga ay may kaunting pag-aalala lamang ito sa akin ngunit hindi ganoon kalaki, panigurado ay iniiwasan niya lang magalit ang mga kasama niya sa kaniya, pero kahit gano'n masaya naman ako na nandito siya. Hindi ko alam kung bakit pero komportable ako at maayos na ang pakiramdam ko na ngayon ay may kasama na ako. Gusto ko nga siguro na may kasama dito kaso nga lang ay gabi na at paniguradong tulog na silang lahat.
"Ano ba ang ginagawa mo rito?" Tanong ni Nola. "Huwag ka na magtampo riyan, iniisip ko lang kalagayan mo."
Hindi ko na lang pinansin ang huling sinabi nito at bumuntong hininga. Yinakap ko ang mga tuhod ko habang naka-tingin pa rin sa mga bituin.
"Wala naman,"tugon ko, "Hindi na kasi ako makatulog. Gusto ko sana tignan kung anong klaseng lugar ang bayan na ito sa gabi, iyong gabi na walang pagdiriwang. Kaso habang naglalakad ako ay hindi ko na pansin na dito na rin ako dinala ng mga paa ko, mahirap pala maglakad dito nang gabi na no? Akala ko ay madali lang."
Napahawak naman ako sa aking paa at bahagyang hinaplos ito. Kanina ay medyo masakit pa ang paa ko dahil sa ilang beses na akong natapilok at muntikang matumba, ang lalaki ba naman ng mga bato dito.
"Dapat kasi ay sinabihan mo 'ko, hindi 'yong dumederitso ka na lang dito sa lugar na ito,"saad niya. Napalingon naman ako kay Nola na ngayon ay nakahiga na sa tela, nakatingin lamang ito sa langit at tinignan ang mga kumikislap na bituin.
"Akala ko ay tulog ka na,"sabi ko.
Hindi na naman suot-suot ni Nola ang takip sa kaniyang mukha. Napapansin ko ay hindi na talaga niya masiyadong sinusuot ito. Masaya naman ako na hindi na niya tinatago ang kaniyang sarili ngunit, nakaka-lungkot lang na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin kaya magtiwala kay Draco at sa iba pa.
"Hindi ko makatulog,"tugon nito, "Bumalik lang ako sa bahay ko upang kumuha ng ilang mga gamit tapos babalik lang din sa bahay ni Treyni upang bantayan at asikasuhin ka, kaso, noong pumunta ako sa kwarto mo at makita kong walang tao sa higaan mo ay agad akong nataranta. Akala ko ay kung ano na ang nangyari sa iyo."
Bahagya naman akong na tawa sa sinabi niya.
"At Bakit ka naman natatawa, binibini?" Tanong nito at naramdaman ko na lang ang pag-upo nito sa aking tabi, lumingon naman ako sa kaniya at sakto rin na inilapit nito ang kaniyang mukha.
Sobrang lapit namin at ilang sentimetro na lang ang layo ng aming mga labi. Tahimik lang kaming nakatitig sa isa't-isa, ramdam na ramdam ko ang malakas na pintig ng aking puso na akala mo ay kaka-galing ko lang sa pagtakbo. Hindi ko maiwasan ang tignan ang magagandang mga mata nito na nakatitig lang din pabalik sa akin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung kaya ay nanatili lamang akong nakatitig sa kaniya.
Dapat ba akong umiwas? Dapat ko lang ba itong hayaan? Ano ba ang gagawin ko?
Kahit sobrang lamig ng ihip nang hangin ay nararamdaman ko ang pag-init ng aking mukha. Kung hindi lang siguro gabi ngayon ay panigurado kitang-kita na ni Nola ang mga pisngi kong namumula. Hindi ko yata kaya ang makipag-titigan sa kaniya, umiwas na lang ako ng tingin at ibinaling ulit sa mga bituin.
"H-hindi ko naman inaasahan na mag-aalala ka pala sa'kin,"nauutal na sabi ko. Napapikit pa ako ng mariin dahil sa kinikilos ko.
Ano ba Kori? Bakit ka ba nauutal? Ano ang nangyayari sa iyo? Hindi porke't ngayon mo lang nasubukan ang matitigan ng isang magandang lalaki ay ganiyan ka na umasta. Umayos ka nga.
Unti-unti ko naman na itinuwid ang aking binti at nag-unat. Kailangan ko umasta na parang wala lang sa akin ang nangyayari, kung hindi ay baka kung ano na ang isipin ni Nola sa akin.
Nanatili lamang tahimik si Nola at hindi na umimik pa. Nang tignan ko ito ay nakahiga na ulit ito at nakatingin lamang sa langit, tila ba malalim ang kaniyang iniisip. Umiwas na lang ako nang tingin at humiga na rin sa kaniyang tabi. Mananatili lang kayang tahimik si Nola ngayon? Galit ba siya sa akin? Wala naman akong ginagawang masama, hindi ba?
Teka, dahil ba umiwas ako ng tingin? Baka iba iniisip ni Nola, pero, wala namang ibang ibig sabihin iyon. Ayaw ko lang naman makikipagtitigan sa kaniya dahil sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Ewan ko ba kung bakit, epekto yata 'to ng lagnat ko kahapon.
"Nai-ilang ka ba sa akin?" Tanong ni Nola na naging dahilan ng paglingon ko sa kaniya.
"Ano?"
"Nai-ilang ka ba kako sa akin?" Tanong ulit nito.
Ibinalik ko naman ang tingin ko sa langit at sakto rin ang pagdaan ng isang bituin. "Hindi,"tugon ko, "Bakit naman ako maiilang sa iyo?"
"Wala lang,"ani nito.
Pagkatapos sabihin iyon ni Nola ay namayani na naman ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Tila ba hanggang doon na lang ang pag-uusap namin, hindi kagaya noon na walang tigil ang bibig niya sa pagkwento, ngayon ay parang limitado lang ang lahat.
May nangyari ba habang nagpapahinga ako?
"Nola,"tawag ko sa kaniya.
"Hmm?"
"May nangyari ba?" Tanong ko rito at humiga nang patagilid at humarap sa kaniya, huminga naman ito ng malalim atsaka sinunod ako.
"Wala naman,"ani nito, "Paano mo naman na sabi?"
"Kasi, kanina ko pa napapansin na sobrang tahimik mo,"saad ko, "Hindi naman sa hindi ka na tahimik simula pa noon pero iba kasi ngayon."
Nanatili lamang na nakatitig si Nola sa akin hanggang sa pinitik nito ang aking noo.
"Para saan iyon!" Reklamo ko at hinamas ang noo ko.
"Naguguluhan lang ako,"ani nito at bumalik na sa pwesto niya kanina, "Gusto ko sabihin sa kanilang lahat ang totoo pero napaka-hirap. Gusto ko sabihin sa kanila itong tinatago ko dahil pinagkakatiwalaan ko naman sila. Ilang beses na nila ako sinagip Kori."
"Pero ayaw mo dahil nandiyan pa rin ang takot sa puso mo,"dugtong ko, "Ganiyan naman talaga, Nola. Hindi naman kasi ibig sabihin na pinagkakatiwalaan mo na 'yong tao ay kaya mo ng ibahagi sa kaniya ang lahat na tungkol sa iyo. Kahit ako, kung mangyari sa akin 'yong nangyari sa iyo ay mahihirapan akong sabihin iyon sa mga bagong kasama ko, bakit? Simple lang naman, nandito pa rin ang takot sa puso ko."
"Iyon na nga ang ibig kong sabihin." Ani nito, "Pero ang hirap din magtago sa kanila. Araw-araw ay kinakain ako ng nakaraan ko. Hindi ko na kaya."
"Tinawag iyang nakaraan dahil nangyari na,"sabi ko atsaka tinignan ito.