Hindi ako mapakali. Hindi kaya ay multo ang nakita ko na 'yon at inakala ko lang na si Mr. Brickell? Imposible na nananaginip lang ako ngayon. Sigurado ako na may nakita akong lumabas mula sa kwarto ni Mr. Brickell, tapos bigla na lang siyang nawala sa paningin ko. Para bang isang hangin na bigla na lang napunta sa baba. Daig pa niya si Flash sa sobrang bilis niyang nakarating sa baba.
Reign, nahihibang ka na ba? Kung tao 'yon, e 'di sana ay hindi siya ganoon kabilis na makakababa!
Pero nangangati na ako ngayon na malaman kung tao ba ang nakita ko o isang multo. Hindi na rin naman nakakapagtaka kung may multo rito sa malaking bahay na ito. Lalo na at sobrang tahimik pa sa bahay na ito at mag-isa lang na naninirahan si Mr. Brickell. Hindi kaya ay doppelganger iyon ni Mr. Brickell? Masama pa naman kapag may doppelanger ang isang tao. Malaki ang posibilidad na may mangyaring hindi maganda sa kaniya.
Huminga ako ng malalim. Hindi na ako makakatulog pa nito. Buhay na buhay na ang diwa ko dahil sa aking nakita. O pwede naman na sadyang namalikmata lang talaga ako at inaakala ko na may nakita ako. Para malaman ko ang sagot sa aking mga katanungan ay kailangan kong bumaba ngayon at kumpirmahin kung mayroon bang tao sa baba o wala.
Dahan-dahan muli akong lumabas sa kwarto ko. Ngunit nang makalabas ako ay agad ko muling nakita si Mr. Brickell! Pero ngayon ay naglalakad na lang siya paakyat sa hagdan habang may iniinom na kulay pula sa kaniyang baso. Nagulat naman ako at nanlalaki ang aking mga mata. Nang mapansin niya ako ay hinarap niya ako, habang patuloy sa pag-inom ng kulay pula na nasa baso niya. Nang matapos niya iyong inumin ay pinunasan pa niya ang kaniyang bibig. Nanatili lang siya na nakatingin sa akin. Nanginginig naman ako na napaturo sa baso na hawak niya.
"D-Dugo? Umiinom ka ng dugo?" hindi makapaniwala na tanong ko sa kaniya. Hindi ko alam kung dapat na ba akong tumakbo ngayon o manatili lang sa pwesto ko. Hindi ko alam kung ano ang dapat na maging reaksyon ko. Hindi ako makapaniwala sa nasaksihan ko. Siya ba talaga si Mr. Brickell? O baka naman nagpapanggap lang siya na si Mr. Brickell? Hindi ko akalain na totoo pala ang mga multo o doppelganger. Hindi kasi ako naniniwala sa mga ibang nilalang noon.
"What are you talking about? Are you dreaming or half-asleep?" tanong niya sa akin. Pati ang boses at pananalita niya ay kaparehas ng kay Mr. Brickell. Gising ba talaga ako ngayon? Baka nananaginip lang talaga ako. Bahagya kong kinurot ang sarili ko at naramdaman ko ang sakit. Ibig sabihin ay gising talaga ako ngayon at hindi nananaginip.
"I just saw you drinking a blood! What the hell are you?! Hindi ka ba tao? Ano ang balak mo sa akin?!" sigaw ko pa habang nakaturo sa kaniya. Natatakot na ako ngayon at hindi ko alam kung paano ako makakatakas sa lugar na ito.
"I was drinking a red wine. Anong dugo ang sinasabi mo? Are you on drugs or what?"
Saka ko lang naisip na may red wine nga pala at halos kakulay iyon ng dugo. Nakahinga naman ako ng maluwag. Naaaning na yata ako dahil sa nakita ko kanina at dahil na rin hindi ko pa masiyadong kakilala ang kasama ko ngayon. Tapos narito pa ako ngayon sa bahay niya. Bakit ba naman kasi anong oras na ay ngayon lang siya umiinom ng wine?
"I'm sorry. Kanina kasi ay may nakita ako na kamukhang-kamukha mo tapos ang bilis nakababa. Well, hindi ako sigurado kung ikaw ba talaga 'yon o namalikmata lang ako. Wala ka bang nakita na ibang tao sa baba?" tanong ko pa. Hindi rin kasi ako mapakali. Nawala na tuloy ang gutom na nararamdaman ko dahil sa mga naiisip ko kanina pa.
"I was just the only person who went downstairs earlier. Kumuha ako ng red wine dahil hindi ako makatulog. Maybe you're just half-asleep earlier. Kaya inakala mo na ang bilis kong nakarating sa baba kanina," paliwanag niya naman sa akin. Kung sabagay ay maaari nga 'yon. Saktong kagigising ko lang din naman kanina noong nakita ko 'yon.
Nakahinga naman ako ng maluwag at humingi na lang ng pasensya sa kaniya. "But why are you stil awake?"
"Naalimpungatan ako kanina at nakaramdam ako ng gutom. Bababa po sana ako para kumuhha ng pagkain, dahil ang sabi mo naman ay pwede akong kumain doon. Pero nawala na ulit ang gutom ko ngayon dahil nga sa mga naiisip ko kanina. Pasensya na po ulit," sagot ko naman sa kaniya.
"Come here and I will eat you."
"Huh?" nagtataka na tanong ko. Baka namali na naman ako ng pagkakarinig, kaya mas mabuti nang makasigurado muna ako bago mag-react. Ang narinig ko kasi ay kakainin niya ako. Ano ba ang nangyayari ngayon sa sarili ko? Miski ako ay nawe-weirduhan na rin sa mga iniisip at inaakto ko ngayon. Daig ko pa nga ang naka-droga dahil sa mga hindi makatotohanan na naiisip ko. "I said come here and I will feed you."
Ah! Feed pala. Pakakainin niya ako. Nakakahiya naman at pagsisilbihan pa niya ang isang tulad ko. "Ah, nakakahiya naman. Kaunti lang naman ang kukunin ko na pagkain, kaya hindi mo na po ako kailangang samahan pa. Pwede mo nang ipagpatuloy ang tulog mo, Sir."
"Are you sure? Baka matakot ka sa baba kapag mag-isa ka lang. Lalo na at tahimik sa bahay na ito, tapos anong oras na rin."
"Sabi ko nga po, Sir. Pwede po ba na samahan mo na ako sa baba? Hehe," nahihiyang sagot ko agad.
Natatakot kasi ako dahil baka mamaya ay may makita nna naman akong kakaiba! Nananakot din naman itong si Mr. Brickell. Kaya mas mabuting samahan na lang niya ako. Hindi ko na rin kaya at nananakit na ang sikmura ko dahil sa gutom. Aalis na rin naman ako sa bahay na ito bukas, kaya kakapalan ko na lalo ang mukha ko.