Kaneisha’ POV
“Sa tingin mo ba, tama itong ginagawa natin? Tama bang suportahan natin si Kyro sa ganitong bagay?”
Huminto ako sa paglalakad nang magsalita si Eikko sa likuran ko. Nakasunod ito sa akin. Mas nauuna akong maglakad kaysa sa kaniya pero dahil huminto ako saglit, napahinto rin siya dahilan para matabihan na niya ako.
“Ang alin?”
May ideya na ako sa nais nitong sabihin pero gusto ko pa ring makumpirme galing sa kaniya. Iba pa rin kung sa kaniya ko mismo maririnig. Minsan kasi ay magaling lang akong mag-assume, sa sobrang advance ko mag-isip. Dahil sa pagiging advance ko, marami na akong na-judge.
“Itong ginagawa nating pagtulong kay Kyro. Alam natin kung gaano kadelikado ang pagkupkop niya sa isang mor-”
Hindi niya na naituloy pa ang kaniyang sasabihin sapagkat inunahan ko nang takpan ang bunganga nito gamit ang palad ko. “Ano ka ba! Baka may makarinig sayo! Mas lalo tayong mabubuking, eh!”
Napalingon ako sa paligid kung may katulong bang umiikot o kahit gwardya man lang na nakabantay. Halos kalalabas lang namin sa silid ni Kyro, hindi pa kami nakakababa sa hagdan. May ilang gwardya pa namang umiikot sa palapag na ito. Hindi rin namin sigurado kung may mga taga-silbi na nasa paligid.
“Pasalamat ka at walang ibang narito, kung ‘di nabatukan na kita riyan. Alam mo namang maraming tainga at mata rito sa palasyo. Dapat ay itinitimpi mo muna ‘yang kadaldalan mo, Eikko. Mas mapapahamak tayo dahil sa kaingayan mo, eh. Pwede namang magsabi ka na lang mamaya pagkalabas natin dito. Mas nanaisin mo pa talagang dito magtanong?”
“Pasensya naman.”
Inirapan ko na lamang siya bago nagpatuloy sa paglalakad.
Sanay na rin naman ako sa kaniya. Laging ganito ang eksena namin. Kaya na-ti-timing-an ko rin agad kapag alam kong papunta na siya sa climax part na hindi pwedeng marinig ng iba. Mabuti na lamang at alerto ako. Naku! Kung hindi, siguro matagal na kaming napahamak dahil sa hindi niya pagtitimpi. Baka nga hindi na rin magsabi si Kyro sa amin ng mga sekreto niya, eh.
“Bakit ba kasi hindi na lamang tayo maglaho? Pinapagod pa natin ang sarili nating maglakad. Kay alwak nitong mansyon nila. Hihingalin tayo eh,” reklamo nito.
Ayan na naman siya sa katamaran niya. Sinusumpong na naman siya ng sakit niya.
Minsan, hindi ko na rin sigurado kung sino talaga sa amin ang babae. Talo pa niya ako mag-inarte, eh. Hindi ko rin siya matatalo sa pagrereklamo. Malapit ko na ngang kwestyunin ang tunay niyang kasarian. Tunay na lalaki ba talaga siya? Ako ba itong lalaki sa amin?
“Ayaw mong maglakad?” Tinaasan ko siya ng kilay. Sabay kaming naglalakad pero nasa kaniya ang paningin ko. “Edi huwag mo akong sabayan. Mauna ka nang pumunta sa inyo, susunod na lamang ako. Ganoon lang kadali, Eikko.”
Nakakapagod, oo. Pero ayoko namang gamitin na lamang palagi ang kakayahan ko. Gusto ko ring mamuhay nang normal, gaya ng mga ordinaryong bampira. Kapag kasi ordinaryong bampira ka lamang, limitado lamang ang iyong kakayahan. Hindi gaya sa amin na nanggaling sa mataas na pamilya, biniyayaan kami ng ilang kakayahan na kami lang ang nakakagawa.
“Oh, ano pang ginagawa mo rito?” Lumingon akong muli sa kaniya nang makitang sumasabay pa rin siya sa akin sa paglalakad. “Akala ko ba ay napapagod ka? Gusto mo ng mas madaling paraan, ‘di ba? Bakit hindi ka pa maglaho?”
Naka-pout na siya ngayon. “Ito naman, hindi mabiro. Hahayaan ko bang mag-isa ka lang? Magrereklamo lang ako pero ikaw pa rin naman ang masusunod sa atin.”
Tumawa ako nang mahina. “Wala ka pala, eh. Hindi ka rin pala papalag sa akin.”
“Siyempre ikaw na ‘yan, eh. Sayo lang naman ako tumitiklop. Sayo lang matatanggal ang angas ko.”
Hindi ko mapigilang mamula sa sinabi niya kaya agad kong inalis ang paningin ko sa kaniya upang hindi niya mahalata na nangangamatis na ang pisngi ko dahil sa mga sinabi niya.
Kapag nagkataon, edi yayabang na na naman siya lalo.
“Hay nako, Eikko! Dapat lang, ‘no.”
Nagsimula na naman ang pagmamaldita ko para pagtakpan ang kilig na nararamdaman ko. Sa ganitong paraan, naitatago ko ang kilig ko sa kaniya.
Ewan ko ba, hindi naman ako ganito dati. Hindi pa ako tinatamaan sa kaniya noon. Asar na asar nga ako sa kaniya noong mga bata pa kami, eh. Hindi ko namalayan kung anong nangyari noong nagdadalaga at nagbibinata na.
Kilala akong masungit at maangas ngunit pagdating kay Eikko, lumalambot ako. Siguro ginayuma ako ng isang ‘to. Oras na kaya para tanungin si Manong Danilo kung inutusan ba siya ni Eikko na gamitan ako ng mahika?
“Sus. Kunwari ka pa. Sa totoo lang, ikaw itong patay na patay sa akin. Ayaw lang umamin. Sige na, Kane, umamin ka na. Ang tagal mo nang tinatago ‘yan. Kahit ngayon man lang, magpakatotoo ka naman sa sarili mo. Magsabi ka naman nang totoo.”
Tinaasan ko siya ng kilay. “Hoy! Ang kapal ng mukha mo. Anong ako? Sino kaya itong nagpapapansin lagi at idinadaan sa pang-aasar para mapansin ko siya? ‘Di ba ikaw?” Nang-irap ako sa kaniya. “Huwag mo binabaliktad ang kwento, Eikko. Ikaw itong baliw na baliw sa akin.”
Humalakhak siya nang mahina. “Angas talaga ng mahal ko. Sige na, hindi na kita pipiliting umamin. Basta ang importante, alam kong gusto mo na rin ako noon pa. Ako na lang ang mag-adjust, ayaw mong umamin eh.”
Kinurot ko siya sa kaniyang tagiliran. “Tama ka na. Masyado ka nang mahangin.”
Sa loob ng tatlong taon na kami ay magkasintahan, kailan man ay hindi ko naramdaman na nagkakasawaan na kami sa isa’t-isa. Sa araw-araw na magkasama kami, hindi ko maramdaman na normal na araw na lamang ‘yon. Araw-araw, pinaparamdam niya ‘yung mga unang araw na nililigawan niya palang ako. Kaya hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang kilig at excitement sa tuwing nakakausap at nakakasama ko siya. Pero alam ko namang darating pa rin sa puntong magkakasawaan na kami peromakakaasa siyang kailan man ay hindi ko gagawing rason ‘yun para iwan siya. Mas pipiliin ko pa siya sa mga araw na wala nang excitement dahil doon palang talaga nagsisimula ang tunay na pag-ibig.
Well, part na rin ng araw namin na mang-asar at magyabang. Sanay na ako na lagi siyang nagbubuhat ng sarili niyang bangko. Pero kahit ganoon, hindi naman ako naaasar. Na-cu-cute-an pa nga ako sa kaniya, eh. Normal lang ba ‘yun? Or ganito lang talaga kapag in love?
Hays! Ang baduy!
Dapat maangas lang ako. Hindi dapat ako magpakita ng kahinaan. Hindi dapat matanggal ang angas ko.
Pero kahit ano pang pagpipigil ko, kusang lumalambot na ako sa tuwing gumagawa siya ng aksyon na nagbibigay ng kiliti sa aking tiyan, tila may nilalang sa aking tiyan na tila lumilipad. Hindi ko mawari kung ano ito.
Hinawakan nito ang kamay ko habang naglalakad.
Ramdam ko ang lambot ng kaniyang palad. Ang sarap pisilin. Napaghahalataan na galing siya sa mayamang pamilya. Lumaki rin kasi siya na pinalilibutan ng mga katulong. Hindi siya hinahayaan ng mga ito na gumawa siya ng alin mang gawaing-bahay. Kung may nais siyang iutos, isang tawag niya lang sa kanilang katulong ay nandiyan na agad upang pagsilbihan siya. Walang kahira-hirap para sa kaniya ang mamuhay.
Ganoon din naman ako. Galing din ako sa isa sa kilalang pamilya rito sa amin. Ang pamilya namin ang nag-iisang kamag-anak nila Lysander sa side ng Ama niya. Ang aking Ama at si Haring Demetrius ay magkapatid. Isa iyon sa dahilan kung bakit mas lalong umangat ang aming pamilya.
At tama kayo ng iniisip.
Magkapatid kaming dalawa ni Kyro. Siya ang nakatatandang kapatid ko at ako naman ang nag-iisang kapatid niya.
Noong panahon na naupo si Haring Demetrius sa trono, nahila rin kami nito at binigyan ng posisyon ang aking Ama sa Kaharian. Ang aking Ama ang kasalukuyang Heneral ng palasyo. Suportado ng aking Ama si Haring Demetrius kaya ganoon na lamang sila kalapit sa isa’t-isa.
Pero kahit ganoon pa man, hindi ako lumaking sunod lagi sa luho. Mas pinili kong mamuhay nang normal at malayo sa karangyaan. Noong tumuntong ako ng ikalabing-tatlong gulang, humingi ako ng pabor kila Ama at Ina, sa araw mismo ng kaarawan ko. Hiniling ko na maranasang mamuhay nang normal, na walang mga gwardya o katulong na nakabuntot sa akin. Gusto kong mamuhay na ako lang. Gusto kong maranasan na maging normal na bampira. ‘Yung hindi dahil sa kilalang pamilya ako galing, magiging madali na lamang lahat sa akin. Ayokong gawin advantage ‘yon. Iba pa rin kung paghihirapan mong makamit ang isang bagay.
Mabuti na lamang at pinayagan ako nila Ama at Ina.
Dahil bata pa naman ako noon at hindi ako palalabas ng bahay noon, walang nakakakilala sa akin bilang isang dugong bughaw. May batas kasi na tsaka lamang makikilala ng lahat ang babaeng Anak ng dugong bughaw, pagkatungtong niya ng ikalabing-tatlong gulang. Dahil doon, itinaon ko talaga na humiling kila Ama ng buhay na normal.
Walang nakakaalam na may pangalawang Anak pa ang aking mga magulang. Iisang Anak lang ang kilala nilang lahat. Hindi nila alam ang totoo kong pagkatao. Hindi nila alam na isa rin akong dugong-bughaw.
Ang tanging alam ng lahat, ordinaryong bampira lamang ako na nakilala nila Kyro at Eikko at maswerteng naging kaibigan nila. Halos lahat nga ay kinukwestiyon ako kung bakit ko naging kaibigan ang dalawang lalaking pinagkakaguluhan ng mga kababaihan sa amin. Ang iba pa nga ay pinagkamalan akong babaeng may mahika, at ginamitan ko raw ng mahika ang dalawang kupal.
Kung alam lang nila na sinubukan ko rin silang iwasan noon para mamuhay talaga nang normal ngunit hindi ko kinaya ang pangungulit nila. Hindi nila ako tinantanan kahit pa umalis na ako sa aming mansyon at tumira sa isang hindi kalakihan na bahay na nasa gitna ng kagubatan.
Naalala ko na araw-araw nila akong dinadalaw sa aking bahay at pilit na inaayang makipaglaro sa kanila. Sinabi ko naman na gusto kong mamuhay nang normal at magagawa ko lamang ‘yun kung puputulin ko ang komunikasyon ko sa kanila. Kung patuloy akong makikipagkaibigan sa kanila, pagdududahan ng lahat ang tunay na pagkato ko.
Pero dahil pursigido at determinado ang dalawa, hindi nila hinayaan na maalis ang komunikasyon sa aming tatlo. Dinaan nila sa utak ang lahat. Ang pinaalam nila sa lahat ay ako raw ang tumulong sa kanila noong naligaw sila sa kagubatan, na ako raw ang nagturo ng tamang daan pabalik sa palasyo. Oh, ‘di ba? Pang-writer ang datingan nila! Mga story maker!
Gayun pa man, na-appreciate ko naman sila. Bata palang ako at hindi pa ako nakakaalis sa aming mansyon, magkakaibigan na kami. Mabuti na lang at hindi nila ako agad sinukuan. Hanggang ngayon, matatag pa rin ang pagkakaibigan namin. Sayang lang dahil tatatlo na lamang kami ngayon. Nabuwag na ang unang grupo ng pagkakaibigan namin noon dahil sa hindi pagkakaunawaan. Pero umaasa pa rin ako na darating pa rin ang araw na mabubuo kaming apat. Na magkaka-ayos-ayos pa rin kami.
“Tulong! Tulungan niyo ako!”
Sabay kaming napatingin ni Eikko sa isa’t-isa nang marinig namin ang sigaw ng isang lalaki sa ‘di kalayuan. Kalalabas lang namin ng gate nila Lysander ay halu-halo nang ingay ang naririnig namin. Hindi ko alam kung nagkakagulo ba!
Nang makumpirme kung saang direksyon nanggagaling ang ingay, agad kaming tumakbo ni Eikko para tingnan ito.
Marami kaming nakakasalubong sa daan. Mapipinta sa kanilang mga mukha ang takot. Akay-akay nila ang kanilang mga gamit habang tumatakbo palayo sa lugar upang mapalayo rin sa gulo.
“Susmaryosep! Ang mga paninda ko! Ito na lamang ang pinagkakakitaan ko!” sigaw ng isang matandang babae.
Nasaksihan namin kung paano natumba ang maliit nitong tindahan ng mga mansanas. Nagkalat sa lupa ang maraming mansanas na paninda ni Manang. Naawa ako dahil nasira ang hanap-buhay niya dahil sa mga nagrarambulang mga lalaki.
Hindi ba sila aware na ilang tindahan na ang kanilang napatumba? Hindi ba nila alam na may nadadamay na mga inosente dahil sa pakikipagbasagulero nila? Kung bakit naman kasi dito pa sa pamilihan nila piniling magrambulan? Pwede naman sa gitna ng kagubatan! Kahit doon sila magpatayan!
Dahil marami ang nagtatakbuhan, kung sinu-sino na ang bumabangga sa akin. Hindi ko rin makita kung sinu-sino ba ang mga sangkot sa gulo. Ang sigurado ko lang, dalawang grupo ng kalalakihan ang nagpapakitang gilas.
Sa sobrang sanay ko nang makasaksi ng ganitong away, kahit hindi ko na yata tanawin kung sino ang mga ito ay kilala ko na agad. Kapag ganitong rambulan, hindi siya nawawala sa mga ganitong eksena. Mayroon at mayroon siya.
Suki na siya sa gulo. Kapag binanggit ko nga lang ang salitang away o gulo, pangalan niya ang una kong maiisip. Kaakibat na ng pangalan niya ang rambulan. Kaya walang duda, siya ang isa sa lider ng isang grupo na nakikipagpalitan ng suntok at tadyak sa kabilang grupo.
“Kane, si Lysander!”