Chapter 12

2300 Words
Amara’s POV Matapos ako sabihan ni Kyro na napakabagal ko raw kumilos, hindi na niya ako hinayaan pang i-defend ang sarili ko. Magsasalita pa sana ako kaso hindi ko na itinuloy pa dahil nagsimula siyang humakbang patungo sa kinaroroonan ko. Ang bawat galaw niya ay nagbibigay sa akin ng babala sa maaari kong ikilos. Hindi naman ako nag-assume na ako ang pupuntahan niya kaya naglakad na lang din ako palabas ng kusina para makadaan siya kung sakali mang sa kusina siya papunta. Tumabi ako sa kama niya at hinihintay na makalagpas siya sa tapat ko. Hindi ko siya tiningnan habang naglalakad at baka kung ano pa ang isipin niya. Pero nang makatapat na siya sa akin, huminto ito. Tiningnan niya muna ang buong suot ko. Oo na, damit niya na ito. Siya naman itong nag-suggest na manghiram ako ng damit niya, eh. Lumipat naman ang kaniyang tingin sa aking mukha. Matapos niya akong tingnan ay tsaka namang bumaling sa aking braso ang mga mata niya. Tiningnan niya braso ko at hindi pa sigurado kung hahawakan niya ba ito. Walang permiso niyang itinaas ang manggas ng aking suot na damit. Medyo nagulat ako pero hindi ko naman siya pinigilan. Hinayaan ko lang na suriin niya ang braso ko. Tiningnan niya ang sugat ko roon. Maging ang kabilang braso ko ay hinawakan niya rin at pinagmasdan ang mga gasgas na natamo ko. Dahil nga nabasa ito dahil sa pagligo ko, namumula-mula pa ito. Ramdam ko rin ang hapdi nito kapag nasasagi o nahahawakan ko nang hindi sinasadya. Kaya ingat na ingat din ako sa pagbibihis kanina. Hindi ko naman magamot dahil wala naman akong nakita kahit alcohol man lang doon upang matuyo man lang sana. Hindi ba uso ang alcohol sa paggagamot nila? Mas prefer siguro nila ang mga herbal medicines. Ang kaninang hawak niyang braso ko ay ibinalik niya. Pero ang inilislis niyang manggas ng damit ko ay nanatiling nakataas. Wala siyang imik na tinalikuran ako. Hindi ko naman ibinaba ang lislis ng manggas ko, hinayaan ko lang ito. Pumunta siya sa loob ng kusina. Nakahinga naman ako kahit papaano nang mawala siya sa tabi ko. Hindi ko rin kasi talaga matansya ang pag-uugali niya. Ibang-iba ang awra niya sa tuwing nasa serious mode siya. Naupo na muna ako sa paanan ng kama. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Wala pa naman siyang ipinag-uutos sa akin, eh. Makalipas ang dalawang minuto, narinig ko ang mga yapak niya papalabas ng kusina kaya agad akong lumingon para tingnan siya. Umayos na rin ako ng upo. Lumabas siya na may dala-dalang isang box. ‘Yon ang box na kinuha ko kanina sa banyo, kung saan nakalagay ang first aid kit. Pero isinauli ko rin dahil hindi ko rin naman magagamit dahil puro herbal medicines ang nandoon. Dinala niya ba ito upang gamutin ang sugat ko? Malamang, sa aming dalawa, ako lang naman itong may sugat. “Kailangan mong gamutin ang mga sugat mo nang maghilom ang mga ‘yan. Hindi mo iyan pwedeng indahin ng ilang araw.” Akala ko ay makakahinga na ako nang maluwag dahil nilayuan na niya ako kanina pero nagkakamali pala ako, mas nilapitan niya ako ngayon. Inilapag niya ang first aid kit box sa tabi ko at naupo rin siya sa paanan ng kama kung saan nakaupo rin ako. Dalawang dangkal lamang yata ang layo namin sa isa’t-isa. Wala lang naman ‘yun sa kaniya dahil kumikilos pa rin siya nang normal, samantalang ako ay halos mapagpawisan na dahil sa kaba at awkward na nararamdaman. Binuksan niya ang box at inilabas doon ang hindi ko ma-determine kung anong klaseng halaman ang mga iyon na pwedeng panggamot. Bago lamang ito sa paningin ko. Hindi ko alam kung may ganitong klaseng halaman sa mundo namin. Ipinalahad niya sa akin ang braso ko kaya agad ko ring sinunod. Binend ko ang braso ko para malagay niya ang mga halamang-gamot sa bawat gasgas na nasa aking braso. “Habang narito ka sa aming mundo, iwasan mo na magtamo ng sugat sa iyong katawan dahil ito ang magdadala sayo sa kapahamakan. Malalaman nila agad ang tunay mong pagkakakilanlan dahil sa amoy ng dugo na nananalaytay sa iyong katawan.” Nang matapos niyang dampian ng halamang-gamot ang isang braso ko, isinunod niya naman ang aking kabilang braso. Ito ang braso ko na dumugo dahil diniinan ni Lysander ang pagkakahawak sa akin kagabi. Napansin kong umigting ang panga niya nang tingnan ang sugat ko na may bahid ng dugo. Sariwa pa kasi ito kaya may konting dugo pa ang lumalabas doon. Hindi niya matitigan nang matagal ang sugat ko habang ginagamot. Mga ilang segundo matapos nitong dampian ng gamot ang sugat ko, iniiwas niya na agad ang paningin niya. “Eh, ‘yung pinsan mo ang may kasalanan kung bakit dumugo ‘yang sugat ko. Hawakan ba naman nang pagkadiin-diin ang braso ko! Ang sakit kaya!” Hindi siya kumibo at agad na lamang niyang idinampi ang hawak niyang dahon. Habang ingat na ingat niyang inilalagay ang dahon sa braso ko, hindi ko mapigilang titigan ang kaniyang mukha. Sobrang lapit nito sa akin ngayon. Kitang-kita ko kung gaano kaperpekto ang pagkakahulma sa kaniyang mukha. Kung tititigan ko siya nang matagal, lalo kong na-a-appreciate ang taglay nitong kapogian. Well, unang kita ko palang naman sa kaniya ay nagwapuhan na rin ako, ngunit mas nanaig pa rin ang takot ko sa kaniya dahil sa talim ng mga mata niya at kung gaano kaseryoso ang mukha nito. Gaya ng pinsan niyang si Lysander, hindi maitatanggi na gwapo siya. Galing nga lang sila sa iisang angkan. “Makalipas ang limang oras, palitan mo ang mga nilagay kong halamang-gamot. Iisang uri ng dahon lang namang ang nilagay ko, hindi ka malilito. Tingnan mo na lang dito sa lagayan. Makakatulong ‘yan upang mas mabilis nitong mapatuyo ang mga sugat.” Sinabi niya iyon habang inililislis ang manggas ng damit ko para matakpan na ang sugat ko. Nang matapos niya akong gamutin, napatingala siya sa akin dahilan para maubo ako. Hindi ko ‘yon in-expect! Bakit naman pabigla-bigla? Nahuli niya akong nakatingin sa kaniya kaya agad kong iniwas ang tingin ko. Sobrang lapit din kasi niya sa akin kaya medyo nakakaramdam ako ng awkwardness. Akmang tatayo na ito nang may biglang kumalabog dahilan para manatili siya sa aking tabi. Sabay kaming napalingon sa pinanggalingan ng ingay. Nagulat ako nang may iniluwa ang pinto. Sabay na pumasok ang isang lalaki at isang babae. Pareho silang nakasuot ng black leather jacket. Gaya sa mga suot ng mga nakasalumuha ko kagabi bago ako pumasok sa mansyon nila Lysander. Parehong maangas ang kanilang pormahan. Kung nagulat ako dahil sa pagdating nila, feel ko ay nagulat din sila sa nakita nila. Nadatnan nila kami na sobrang lapit sa isa’t-isa. Agad na tumayo si Kyro at lumapit sa dalawang bagong dating. Tumikhim siya habang naglalakad papunta sa kanilang dalawa. “Siya ba?” Itinuro ako ng babae. Agad namang tumango si Lysander. “Siya nga.” “Sobrang lakas ng kaniyang amoy. Mabuti na lamang at dito mo siya sa iyong silid itinago. Hindi siya maaamoy ng iba dahil sa proteksyon na inilagay mo sa silid na ito.” Rinig ko ang usapan nila. May proteksyon ang kaniyang silid? Kaya ba dito niya ako unang dinala ay dahil dito ang pinaka-safe na lugar na pwede ako magtago? So, totoo nga ang mga sinasabi niya. Tapos binalak ko pang tumakas? Ang shunga ko rin sa part na ‘yon, eh. Pero bakit ba? Hindi ko naman alam! “Dala niyo na ba?” tanong ni Lysander sa dalawa. Nakatalikod ngayon si Lysander sa akin, samantalang ang dalawa ay nakaharap at kita ko sila. Mukhang magkaka-edad lang sila ni Kyro. Parang hindi ko sila nakita kagabi, o sadyang marami lang talaga ang bisita kaya hindi ko man lang sila nakasamuha sa party. “Dala na namin. Mabuti na lamang at mabilis gumawa si Manong Danilo. Hindi niya na kami pinaghintay nang sobrang tagal.” “Kahit papaano ay nakabawi kayo sa hindi pagdalo sa piging kahapon.” Tumawa ang lalaki. “Sabi ko na nga ba’t isusumbat mo ‘yan sa amin!” “Eh paano? Itong si Eikko, imbes unahin niya ang pag-e-ensayo, mas inuna pang matulog. Kaya dinagdagan ang oras ng pag-e-ensayo namin bilang kapalit ng oras ng pagtulog niya. Sinisisi ko ‘yan kahapon kung alam mo lang. Pati ako ay nadamay! Wala naman akong magawa kung ‘di magreklamo lamang. Akala ko ay makakahabol kami sa kaarawan ni Lysander ngunit hindi na talaga kinaya ng oras.” “Ayos lang. Marami ring hindi magagandang nangyari kahapon.” Sabay na napatingin ang dalawang kausap ni Kyro sa akin. Okay, ako ba ang tinutukoy ni Kyro na hindi magandang nangyari kaya nakuha ko ang atensyon nila? Hindi naman siya nag-drop ng nangyari pero bakit parang sigurado sila na kasali ako sa hindi magandang nangyari? “Kyro, ipakilala mo naman kami sa kaniya.” Napalingon na sa akin si Kyro. Wala siyang kibo na naglakad patungo sa harap ko. Nakasunod ang dalawang bisita niya sa akin. Hindi ko alam kung ngingitian ko ba sila. Ang seseryoso kasi ng mga mukha nila. Paano kapag nginitian ko sila pero dinedma lang ako? Edi napahiya pa ako. Isipin pa nila, feeling close pa ako? “Kaneisha, Eikko, si Amara, ang mortal na tinutukoy ko.” “Hi!” bati ng lalaki sa akin sabay ngiti. Ngumiti na lang din ako. Okay. Mukhang mabait naman. “Ako naman si Kaneisha. Mga kaibigan kami ni Kyro,” pagpapakilala ng babae. Iniabot nito ang kaniyang kamay kaya naman agad ko rin itong tinanggap. Ngunit pagkahawak niya sa aking kamay ay mahina niya itong hinila at nakipagbeso sa akin. Nang tumapat ang kaniyang mukha sa parteng tainga ko, may ibinulong siya sa akin. May halong pagsisindak ang boses nito kaya napalunok ako. “Sobrang bango mo, Amara.” “Kaneisha!” Humalakhak naman si Kaneisha nang bitawan niya ang kamay ko. Tumabi siya kay Eikko at hinarap ang isa pa niyang kaibigan. “Chill, Kyro. Wala akong gagawin kay Amara na ikakagalit mo. Inamoy ko lamang siya, pero kaya ko namang magtimpi.” Palihim na sinuway siya ni Eikko. Mga kaibigan pala sila ni Kyro. Pero ibang-iba ang ugali na taglay nila sa ugali niya. Halata namang masayahin ang dalawa at walang halong kaseryosohan sa kanilang mukha. Kaibigan ba talaga nila si Kyro? “Oh sige na, para sa ikakapanatag mo. Ipasuot mo na sa kaniya itong kwintas.” May inilabas si Kaneisha mula sa kaniyang bulsa at ibinigay kay Kyro. Tinanggap naman ito ni Kyro. Tiningnan niya ang kwintas na hawak niya. Hindi ko ito makita dahil nasa palad niya lamang ito. Matapos niyang tingnan ang kwintas, tsaka naman siya tumingin sa akin. Tumabi sila Kaneisha at Eikko upang makadaan si Kyro at makapunta sa harap ko. Doon ko palang nakita ang hawak niyang kwintas. Ibinalandra niya ito sa aking harap. “Ito ay kwintas na makakatulong sayo upang hindi ka agad makilala ng iba. Habang suot mo ito, hindi ka pagdududahan ng lahat na ikaw ay naiiba sa amin. Walang sino man ang makakapag-isip na ikaw ay hindi galing sa mundong ito, na ikaw ay galing sa mundo ng mga tao. Kaya huwag mo hahayaang mawala ito o makuha ng iba. Dahil kapag nagkataon, masasayang lahat ang mga plano natin na itakas ka sa gabi mismo ng ritwal. Kaya pakakaingatan mo ito habang naririto ka sa aming Kaharian.” “Huwag kang mag-alala, Kyro. Tutulong din kami upang pangalagaan ang kapakanan ni Amara. Hindi namin hahayaan na may makaalam na siya ay hindi natin kauri. Walang sino man ang mananakit sa kaniya.” Sa dinami ng mga sinabi nila, wala pa rin akong maintindihan. Ano bang klaseng kwintas iyon na ipapasuot nila sa akin? Alam kong kakaiba ang mundo nila, na sila mismo ay mga kakaibang nilalang ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa rin batid kung anong klaseng nilalang ba talaga sila? “Ano ang ibig mong sabihin sa hindi ko kayo kauri? Ano ba talaga kayo? Sino kayo?” Hindi ko napigilan pang magtanong. “Hindi pa ba niya alam?” tanong ni Eikko. “Hindi ko pa nasasabi kung ano talaga tayo.” Napatingin sa akin si Kaneisha na tila nagdadalawang-isip. “Ang tanong, handa ka bang malaman Amara kung anong klaseng nilalang ang mga kaharap mo ngayon?” Nakaramdam ako ng kaba sa tanong ni Kaneisha. Pero hanggang kailan ako ganito na parang walang kaalam-alam sa mga nangyayari dahil wala akong ideya kung anong klaseng nilalang ba talaga ang mga nakakasamuha ko sa mundong ito. Mas mabuti nang malaman ko upang sa ganoon ay maintindihan ko ang lahat at mas mabilis para sa akin na unawain ang mga sinasabi ni Kyro. Nang sa gayon, hindi ko na siya pagdudahan na gagawan niya ako nang masama o kaya naman ay upang mapagkatiwalaan ko na siya. “Kung talagang gusto mong malaman, papangunahan na kita. Maaaring kakatakutan mo kami once sinabi namin ang totoo.” Malumanay na ang boses ni Kaneisha upang hindi rin siguro ako mag-panic. “Pero kahit pa malaman mo ang tunay naming pagkakakilanlan, sana ay huwag kang matakot. Hindi lahat katulad ng posible mong maisip sa aming lahi. Iisa ang aming lahi ngunit magkakaiba kami ng pag-uugali at paniniwala sa mga bagay-bagay. Mga kaibigan kami, Amara.” “Gusto ko lang ay malaman ang inyong tunay na pagkakakilanlan. Hindi magbabago ang pakikitungo ko sa inyo. Alam kong pwede ko kayong pagkatiwalaan at kayo lamang ang maaaring makatulong sa akin.” Hindi na kumibo si Kaneisha at Eikko. Hinihintay nila na si Kyro ang kumusang magsabi sa akin. Hinintay ko na lamang din na sa kaniya ko mismo marinig ang nais kong malaman. “Amara, hindi kami ordinaryong tao na gaya ng iniisip mo. Kami ay mga bampira.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD