Kyro’s POV
“Tama ba ang aking naririnig, mahal na Prinsipe? Ikaw ay magpapagawa ng mahiwagang kwintas na may mahikang walang sino mang bampira ang makakaamoy sa tunay nitong pagkakilanlan habang suot niya ito?”
“Tama ang lahat ng iyong narinig, Manong Danilo. Ako’y nakikiusap na inyong pabigyan ang aking hiling.”
“Ibig sabihin ba nito ay may mortal na nakapasok sa ating Kaharian? Kung gayon, tama rin ang nakalagay sa aking propesiya na may isang taong mortal ang makakarating sa ating mundo upang gampanan ang nakaatas sa kaniyang layunin.” Hawak ni Manong Danilo ang libro ng propesiya na siya lang mismo ang may kakayahan basahin ‘yon. Sinubukan kong hiramin ang libro na ‘yon ngunit pawang blangkong pahina lamang ang laman sapagkat ang mga nakasaad na mga salita roon ay tanging si Manong Danilo lang ang makakapagbasa.
Kumunot ang aking noo. Maging ang katabi ko ay naging interesado sa kaniyang narinig. Lumapit siya sa akin upang mas lalong marinig si Manong Danilo. Halos itulak na nga niya ako para lang malinaw ang pagkakarinig niya.
“Anong layunin ang tinutukoy niyo, Manong?” tanong ni Kaneisha.
“Dalawa lamang ang rason kung bakit may mga mortal ang hindi sinasadyang makarating sa ating mundo. Sila ay upang gawing alay sa ritwal tuwing kabilugan ng buwan o ang mortal na iyon ay ang itinakdang mortal na magpapabagsak sa inyong pamilya, Kyro. Ang mortal na iyon ang may kakayahang pabagsakin ang inyong angkan.”
Matapos sabihin ni Manong Danilo ang huling mga salita na binanggit niya, ang siya namang pagtitig niya sa akin nang sobrang seryoso.
“Magpapabagsak sa aming pamilya?” Naguguluhan kong tanong. “P-Paanong ang isang ordinaryong tao lamang ang magpapagbagsak sa amin? Wala siyang kapangyarihan upang gawin ‘yon.”
Inalis niya ang kaniyang tingin sa akin. “Mahabang kwento ito iho, ngunit ‘wag mo na lamang isipin pa sapagkat wala rin namang saysay. Matagal nang napaslan ng iyong Ama at ni Haring Demetrius ang tinutukoy na itinakda sa propesiya. Bata pa lamang ang mortal na ‘yon ay pinagkaitan na ni Haring Demetrius na mabuhay ito. Hindi niya hinayaang mabuhay pa ang mortal na ‘yon.”
Kung gayon, nakapunta na pala si Ama sa mundo ng mga tao. Hindi na ako magtataka pa kung bakit nagawa nilang paslangin ang sinasabi nilang itinakda. Alam ko kung gaano niya pinapahalagan ang kaniyang posisyon na ibinigay ni Tito at hindi rin papayag si Tito na basta na lamang makuha ang trono mula sa kaniya. Mula noong mga bata pa kami nila Lysander, iniingatan na nila ang aming angkan.
Ngunit hindi ko pa rin maiwasang magtampo o makaramdam ng galit sa aking Ama.
Dahil sa sobrang kagustuhan niyang magpalakas lalo ng kapangyarihan, nakakalimutan niya nang siya ay isa ring Ama. Nakakalimutan niya nang may Anak din siyang dapat pahalagahan. Ganoon din si Haring Demetrius kay Lysander, hindi niya na ito nasubaybayang lumaki dahil sa dami ng tungkulin niya bilang Hari ng aming Kaharian. Hindi man sabihin ni Lysander, alam kong parehas lang kami ng nararamdaman, nangungulila rin siya sa pangangalaga ng isang Ama.
Tumikhim ako upang iwala sa aking isipan ang bagay na ‘yon.
Sa tuwing naiisip ko ‘yon, hindi ko maiwasang maging emosyonal.
Wala ako sa tamang lugar ngayon para maramdaman ito. May mas importante pa akong dapat asikasuhin.
“Edi iisa na lang ang ibig sabihin nito, kaya dumating ang babaeng mortal na ‘yon sa ating mundo ay upang gawing alay sa paparating nating ritwal, tama ba Manong?”
“Tama, Kaneisha.” Pagsang-ayon ni Manong Danilo.
Napatingin naman sa akin ngayon ang kaibigan ko. Bago pa niya bigkasin ang kaniyang sasabihin, alam ko na. Nauna ko nang nabasa ang tumatakbo sa kaniyang isipan bago pa nito iparating sa akin.
“Kyro, tama ba ang desisyon mong kupkupin ang babaeng iyon?”
“I already told you, Kaneisha. Ibabalik ko siya sa mundo niya.”
“Pero bakit? Ano bang mayroon sa kaniya para tulungan mo siya? May utang na loob ka ba sa kaniya kaya tinutulungan mo siya ngayon? Kilala kita Kyro, hindi ka naman ganiyan. Wala ka namang pakialam sa lahat eh, lalo pa sa isang mortal.”
“Naawa ako sa kaniya. ‘Yun lang.”
“Okay, fine. Sige, acceptable na ang rason na ‘yan. Sa sobrang matulungin mo, halos lahat na lang ay tutulungan mo. Nasobrahan nga lang ang kabutihan mo dahil maging ang ordinaryong tao ay handa mong tulungan.”
Tiningnan ko ito. Tanging ngiti lang ang isinukli niya sa akin. Kailan man ay hindi ko siya nasindak sa mga tingin ko. Alam niya kasi kung gaano ko pa rin sila pinapahalagahan bilang mga kaibigan ko.
“Pero Kyro, paano kung malaman ito ng iyong Ama? Paano kapag malaman ito ng iyong mga magulang lalo na si Haring Demetrius? Na nagkupkop ka ng isang mortal sa mismong mansyon niyo. Paniguradong hindi ito papalagpasin ni Haring Demetrius. Kahit pa sabihin natin Anak ka ng kapatid niya, alam mong maging ikaw ay kailangan harapin ang kaakibat na parusa. Hindi lang ‘yon, maaaring magalit sayo ang iyong Ama at maapektuhan ito ng pagpapatunay mo na ikaw ay karapat-dapat na sumunod sa kanilang mga yapak.”
“Alam niyo kung gaano ko kagustong pumalit sa trono ni Haring Demetrius ngunit alam niyo rin na hindi ko tanggap ang pagpaslang sa Kaharian nito. Isa sa dahilan kung bakit gusto kong maging Hari ay upang baguhin ang pamamalakad ni Haring Demetrius sa Kaharian. Ngayon pa lamang, sisimulan ko na ang adbokasyon kong walang mapapaslang na inosente sa Kaharian na ito, mapa-bampira man o tao.”
Walang kaalam-alam si Ama na ito ang pinakadahilan ko kung bakit ko gustong sumunod sa yapak ng kapatid niya, kahit pa makakalaban ko si Lysander sa trono. Ayoko nang ipagpatuloy pa ang pamamalakad na sinimulan nila. Ako ang tatapos sa mahigpit at nakakasakal na mga batas na inilunsad nila.
Magiging payapa ang Kaharian na ito kung ako na mismo ang mamumuno.
Hindi ako papayag na didiktahan ako ni Ama kapag ako na ang umupo. Wala na silang magagawa. Isa pa, para rin naman ito sa buong Kaharian. Wala nang inosente pa ang maghihirap at patuloy na malulugmok. Gagawin kong pantay-pantay ang lahat ng nasasakupan ko.
Kaya hindi ko rin talaga papayagang hindi ako ang pumalit kay Haring Demetrius. Hindi dapat ang pinsang kong si Lysander ang mapili dahil katulad ng kaniyang Ama, sobrang kapangyarihan din ang pinakahahangad niya. Marahil iyon ang itinuro na ng kaniyang Ama simula pagkabata.
Hindi ko na alam kung paano ko matutulungan ang nasa laylayan ng lipunan kung siya mismo ang mamumuno.
“Kaya nga kailangan ko ang tulong niyo, Kaneisha. Kailangan natin mapuslit ang mortal sa lagusan bago pa dumating si Haring Demetrius at magsimula ang ritwal. Hindi niya maaaring malaman na may nakapasok na tao sa Kaharian.”
Tumingin ako kay Manong Danilo na kanina pa nakikinig sa aming usapan. Wala na akong maitatago sa kaniya dahil malinaw naman lahat ng mga narinig niya.
“Huwag kang mag-alala, Prinsipe Kyro. Hangad ko ang iyong kagustuhan na makatulong sa inosente na tulad ng mortal na tinutukoy mo. Hindi niya rin ginustong mapunta sa mundo natin at gawing alay sa ritwal. May pamilya rin siyang naghihintay sa kaniya. Kaya ang lahat ng mga narinig ko ay mananatili lamang dito. Makakaasa kang walang sino mang makakaalam nito kung ‘di ako lang.”
“Maraming salamat, Manong Danilo. Alam kong mapagkakatiwalaan ko kayo at hindi ako nabigo na kayo ang una kong nilapitan.”
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo. Hinarap ko si Manong Danilo at saka yumuko sa harapan nito upang magbigya respeto at magpaalam na ako’y aalis na. Binigyan naman ako nito ng ngiti, na nagpapahiwatig na makakasiguro akong wala siyang pagsasabihan.
“Teka, saan ka pa pupunta?”
Napatigil ako sa paglalakad nang habulin ako ni Kaneisha ng tanong. Napalingon ako sa kaniya. Sinundan niya rin pala ako sa paglalakad.
“Kailangan ko nang bumalik sa mansyon.”
Nangangamba ako dahil baka kung ano na naman maisipan ng babaeng ‘yon. Baka kung ano na naman ang gawin niya pagkagising niya. Baka maisipan niya na namang tumakas at gamitin na naman ang bed sheets at veranda ko.
Hindi ko napansing napangiti ako nang maalala ko ang nangyari kagabi, nang makita ang iniwan niyang bakas ng ebidensya sa kwarto ko. Tatakas na nga lang, nag-iwan pa ng ebidensya.
“Aba! At bakit ngumingiti ang isang Kyro na kilalang pinakaseryoso na Prinsipe ng Red City?” Siniko ako ni Kaneisha.
Bumalik naman ako sa ulirat. Iniba ko agad ang emosyon ng aking mukha.
“Hindi ako ngumiti, guni-guni mo lang iyon,” pagmamaangan ko.
“May hindi ka pa ba nakukuwento maliban sa babaeng mortal na kinupkop mo sa iyong silid? May iba pa bang dapat akong malaman?”
“W-Wala,” mabilis kong wika.
“Hoy, Kyro! Kailan ka pa natutong magsinungaling sa akin, ha? Anong wala? ‘Yung ganoong ngiti, wala lang? Hay nako! Hindi mo ako maloloko. Sa ilang taon nating magkaibigan, ngayon lang kita nakita na ganoon katamis kung ngumiti.”
Hindi ko na lamang siya pinansin pa. Alam ko kung gaano siya kakulit. Hindi niya ako titigilan hangga’t hindi ko sinasabi ang gusto niyang marinig.
“I need to go, Kaneisha.”
Sinimangutan naman niya ako. Nagpapahiwatig kasi ‘yon para sa kaniya na huwag niya na akong kulitin dahil wala rin naman siyang mapapala, magmamatigas ako hanggang sa siya na mismo ang susuko.
“Hintayin mo na lamang na matapos gawin ni Manong Danilo ang kwintas. Huwag kang mag-alala, sasabihan ko si Eikko na sunduin ka upang sabay na kayong pumunta sa mansyon.”
Tumango-tango naman siya. “Sige.”
Akmang aalis na ako nang pigilan niya ako ulit. “Paano si Cassy? Hindi mo ba sasabihin sa kaniya? Hindi ka ba niya dadalawin ngayon?”
Napatigil ako saglit.
“Hindi niya pa kailangang malaman ngayon. Alam mo naman kung gaano kadaldal si Cassy. Mas mabuting hindi niya na lamang malaman. Kaya sabihan mo si Manong Danilo na bilisan ang paggawa sa kwintas nang maipasuot na natin sa babaeng mortal bago pa dumating si Cassy. Wala akong balita kung anong oras siya pupunta sa mansyon para dalawin ako.”
“Huwag kang mag-alala. Pagkatapos ni Manong Danilo ay didiretso na rin kami agad sa inyo.”
Matipid akong ngumiti. “Salamat, Kaneisha. Lagi talaga kitang maaasahan, kahit alam kong hindi ka pabor sa gagawin natin.”
“Kaibigan mo akong tunay Kyro at nandito ako lagi upang tulungan ka.”
Nagpaalam na ako sa kaniya at agad akong naglakbay sa hangin.
Hindi ako maaaring lumabas sa tirahan ni Manong Danilo dahil may makakakita sa akin. Maaaring paghihinalaan nila ako kung bakit ako pumunta sa kilalang matanda na gumagawa ng mga mahika at punong-puno ng kaalaman tungkol sa propesiya. Baka maging ingay lamang ito sa buong palasyo.
Bago ako dumiretso sa mansyon, dumaan na muna ako kila Eikko.
Tumigil ako sa malaking gate ng bahay nila. Pwede naman akong pumasok na agad sa loob ngunit mas pinili kong magpaalam nang tama sa bantay ng kanilang bahay.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan kong gamiting ang kakayahan na ibinigay sa akin upang mas mapadali ang mga kilos na aking gagawin.
“Prinsipe Kyro!”
Ang dalawang guwardya na bantay ng kanilang bahay ay sabay na yumuko nang makilala ako.
“Nasa loob ba si Eikko?”
“Opo, Mahal na Prinsipe. Si Senyorito Eikko ay nasa kaniyang silid.”
Pagkatapos ay agad na rin nilang binuksan ang gate para papasukin ako. Nag-volunteer pa ang isa sa kanila na samahan ako ngunit hindi ko na hinayaan pang maistorbo sila. Isa pa, kabisado ko na ang pasikot-sikot sa buong paligid. Simula noong mga bata pa kami, madalas na akong pumupunta rito upang dalawin si Eikko. Dahil hindi naman siya palalabas ng kanilang bahay, kami na ni Kaneisha ang dumadalaw sa kaniya upang makipaglaro.
“Magandang Umaga, Prinsipe Kyro. Ikinagagalak naming nakadalaw kayo ngayon.”
Nakakasulubong ko ang mga taga-silbi nila sa Hardin.
Halos lahat sila ay nakasuot ng mahabang manggas ng damit at abot hanggang paa ang kanilang mga suot na palda.
Tiningnan ko ang langit.
Kaya pala ganito ang kanilang suotan, na halos matakpan na ang buo nilang katawan.
Tirik na tirik nga talaga ang araw.
Itinatago nila ang kanilang balat upang hindi masinagan ng araw. Halos masunog ang kanilang balat sa oras na matamaan ito ng sinag ng araw dahil sa nipis ng kanilang balat sa katawan. Hindi gaya sa amin na mas mataas ang estado ng buhay sa Kaharian na ito at hindi ordinaryong bampira lamang, hindi na namin kailangan pang magtago sa sinag ng araw. Mapa-araw man o gabi ay maaari kaming lumabas dahil hindi namin naging problema ang aming balat. May proteksyong nananalaytay sa aming katawan laban sa init na ibinibigay ng araw.
Binalik ko ang pagbati nila sa akin.
Naging malapit na rin ang mga katulong nila sa akin dahil halos nasaksihan din nila ang pagkakaibigan namin ni Eikko.
Naglakad na ako papasok sa loob ng bahay.
Umakyat na ako sa hagdan papunta sa ikalawang palapag kung nasaan ang silid ni Eikko. Nang matuntong ko ang ikatlong pinto, kumatok ako upang magbigay indikasyon na may bisitang naghihintay sa kaniya sa labas ng kaniyang silid.
Ilang minuto lang naman ay pinagbuksan niya na ako.
Hindi na siya nagulat kahit wala akong pasabing pupuntahan ko siya ngayon. Sanay na rin siguro siya na biglaan kung dumalaw ako.
Pinaupo niya ako sa sofa at hinayaang sabihin ang gusto kong sabihin.
Ang mga nalaman ni Kaneisha ay sinabi ko rin lahat sa kaniya.
At parehong reaksyon lamang ang nakuha ko mula sa kaniya.
“Nahihibang ka ba, Kyro? Tutulungan mo ang isang mortal?”