Amara’s POV
Dahil sa sinag ng araw na tumatama sa aking mukha, hindi ko na muling maipikit pa ang aking mga mata. Madali pa naman akong masilaw sa liwanag kaya sa tuwing natutulog ako, nakapatay lagi ang ilaw sa kwarto ko.
Tuluyan ko nang idinilat ang aking mga mata.
Kumurap-kurap pa ako dahil sa liwanag na dala ng sinag ng araw.
Kasabay nang pag-unat ko ang realization ko kung saan ako nakahiga ngayon.
Malambot at malawak na kama?
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtantong nasa kama ako ni Kyro!
Napaupo ako mula sa pagkakahiga nang wala sa oras.
Paanong nangyaring nasa kama na niya ako ngayon? Dito ba ako nakatulog magdamag? Ang pagkakaalala ko, matapos kaming mag-usap kagabi, itinulog ko sa sofa dala ng sobrang pagod. Kung dito ako natulog magdamag, edi saan siya natulog?
Omg! Huwag niyang sabihing nakitabi siya sa akin? No way!
So, paano ako nakarating sa kama niya na hindi nagigising? Wala talaga akong maalala na naglakad ako para makalipat dito. At bakit ko naman ‘yon gagawin? Alam ko namang mahiya. Ako na nga itong nakikitira, mas pipiliin ko pang makitulog sa mismong kama niya?
Nasaan siya ngayon?
Tiningnan ko agad ang sofa ngunit wala akong nakitang Kyro roon.
Iginala ko rin ang paningin ko sa bawat sulok ngunit ni anino niya ay hindi ko makita. Bumalikwas ako upang hanapin siya sa kusina at maging sa banyo, ngunit wala talaga siya. Walang Prinsipe Kyro sa buong sulok.
Nasaan siya?
Bumalik ako sa kama at muling naupo roon.
Mukhang umalis siya.
Nang igala ko ang mga mata ko sa cabinet na nasa gilid ng kama, napukaw ng atensyon ko ang maliit na papel na nakalatag doon. Tanaw ko na may nakasulat sa papel kaya agad ko itong kinuha at binasa.
“May inihain akong almusal sa lamesa. Pagkatapos mong mag-almusal, maligo ka’t magbihis. Manguha ka lamang ng mga damit sa aparador ko, mamili ka na lamang sa mga damit ko ng kakasya sayo. Ngayon ay iyong unang araw bilang aking personal na taga-silbi.”
What?
Seryoso talaga siya sa mga sinabi niya kagabi?
Ako? Magigiging personal maid niya?
Nahihibang ba siya?
Sa dinami-rami ng mga taga-silbi nila rito ay ako pa talaga ang naisipan niyang maging yaya niya? Tsaka hello? Need niya pa magkaroon ng yaya? Sa laki niyang ‘yun? Hindi niya pa ba kayang alagaan sarili niya?
Ano namang gagawin ko bilang personal maid niya?
Ipaghahanda siya ng pagkain? Lalabhan siya? Susubuan siya kapag tinatamad kumain? Bibihisan siya? No!
O sinasadya niya talagang pahirapan ako habang namamalagi ako rito sa puder niya? Aba! Kung ganoon din lang edi sana kahit hindi niya na ako tulungan!
“Akala ko pa naman, mabait. Hindi rin pala.”
Pero kung hindi siya ang tutulong sa akin, eh sino?
Sige na nga lang. Wala naman akong choice, eh. Kahit papaano naman, may konting tiwala ako sa kaniya.
Pangalawang beses na niya akong iniligtas.
Hindi ko kilala ang mga nilalang na narito at mas mahirap para sa akin na magsarili lamang akong aalis, knowing na hindi basta-basta makakalabas sa mundo nila. Hindi ko kayang ipagtanggol ang aking sarili.
Hindi ko naman alam kung saan ko makikita ang lagusan na tinutukoy niya. Kaya titiisin ko na lang maging personal maid niya. Halos isang buwan lang naman ‘yun. Natiis ko nga ng ilang taon ang masamang ugali ni Sharmaine eh, ito pa kayang pagiging yaya ko kay Kyro?
Hindi na ako nagtagal pa sa pag-ra-rant.
Inilapag kong pabalik ang note na iniwan niya. Padabog ko pa itong ibinalik dahil sa inis. Ramdam ko na sana ‘yong concern, eh.
Hinanap ko agad ang aparador na tinutukoy niya. Nakita ko ito sa tapat mismo ng kama niya. Hindi ko akalain na aparador ‘yun, akala ko ay pader lamang ito. Kagaya ng kaniyang pinto, mahihirapan kang i-determine kung nasaan ang aparador niya dahil halos kakulay lang ng pader at flat din kasi ito kaya para lang talaga siyang dingding. Napansin ko lang dahil nakaawang nang konti ang pinto nito. Mukhang naghalungkat din siya kanina ng damit at hindi niya naisara nang mabuti.
Lumapit ako sa malaking aparador na pagmamay-ari niya. Gaano ba karami ang damit niya at ganito na lamang kalaki ang lagayan niya?
Binuksan ko nang bahagya ang dalawang pinto nito.
Bumungad sa akin ang malaki at malawak na aparador na may ilang shelves sa loob. Sa gitna ay ang sabitan ng mga formal suit niya dahil posibleng malukot ito kapag tinupi. Hindi ko mabilang kung ilang ang suit na naroon basta halos mapuno ito, wala nang space para dagdagan pa. Hindi na ako magtataka, isa siyang Prinsipe. Sa tuwing may events, kailangan niyang maging formal kaya ganito na lamang karami ang suits niya. Ang mga shelves naman na nakapalibot sa gitnang lagayan niya ng suit ay halos puno rin ng mga damit. Kung tutuusin, hindi niya na kailangang maglaba pa ng damit ng ilang buwan dahil sa dami ba naman ng damit niya. Baka nga good for one year pa ito eh. Naka-categorized pa ito based sa kung anong okasyon pwede isuot ang mga ‘to.
“Hmm, buti naman organized ang isang ‘yun,” bulong ko.
Parang madalang lang kasi sa mga lalaki na maging organisado sa mga gamit. Usually naman ay makakalat talaga sa kanila. Ewan ko ba, kapag lalaki ang makalat ay normal lang pero kaming mga babae ay dugyot? Eh, parehas lang naman kaming marunong magligpit. Wala namang pinipiling kasarian ang paglilinis.
Ilang minuto ko ring iginala ang paningin ko sa buong aparador para makita kung saang shelves ba ang mg damit niyang pambahay. Hanggang sa dumako ang paningin ko sa pangatlong shelve na nasa baba. Nakita ko ang mga oversized shirts na naroon. Mukhang ‘yun na ang pambahay niya.
Kinuha ko ang white shirt na nasa ibabaw lang.
Nasira ang pagkakatupi nito nang ibalandra ko ito sa harap ko habang hawak ko gamit ang dalawang kamay. Titingnan ko kung tama lang ba ang size nito sa akin. Malaki ang katawan ni Kyro pero hindi rin naman ganoon kataba, sakto lang kumbaga.
Pambahay ba talaga ‘to?
Mukhang bago pa, eh. Halata naman sa texture ng damit kung ilang beses na itong nagamit at nalabhan. Pero ang damit niyang ito ay halos kabibili lang.
Syempre, ayoko namang gamitin ito kung bagong bili lang ‘no. Kaya naghalungkat pa ako pero nakasampung damit na ako ngunit halos lahat ay magkakaparehas lang, halos bagong bili lang ang mga ito.
Iba talaga kapag mayaman, eh ‘no?
Wala na akong magawa kung ‘di kunin na lamang ‘yung unang damit na hinawakan ko.
Kumuha na rin ako ng short niya na garterized. Medyo mahaba nga lang sa akin dahil matangkad siya. Siguro abot hanggang binti ko ito. Hindi naman ‘yun problema dahil sanay naman akong magsuot ng mga ganito kahahaba, madalas ganito rin ang pambahay ko.
Wala naman kasi akong pakialam sa kung anong magiging hitsura ko. Kami lang naman kasi ng lola ko ang magkasama sa iisang bubong. Hindi ko na kailangan pang magpaganda o pumorma.
Pumunta na ako sa banyo para makaligo na. Naaasiwa na rin kasi ako sa katawan ko dahil feel ko, sobrang lagkit ko na. Ang dami ko kayang pinagdaanan kahapon! Puro alikabok na rin ang buhok ko. Buti nga at hindi maselan si Kyro, pinatulog pa rin ako nito sa kama niya.
Medyo natagalan din ako sa pagligo dahil ingat na ingat ako sa pagsasabon sa bandang braso ko na may sugat.
Malawak din ang banyo niya at halos lahat ng gamit panligo at iba pang personal hygiene ay nandito. Sa dami ng anik-anik na nandito, pagkakamalan kong banyo ito ng isang babae.
Kinuha ko na ang towel at tsaka itinapis ito sa katawan ko. Maya-maya muna ako magpapalit ng damit.
Lumabas ako sa shower cubicle.
Pumunta ako sa harap ng salamin para abutin ang first aid kit na nasa cabinet na nasa taas ng salamin. Maliit lang ‘yun na box. Binuksan ko ito at nakita ko roon ang bulak ngunit wala akong makitang betadine o kahit alcohol man lang. Naubusan kaya? Pero may mga halamang dahon na nakalagay roon. Iba’t-ibang kulay ng dahon ang mga ito at wala akong ideya kung para saan ang bawat uri ng halamang gamot na ‘yun.
Dahil wala naman akong knowledge sa mga herbal medicines, sinarado ko na lang ang lagayan nito at isinauli sa kung saan ko kinuha. Baka ‘pag nangialam ako, baka mas lalo pang lumala ang sugat ko.
Dati, gustong-gusto kong maging Nurse para kako ay maalagaan ko si Lola lalo pa’t tumatanda na talaga sila. Ngunit ewan ko ba, hindi ko talaga calling ang pagiging Nurse. Siguro isa rin sa rason kung bakit hindi ko pinursue ang Nursing course ay dahil takot ako sa dugo.
Takot ako kapag nakakakita ako ng mga naaaksidente. Hindi ko kayang tingnan sila nang matagal habang may iniindang sakit habang may bahid ng dugo sa katawan nila. Baka una pa akong maging pasyente sa sobrang pagkanerbyosa ko.
Buti na lang talaga at galos lang ang nakuha ko bago ako napunta sa mundong ito. Dumugo lang dahil sa pagdiin ni Lysander sa braso ko nang hawakan niya ako.
Kinuha ko na ang pagbibihisan ko at saka agad ko itong sinuot.
Medyo lose rin sa akin ang shirt dahil payat lang din naman ako. Pero hindi naman pang-jeje days ang datingan. Para nga lang akong boyish sa suot ko. Kaya naman nilugay ko na lamang ang buhok ko matapos itong i-blower. Sabi sa inyo eh, halos kompleto ang mga gamit na nandito sa banyo niya. May pa-mini salon na rin dito.
Wala na akong ibang in-apply sa mukha ko kahit pa maraming cosmetics ang nandoon. Hindi ko naman alam kung pwede ba ‘yun for girl, eh malay ko ba kung panglalaki lang ang mga ito.
Mabuti na lamang at ipininganak akong maputi kaya kahit hindi ako gumamit ng lotion o ano mang pampapahid sa katawan ay okay na ako sa kutis ko. Ganoon din sa mukha ko. Marami ngang nag-co-compliment sa akin na kesyo ang ganda ko pa rin daw kahit wala akong ilagay na kolorete sa mukha. Alam mo ‘yong kahit bagong gising lang ay hindi ko pro-problemahin. Mabuti na lang talaga at may natural akong ganda kahit konti lang, at least hindi ko na kailangan pang gumastos para bumili ng mga cosmetics. Kaya malakas din ang loob kong huwag mag-ayos-ayos eh.
Nang confident na akong maayos na ako, lumabas na rin ako ng banyo.
Wala pa naman siguro si Kyro kahit pa mga tatlumpu’t minuto ang ginugol ko sa banyo, ‘no?
Pagkalabas ko ng banyo ay napansin ko ang pagkain na nasa ibabaw ng dining table.
May dalawang plato roon na may takip.
Naalala ko ang sinabi ni Prinsipe Kyro sa note. May inihanda nga pala siyang pagkain.
Siya ba ang nagluto nito? Kung gayon, bakit kailangan niya pa ng sariling katulong kung kaya naman pala niyang pagsilbihan ang sarili niya?
Nakaramdam na ako ng gutom kaya agad akong lumapit sa mesa at hinigit ang isang upuan at naupo.
Inalis ko ang pagkakatakip sa plato.
Egg and bread ang laman ng isang plato at ang isa naman ay bacon na may fried rice.
Napalunok ako.
May kasama na ring kutsara at tinidor ito kaya hindi ko na kailangan pang halughugin ang buong kusina para hanapin kung saang sulok nakalagay ang mga utensils. Sa lawak din ba naman ng kusina niya, mga limang minuto rin siguro ako maghahanap.
Nagsimula na akong kumain. Gutom talaga ako kaya una kong kinuha ang fried rice na may bacon. Simpleng pagkain lang ito pero hindi maitatanggi na masarap!
Siya ba talaga ang nagluto?
Kung gayon, may talento rin siya sa pagluluto. Hindi niya na kailangan ng katulong.
Hindi naman ako patay-gutom kung sasabihin kong naubos ko lahat ng inihanda niya? Sadyang gutom lang talaga ako, promise!
Matapos kumain ay nagsalin ako ng fresh milk sa baso. Kasama ang fresh milk sa inihanda niyang pagkain. Pati sa pangtulak, kompleto.
Teka nga, pinaghanda niya ako ng pagkain at hinayaang hiramin ko ang damit niya. Sino ba talaga sa amin ang magiging personal maid? Hindi ba’t ako ang personal maid? Pero bakit parang ako pa itong amo na pinagsisilbihan niya?
Matapos kumain ay iniligpit ko na rin naman agad ang mga pinagkainan ko. Hinugusan ko na rin ito inilagay sa tamang lagayan. Maging ang kusina nito ay malinis at organized. Hiyang-hiya ako sa sobrang linis niya. Samantalang ako sa bahay namin, every weekend lang akong nakakapaglinis dahil may pasok from Monday to Friday. Pero hindi naman pinapabayaan ni Lola ang kusina sa tuwing may pasok ako. Ayaw rin kasi ni Lola nang makalat kaya pinalaki rin ako nitong maligpit at organisado.
Matapos ko sa kusina ay dumiretso na ako sa mismong main room niya.
Bago pa ako makalabas sa pinto ng kusina ay halos tumalon ako sa gulat nang makita ko si Kyro na nasandal sa pader, tapat ng pinto ng kusina, kung saan tanaw niya mula roon ang pinaggagagawa ko roon kanina.
“Ka-kanina ka pa ba riyan?” nauutal kong tanong.
Tinanong ko pa rin kahit alam ko naman na ang magiging sagot niya.
Hindi na ako nakaalis sa kinatatapakan ng mga paa ko.
“Sa susunod, bilisan mong kumain. Bilang taga-silbi ko, ayoko nang pabagal-bagal ang kilos. Nasasayang ang oras.”