Amara’s POV
“Sa tingin mo ba, tama ang iyong desisyon na suwayin mo ang ipinag-uutos ko?”
Hindi ko na mabilang kung nakailang lunok na ba ako. Pilit na iniiwasan ko ang pagtatama ng mga mata namin. Hindi ko rin alam kung saan ko huhugutin ang mga salita na nais kong isagot sa kaniya. Wala akong masabi kahit isang salita man lang.
Kasalukuyan akong nakaupo sa mahabang sofa na nasa gilid ng veranda. Matapos niya akong hilahin sa loob ay agad niyang isinara ang pinto ng kaniyang silid. Wala na akong magagawa kung ‘di harapin ang galit niya ngayon dahil sa pagsuway ko sa kaniya. Kanina pa naman handa ang dalawang tainga ko para sa mga sermon niya.
Para akong batang pinagagalitan ng Tatay dahil sa katigasan ng ulo. Eh paano, nakatayo siya sa harap ko habang nanenermon. Hindi ko man siya tingnan, ramdam ko ang masasakit na tingin na ipinupukol niya sa akin. Kaya lalong ayokong tignan siya sa kaniyang mga mata. Baka may mahika pa ang mga tingin niya at bigla na lang akong humimlay dahil sa matutulis nitong tingin. Literal na mamamatay ako sa mga masasakit na tingin.
“Sorry na.” Iyong lamang ang tanging mga salita na kaya kong bigkasin. Dalawang salita na tila labag pa sa akin para bigkasin.
Ma-pride akong tao at hindi ganoon kadali para sa akin na ibaba ito. Kung gaano kaliit ang height ko, ganoon naman kataas ang pride ko.
Aware naman ako sa mali ko.
Dahil sa pagtulong niya sa akin kanina, napagtanto kong hindi naman siya ganoon kasama. Siguro nabawasan ng 5% ang pagdududa ko sa kaniya, kaya mga 95% na lang. At least, nabawasan pa rin kahit papaano.
Pero to be honest, nagpapasalamat talaga ako na dumating siya kanina bago pa man may gawing masama sa akin ang kupal na Jaze na ‘yon! Akala ko talaga ay katapusan ko na, akala ko ay wala nang chance para makabalik ako sa amin, na sa huling hininga ko, hindi ko man lang makikita si Lola.
“Ano ba ang naisipan mo kung bakit lumapit ka sa grupo na ‘yon? Hindi mo alam kung ano ang kaya nilang gawin sa ‘yo! Lalo na kung malaman nilang ikaw ay naiiba sa amin!”
Nanatili na lang akong walang imik. Hindi ko naman pwedeng sabihin ang totoo. Ayokong madamay ang isang tagapag-silbi na ang gusto lang naman ay makalayo sa kamanyakan ng kupal na Jaze na ‘yon. Isa pa, ginusto ko rin namang gawin ‘yon dahil parte rin ‘yon ng plano ko para makalabas sa mansyon na ito. Hindi ko lang inaasahan na sisingit din sa eksena ang parehong lalaking iniiwasan ng taga-silbi na ‘yon at ako naman ang ginawan niya ng katarantaduhan. Siguro ‘yon ang role niya sa buhay niya, ‘no? Ang mangperwisyo sa buhay ng iba. Pwes hindi siya makakapalag sa akin. Matitiis ko pa na pahirapan o pahiyahin niya ako, pero ang bastusin ako? Ibang usapan na ‘yon.
“At talaga namang nagbalak ka pang umalis dito?”
Sabi ko na nga ba! Alam niya na talaga ang tungkol sa balak kong pag-alis sa mansyon nila.
“Hindi ko mawari kung bakit ka pa aalis sa lugar na kung tutuusin ay mas mapro-protektahan ka. Inilalapit mo lang ang sarili mo sa kapahamakn.” Tumigil siya sandali bago magsalitang muli. “Sige nga, kung umalis ka sa mansyon na ‘to, saan ka pupunta?”
Tila minagnet ako ng mga mata nito para automatic na mapatingin sa kaniya.
Sabi na, eh. Tutok ang paningin nito sa akin.
Seryoso ang kaniyang mukha. ‘Yong tipong hindi mo madadaan sa pilosopong sagot at once nag-joke ka, ikaw naman ang gagantihan niya ngunit pananakot ang ibabalik nito. Magsisisi ka na lang na nag-joke ka pa sa kaniya at mas pipiliing manahimik na lamang.
“Hindi ko na maitatago sa ‘yo na ikaw ay naiiba sa amin. Alam kong alam mo na sa unang apak mo palang sa lugar na ito, alam mong hindi na ito ordinaryong lugar lamang katulad ng mundong kinagisnan mo. Ikaw ay hindi taga-rito. Ikaw ay hindi namin kauri. Ikaw ay naiiba. Ikaw ay isang mortal, Amara.”
Napakunot ako ng noo. “Ano ang ibig mong sabihin?”
Hindi ito agad nakapagsalita. Nanatili lamang siyang nakatingin sa akin nang seryoso. Hindi niya sigurado kung tama bang sasabihin niya ang sagot na gusto kong marinig o hahayaan niya na lamang na ako mismo ang maghahanap ng mga kasagutan sa aking mga tanong.
“Mas mabuti na lamang na wala kang alam.” Iniwas na niya ngayon ang kaniyang paningin sa akin. “Dahil maaaring lahat ng makakasalamuha mo sa mundong ito ay katakutan mo, maging ako.”
Hindi ko siya gets.
Paano ko maiitindihan ang nais niyang iparating kung ganito namang hindi niya kayang ipaalam sa akin ang totoo? Paano ako magtitiwala sa kaniya kung alam ko sa sarili ko na may inililihim siya sa akin?
“Gusto ko nang umalis dito.”
Wala na akong pakialam kung hindi man niya sabihin kung anong klaseng nilalang sila. Bakit ko pa aalamin kung wala naman akong balak na magtagal dito? Bakit ko pa sila kikilalanin kung aalis din lang naman ako rito? Walang sense na sabihin niya pa sa akin dahil wala naman akong balak na mag-stay rito habang-buhay.
Hindi ko nanaisin na tumira sa mundong ito.
Siya na rin mismo ang nagsabi. Hindi ko ito mundo. Naiiba ako sa kanila.
“Hindi ganoon kadali.”
Tuluyan na siyang umalis sa harapan ko. Naglakad ito papunta sa veranda niya, samantalang ako ay nanatiling nakaupo sa sofa at sinundan lamang siya ng tingin. Likod niya lamang ang nakikita ko ngayon, hindi ko makita ang emosyon sa kaniyang mukha.
“Paanong hindi ganoon kadali?” Hindi pa rin nawawala ang kunot sa aking noo. Feeling ko, mas mabilis akong tatanda rito dahil hindi masagot agad ang mga tanong ko. “Hindi ba’t galing ka sa mayamang pamilya? For sure, marami kang connections na pwedeng makatulong sa akin o pwedeng pagtanungan man lang kung saan ang tamang daan pauwi sa amin? May kotse naman kayo, pwedeng pahatid na lang ako? No worries, babayaran naman kita, kahit palitan ko na rin ‘yung gasolina. Sa bahay na lang pero kita mababayaran ha since wala akong dalang pera rito. Hindi kita tatakbuhan, promise!”
Sa dami ng sinabi ko, sana naman ay mapapayag ko siya.
“Sana nga ganoon lang kadali ang maglakbay patungo sa inyo.” Narinig ko ang mahina nitong sarcastic na tawa. “Ngunit malabong mangyari ‘yan. Hindi nadadaan sa ganoong paraan.”
“Paanong malabo?”
“Walang daan na nag-uugnay sa mundo ko at sa mundo mo, Amara.”
Ilang segundong katahimikan ang namayani sa pagitan namin.
Ramdam ko ang bigat nang bigkasin niya ang mga salitang binitawan niya. Hindi ko ma-explain kung bakit parang may kirot akong naramdaman.
Nanatili siyang nakatayo sa veranda habang nakatingin sa malayo.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo at lumapit sa gilid niya. Ramdam niyang nasa gilid na ako nito ngunit hindi man lang siya nag-aksayang tingnan ako.
Nakasara ang glass door ng veranda ngunit nakalislis ang kurtina nito kaya nakikita pa rin namin ang tanawin sa labas. Hindi ko alam kung anong oras na ba. Basta sobrang dilim pa rin ang langit. Ang kaninang venue sa garden ay dumilim na rin. Nakapatay na kasi ang mga party lights na ginamit sa event. Wala na ring mga bisita ang natira, nagsiuwian na yata ang lahat. Tanging ang mga taga-silbi na lamang ang naroon sa baba upang ayusin ang mga kalat.
Bumuntong-hininga ako.
“Ang ibig mo bang sabihin ay wala nang pag-asa na makabalik pa ako sa amin?”
Parehas kaming nakatingin sa malayo, tila may iniisip na malalim.
“May paraan pa,” wika nito.
Napatingin naman ako sa kaniya agad dahil nabuhayan ako ng pag-asa.
Ibig sabihin, may chance pa na makakabalik pa rin ako sa mundo namin. May chance pa para makita at makasama ko si Lola, pati na rin ang mga kaibigan ko.
“Anong paraan?” tanong ko habang nakatingin sa kaniya.
Kahit anong paraan pa ‘yan, sabihin niya lang at gagawin ko. Kung ‘yon lang naman ang tangin paraan para makauwi ako sa amin, susugal ako kahit buhay ko pa ang nakataya. At least sa huling hininga ko, sinubukan kong makaalis sa mundong ito.
“Sa kabilugan ng buwan, sa ika-dalawampu’t-walo ng buwan na ‘to, bubukas ang nag-iisang lagusan na maaari mong daanan pabalik sa inyo.” Hindi ko inaasahan na haharap siya sa akin bago niya bigkasin ang mga susunod na salitang kaniyang bibigkasin. “Sa araw ring ‘yon ang pagdating ng Hari, ngunit bago pa man siya tumuntong sa mansyon na ‘to, kailangang maipuslit na kita sa lagusan.”
Pansin ko ang kaba at takot sa kaniyang mga mata.
Ilang oras palang kaming nagkakasama ngunit buong akala ko ay wala ni isang bagay siyang kinakatakutan, dahil mukhang siya naman ang kinakatakutan ng lahat ng nandito. Ngunit nang bigkasin niya ang kaniyang Ama, hindi niya maitatago ang pangamba sa kaniyang mukha.
Ibig bang sabihin, kung si Lysander at Kyro ay kinakatakutan na ng lahat, paano pa ang kanilang Ama?
Nabanggit na si Lysander at Kyro ay mga Prinsipe at ang dalawa ay magpinsan, so ang tinutukoy niyang Hari ng pinamumunuan nilang Kaharian ay ang kaniyang Tito?
Naiintindihan ko na kung saan nanggagaling ang takot sa kaniya.
Itinatago niya ako ngayon sa mismong mansyon nila, knowing na pamangkin siya ng isang Hari.
Sa pagtulong niya palang sa akin kanina upang hindi malaman ng lahat na sa akin nanggaling ang amoy ng sariwang dugo, doon palang ay lumabag na siya sa batas sa kanilang Kaharian.
Ang ginagawa niyang pagkupkop sa akin ngayon ay ang pagsuway sa kaniyang Tito, isang miyembro ng kanilang angkan.
“Kung ikagagalit ng iyong Tito ang ginagawa mong pagtulong sa akin, bakit hindi mo na lang akong hayaang umalis?”
Tiningnan niiya lang ako. Hindi niya inaalis ang pagkakatitig sa aking mga mata. Tila minememorya niya ang bawat parte ng aking mukha.
Hindi ito nakasagot agad.
Kung tutuusin kasi, pwedeng-pwede niya na akong paslangin kanina pa. Lalo pa’t aware siya sa batas ng kanilang Kaharian. Ngunit bakit hindi niya ginawa? Bakit mas pinili niya akong itago at ngayon ay tutulungan niya pa akong pumuslit sa portal?
Bakit kailangan niya pang suwayin ang Hari?
“Hindi ko alam, Amara. Hindi ko alam.” Bakas sa kaniyang mukha na naguguluhan siya, na maging ang sarili niya ay hindi malaman kung anong rason kung bakit niya ako tinutulungan.
Natahimik na lang din ako.
Mali yatang pinagkamalan ko siyang may gagawing hindi maganda sa akin? Halos pagbintangan ko pa siyang masama. Binalak ko pang makaalis sa puder niya. Hindi ko alam na sa lahat ng nilalang na nandito ngayon, siya lang ang tanging nilalang na pwede kong pagkatiwalaan at paniwalaan.
Mahirap akong magtiwala ngunit naramdaman ko namang sincere siya sa pagtulong sa akin.
“Sorry. Sorry kung inakala kong may gagawin kang hindi maganda sa akin. Sorry kung nabigyan pa kita ng problema kanina. Pasensya na talaga,” ani ko sabay yuko.
“Hindi kita masisisi. Tama lang din ang ginawa mo. Huwag ka agad-agad magtitiwala sa mga nakakasalamuha mo rito. Lahat ng narito ay mapanganib.”
Naalala ko na naman ang mga nilalang na nakasabayan ko sa paglalakad kanina. Kaya pala ganoon na lamang ang mga damitan at kilos nila dahil hindi talaga sila ordinaryong tao.
Mabuti na lamang at wala akong kinausap ni isa sa kanila. Baka kapag nagkataon ay malaman nilang lahat agad kung sino talaga ako. Edi wala pang isang oras na pamamalagi ko rito ay pinagkaitan na akong huminga.
“Anyway, thank you. Ngayon palang ay magpapasalamat na ako, bago mo pa man ako tulungang makapuslit sa lagusan.”
Hindi rin naman pala talaga kasing-sama ng inakala ko itong si Kyro.
“Anong salamat lang?”
Tumaas ang isang kilay nito dahilan para taasan ko rin siya ng kilay.
“Hindi libre ang pagtulong na gagawin ko para sayo, Amara.”
“Ha? Paanong hindi libre?”
Sisingilin niya ba ako? Magkano naman? Afford ko ba?
Hirap na hirap na nga akong mag-budget ng allowance ko, maglalaan pa ako ng budget para sa ipambabayad ko sa kaniya!
“Hindi kita mababayaran ngayon, wala akong dalang pera.”
Akala ko pa naman mabait na. Bakit kailangan niya pang maningil? Hindi ba pwedeng tulungan niya na lang ako nang bukal sa kaniyang kalooban? Hindi ba pwedeng ganoon na lang?
“Hindi ko kailangan ang pera mo. Hindi naman na siguro lingid sa iyong kaalaman kung anong buhay ang mayroon ako?”
Ay, wow ha! Nagawa pa niyang magyabang.
Oo na! Nakalimutan ko nang siya pala itong pamangkin ng Hari ng Kahariang ito. Kung tutuusin ay hindi niya na kailangan pang problemahin kung paano siya magkakapera. Ang tanging pro-problemahin na lamang niya ay kung paano niya wawaldasin ang kayamanan nila.
“Kung hindi pera ang kapalit, edi ano?” nagtataka kong tanong.
Ngumisi ito.
Masama ang pakiramdam ko sa ngiting ibinigay niya sa akin. Mukhang mali yatang nagtanong pa ako kung ano ang gusto niyang magiging kabayaran ko.
“Ako ay iyong pagsisilbihan habang naririto ka sa mundo namin.”