Chapter 5

2159 Words
Amara’s POV Gamit ang dalawang makapal at mahabang tela na kinuha ko mula sa kama ni Kyro, makakakababa na ako mula sa veranda. Ito ang gagamitin kong tulay para sa binabalak ko. Itinali ko ito upang mas humaba pa at makasiguradong aabot ito sa ikababang palapag. Hindi ako sigurado kung pang-ilang palapag itong kwarto niya. Ika-fourth floor or third floor yata, eh. Basta isa lang ang sigurado ako, may mga palapag pa akong kailangang malampasan bago makababa nang tuluyan. Kaya naman kailangan kong mag-ingat upang walang makakita sa akin sa bawat palapag na dadaanan ko. Ni-roll ko na rin ang mga kumot para mas madaling hawakan. Hindi ko pa nasubukan ito sa tanang buhay ko. May silbi rin pala ang mga napapanood ko sa teleserye. Na-a-apply ko rin pala ang mga ito. Pero bakit naman sa ganitong sitwasyon pa? Bago ko buksan ang glass door ng veranda, sumilip muna ako para makita kung may mga tao pa bang naroon sa hardin. Hindi ko alam kung dapat ko pa ba silang tawaging tao? Eh, hindi naman sila mga tao talaga. What if tawagin ko na lang silang mga engkanto? Mas malapit pa yata sa term na engkanto kaysa sa tao eh. Dahan-dahan kong inilislis ang kurtina. Wala na roon ang grupo ng mga kalalakihan na nakipag-away kanina. Wala na rin doon si Lysander, maging si Kyro. Ilang minuto palang ako ngunit memoryado ko na ang pangalan nilang dalawa. Sila ba naman una kong na-encounter dito. Iilan na lamang ang mga nakatambay sa venue. Mukhang patapos na ang party. Ang mga naiwan na lamang doon ay ang mga hindi kinaya ang alak na ininom. Eh paano? Ang iba ay nakatulog na sa kinauupuan nila habang ang iba naman ay nagsasaya pa rin at hyper pa rin hanggang ngayon. Ang lalakas pa rin nilang tumagay! Kinuha ko ‘yong pagkakataon para makapuslit. Sinigurado kong hindi ako gagawa ng kahit konting ingay sa pagbukas ko ng sliding door. Mahirap na at baka malakas din ang pandinig ng mga nilalang na ito. Edi buking agad ang anteh niyo! Medyo mabigat ang mga kumot na dala ko pero pinilit ko pa rin buhatin ito at ihulog sa ikababang palapag. Ang maganda sa mansyon nila, ang bawat palapag ay may veranda na magkakatapat. Hindi ako mahihirapang bumaba dahil may veranda na naghihintay sa akin. Kailangan ko lang silipin kung may taong nakatambay roon pero dahil umaayon sa akin ang pagkakataon, wala akong nadungaw mula sa baba. Nang masiguro kong nakalapag na ang kumot sa ibabang palapag, itinali ko na rin ang dulo ng kumot sa parang railings at sinigurong mahigpit ang pagkakatali ko para hindi ito bumigay at hindi ako mahulog kapag nagkataon. Hindi naman ako tumatakas sa amin pero ewan ko ba kung paano ko nagagawa ang mga ginagawa ko ngayon. Ito na talaga ang resulta ng panonood ko ng movies. Sa wakas ay na-a-apply ko na rin siya. Hindi ko nga lang inaasahan na sa ganitong sitwasyon at lugar pa talaga. Well, mabuting apo naman kasi ako sa amin kaya never ko tatakasan si Lola. Baka nga ‘pag nagkataon man, nakaabang na agad si Lola sa baba. Bago ako sumampa sa manipis na bakod ng veranda, muli akong dumungaw upang tingnan kung may makakakita ba sa akin. Ang lahat ay may kaniya-kaniyang mundo. Wala silang pakialam kung ano man ang nagyayari sa kanilang paligid. Iyon ang kinagandahan sa kanila. Walang mga marites na sa bawat galaw mo ay nakabantay. Mabuti na lang din at hindi abot ang ilaw ng party lights dito. Medyo madilim ang part na ito. Pati nga sa loob ng kwarto ay may kadiliman, kulang na kulang sa ilaw. Baka hindi lang naka-switch lahat? Hindi naman siguro sila nagtitipid sa kuryente, ‘no? Sa yaman ba nila! Hindi na ako nag-atubili pang sumampa upang makababa na. Maingat akong humawak sa kumot habang pababa. Ipinagdikit ko ang dalawang paa ko upang kumuha ng lakas sa pagbaba, ibinalanse ko rin ang aking katawan para hindi ako mahirapang buhatin ang sarili. Nakatalikod ako sa hardin kaya kinakabahan ako, malay ko bang may nanonood na pala sa ginagawa ko ngayon? Naku! Napapadasal na lang talaga ako ngayon habang nakapikit. Nang maramdaman ng mga paa ko na nakalapag na ako sa semento, agad akong tumalikod upang makita kung may nakatingin na ba sa akin pero ganoon pa rin ang eksena. May kaniya-kaniya pa ring pinagkakaabalahan ang bawat isa. “Shocks! Nakaya kong bumaba gamit ang kumot lang na ‘to?” Hindi pa rin ako makapaniwala. Pero kaysa ma-amaze pa, dali-dali kong hinila ang kumot. Pero napatakip ako ng mukha nang ma-realize na tinali ko pala ang dulong bahagi nito sa railings kaya imposibleng mahihila ko pa ito. Hindi ko na ito magagamit para makababa sa ikalawang palapag. Tama, nasa third floor ako ngayon at nasa fourth floor naman ang kwarto ng tumulong sa akin. May second floor pa akong dapat daanan bago tuluyang makapuslit sa mansyon na ‘to. Pero bago ko iyon problemahin, kailangan ko muna pagtuunan nang pansin kung paano ako makakaalis sa third floor. Jusme, feeling ko nasa isang online game ako at ako ang main character na kailangan maka-survive sa bawat level kung ayaw kong ma-game over. Gusto kong maging main character pero hindi sa mundong ‘to! Dahan-dahan kong binuksan ang sliding door ng veranda at nagtungo sa loob. Isang malawak na library ang tumambad sa akin. Nagandahan ako dahil sa maraming bookshelves na naroon. Mahilig din kasi akong magbasa ng mga libro noong High School ako. Sayang nga dahil nahinto na ako sa pagbabasa nang tumuntong ako sa College. Eh, paano? Wala na akong oras para magbasa. Kulang na kulang pa nga ang isang oras na pag-a-advance reading sa isang major subject. Punong-puno ng mga libro ang bawat shelves. Naglalakihan ang mga lagayan ng mga libro na nandito. Akala mo ay pang-national library na ang design. Curious din ako kung anong klaseng libro ang mga nandito pero wala naman na akong oras para alamin pa iyon. Hula ko, nasa thousands na ang bilang ng mga libro na nandito. Sobrang lawak talaga, as in! Mahilig bang magbasa ang mga nakatira rito? Open din kaya ito for public? Nagkibit-balikat na lang ako. Bakit ko ba natanong? Wala rin naman akong pakialam kung mahilig silang magbasa o hindi. In-observe ko muna ang paligid kung may nilalang bang nakatambay rito. Wala ring masyadong ilaw ang loob nito kaya hindi ako makasigurado kung mag-isa lang ba akong narito. Pero hindi pwedeng tumagal ako rito. Kailangan kong makaalis agad. Akmang maglalakad na sana ako ngunit narinig kong may bumukas na pinto. Nagtago ako sa isang bookshelf pero sinilip kung saan banda ang pinto na bumukas nang mamemorya kung saang direksyon dapat ako tutungo upang makalabas. Sa ika-pitong bookshelf malapit ang pinto. “Naamoy mo rin ba ang nakakahalinang amoy ng sariwang dugo kanina?” “Oo. Kahit nasa kusina kami, napalabas kami nang maamoy namin ‘yon. Nakakapagtaka lang dahil hindi natin alam kung saan o kanino nanggaling ang amoy na ‘yon.” Nag-uusap ang dalawang babaeng pumasok sa library. Patungo sila sa dulong bahagi ng library. Tiningnan ko naman ang aking braso na nakatali ang tela na binigay sa akin ni Kyro. Doon nanggaling ang dugo na naamoy nila. Pero nakakapagtaka dahil bakit ganoon ka-big deal ang dugo na mula sa sugat ko? “Alam mo bang sa kalagitnaan ng paghahanap kung kanino nanggagaling ang amoy, lumapit sa akin ang Prinsipe Kyro upang utusan ako na buksan ang lahat ng bote ng inumin at sinabi sa lahat na doon nanggaling ang nakakahalinang amoy.” Tumigil sila sa paglalakad. “Talaga?” Hindi makapaniwalang tanong ng isang babae. “Kung gayon, hindi talaga nanggaling sa inumin ang ating naamoy. Ito’y galing sa ordinaryong tao?” “Tama. Pinalabas lamang ni Prinsipe Kyro na galing iyon sa mga inumin.” Humina ang boses ng babae at tila nag-iingat na huwag marinig ng iba. “Kung tama ang kutob ko, may ordinaryong taong nakapasok sa mansyon.” Napalunok ako. Ako ang tinutukoy nila. Kasalanan ito ng lalaking iyon! Kung hindi niya sana diniin ang kaniyang matutulis at mahahabang kuko sa sugat ko, hindi iyon magdudugo. Hindi nila maaamoy ang dugo ko. Hindi sana ako nagtatago ngayon. “Naku! Mukhang may itinatago ang Prinsipe. Ibig sabihin lang din nito ay huwag tayong dapat mangialam at hindi dapat malaman ng iba ang iniutos sayo dahil alam naman natin kung ano ang kayang gawin ng Prinsipe kapag hindi niya nagustuhan ang pagiging madaldal natin. Ngunit sa tingin mo ba, alam din ito ni Prinsipe Lysander?” Wait nga, Prinsipe Kyro ang binabanggit nila. Ibig sabihin ay isa ring Prinsipe ang lalaking tumulong sa akin? Kaya pala ganoon siya umasta! May mataas na posisyon din pala siya sa lugar na ‘to. “Kaya nga sayo ko lamang sinabi. Huwag na sana itong kumalat pa.” “Ayoko pa namang mamatay kaya makakaasa ka.” Kinuha lamang nila ang isang libro sa last bookshelf at saka lumabas din agad ng library. Agad din akong sumunod. Marahan akong tumakbo at tinungo ang pinto. Hindi ito gaya ng pinto namin sa bahay na kapag binubuksan mo ay makakagawa ng ingay. Well, maganda naman ‘yon para kapag may magtangkang looban kami habang tulog, magigising kami dahil sa ingay na mula roon. Hindi ko na muna binuksan nang maigi. Sakto lang para makasilip ako. Kailangan ko munang alamin kung may makakakita ba sa akin sa labas. Mahirap na. Nagiging spy ako nang wala sa oras, eh. Para tuloy akong preso na palihim na tumatakas at isang maling galaw ko lang, may nakabantay nang baril sa akin na tatapos sa buhay ko. Malawak ang labas ng library. May apat na silid pang naroon ngunit ang lahat ng mga iyon ay nakasara. Wala naman akong nakitang nakatambay o kahit naglalakad man lang. Napakatahimik nga ng labas nito. Mukhang nasa first floor ang lahat. Edi siyempre, grinab ko na ang opportunity para makatakbo at magmadaling pumunta sa hagdan. Dumungaw na muna ako at agad ding nagtago sa sulok dahil may tatlong lalaki ang nagtatawanan sa second floor. Nagkukuwentuhan ang nagtatawanan sila. Rinig ko ang halakhak ng isa sa kanila. Hanggang sa huminto ang ingay. Lumapit akong muli sa hagdan para matanaw kung nandoon pa ba sila. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang wala na sila roon. Wala na ring ibang nilalang akong nakita sa second floor. Dali-dali akong naglakad pababa sa hagdan. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Hinayaan ko na lang ang aking mga paa kung saan man ako dalhin ng mga ito. May isang silid roon na nakabukas at nang akmang lalapitan ko sana para tingnan, naramdaman kong may palabas mula roon kaya agad akong nagtago sa ilalim ng malaking lamesa na naroon sa gitna. May nakapatong na tela sa lamesa na iyon na abot sa paanan ng mesa kaya walang makakakita sa akin. Yumuko ako upang sumilip. Malaking kusina pala ang silid na nakabukas. Grabe! Halos kalahati ng second floor ang kusina. Sobrang lawak! Gaano ba karami ang pinaghahainan nila ng pagkain sa mansyon na ito? Sa pagkakarinig ko kanina, nag-iisang Anak lang naman si Lysander. Pero teka nga, kung nag-iisang Anak lang siya, eh sino ang lalaking tumulong sa akin? Isa rin siyang Prinsipe. Hindi ito ang oras para magmarites ng talambuhay nila. Marami silang naroon sa loob ng kusina. Kung hindi ako nagkakamali, mga tagapag-silbi ang mga ito. Nakasuot sila pare-parehong damit. Uniform siguro nila iyon. Sa tabi ng pinto ng kusina ay may malaking cabinet kung saan nakalagay ang mga uniform, apron at hair dress na sinusuot ng mga tagapag-silbi. Bigla akong napangisi nang makaisip ako ng ideya. Alam ko namang mahihirapan akong makalabas mula rito. Mas lalo na first floor dahil for sure, nandoon ang lahat. Wala na akong takas kung pupuslit pa ako nang palihim. Mas makakahalata lang sila sa akin. Masasayang lang ang effort kong ginawa para lang makatakas sa kwarto ng Kyro na iyon. Inaral ko muna ang bawat sulok para makagalaw nang mas maayos. Nang makitang busy ang mga nasa loob ng kusina sa pagluluto at paghahanda ng pagkain, agad akong lumabas mula sa ilalim ng lamesa. Tinungo ko ang malaking cabinet. Binuksan ko ito agad kumuha ng uniform na tama lang sa body size ko. Hindi ko pa sure kung tama ba ang nakuha ko, basta hinulaan ko na lang. Hindi na ako nagtagal pa. Pagkasara ko ng cabinet ay agad akong bumalik sa ilalim ng lamesa. Hinawakan ko ang uniform na kinuha ko at tiningnan ito. “Ang talino ko talaga!” bulong ko habang nakangisi. Balak kong magpalit ng damit upang pagkamalan nila akong isa sa mga tagapag-silbi upang hindi ako mahirapang makihalubilo sa kanila. Hindi na kinakailangan pang tumakas ako at itaya ang aking buhay. Pwede naman akong gumalaw dito na wala silang kamalay-malay na naiiba ako sa kanila. Sa paraan na iyon, mapapadali ang pag-alis ko sa lugar na ‘to. Makakaalis na ako sa mansyon na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD