Amara’s POV
“Paubos na itong inumin natin. Wala pa rin ba hanggang ngayon ang magdadala ng panibago? Nasaan na ba ang mga katulong? Anong silbi nila kahit pa ang dami nila?”
Bumalik ako sa ulirat nang sumigaw ang isang miyembro ng lalaki. Gaya ni Prinsipe Lysander, nakasuot din ito ng black denim jacket at may mga piercings sa tainga at maging sa ilang bahagi ng kaniyang mukha. May mga tattoo rin ito sa parteng balikat niya. Bad boy na bad boy ang datingan nito.
Wait, familiar siya. Hindi kaya siya rin itong kinuwento sa akin nu’ng taga-silbi na nakiusap sa akin na ako na lang ang magdala nito kila Prinsipe Lysander. Base kasi sa kwento niya, maraming piercings sa mukha ang lalaking muntik nang pagsamantalahan siya kanina.
“Habang naghihintay ka riyan, halika na lang dito at mawili sa panonood ng ka-sexy-han ng dalawang babaeng narito sa ating harapan. Alam ko namang ito rin ang iyong nais.”
“Ayoko. Tapos na akong mawili sa kanila. Gusto ko ng bago.”
Amoy babaero.
Naglakad na ako papalapit sa kinaroroonan nila.
Kinakabahan man ay hindi pa rin ako nagpahalata. Kailangan kong magpanggap na matapang. Well, I’m good at pretending naman talaga.
May mga ilan akong nakakasalubong sa daan ngunit binibigyan naman nila ako ng space para makadaan upang hindi mahulog ang aking dala-dala. Siguro aware rin sila kung para kanino ba itong mga inumin kaya sila na mismo ang nag-a-adjust. Sa sungit at tapang ba naman nila, imposibleng sila ang mag-a-adjust para lang makadaan ang gaya kong ordinaryong nilalang, ‘di ba?
Huling tatlong hakbang, nasa tapat na ako ng lamesa nila.
Dahan-dahan kong inilapag ang dala kong tray.
Ang ilang miyembro ay abala sa pakikipag-usap. Ang iba naman ay sumasayaw kasama ang dalawang babae na nagbibigay entertainment sa kanila. Halos hinahawakan na rin ng mga lalaki ang maseselang parte ng katawan ng mga babae. Hay nako! Mga lalaki nga naman.
Binilisan ko ang galaw ko para hindi nila ako mapansin at nang makaalis agad. Ingat na ingat kong nilapag ang bawat baso nila sa lamesa. Mahirap na at baka sumpungin ako ng pagka-clumsy ko, bayaran ko pa ang mga ito. Saan naman ako kukuha ng pera?
Kinuha ko rin ang mga walang laman na baso upang ibalik na sa kusina. Mahigit sampu rin ang basong gamit na. Maging ang mga plato na ubos na ang laman ay kinuha ko na rin para mabawasan ang dumi sa table nila. Sobrang kalat!
Kailangan kong makaalis dito agad para makabalik sa kusina at saka ako tatakas. Ibabalik ko lang ang mga utensils na ito bago tuluyang umalis sa mansyon. Hindi naman kasi pwedeng dala-dala ko ang mga ito palabas, ‘di ba? Pagbibintangan pa akong magnanakaw ng mga gamit pang-kusina. Hindi rin naman pwedeng iwan ko na lang ito basta-basta sa sulok dahil may makakakita at paghihinalaan pa ako. Kailangan ko ring gumalaw nang maayos at malinis. Hindi dapat ako mag-iiwan ng bakas.
Hays, sa wakas naligpit ko na rin lahat habang abala silang lahat sa kaniya-kaniya nilang pinagkakaabalahan.
Akala ko ay matatapos na ang trabaho ko nang payapa ngunit nagkakamali ako.
Nang akmang tatalikuran ko na ang table nila para sana makabalik na sa loob ng kusina, saktong pagkatalikod ko ang siya namang pagdating ng leader ng grupo, si Prinsipe Lysander.
Tumapat ito sa harapan ko.
Akala ko ay lalagpasan niya ako ngunit nagkamali ako.
Tumigil siya nang magkasalubong ang paningin namin.
Nakatingin siya sa akin.
Nagtama ang aming mga mata.
Tila inaaral niya ang buong mukha ko dahil hindi niya ako nilubayan ng tingin.
Namukhaan niya kaya ako kanina kahit pa madilim ang paligid?
Shems! May kakayahan din ba siyang kilatisin ako at makilala?
Agad kong iniwas ang paningin ko sa kaniya.
Nag-bow na lamang ako bilang respeto at saka akmang aalis.
Nakakadalawang hakbang palang ako nang magsalita ito.
“Sandali,” pagpipigil nito.
I heaved a deep sigh. Gosh!
Hindi naman malamig pero ramdam kong nangangatog ang mga paa ko.
Lumingon ako sa kaniya.
Inosente akong tumingin sa kaniya. “Po?”
Hindi pa rin nito inaalis ang paningin niya sa aking mga mata. Titig na titig ito sa akin.
“Ikaw iyong kanina, tama ba ako?”
Wala na akong magagawa kung ‘di umamin. Mas lalo ako nitong pagdududahan kung magsisinungaling pa ako. Paano na lang kung gusto niyang patunayan na tama ang akala niya? Edi kapag nagkataon, malaman pa niyang nagsinungaling ako.
“Tila hindi pamilyar ang iyong mukha. Ika’y bago lamang na tagapag-silbi?”
I nodded.
Dahil sa usapan namin, napukaw namin ang atensyon ng mga kasamahan niya.
Kung kanina ay parang hangin lamang ako na hindi nila nakikita, ngayon ay tila nasa akin na ang spotlight. Iwas na iwas pa naman akong makipag-interact sa kanila lalo na sa Prinsipeng ito.
“Sa susunod, bilisan mo ang iyong mga galaw. Ayokong pinaghihintay ako, naiintindihan mo?” May pananakot sa tono ng Prinsipe.
“O-Opo, pasensya na po.”
Hindi na niya ako pinansin pa. Naglakad na ito patungo sa kaniyang upuan at kinuha ang bagong inumin na inilagay ko sa kanilang table.
Bakit tila umiba ang timpla ng emosyon niya? Parang kanina lang ay galit na galit siya sa akin at halos tanggalin na niya ang braso ko sa higpit ng pagkakahawak niya.
Teka, magrereklamo pa ba ako?
Aalis na sana ako nang may epal na namang pumigil.
“Teka lang, binibini.”
Tiningnan ko ang nagsalita. Siya ‘yung lalaking sinipa nu’ng nakilala kong taga-silbi dahil sa kamanyakan nito. Kung hindi ako nagkakamali, siya si Jaze.
“Huwag ka munang umalis. Halika, samahan mo muna kami rito.” Sa tono palang ng boses nito, alam kong hindi na siya mapagkakatiwalaan.
“Hoy, Jaze! Pati ba naman tagapag-silbi ay papatusin mo?” Tumawa ang mga kasamahan niya. Tiningnan muna nila ako bago tapunan ng tingin ang kaibigan nila, tingin na nagpapahiwatig kung seryoso ba talaga ako?
“Bakit hindi kung maganda naman?” Bwelta niya naman agad.
Tinapunan ako nito ng nakakalokong ngiti.
Akala ba niya ay madali lang niyang mapa-oo ang lahat ng mga babae? Puwes nagkakamali siya.
“Pasenya na po pero may mga dapat pa po akong gawin sa kusina. Maiwan ko na po kayo riyan,” ani ko.
Hindi ko na siya hinintay pang magsalita.
Basta nagpaalam na ako. Understood na iyon na ayoko! Huwag siyang mapilit diyan.
Akala ko ay makakatakas na ako sa grupo nila dahil medyo nakalayo na ako sa table nila. Pero paakyat palang sana ako ng hagdan papunta sa second floor, may humarang muli sa dadaanan ko. Ginamitan na naman nila ako ng kakakayahan nilang mag-teleport. Bigla na lamang itong lumitaw sa harap ko at ngayon ay nakaharang na siya sa dadaanan ko.
“Sa tingin mo ba ay papayag akong tanggihan mo ako sa harap ng mga kaibigan ko?”
Si Jaze.
Tiningnan ko siya nang masama.
“Hindi ka ba nakakaintindi na ayoko?”
Mahina itong tumawa. “Ang lakas din ng loob mong sagutin ako ng ganito, ‘no? Sabagay, sabi mo nga ay bago ka lamang dito. Marahil ay hindi mo pa ako gaanong kilala. Puwes magpapakilala ako. Ako lang naman si Jaze Clifford, ang Anak ng isa sa mga ginagalang na pamilya rito sa Kaharian,” pagmamayabang nito.
Nanatili akong walang emosyon at tila hindi interesado sa mga sinabi niya.
“So? Ano naman?”
Napansin kong umigting ang panga niya. Siguro ay naiinis na siya sa akin.
“Alam mo, kung hindi ka lang sana maganda, kanina pa ako napikon sayo.”
Bakit parang kasalanan ko pang maganda ako?
“Sige na, huwag ka nang magmatigas, sumama ka na sa akin.”
“Ayoko.”
Nagsalubong ang dalawang kilay niya. “Puwes, idadaan kita sa pwersahan.”
Tinotoo niya ang sinabi niya. Tinabig niya ang dala-dala kong tray dahilan para mahulog ito at mabasag sa sahig at saka niya hinawaka nang mahigpit ang kamay ko.
“Ano ba!” Napalakas ang pagkakasigaw ko kaya naman nagtinginan ang mga tao sa amin.
Parang normal na lamang sa kanila ang nangyayaring ganitong sapilitan sa babae. Well, parang sanay na sanay naman sila sa palaging away at gulo na nangyayari rito sa lugar nila.
Matapos niya akong hawakan ay kinaladkad ako nito palabas ng mansyon. Papunta kami ngayon sa table nila. Napapatingin sa amin ang mga nadadaanan namin pero wala naman silang magagawa kung ‘di maki-chismis lang.
Kahit gustuhin kong pumalag, hindi ko magawa dahil malayong mas malakas siya. Malamang, anong laban ko sa kaniya eh engkanto nga sila at ordinaryong tao lamang ako? At saka takot din akong baka idaan niya ako sa kapangyarihan niya at bigla na lang niya kitilin ang buhay ko.
Huminto kami sa table nila. Lahat ng miyembro ay nakatingin sa amin maliban sa leader nila na walang pakialam sa nangyayari sa paligid niya. Tutok lang ang atensyon nito sa iniinom niya.
“Paano ba ‘yan, nanalo ako sa pusta. Napapayag ko rin sa wakas ang binibining ito?” pagbibida ni Jaze sa mga kaibigan niya.
Napapayag niya mukha niya!
Dinaan niya kaya ako sa pwersahan!
“Iba ka talaga, pre!”
Nagsilagay sila ng pera sa lamesa. Mukhang iyon ang kabayaran nila sa pakikipagpusta. Ilang libo rin ang nilapag nila roon, mga galante!
Ang kapal naman ng pagmumukha nilang pagpustuhan ako!
Inalis ni Jaze ang pagkakahawak sa kamay ko at inilipat iyon sa beywang ko. Hinila niya ako papalapit sa kaniya at bumulong sa aking tainga. “Huwag kang gagawa nang ikakagalit ko kung gusto mong mapahaba pa ang buhay mo. Sundin mo ang lahat ng iuutos ko.”
Inakay niya ako para maupo sa tabi niya.
Ang kaninang lakas ng loob ko ay nawala dahil sa pagbabanta niya sa buhay ko.
Bina-blackmail niya ako!
Sunod-sunuran ako sa kaniya. Naupo ako sa tabi niya. Wala akong imik pero hindi niya alam, minumura ko na siya sa isipan ko. Naiinis na ako sa lalaki na ‘to!
Huwag lang talaga niya ako gagawan nang masama dahil papalag talaga ako. Kung papatayin man niya ako, at least lumaban ako hanggang sa huli.
May pinag-uusapan silang magkakaibigan na hindi ko naman maintindihan dahil mas malakas naman ang mga tawa nila. Naiirita na lang akong nakikinig sa kanila.
Kinuha ni Jaze ang baso niya saka ito nilagok. Pagkatapos ay sinalinan niya ang isang malinis na baso at saka iniabot sa akin.
“Hindi ako umiinom,” matipid kong wika.
“Oh, come on. Ngayon ka lang makakatikim ng mga ganitong klaseng inumin kaya huwag ka nang mahiya.”
“Sabing ayoko nga.”
Mahina na naman itong tumawa. Inilapit niya ang kaniyang mukha sa aking mukha. Pilit akong umiiwas na madikit ang mga balat namin.
Bumulong ito sa akin. “Lalo mo akong pinapahanga sa pagsusungit mo. Na-cha-challenge ako lalo sayo.” Matapos niyang sabihin iyon ay ibinalik niya ang hawak niyang baso sa lamesa at saka dahan-dahang ipinatong ang kaniyang kamay sa hita ko.
Napatayo ako.
Hindi na tama ang kaniyang ginagawa.
“Tama na ang pagpapanggap mo. Alam ko namang magugustuhan mo rin ang gagawin natin.”
Nakaramdam ako ng pandidiri.
Nanatili siyang nakaupo habang nakatayo naman ako. Hinawakan nito ang kamay ko at sinubukan akong hilahin upang bumalik sa pagkakaupo.
Pero nagmatigas ako.
“Manyak ka!” sigaw ko.
Ang mga kaibigan niyang nagkakasiyahan ay napahinto at nakatingin na sa amin.
Bakas na rin sa mukha ni Jaze ang pagkainis. “Anong sabi mo?” Napatayo na ito.
Sigurado naman akong narinig niya ito dahil malakas ang pagkakasambit ko. Hindi lang siya makapaniwala na sinabihan ko siya ng ganoon sa harap ng maraming tao.
“Ang sabi ko, manyakis ka!” pang-uulit ko.
Nasaksihan ko kung paano gumuhit sa labi nito ang nakakatakot na ngiti.
Naubusan na siya ng pasesnya sa akin at mukhang napikon na nga talaga siya sa akin.
Natatakot ako sa pwede niyang gawin sa akin ngunit mas maigi nang pinagtatanggol ko ang sarili ko. Never ko hahayaang bastusin ako ng sino man. Wala ngang nakakagawa sa akin nu’n sa mundo namin, dito pa kaya!
“Lagot. Ginalit mo na ang isang Jaze.” Narinig ko ang isa sa mga kaibigan niya.
Nag-aabang sila sa susunod na mangyayari.
Matatalim na ang mga tingin na pinukol sa akin ng lalaki.
Tila pinapatay na ako nito sa isip niya.
Inilabas nito ang maliit na balisong niya mula sa kaniyang bulsa. “Sabi ko naman sayo, huwag na huwag mo akong gagalitin.”
Napahakbang ako nang paatras nang humakbang ito papalapit sa akin.
Malamig naman ang klima ngunit pinagpapawisan ako.
Hinahasa-hasa niya ang kaniyang balisong habang nakatingin sa akin at naglalakad papalapit.
Napatigil ako nang maramdamang wala na akong maatrasan pa at na-corner na niya ako.
Napapikit na lamang ako.
Katapusan ko na yata.
Hinintay ko na lang na ibaon nito ang hawak niyang balisong sa akin.
Napasigaw ako nang may narinig akong ingay ng balisong na tila bumaon. Ang pagkakaalam ko ay sa akin ibinaon ngunit ilang segundo na ang nakalipas ay hindi pa rin ako nakakaramdam ng sakit.
“P-Patay na ba ako?”
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata.
Nasa venue pa rin ako.
Ngunit wala na sa harap ko si Jaze.
Hindi ko alam kung nasaan na siya.
Ang tanging nasa harap ko na lang ngayon ay si Kyro na may hawak na balisong na may bahid ng dugo.
“Prinsipe Kyro?”