THE FEELINGS II

1603 Words
Hinampas niya sa binti ang kapatid gamit ang dulo ng walis tambo. “Tigilan mo ako sa mga tanong mo, Rio. Doon ka sa kusina at tulungan mo si Mama magligpit ng kalat doon.” Nakasimangot ang kaniyang kapatid na umalis sa sala. Pag-alis nito ay sakto namang pagpasok ni Brandon sa loob ng bahay nila. Pawis na pawis ito at medyo humihingal. Minsan, naaawa na rin siya rito. Kahit anim na araw palang ang lumilipas, pakiramdam niya ay inaalipin niya na ito. Kinuha niya ang maliit na towel na nakasampay sa kaniyang balikat at lumapit kay Brandon. Nagulat ito nang bigla siyang tumingkayad para punasan ang leeg nito. Ngunit ang pagkabigla sa mukha ni Brandon ay napalitan ng matamis na ngiti. “Pinupunasan mo na ako ng pawis ngayon… nag-aalala ka ba baka magkasakit ka?” Tumingin siya rito at tipid na ngumiti. “Oo naman. Wala kasi akong pera para ipagamot ka. Mahirap na at baka masisi pa ako ng pamilya mo.” Mas lalong lumawak ang ngiti nito. Umangat ang kamay nito at hinawakan nito ang kaniyang braso. “Puwedeng pati likod ko ay punasan mo rin?” Tumango naman siya. Lumipat siya ng puwesto at pinunasan ang pawis nito sa likod. “Dito pa sa bandang batok.” Ginawa niya ang sinabi nito. Nang matapos siya ay agad siyang lumayo sa lalaki. “Oh, bakit ka lumayo agad? Hindi pa tapos. Dito pa oh,” saad nito saka itinaas ang suot na t-shirt. Bago pa man niya makita ang abs nito ay mabiis niyang naiharang ang palad sa kaniyang mga mata. “Anong ginagawa mo?” tanong niya sa mataas na boses. Mabilis naman nitong binaba ang t-shirt. “Bakit? Magpapapunas lang naman ako sa’yo ng tiyan ko. Pawisan din kasi.” Pinaningkitan niya ito ng mga mata. “Ang sabihin mo, gusto mo lang ipakita sa akin ang abs mo. Grabe ka, ganiyan ba ang paraan mo para akitin ako?” Humalakhak si Brandon sa sinabi niya. Umiling-iling nalang ito habang nakatingin sa kaniya. “Bakit, hindi ba?” “Ikaw lang ang nag-iisip niyan, Ryla.” Tumuwid siya sa pagtayo at pinagtaasan ng kilay si Brandon. Nakaramdam siya ng hiya pero hindi niya iyon ipapahalata. Buong araw ay nasa bahay nila ang lalaki. Sa lahat ng gawain ay tumulong ito. Pati nga paghuhugas ng pinggan na dapat siya ang gumagawa ay sinalo nito. “Puwede ba akong magtanong sa’yo?” tanong nito habang tinutuyo nila ang pinggan na ginamit sa pagkain ng meryenda. Marahan siyang tumango. “Bakit ka nandito sa Palawan? Wala ka bang ibang trabaho?” “Dati meron, sa Maynila. Ang kaso, nagsara ang kumpanya ang pinapasukan ko. Kaya umuwi ako rito. Hindi ko kaya manatili ng Maynila nang walang pera na inaasahan. Mahal kasi ang lahat ng gastusin doon. Kaya nag-desisyon akong umuwi nalang dito habang nag-iisip ako ng plano at mga gagawin ko sa buhay ko.” Hindi umimik ang lalaki. Tila nag-iisip ito habang ang atensiyon ay nasa tela na hawak nito. “Ikaw ba, bakit ka napadpad dito? Dahil ba sa business niyo rito? Iyong shipping lines na sinasabi mo?” Umiling si Brandon. “No. Actually, I’m with my friends when I came here. Just to visit and experience some activities.” “Pang-ilang araw mo na rito noong masunog ang yate na sinasakyan niyo?” “Pangalawa. Honestly, I never expected that will happen. Pero na-realize ko na mukhang nakatadhanang mangyari iyon para magkakilala tayo.” Natawa nang mahina si Ryla. “Huwag mong sabihing pati ikaw naniniwala sa destiny?” Tumawa na rin si Brandon. “Oo, naman. Bakit hindi? Pinalaki ako ng mga magulang ko na puno ng pagmamahal. Palagi nilang sinasabi sa akin na totoo ang destiny. At ngayong nakilala na kita, naniniwala na ako na totoo iyon.” “Alam mo, ikaw, malapit ko nang paniwalaan iyang sinasabi mo. Kapag ako nahulog sa’yo—” “Edi sasaluhin kita,” mabilis na sagot nito. “Sasaluhin kita kagaya ng pagsalo mo sa akin noong akala ko ay mamamatay na ako.” Napahinto siya sa kaniyang ginagawa at napatitig kay Brandon. Pinag-aralan niyang mabuti ang ekspresiyon ng mukha nito. “Totoo na ba iyang nararamdaman mo?” mahina niyang tanong. Marahang tumango si Brandon. Binitawan nito ang tela na hawak para hawakan ang kaniyang kamay. “Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa isang babae Ryla. Huwag mo sanang pagdudahan ang nararamdaman ko para sa’yo.” Unti-unting bumaba ang paningin ni Ryla sa matangos nitong ilong at bumaba pa sa mamula-mula nitong labi. Umangat ang kaniyang kamay para haplusin ang mukha ni Brandon. Napakaguwapo nito. Tinawid niya ang pagitan ng nilang dalawa at pinatakan ng mabilis na halik ang labi nito. “Ryla, hindi pa ba kayo tapos ni Brandon diyan?” Nang marinig niya ang boses ng kaniyang ina ay agad siyang lumayo sa lalaki. Nataranta siya kaya nasagi niya ang isang pinggan. Muntik pa itong mahulog sa sahig, mabuti nalang at nasalo ito ni Brandon. “Sorry.” Iyon lang ang nasabi niya. “Sorry dahil hinalikan mo ako?” Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dito kaya imbes na sagutin ang tanong nito ay walang paalam na lumabas nalang siya ng kusina. “Oh, anak. Anong nangyari sa’yo? Nag-away ba kayo ni Brandon? Hindi na naman kayo magkasundo?” tanong ng kaniyang ina sumalubong sa kaniya. Matipid siyang umiling sa ina saka nagpaalam na lalabas muna siya. Malapit lang sa kanilang bahay ang dagat. Sa dalampasigan niya naisip na pumunta para makapag-isip isip. Gusto niyang sabunutan ang sarili dahil sa kaniyang ginawa. Napahawak siya sa sariling labi nang maalala ang paghalik niya kay Brandon. “Bakit ka umalis?” Napalingon siya sa kaniyang likuran. Nang makita niya si Brandon ay agad siyang tumakbo palayo rito. “Diyan ka lang. Huwag kang lalapit,” sigaw niya. Nagsalubong ang kilay ng binata. “Bakit? Ano na namang ginawa ko? Bakit ka tumatakbo palayo?” “Hindi ko alam. Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung bakit gusto kong lumayo sa’yo. Natatakot ako na…” “Natatakot ka na sabihin sa akin ang nararamdaman mo? Ganoon ba, Ryla? Kung ganoon, bakit mo ako hinalikan?” Natahimik siya. “Mahirap ba talagang aminin na gusto mo ako?” “Kahit naman sabihin ko na gusto kita, wala rin namang magbabago. Pagkalipas ng ilang araw na pananatili mo rito, aalis ka rin. Babalik ka rin ng siyudad dahil nandoon ang buhay mo. Kahit sabihin ko na gusto kita, hindi ka rin naman mananatili rito. Kaya para saan pa ang pag-amin ko? Humakbang sa kaniya palapit si Brandon. “Gusto mo ba akong manatili rito, Ryla?” seryosong tanong sa kaniya ni Brandon. “Isang sabi mo lang na manatili ako rito, gagawin ko.” Pagak na tumawa si Ryla. “Hindi ako naniniwala. Hindi mo kayang manatili rito dahil hindi naman dito ang buhay mo. Isa pa, negosyante ka. Kahit gustuhin mong manatili rito, hindi ka papayagan ng mga trabaho mo.” “Kung ganoon edi sumama ka sa akin. I’ll give you a job if you need it.” Umiling si Ryla. Hindi naman ganoon kadali iyon para sa kaniya. Oo, gusto niya si Brandon, pero hindi ibig sabihin niyon ay sasama na siya dahil lang sinabi nito. “Hindi ko matatanggap iyang alok mo.” Nakita niya ang paglatay ng kalungkutan sa mukha nito. Gusto niya itong yakapin pero alam niyang kapag ginawa niya iyon, mas lalo lang siyang mahihirapang pakawalan ito. “Siguro mas mabuting ituloy mo nalang ang ginagawa mong pagtulong sa amin hanggang matapos ang araw ng pananatili mo rito sa El Nido.” Pagtapos niyang bitawan ang mga salitang iyon ay tumalikod na siya. Lumipas ang mga araw nang hindi sila nag-uusap ni Brandon. Panay tanong tuloy sa kaniya ang kaniyang ina at kapatid kung anong nangyari sa kanilang dalawa. Hindi niya naman sinasagot ang mga ito at kung minsan ay sinasadya pa niyang iwasan. Kapag nasa palengke sila ay hindi niya ito kinikibo kahit na ilang beses siya nitong sinusubukang kausapin. Ganoon din sa bahay nila. Sinusubukan niyang iwasan si Brandon para kapag umalis na ito, hindi na siya mahirapan. “Anak, yung totoo, bakit hindi na kayo nag-uusap ni Brandon? May nangyari ba na hindi ka sinasabi sa akin?” tanong ng kaniyang ina habang nagliligpit siya ng pinggan ng gabing iyon. Tatalikod na sana siya sa kaniyang ina nang hawakan nito ang kaniyang braso. “Hindi puwedeng palagi mo nalang kaming iniiwasan, Ryla. Kailangan mong sabihin kung anong nangyayari sa inyo ni Brandon para alam ko kung paano kita matutulungan.” Tipid siya na ngumiti sa kaniyang ina. “Hindi ko naman po kailangan ng tulong. Saka hindi naman po ito importante. Pabayaan niyo nalang po siguro kami ni Brandon. Tutal pareho naman po kaming nasa edad na.” “Ryla, anak. Magsabi ka ng totoo sa tanong ko, may gusto ka ba kay Brandon kaya ganiyan nalang ang pag-iwas mo sa kaniya?” Nilingon niya ang kaniyang ina. Kilalang-kilala talaga siya nito. Kahit hindi niya sabihin, alam nito kung ano ang nararamdaman niya. “Hindi ko po alam kung tama ba itong ginagawa ko. Gusto ko si Brandon pero natatakot ako sa magiging resulta nitong nararamdaman ko., Hindi ko kaya ang long distance relationship, Ma. Kasi naranasan ko na dati ang ganoong set-up at alam niyo naman siguro ang kinalabasan.” Ngumiti ang kaniyang ina at marahang hinawi ang piraso ng kaniyang buhok na humaharang sa kaniyang mukha. “Huwag mong sabihin na ikinukumpara mo si Brandon sa dating kasintahan mo?” Yumuko siya at marahang tumango.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD