IT'S LOVE

1743 Words
“Hindi naman yata tama iyon, anak. Kahit na isang linggo at mahigit ko palang na nakakasama iyang si Brandon, nakikita ko naman ang pagpupursige niya para makuha ang loob mo. Pati kami ng kapatid mo parang nililigawan niya na rin. Hindi mo ba nakikita ang mga ginagawa niya? Halatang hindi siya sanay sa pagtitinda sa palengke pero ginagawa niya. Gusto niyang makita mo na nag-e effort siya para sa’yo, anak. Ang tanong, nakikita mo ba ang ginagawa niya? Pinahahalagahan mo ba? Normal lang namang matakot pagdating sa pag-ibig, pero sana anak, huwag mong hayaan na pangunahan ka ng takot sa lahat ng ginagawa mo.” Hinawakan nito ng mahigpit ang kaniyang kamay. “Kahit na hindi mo siya kinakausap ay nananatili siya sa tabi mo. Hindi pa ba sapat iyon sa’yo anak? Para bigyan siya ng pagkakataon na mas mapakilala niya ang sarili niya sa iyo? Ilang araw nalang at aalis na siya ng Palawan. Kung ako sa’yo, aminin mo na sa kaniya ang lahat. Kasi kung hindi mo gagawin ngayon, darating ang panahon na makakaramdam ka ng panghihinayang at pagsisisi.” Kinabukasan ay hinintay niya si Brandon na pumunta sa kanila. Kung hindi siya nagkakamali ay dalawang araw nalang mananatili sa El Nido si Brandon. Alas otso na pero wala pa rin ito. Sa pagkakataong iyon ay nakaramdam na siya ng kaba. Dati rati kasi ay alas siete palang ay dumadating na ito. “Ano, ate? Wala pa ba si Kuya Brandon?” tanong ni Rio sa kaniya. “Wala pa. Tanghali na nga eh.” “Eh ate, baka hindi na yun pupunta? Baka umalis nan ang hindi nagpapaalam?” Kumabog ang dibdib niya dahil sa kaba. Hindi imposibleng gawin ni Brandon iyon. Matapos ba naman niyang hindi ito pansinin ng ilang araw, baka nasawa na ito sa ugali niya. “Kung ako sa’yo ate, mauna na tayo sa palengke. Para kahit ‘di siya dumating, makakapag-asikaso pa rin tayo sa puwesto.” “Mauna ka na, Rio. Hihintayin ko pa siya rito.” Kinuha niya ang phone sa kaniyang bulsa at hinanap ang pangalan ni Brandon sa contact list niya. Nag-aalangan pa siya na tawagan ito noong una pero sa huli ay ginawa pa rin niya. Nakakailang tawag na siya pero hindi pa rin ito sumasagot. Patuloy lang sa pagri-ring ng cellphone nito. Kung anu-anong mga pangyayari na ang tumatakbo sa isip niya. Tuluyan na nga ba itong umalis? Narinig niya ang sigaw ng kaniyang ina nang magpaalam ito sa kaniya. Tipid na tango lang ang ginawa niya dahil naka-focus siya sa pagtawag kay Brandon. Nararamdaman niya na ang pagbigat ng kaniyang dibdib. Alam niyang kasalanan niya kung bakit pinili nalang ni Brandon na umalis. Mangiyak-ngiyak siya habang naglalakad papasok ng kusina. Pag-upo niya ay bumuhos na rin ang luha na kanina pa niya pinipigilan. Yumuko siya sa lamesa at ibinuhos sa pag-iyak ang sama ng kaniyang loob. Ilang sandali lang ay narinig niya ang pagbukas ng pinto. Wala na siyang panahon para intindihin pa kung sino iyon. Baka kapatid niya lang iyon. Siguro ay may naiwang gamit kaya ito bumalik. “Umiiyak ka?” Agad siyang napabangon mula sa pagkakayuko sa lamesa nang marinig niya ang boses ni Brandon. Tumayo siya at naglakad palapit dito. Agad namang hinawakan ni Brandon ang kaniyang pisngi. “Bakit ka umiiyak?” “Kasi akala ko iniwan mo na ako. Akala ko umalis ka na nang hindi nagsasabi sa akin.” “Sa tingin mo ba kaya kong gawin iyon sa’yo? Ang isipin pa nga lang na iwan kita, parang hindi ko na kaya. Ang umalis pa kaya nang hindi nagpapaalam?” Mabilis na yumakap si Ryla kay Brandon. “Sorry, sorry sa hindi ko pagpansin sa’yo sa mga nakalipas na araw. Hindi ko sinasadya. Hindi ko kasi alam kung anong gagawin ko. Ngayon lang ako ulit nakaranas na magmahal kaya pasensiya na kung ganito ako.” “Hindi mo kailangang mag-sorry, Ryla. Naiintindihan naman kita.” Mas lalo lang siyang umiyak sa sinabi nito. Hindi niya akalaing ganito kabait si Brandon. Nang kumalma na siya sa pag-iyak ay dinala siya nito sa dalampasigan. Umupo sila sa ilalim ng puno ng niyog at pareho silang nakamasid sa alon ng karagatan. “Sinong mag-aakala na gitna ng karagatan magtatagpo ang ating landas?” Nakangiting bumaling si Ryla kay Brandon na nasa tabi niya. “Nagsisisi ka pa rin ba na niligtas mo ako? Naiinis ka pa rin ba kasi hindi ako nakapag-thank you sa’yo?” Mahinang tumawa si Ryla sa sinabi nito. “Kahit na masungit ka, kahit na hindi mo ako pinansin sa mga nakalipas na araw, hindi pa rin nabawasan ang pagmamahal na nararamdaman ko sa’yo, Ryla.” Hinawakan ni Brandon ang mga kamay niya at dinala ito sa kaniyang labi. “Alam mo ba, noong nakita kita kaninang umiiyak, gumaan ang pakiramdam ko?” “Bakit naman?” “Kasi naramdaman ko na may halaga rin pala ako sa’yo. Umiyak ka dahil mahal mo ako at nasaktan ka noong akala mo ay umalis na ako.” Nakakatitig lang si Ryla kay Brandon habang nagsasalita ito. Nararamdaman niya ang sinseridad sa boses nito at saka ekspresiyon ng mukha nito. Dinala niya ang kaniyang palad sa pisngi ni Brandon para haplusin ito. “Hindi talaga ako sanay na ganoon kabilis ang mga pangyayari. Hindi madali sa akin na i-proseso ang mga bagay-bagay lalo na kapag usaping pag-ibig. Kaya pasensiya na sa reaksiyon ko. Mahal kita, Brandon. Hindi ko kayang malayo sa’yo. Hindi ko kayang isipin na magkakalayo tayo. Hindi ko kaya ang long-distance-relationship.” “Gusto mo bang sumama sa akin sa siyudad? Gusto mo bang magtrabaho sa akin bilang sekretarya ko?” Ngumiti siya sa alok nito. “Tatanggapin mo ba ako kapag nag-apply ako sa’yo?” Tumawa si Brandon. “Hindi ka pa man nag-a-apply, tanggap ka na.” Tumawa siya at pabirong hinampas ito sa braso. “Makakasiguro ba akong hindi ka maghahanap ng iba kapag naging tayo na?” nag-aalalang tanong niya sa binata. Itinaas naman nito agad ang kamay na tila nanunumpa. “Promise, hindi ako maghahanap ng iba. Ikaw lang.” “Dapat lang ‘no. Kapag niloko mo ako, ako na mismo ang maglulunod sa’yo sa dagat.” “Paano pala natin sasabihin ito sa Mama at kapatid mo?” “Kahit hindi naman natin sabihin, sigurado akong malalaman din naman nila.” Magta-tanghali na nang magdesisyon silang bumalik ng bahay nina Ryla. Saktong pagbukas nila ng pinto ay nakita agad nila ang dalawang tao na nakapameywang sa kanilang harapan. “Kaya pala hindi ka pumunta sa puwesto para magtinda kasi nakipag-date ka pa?” nang-aasar na sabi ng kapatid niya. Nakatitig naman sa kanilang dalawa ang kaniyang ina. “Oh ano? Nagkaayos na rin kayong dalawa?” Ngumiti si Brandon sa kaniyang ina at mayamaya ay nag-thumbs up pa ito. “Sabi ko naman sa’yo effective yung ganoong diskarte hindi ba?” Tumawa si Brandon sa sinabi ng ina ni Ryla. Naguguluhang nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawa. “Anong diskarte? Teka, anong meron?” Kumunot ang kaniyang noo nang makitang tumatawa sa isang tabi ang kapatid niya. “Anong tinatawa-tawa mo riyan?” “Paano naman kasi ako hindi matatawa Ate, hindi lang pumunta nang mas maaga rito si Kuya Brandon, halos mangiyak-ngiyak ka na. Tama si Mama, effective ang planong iyon. Kinausap namin kagabi si Kuya Brandon at sinabing tanghali na siya pumunta. Titingnan namin kung anong magiging reaksiyon mo.” Tiningnan ni Ryla nang masama ang tatlo. Si Brandon ay agad na nagtago sa likod ng kaniyang ina. “Ah, ibig sabihin, pinagtulungan niyo ako.” “Iyon lang ang naisip naming paraan para umamin ka na, anak.” “Kaya nga ate, ang arte mo kasi.” “Ah gano’n ha?” Bago pa man niya mahablot ang braso ni Rio ay tumakbo na ito. Maging si Brandon ay lumayo na rin sa kaniya. Hinabol niya ang dalawa hanggang makarating sila sa labas ng bahay. Ang kaniyang ina ay panay ang saway sa kanilang tatlo. Kahit naiinis siya sa ginawa ng mga ito, alam niya sa sarili niyang masaya siya ngayon. “Tuloy na ba talaga ang alis niyo bukas?” tanong ng kaniyang ina habang kumakain sila ng hapunan. Malungkot ang hitsura nito pati na rin ng kapatid niya nang ipaalam ni Ryla sa mga ito ang tungkol sa pagsama niya kay Brandon sa Maynila. “Brandon, ingatan mo itong anak ko, ha? Kapag may nangyaring hindi maganda riyan, ikaw ang sisisihin ko.” “Hindi naman po ako papayag na may mangyaring hindi maganda rito kay Ryla. Kapag may bakanteng araw po kami, babalik din naman kami rito, Tita Myrna.” “Basta Kuya, dapat pag-uwi mo, may dala kang pasalubong ha. Kahit sapatos lang, okay na ako roon.” Mabilis na pinitik ni Ryla ang tainga ng kaniyang kapatid. “Hindi ka na nahiya magsabi.” “Eh bakit ba? Si Kuya Brandon nga hindi nagrereklamo. Diba kuya?” Nakangiting tumango si Brandon sa kapatid niya. “Siyempre naman. Malakas ka sa akin eh. Hindi lang sapatos ang ibibigay ko sa’yo. Kapag nasa wastong edad ka na at puwede ka nang magmaneho, ibibili rin kita ng motor.” Pinaningkitan niya ng mata si Brandon. “Kaya gustong-gusto ka ng kapatid ko kasi palagi mong pinagbibigyan.” “Ganoon talaga, eh parang kapatid ko na rin naman iyang si Rio. Magiging kapatid ko na rin iyan kapag kinasal na tayo.” “Yun oh! Kaya ate, please lang, huwag mo nang pakawalan si Kuya Brandon ha?” Napuno ng tawanan ang hapagkainan. Nagpatuloy ang kanilang kuwentuhan hanggang matapos silang kumain ng gabing iyon. “Ryla…” Nang marinig niya ang pagtawag ni Brandon sa kaniyang pangalan ay nilingon niya ito. Nakatayo ito malapit sa kaniya. Si Ryla na ang naglakad palapit sa lalaki at siya na rin ang yumakap dito. Nakasakay sila ng yate at pabalik na sila ng Maynila. “Maraming salamat kasi niligtas mo ako,” bulong nito sa kaniya at hinalikan siya sa noo. Tumingkayad siya upang patakan ng saglit na halik sa labi si Brandon. Tinitigan siya nito at muling hinalikan sa kaniyang noo. “Maraming salamat sa pagdating mo sa buhay ko, Ryla.” Totoo pala yung kasabihang may darating na isang tao sa buhay mo nang hindi mo inaasahan. Yung taong magpapabago sa buhay mo at pananaw mo. Yung tao na kukumpleto sa’yo. Yung taong bubuo sa minsang nawasak mong puso. -WAKAS-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD