Prologue
"Ma'am, may kailangan ka po ba sa'kin?" tanong ko sa ginang na nakatayo ngayon sa harapan ko.
Dalawang beses ko na siyang nakikita rito sa office, pero hindi ko naman alam kung sino ang kanyang sadya o isa ba siya sa nagmamay-ari ng kompanya.
"Gusto kitang maka-usap ng masinsinan," seryosong saad nito sa'kin.
Marami na ang nakatingin sa amin, at sa kanilang reaksyon ay parang takot na takot sila sa ginang na kaharap ko.
Nagsimula nang maglakad ang ginang at agad naman akong sumunod sa kanya.
Napansin ko ang hallway na tinatahak namin. Papunta ito sa office ng may-ari ng kompanya.
Nagsimula nang bumilis ang t***k ng puso ko sa mga sandaling ito.
Nang makarating ay nauna siyang pumasok sa loob bago ako sumunod. Kaagad siyang umupo sa swivel chair. Umikot siya at tinuro ang sofa.
"Umupo ka." Kasing lamig ng yelo ang salitang lumabas sa bibig niya.
Ramdam ko na hindi ako welcome kung nasaan man ako ngayon dahil sa presensya niya.
Umupo na ako at buong tapang ko siyang tinitigan sa mga mata. Nasilayan ko ang mataray niyang pagmumukha, tila hinuhusgahan na ako nito.
"Maraming beses mo na akong nakikita rito, hindi ba? Kilala mo ba ako?" Pinag-cross niya ang kanyang mga braso.
"Baguhan lang po ako rito, at opo, ilang beses na po kitang nakikita, pero hindi po kita kilala," sagot ko.
Huminga siya ng malalim sabay nang pag-irap niya sa'kin.
"Didiretsuhin na kita. Ako... ang ina ng boyfriend mo, at nandito ako para sabihin sa 'yo, na layuan mo ang anak ko, dahil hindi kayo nababagay sa isa't isa. Sa katunayan, malapit na siyang ikasal."
Napahinto ako at natulala, at bigla na lamang bumagal ang mundo ko sa narinig.
Anong sinasabi niya? Siya ang ina ni Nash?
Napayuko ako nang mapagtanto ko ang kanyang sinabi. Noong una pa lang, alam kong maraming hindi sinasabi sa akin si Nash, pero hindi ko iyon pinapansin dahil sa pagmamahal at tiwala ko sa kanya. Ni-hindi niya ako pinakilala sa parents niya, dahil lagi raw itong busy.
At ngayon, alam ko na kung bakit ang taas ng respeto sa kanya ng mga empleyado rito sa opisina, at iba ang trato sa kanya, dahil anak pala siya ng may-ari nitong kompanya.
Bakit hindi ko alam 'to!?Pinaglihiman ba nila akong lahat?!
Sinubukan kong pigilan na pumatak ang mga luha ko, ngunit kumawala pa rin ito.
"Hindi kita kilala, pero ramdam kong matalino ka. Layuan mo ang anak ko," mariin niyang wika.
"P-Pero mahal ko po ang ana-"
"Mahal ka ba niya? Sigurado ka ba na talagang mahal ka niya? At naniwala ka dahil lang sinabi sa'yo na mahal ka niya? Ang bilis mo namang mauto. Gaano mo na ba kakilala ang anak ko? Anong klase kang babae para ibigay kaagad ang pagmamahal mo at tiwala sa taong hindi mo pa naman lubusang nakikilala."
Natulala na lang ako sa sunod-sunod niyang sinabi.
"Tingnan mo nga ang sarili mo, sa tingin mo ba, ganyang klase ng babae ang papatulan ng anak ko? I don't think s-"
"Tama na po!" Bigla na lamang akong napasigaw at napahagulgol.
Ang sakit na marinig iyon mismo sa Mama niya. Bakit gano'n na lang kong manlait ang Mama niya? Ang sakit!
Bakit ba nangyari 'to? Masaya pa kami kahapon.... Bakit humantong sa ganitong sitwasyon!
Pinunasan ko ang luha sa aking mga mata at mabilis akong tumayo at lumabas ng silid. Hindi na ako nag-abalang pansinin ang mata pobreng ina ng aking boyfriend.
Pagkalabas ko ay kaagad ko namang nakita ang lalaking dahilan ng pag-iyak ko. Nakita ko ang labis na pag-aalala sa kanyang mga mata.
Kaagad siyang lumapit sa'kin at niyakap ako ng mahigpit, ngunit wala akong lakas para gantihan ang yakap niya, lalo na sa mga natuklasan ko.
"Tingnan mo ako sa mga mata, Kara. 'Wag kang maniwala sa kanila. Ako ang paniwalaan mo at ang pagmamahalan natin. Gumagawa na ako ng paraan sa problema ko."
Napatunghay ako at natulala sa sinabi niya. Nakita ko sa kanyang mga mata ang takot.
So, totoo nga?!
Bahagya ko siyang itinulak at pinunasan ulit ang nagsisimulang kumawala na mga luha. Sinubukan niya akong hawakan pero tinabig ko ang kanyang kamay.
Kaagad ko siyang tinalikuran at mabilis na naglakad. Mas binilisan ko pa ang paglalakad ko. Ang gusto ko na lamang ngayon ay ang makalabas sa lugar na ito.
"Kara!" rinig ko ang pagtawag niya sa pangalan ko, pero hindi ko na siya nilingon at nagpatuloy ako sa pagtakbo.
Ito na ba ang panahon na dapat ko na siyang layuan, gaya ng palaging sinasabi sa akin ni Mama?
Makakaya ko ba talagang layuan ang lalaking mahal ko?