3

1268 Words
"Kaunting tiis lang at siguradong magiging maayos din ang lahat, Diana, relax lang." pilit na pagpapakalma ni Diana sa sarili habang binabagtas niya ang daan patungo sa loob ng coffee shop. Buong buhay niya ay ngayon lang siya kinabahan ng ganoon katindi. Daig pa niya ang isasalang sa gitna ng stage dahil nanginginig ang buong katawan niya. Nang maalala ang naging pag uusap nila ng ama ay mapait na napangiti siya. Hindi niya inakala na darating ang panahon na makikiusap ito sa kaniya. Pero hindi para sa kaniya kundi para sa kapakanan ng kapatid niya... "Pero daddy! ayoko po!" agad na namutla si Diana nang ilatag ng ama sa harap niya ang pagbabago ng plano nito. Napabuntong hininga ang ama at masama ang loob na sinulyapan siya. Hindi niya kayang salubungin ang nanunumbat na tingin nito kaya napayuko siya. "Ngayon lang ako humingi ng pabor sa'yo, Diana. Ngayon lang." mariing sabi nito. Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha dahil ayaw niyang ipakita ang kahinaan sa harap ng mga magulang. Ayaw niyang may masabi na naman ang mga ito tungkol sa kaniya. Tutol siya sa kagustuhan ng ama na harapin niya ang magiging fiancée ni Hasmine habang pinaghahahanap pa rin nila ito. Kanina ay parang bombang sumabog sa harap niya ang text message na natanggap niya mula sa cellphone ni Hasmine na sinadya nitong iwan bago ito naglayas. Gusto nang fiancée nito na magkita ang mga ito sa lalong madaling panahon. Nang malaman ng mga magulang niya ang tungkol doon ay agad na sinabi ng mga ito ang plano na mariing tinanggihan niya. Nagbanta ang daddy niya na kung hindi siya susunod ay maaaring mawala ang karangyaan na tinatamasa ng pamilya nila. Ilan araw na ang nakakaraan nang sabihin ng mga magulang niya ang isang masamang balita. Tagilid na ang kompanyang minana ng kaniyang ama mula sa lolo niya. Para muling makaahon ay kailangan ng mga ito ng tulong mula sa mga Campbell. Pumayag naman na magbigay ng tulong ang mga Campbell pero kailangan muna na isa sa kanila ng ate Hasmine niya ang ipagkasundo sa isa sa limang apo ng matandang si Federico Campbell. Sa una pa lang ay alam na niya na ang kapatid ang ipapakilala ng mga magulang niya. Sa unang pagkakataon ay naisip niya na may advantage rin naman pala ang pagiging flower vase niya dahil hindi siya na-setup sa bagay na ayaw niya. Kaya lang ay nagkaroon ng problema. Tumanggi ang kapatid niyang magpakasal dahil may boyfriend ito. Nakipagtalo si Hasmine sa daddy nila at sa bandang huli ay nalaman na lang nila na naglayas na ito. "Ang gusto ko lang naman ay harapin mo na muna ang magiging fiancée ng ate Hasmine mo. Kausapin mo siya. Makipagkaibigan ka sa kaniya. Mahirap na ba iyon para sa'yo? papaano kung makawala siya sa paningin natin at humanap ng ibang fiancée ang mga magulang ng Connor na iyon? pare-pareho tayong mamamatay sa gutom!" Sa bandang huli ay pumayag si Diana na ibigay ang gusto ng mga magulang. Magiging proxy siya ng kapatid. Hindi bilang fiancée kundi bilang bantay ni Connor. Kailangan niyang bantayan ang bawat kilos ng lalaki dahil natatakot ang daddy niya na magbago ito ng desisyon na pakasalan ang kapatid niya. Sa oras na magalit ang pamilya ni Connor Gray Campbell ay tiyak na babagsak ang negosyo nila. Nalulong sa sugal ang kaniyang ama at ang tanging may gusto lang na tumulong rito para muling makaahon ay ang ama ni Connor. Malungkot na ipinilig niya ang ulo. Gagawin ko ang lahat dahil mahal kita, daddy. Ang gusto ko lang naman ay ang maipagmalaki mo ako. Nagkaroon ng bikig sa lalamunan ni Diana nang maalala ang ama. Inilibot niya ang mga mata sa bawat sulok ng coffee shop. Nang makita ang taong hinahanap ay agad na iprinoseso niya sa utak ang mga impormasyong nakuha niya mula sa ina. Connor Gray Campbell, twenty years old, Business Management student at pareho pa sila ng unibersidad na pinapasukan. Nag iisang apo ni Federico Campbell sa panganay na anak nitong si Gustav Campbell. Kagaya ng epekto sa kaniya ng unang beses na makita niya ang picture ni Connor ay parang binabayo rin ng malakas ang dibdib niya ngayon. Huminga siya ng malalim nang magtama ang mga mata nila ng binata. Habang papalapit siya kay Connor ay parang unti unting mauubusan ng hangin ang dibdib niya. Pakiramdam niya ay bumibilis ang kamay ng orasan dahil iglap lang ay nasa harap na pala siya nito. "H-hi," nahihiyang bati niya sa lalaki. Inayos niya ang suot na salamin at nag iwas ng tingin nang pagmasdan siya ni Connor. Nabasa niya ang pagkalito sa gwapong mukha nito. "Ikaw ba ang fiancée ko?" tanong nito. Mabilis na nilingon niya ito para magpaliwanag. "A-ah, sorry, hindi ako si ate Hasmine," s**t! bakit ba bigla siyang nakaramdam ng panghihinayang na hindi siya ang kapatid niya ng mga oras na iyon? "Okay, tapos na ang usapan." nakataas ang isang sulok ng mga labi na sabi ni Connor at tumayo na. Parang walang pakialam na inayos nito ang suot na baseball cap sa ulo at nilampasan na siya. "Wait-w-what?" gulat na naibulalas niya. See? I told you daddy, hindi magugustuhan ni Connor ang presensiya ko. Kung ikaw nga ay hindi matagalan na makasama ako, papaano pa kaya ang isang ito? Hindi makapaniwalang hinabol niya ang binata nang lumabas na ito ng coffee shop. Dumiretso ito sa parking lot kaya mas lalo pa niyang binilisan ang paglalakad. "Pwede naman siguro na hayaan mo akong magpaliwanag?" pigil niya. "Para saan? look Miss," parang mauubusan ng pasensiya na nilingon siya nito. "Diana Shane ang pangalan ko." napaatras siya nang pumihit paharap sa kaniya si Connor. "Whatever, kung hindi naman pala ikaw ang fiancée ko, bakit nandito ka pa? nagsasayang lang ako ng oras na kausapin ka. May importante pa akong pupuntahan. Sabihin mo sa kapatid mo na hindi ko mapapalampas ang ginawa niya. Kalahating oras akong naghintay tapos ay magpapadala lang siya ng ibang tao?" "Nasa ibang bansa ang ate ko," giit niya. Kailangan nilang palabasin na nasa ibang bansa ang kapatid niya para sa isang fashion show. "What?" sumungaw ang matinding inis sa mga mata ng binata at hindi makapaniwalang tiningnan siya. "At ikaw ano ang ginagawa mo dito?" "P-pasensiya na, pinapunta ako dito ng daddy ko para humingi ng pasensiya dahil hindi nila agad nasabi sa'yo ang biglaang pag alis ni ate Hasmine." kagat labing paliwanag niya. Hindi niya pwedeng ipaalam na naglayas ang kapatid niya dahil malalagot ang pamilya niya. Marahas na napabuntong hininga ang lalaki at nagsalita. "Alam na ba ng daddy ko ang tungkol dito?" "Hindi pa, hindi pa daw macontact ng daddy ko ang mga magulang mo." pagsisinungaling niya. Alam niyang umalis ng bansa ang mga magulang ni Connor dahil nabanggit sa kaniya iyon ng ina. "Fine, pag iisipan ko pa kung mapapalampas ko ang pagkakamali ng pamilya mo." akmang tatalikod na ito pero muli siyang nagsalita. "Pwede naman kitang samahan habang wala pa ang kapatid ko. Magiging magkamag anak na rin naman tayo." suhestiyon niya. Daddy please lang hanapin mo na si ate Hasmine at ibalik agad para matapos na ang paghihirap ko! Kumislap ang pagkagulat sa mga mata ng binata at pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. "No, thanks." malamig na turan nito bago humakbang palayo sa kaniya. Napigil ni Diana ang paghinga dahil sa narinig. Nakakainsulto! Gusto niyang pumalahaw ng iyak dahil daig pa niya ang ibinebenta ang sarili sa isang lalaki na hindi naman niya ganoon kakilala. Pero ano ba ang magagawa niya? lahat siguro ng hilingin ng ama ay gagawin niya makuha lang niya ang atensiyon at pagmamahal nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD