“Mom, balak ko ng isama si Cedee sa Makati sa susunod na araw,” pahayag ni Slyth Aeryx sa ina.
Hindi siya makatulog kaya naisipan niyang lumabas sa balkonahe. Natanaw niyang nakatambay sa gilid ng swimming pool si Aelinor habang may hawak na kopita. Bumaba siya at pinuntahan ang ginang.
“Pero bakit?” Lumingon si Aelinor sa anak, nakakunot ang noo. “Hindi pa kayo ikinakasal.”
“Wala na din namang saysay na hintayin pa na maikasal kami, we’re going to have a child anyway,” tugon niya kay Aelinor sa mapang-uyam na tinig.
“Slyth,” saway sa kaniya ng ina. “Alam kong napilitan ka lang na pakasalan si Czerina. Ramdam ko rin na may galit ka pa para sa kaniya, pero pakiusap lang, respetuhin mo pa rin siya bilang babae.”
Ikinuyom ni Slyth Aeryx ang mga kamao na nakasuksok sa bulsa ng pajama na suot niya. “I’m sorry, Mom. Pero hindi ko magagawa ang gusto mo. Pinakasalan ko na siya, ’yon lang ang kaya kong sundin sa ngayon.”
Subalit hindi niya isinatinig ang mga salitang iyon. “Yes, Mom. Tatandaan ko po ang mga sinabi mo,” sa halip ay tugon niya.
Umaliwalas ang mukha ni Aelinor, lumapit sa kaniya at sinapo ang magkabila niyang pisngi. “Wala ng ibang pamilya si Cedee, anak. Tayo na lang ang meron siya pati na ang magiging anak ninyo. Kaya umaasa akong tatratuhin mo siya nang maayos.”
Hindi siya nagsalita. Isang tipid na ngiti lamang ang itinugon niya sa ginang. Ngunit sa likod ng ngiting iyon ay ang pagkamuhing patuloy na umuusbong para sa dalaga na inakala niyang ginagamit ang kanilang magiging anak upang bilugin ang isip ng ina.
“K-KUYA, parang nalagpasan na po natin ang condo mo?”
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita si Czerina Dulce mula nang sunduin sila ng driver ni Slyth Aeryx na tinawag nito sa pangalang Allan.
May pagtatakang napatingin ang dalaga sa unahang bahagi ng sasakyan bago muling ibinalik sa binata ang tingin.
Sa ilang beses na isinama siya ni Aelinor sa tuwing bibisita sa anak, madali na niyang nakabisa ang daan pati na ang tirahan ng lalaking mapapangasawa.
Kumawala ang isang nakakalokong ngiti sa mga labi ni Slyth Aeryx. “Talagang tinandaan mo pa pati tirahan ko dito, ah?” Tinapunan siya nito ng nang-uuyam na tingin. “Matagal mo na bang binalak na makuha ang katawan ko?”
“K-Kuya...” Napatingin siya kay Allan, kinagat ang ibabang lâbī saka napayuko. Ramdam niya ang pamumula ng magkabila niyang pisngi dahil sa pagkapahiya.
Sa lakas ng boses ng binata, natitiyak niyang narinig ng driver ang mga salitang binitawan ng kaniyang katabi na may halong pangungutya.
Pumalatak si Slyth Aeryx nang mapansin ang pamumula niya. “Don’t tell me na nahihiya kang malaman ng iba ang pagiging ahas mo?” Hinaklit siya nito sa braso. “Hindi ka nga nahiya na nagpagamit ka sa lalaking alam mong malapit na ikasal!” singhal nito sa kaniyang mukha.
“K-Kuya, nasasaktan po ako.” Napatingin siya sa kaniyang braso. Halos bumaon doon ang mga daliri ng binata sa higpit ng pagkakahawak nito.
“Nasasaktan?” nang-uuyam na ulit ni Slyth Aeryx sa kaniyang sinabi. “Kulang pa ’yan sa naranasan ni Atasha! Kaya ihanda mo ang sarili mo, dahil hindi lang ’yan ang mapapala mo sa ’kin!”
Pabalya siyang binitawan ni Slyth Aeryx. Halos patulak ang ginawa ng binata. Nawalan siya ng balanse kaya tumama ang ulo niya sa salamin ng bintana.
Mahinang napadaing si Czerina. Kinapa niya ulo na tumama sa salamin. Halos mapaluha siya sa ginawa ng lalaking katabi, subalit pinigilan niya ang sarili. “Huwag kang iiyak sa harap niya, Czerina Dulce. Baka mas lalo pa siyang matuwa kapag nakita kang nasasaktan at nahihirapan,” mariing paalala niya sa sarili.
Samantala, dumaan ang guilt sa mga mata ni Slyth Aeryx nang hindi sinasadyang masaktan ang dalaga. Mabilis na nag-iwas ng tingin ang binata kay Czerina upang hindi makita ng huli ang awa na bumalatay sa gwapo nitong mukha.
Dahil sa nangyari, hindi na muling kumibo pa si Czerina hanggang sa marating nila ang isang hindi kalakihang bahay na may dalawang palapag. Napipinturahan ang labas niyon ng kulay puti at itim.
Nang makapasok sa loob ng gate ang sasakyan, kaagad na bumaba si Slyth Aeryx na para bang hindi siya kasama. Nagmadali siyang bumaba at sinundan ang binata.
“Why are you following me?” naiiritang tanong nito nang lumingon sa kaniya. “At saka nasaan ang maleta mo?” usisa pa nito.
“A-Ano po kasi...” Hindi malaman ni Czerina kung alin sa mga katanungan ng binata ang una niyang sasagutin.
Ngayon niya lang narating ang bahay ni Slyth Aeryx kaya agad niyang sinundan ang binata. Hindi rin niya magawang makipag-usap kay Allan sapagkat nahihiya pa rin siyang humarap dito matapos nitong marinig ang mga pang-iinsulto sa kaniya ng binata.
“Are you stupid?” asik ni Slyth Aeryx. “Kunin mo ang maleta mo dahil hindi ka prinsesa dito sa pamamahay ko! Dinala kita para pagsilbihan ako, hindi para magpasarap-buhay!”
Bahagyang napaatras si Czerina. Tumahip nang malakas ang dïbdīb niya matapos siyang sigawan ng lalaking mapapangasawa.
Tinalikuran niya ang ang binata at lumapit siya sa driver nito. “K-Kuya, ako na po ang magdadala niyan,” hindi makatinging sambit niya sa lalaki.
Tahimik na inabot ni Allan ang kaniyang maleta. Nagpatiuna itong maglakad upang i-guide siya sa bahay na hindi pamilyar sa kaniya.
“Sumunod po kayo sa ’kin, Ma’am. Ituturo ko po ang magiging kwarto ninyo,” magalang na saad ng lalaki na sa tantiya niya’y hindi lalagpas sa dalawampu’t lima ang edad.
Pagpasok niya sa kabahayan, bumungad sa kaniya ang maaliwalas na sala na inayos sa isang symmetrical seating arrangement:magkaharap ang dalawang pahabang puting sofa at sa gitna ay pahabang kahoy na mesa.
May mga puti at light gray throw pillows na nakapatong sa sofa. Idinuduyan ng pang-umagang hangin mula sa malaking bintana sa bandang kaliwa ang mga kurtina na pawang puti at light gray ang kulay.
Sa dulong bahagi ng sala, nakakabit sa media wall ang isang 65-inch television na napapalibutan ng mga estante. Sa bawat isa ay nakapatong ang maliliit na picture frame nina Atasha at Slyth Aeryx.
Nanikip ang dïbdīb niya pagkakita sa mga larawan. Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang tingin upang hindi na masaktan pa. Kitang-kita sa bawat kuha kung gaano kasaya ang binata habang kasama si Atasha.