CHAPTER 16

1334 Words
“Ano’ng kasal ang pinagsasabi nitong anak mo, Aelinor?!” Dumagundong ang boses ni Silverio nang pumasok ito sa komedor. Halos magkakasabay na napalingon ang mga taong naroroon na abalang kumakain ng tanghalian maliban kay Aelinor. Maging sina Nana Tonya na nagsisilbi sa mga amo nito ay nagulat sa sigaw ng kararating lang na lalaki. Humakbang si Silverio palapit kay Aelinor habang matalim ang pagkakatitig sa ginang. “Hindi mo ba narinig ang tanong ko?” Hinampas nito ang pahabang mesa na gawa sa matibay na uri ng kahoy. “Kamamatay lang ni Atasha! Bakit bigla-bigla ay ikakasal na si Slyth sa kung sinong babae lang?” Bakas sa mga mata ni Silverio ang matinding galit sa kaniya–na kung wala lang ibang taong nakatingin sa kanila’y baka kanina pa siya pinagbuhatan ng kamay. “Sumagot ka, Aelinor!” Muli ay sigaw nito sa asawa. Kalmadong nag-angat ng tingin sa esposo ang ginang. Matamis siyang ngumiti, nais ipabatid sa kabiyak na hindi na siya nito madadala pa sa pasigaw-sigaw. “Kumalma ka, Sil,” ani Aelinor sa malumanay na tinig. Dinampot niya ang linen napkin na nakapatong sa hita, mabagal na pinunasan ang bibig. Hindi na siya nagulat sa biglaang pag-uwi ng kabiyak. Marahil ay naibalita na ni Slyth Aeryx ang tungkol sa nalalapit na kasal ng kanilang anak. Si Czerina naman na tahimik na nakikinig sa mag-asawa ay biglang nakadama ng takot at kaba dahil sa nakikitang galit sa mga mata ni Sliverio. Napayuko ang dalaga, halos hindi na nito malunok ang pagkain. Mabilis ding umalis sa komedor ang mga kasambahay na nakatayo sa gilid at nagsisilbi sa mga kumakain. “Hindi ako makapapayag na magpakasal ang anak ko sa isang babaeng wala namang maipagmamalaki, Aelinor!” sigaw ng matandang lalaki. “Anak natin, Sil,” pagtatama ng ginang sa sinabi ng asawa. “At saka, nakabuntis ang anak mo. Kailangan niyang panagutan si Cedee,” dagdag pa niya, hindi alintana ang galit na nababanaag sa mga mata ng asawa. Tinapunan ni Silverio ng tingin ang dalaga, puno ng disgusto ang mga mata. “Itong babaeng ’to ang pakakasalan ng anak natin?” Dinuro nito si Czerina. “Eh mahirap pa nga ’yan sa daga, eh! Kung hindi mo binigyan ng pabahay ang pamilya niyan baka sa kalsada siya ngayon nakatira!” pang-iinsulto pa nito sa magiging asawa ng anak nila. “Magdahan-dahan ka sa pananalita mo, Silverio!” saway ni Aelinor sa asawa sabay tayo. “Baka nakakalimutan mo, dati ka ring trabahador ng pamilya namin!” Pagtatanggol niya kay Czerina. Nakadama siya ng habag sa dalaga na ngayo’y namumula na ang buong mukha dahil sa pamamahiya ng kaniyang kabiyak. Bumuka ang bibig ni Silverio upang muling magsalita subalit pabagsak na binitawan ni Slyth Aeryx ang kutsara’t tinidor na hawak. “Tama na ang pagtatalo.” Padabog na tumayo ang kanilang anak. “Nakapagdesisyon na ako, Dad. Magpapakasal kami ni Czerina sa Korea sa susunod na buwan bago pa lumaki ang tiyan niya.” “Hindi pwede!” asik ni Silverio sa anak. Subalit hindi na muling nagsalita pa si Slyth Aeryx. Tinalikuran nito ang mga magulang at walang paalam na umalis sa komedor! “Bumalik ka dito, Slyth!” sigaw ng matandang lalaki. Sinundan nito ang binata. Bago tuluyang umalis, lumingon pa sa kaniya ang asawa. “Hindi pa tayo tapos, Aelinor,” nagtatagis ang mga bagang na saad nito. Hindi siya nagpatinag sa matatalim na sulyap ni Silverio. Kung noo’y isang tingin lang sa kaniya ng lalaki ay nanginginig na siya sa takot, ngayon ay balewala na iyon sa kaniya. Matagal siyang naging sunod-sunuran kay Silverio dahil sa labis na pagmamahal dito. Ngayo’y hinding-hindi na siya magpapasakop sa asawa. “CEDEE, ayos ka lang ba?” may pag-aalala sa tinig na tanong ni Aelinor nang makaalis si Silverio. Pinahid ni Czerina ang mga luhang pumatak sa magkabila niyang pisngi. Kanina pa niya kagat ang ibabang labi sa pagpipigil na hindi mapahikbi. Nag-alis muna siya ng bara sa lalamunan bago nagsalita. “A-Ayos lang po ako, Ma’am Lin.” Nagpakawala siya ng isang tipid na ngiti, ngiting nababalot ng lungkot at sakit. Nasaktan siya sa mga pang-iinsulto ni Silverio. Subalit mas masakit para sa kaniya ang katotohanang hindi siya tanggap ng matandang lalaki na maging asawa ng anak nito. Bumalik sa pagkakaupo si Aelinor, inabot ang mga kamay niyang nakapatong sa ibabaw ng mesa saka marahang pinisil. “Huwag mo nang pansinin ang asawa ko,” ani nito, may simpatya sa tinig. “Hindi siya ang pakakasalan at pakikisamahan mo. Kaya hindi ka dapat magpaapekto sa kaniya.” Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. “Mukhang tayong dalawa lang po ang may gusto sa kasalang ito, Ma’am Lin.” “Tatluhin mo na,” anang pamilyar na tinig. Magkapanabay silang napalingon ni Aelinor sa babaeng bagong dating. “Ma’am Santi...” mahina niyang sambit sa pangalan ng ginang. “Hello Santi!” bati naman ni Aelinor sa kaibigan. Nakangiting lumapit sa kanila si Santina, humalik sa pisngi ni Aelinor at naupo sa upuang inokupa ni Slyth Aeryx kamakailan lang. “Ma’am Santi... ’yong sinabi n’yo po kanina...” Dumaan ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata. “Ibig n’yo po bang sabihin... Hindi kayo tutol sa pagpapakasal namin ni Kuya Aeryx?” Halos hindi iyon lumabas sa kaniyang bibig. “Wala ako sa posisyon para tumutol, Cedee.” Nakakaunawang ngumiti si Santina. “Isa pa’y magkakaroon na kayo ng anak. Kailangan niyang panagutan ang dinadala mo.” Nanubig ang mga mata ni Czerina. “M-Maraming salamat po sa pag-unawa, Ma’am Santi,” aniya sa garalgal na tinig. Ikinagagalak niyang malaman na hindi tutol si Santina sa nalalapit na kasal nila ni Slyth Aeryx. Hindi man pabor ang ama ng binata sa kaniya, ang mahalaga, kahit papaano’y nariyan si Aelinor na laging nakasuporta sa kaniya pati na ang kaibigan nito. Hindi siya lubusang masaya sa pagpapakasal nila ng lalaking lihím niyang iniibig. Alam niyang napilitan lang ang binata na panagutan siya dahil sa pamimilit ng ina nito. Kung siya lang ang masusunod, mas gugustuhin pa niyang lumayo na lang at palakihin mag-isa ang magiging anak nila. Ngunit sa kabilang banda, may kasiyahan siyang nadarama na mapapasakaniya na si Slyth Aeryx–ang lalaking mula noon at hanggang ngayo’y itinatangi ng kaniyang puso. “TIGILAN mo ang kabaliwan ninyo ng mommy mo, Slyth!” malakas na sigaw ni Silverio nang makarating sa ikalawang palapag. Nahinto sa paghakbang si Slyth Aeryx matapos marinig ang tinuran ng ama. “Bakit ayaw mong pakasalan ko si Czerina, Dad?” usisa niya nang humarap kay Silverio. Kailanman ay hindi nanghimasok ang kaniyang ama sa mga babaeng naugnay sa kaniya noon bago sila ipakilala sa isa’t isa ni Atasha. Hindi niya maunawaan kung bakit ngayo’y labis ang pagtutol nito na maikasal siya kay Czerina. “Hindi ang katulong natin ang nararapat para sa ’yo, anak,” taas-noong tugon ni Silverio. “Maraming babae ang nagkakandarapa sa ’yo. Mga babaeng nagmula sa mayaman at kilalang pamilya, sila ang dapat mong mapangasawa,” mungkahi nito. “May napipisil ba kayong nararapat sa ’kin?” Nakipagtagisan siya ng tingin kay Silverio. Hindi niya maipaliwanag, subalit tila sinasabi ng kaniyang isip na may malalim na dahilan ang pagtutol ng kaniyang ama sa pagpapakasal niya sa kanilang kawaksi. Mula pagkabata, hindi na niya nakitaan ng amor sa kaniya ang ama. Madalas ay negosyo ang inaatupag nito. Nakakapag-bonding lang silang mag-anak sa tuwing gagawa ng paraan ang kaniyang ina, o hindi kaya’y may mahalagang okasyon sa kanilang pamilya. At ramdam niyang ginagawa lang ni Silverio ang bagay na iyon bilang pagpapakitang-tao sa mga nakakakilala sa kanila. “Meron, at siguradong magugustuhan mo rin siya.” Umaliwalas ang mukha ni Silverio sa pag-aakalang susundin ng binata ang nais nito. “Bukas na bukas din ay ipakikilala ko siya sa ’yo,” dagdag pa ng kaniyang ama habang kumikislap sa tuwa ang mga mata. Hindi siya nagkomento sa sinabi ni Sliverio. Hinayaan niyang maniwala ang ama na susundin niya ang kagustuhan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD