“Halika nga ditong babae ka!”
Nagitla si Czerina Dulce nang marahas na haklitin ni Slyth Aeryx ang kaliwa niyang braso. Nabitawan niya ang kaniyang damit na isinasampay. Kaagad na tinambol nang mabilis ang dib dib niya pagkakita sa binata na nanlilisik ang mga mata habang nakatunghay sa kaniya.
Halos mangamatis ang mukha nito sa tindi ng galit. Tumayo ang mga balahibo niya sa paraan ng pagtitig ng binata. Tila nais siya nitong lamunin nang buo. Kung nakamamatay lang ang mga tingin nito, marahil ay bumigay na siya sa kaniyang kinatatayuan.
“Hindi ko na nga gustong makita ka, bumalik ka pa talaga dito sa pamamahay namin!” bulyaw ni Slyth Aeryx sa kaniya. “Tapos ngayon malaman-laman ko na buntis ka at gusto mong magpakasal tayo. Are you really out of your mind?”
Napangïwi si Czerina sa higpit ng pagkakahawak ng binata. “S-Sorry po, Kuya Aeryx,” naluluha niyang sambit. “Si Ma’am Aelinor po ang nagsabing dumito na muna ako. Gusto niya po kasi na maalagaan kami ng magiging baby n-natin,” katwiran niya.
“Natin?” nang-uuyam na ulit nito sa huling salitang binigkas niya. “At talagang ginagamit mo ’yang nasa sinapupunan mo para lang pakasalan kita?” dagdag pa ng binata habang nagtatagis ang mga bagang. Puno ng pagkasuklam ang mga mata nito.
“Hindi ko po ginagamit ang bata, Kuya,” kaila ng dalaga sa paratang ni Slyth Aeryx. “Sumusunod lang po ako kay Ma’am Lin bilang pagtanaw ng utang na loob.”
“Kalimutan mo na ’yang lintek na utang na loob na ’yan. Lumayas ka dito sa pamamahay namin and never show your face to me again!” Bulyaw nito sa kaniyang mukha. Bahagya pa siyang napaurong sa lakas ng sigaw nito.
Pabalya siyang itinulak ng binata bago siya iniwan sa laundry area. Nanginginig siya sa takot habang sinusundan ng tingin ang lalaki na papalayo sa kaniya. Dumapo ang mga kamay niya sa impis niyang tiyan saka marahang hinaplos.
“Sorry baby, kung umiiyak na naman si Mama. Galit kasi sa ’kin ang daddy mo.”
Bumagsak ang mga luha sa magkabila niyang pisngi. Tahimik siyang lumuha at muling ipinagpatuloy ang ginagawa kahit mabigat ang kaniyang loob.
“ANO’NG kailangan mo?” tanong ni Aelinor kay Slyth Aeryx sa malamig na tinig nang pagbuksan siya nito ng pinto.
Pagkagaling sa laundry area, dumiretso siya sa silid ng ina. Alam niyang nasaktan si Czerina Dulce sa paraan ng pagkakahawak niya sa braso nito subalit wala siyang pakialam. Wala din siyang maramdamang awa para sa babae.
Pakiramdam niya’y ginagamit nito ang pagdadalang-tao upang sulsulan ang ina at pilitin silang magpakasal.
“Mom, can we talk for a moment?” aniya sa mababang tono.
“Tungkol saan?” Sinimangutan siya ng ina.
“About the wedding.”
Humalukipkip si Aelinor. “Kung hindi mo din naman ako pagbibigyan sa hiling ko na panagutan mo si Czerina, huwag na lang tayong mag-usap.” Pagsusungit ng ginang.
Tinalikuran siya ng ina. Subalit maagap niya itong pinigilan. “One week. Please give me one week to think about the wedding.”
Lihim na napangiti si Aelinor. Bahagyang nakadama ng katiting na pag-asa na baka sakaling pumayag ang anak na magpakasal kay Czerina.
“Mommy please... Hayaan mong pag-isipan ko muna ito,” dagdag pa niya.
Humarap ang ginang sa binata, pinanatiling pormal ang anyo. “Sige, I’ll give you one week,” sang-ayon ng kaniyang ina. “Pagkatapos ng isang linggo, nakapagdesisyon ka na dapat.”
“Thanks, Mom!” Tipid siyang ngumiti sa kaniyang ina, saka ito ikinulong sa mga bisig.
“Sana’y makapagdesisyon ka nang mabuti, anak,” ani Aelinor nang kumalas sa kaniyang pagkakayakap. Hinaplos nito ang kaniyang pisngi. “You are my son. Siyam na buwang iningatan at dinala sa sinapupunan ko. Wala akong ibang hangad kundi ang mapabuti ka,” madamdamin nitong saad, bakas ang pagsamo sa mukha.
Tila hinaplos ang puso ni Slyth Aeryx sa mga tinuran ng ina. Kung hindi lamang tungkol sa usaping kasal ang nais nitong ipagawa, kaagad niyang pagbibigyan ang gustong mangyari ng ginang. Subalit kinabukasan niya ang nakasalalay sa pagpapakasal kay Czerina. Kaya hindi siya nito kaagad mapapayag.
Nahihirapang magdesesisyon ang binata. Hindi isang simpleng bagay ang hinihiling sa kaniya ni Aelinor. Kailangan niyang pag-isipan nang mabuti kung ano ba ang mga hakbang na pwede niyang gawin upang hindi siya basta-basta maitali sa isang kasal na labag sa kaniyang kalooban.
Makaraan ang isang linggo, kinausap niya nang masinsinan ang ina. May mga naisip na siyang hakbang upang hindi siya madehado sa isang laban na dalawang babae ang kaniyang katunggali.
“Nakapagdesisyon ka na ba, anak?” usisa ni Aelinor matapos niyang puntahan sa sarili nitong silid. Pilit nitong itinatago ang nararamdamang kaba at pag-aalala na baka hindi pumayag ang anak sa kagustuhan nito.
Tumikhim siya bago nagsalita. “Yes, Mom. Nakapagdesisyon na ako.”
“So, ano’ng desisyon mo?” usisa ng ginang. Dinampot nito ang tasa ng umuusok na tsaa, dinala sa bibig at mabagal na humigop habang naghihintay sa sagot ng binata. Pilit nitong binabalewala ang nararamdamang kaba.
“Papayag na akong magpakasal kay Czerina,” diretsang pahayag niya.
Kaagad na umaliwalas ang mukha ni Aelinor, kumislap sa tuwa ang mga mata.
“Really?” Tumuwid ng upo ang kaniyang ina. “Sabi ko na nga ba at hindi mo ako bibiguin, anak,” maluha-luha nitong sambit.
“Pero may mga kasunduan ako na dapat ninyong sundin.”
“Sure! Sure! Ano ’yon?” Inurong ni Aelinor ang tasa kahit wala pa sa kalahati ang bawas. “Sabihin mo lang, mapag-uusapan natin ’yan.”
“Una, gusto kong sa ibang bansa kami magpakasal,” panimula ni Slyth Aeryx sa pagsasalaysay tungkol sa kaniyang kasunduan sa pagpayag na maikasal kay Czerina.
Pinagsalikop ni Aelinor ang mga kamay na nakapatong sa round table habang tahimik na pinakikinggan ang mga sinasabi ng anak.
Halos kamamatay lang ng kaniyang fiancee, ayaw niyang maging usap-usapan ng mga tao kapag nalamang nagpakasal siya kaagad. Hangga’t maaari din ay ayaw niyang ipaalam sa kahit na sino ang pagpapakasal niya sa ibang babae, lalo pa at wala siyang pagmamahal sa dalaga.
“Pangalawa, gusto kong sa Makati kami titira pagkatapos ng kasal, hindi dito sa isla.”
Kumunot ang noo ng ginang sa naging pahayag ng binata. Subalit nanatiling tikom ang bibig kahit bakas sa mga mata nito ang pagtutol sa pangalawang kasunduan na kaniyang binanggit.
“At ang pinakahuli, kapag hindi ko siya natutunang mahalin sa loob ng anim na buwan, ipapawalang bisa namin ang kasal. Makikipaghiwalay ako kay Czerina.”
“Makikipaghiwalay?” Napalitan ng kalituhan at pagtutol ang kaninang maaliwalas na mukha ng kaniyang ina. “Hindi pa nga kayo ikinakasal paghihiwalay na agad ang nasa isip mo!” Tumaas ang tinig ng ginang, bakas ang iritasyon sa mukha nito.
“Mom, pumayag na ako sa gusto mo. Hindi madali ang magpakasal sa taong wala kang pagmamahal.” Ikinuyom niya ang mga kamao na nakapatong sa ibabaw ng kaniyang hita. “Susubukan ko naman siyang mahalin sa loob ng anim na buwan,” wala sa loob na sambit niya.
Hindi si Czerina ang tipo ng babaeng gusto niyang makasama sa iisang bubong. Ayaw niya sa kagaya nitong masiyado pang bata para sa ngalan ng pag-aasawa. Ang gusto ay yaong matured na mag-isip, ’yon tipong madaling makaunawa sa mga bagay-bagay.
Ibinaling ni Aelinor sa ibang direksiyon ang mga mata. Huminga nang malalim, pilit inuunawa ang desisyon ng anak.
“Sige, payag na ako,” napipilitang sang-ayon ng ginang. “Pero ang tungkol sa pagtira ninyo sa Makati, hindi,” mariing tutol nito.
“Wala akong makakasama dito sa bahay. Ang daddy mo ay mas gusto doon tumira kaysa dito.” May dumaang galit sa mga mata ni Aelinor, subalit hindi iyon pinagtuunan ng pansin ni Slyth Aeryx sa pag-aakalang ang galit na nakita sa mga mata ng ina ay para sa mga kasunduang binanggit niya. “At isa pa’y gusto kong personal na maalagaan sina Czerina at ang magiging apo ko.”
“Pauuwiin ko na si Daddy dito.” Isinandal niya ang likod sa sofa. Ipinatong ang magkabilang siko sa armrests ng upuan.
Bihirang umuwi si Silverio sa kanila. Kung umuwi ma’y agad ding bumabalik sa condo unit nito. Sa dalang nitong umuwi, pakiramdam niya’y napapabayaan na nito ang ina. Kaya balak na rin niyang kumbinsihin ang ama na mamalagi na lang sa kanilang tahanan.
May dumaang lungkot at pangungulila sa mga mata ni Aelinor ngunit dagli ring napalitan ng poot. “Huwag mo na siyang pilitin.”
Muli ay nagtaka siya sa inakto ng ina. Subalit ipinagwalang-bahala niya iyon. Mas nakatuon ang isip niya sa pagkumbinsi sa ginang upang mapapayag ito sa kaniyang gusto.
“Ako ang mag-aalaga kay Czerina dahil ako ang asawa niya,” kapagkuwa’y sambit niya. “Paano namin mas makikilala ang isa’t isa kung may ibang tao kaming makakasama sa iisang bubong?”
“Ibang tao ang tingin mo sa ’kin?” may pagdaramdam sa tinig na saad ni Aelinor.
“Hindi sa gano’n.” Napakamot siya sa ulo. “Gusto kong masolo si Czerina upang mas maging malapit kami sa isa’t isa.” Pangungumbinsi niya kay Aelinor. “Don’t worry, dadalaw kami dito nang madalas kapag safe sa kaniya ang bumiyahe.”
Sa huli ay napapayag ni Slyth Aeryx ang kaniyang ina sa pag-aakalang tutuparin niya ang huling sinambit. Magaan ang dib dib na lumabas siya sa silid nito. Sa isip ay marami na siyang nabuong plano kung paano pahihirapan si Czerina upang ang dalaga na mismo ang kusang makipaghiwalay sa kaniya.