“Cedee, ayos ka lang ba?” may pag-aalala sa tinig na tanong ni Sebastian kay Czerina Dulce.
Agad na tumayo ang binata at lumapit sa kaniya nang bigla siyang tumakbo sa lababo at dumuwal.
Nagmumog siya at hinugasan ang bibig bago humarap kay Sebastian.
“A-Ayos lang po ako, Kuya Baste,” tugon ng dalaga sa lalaki na sampung taon ang agwat ng edad sa kaniya.
Isang buwan na magmula nang tumira sila ni Sebastian sa bahay na binili ni Aelinor upang pansamantala niyang tirahan.
May tatlong kwarto ang naturang bahay. Inookupa niya ang isa sa dalawang silid sa itaas, at kay Sebastian naman ang nag-iisang silid sa unang palapag.
Ang kuwento noon sa kaniya ni Czarina, labing-dalawang taong gulang pa lang ang binata ay nagtatrabaho na ito kay Aelinor. Malaki ang tiwala ng kanilang amo sa lalaki kaya hindi siya naiilang na makasama ito sa iisang bubong.
“Sigurado ka ba?” tila hindi kumbinsidong usisa ni Sebastian. Itinaas nito ang kaliwang kamay, sinàlât ang kaniyang noo. “Namumutla ka, pero hindi ka naman mainit.”
“Opo, ayos lang po talaga ako,” pagkakaila ni Czerina kahit ang totoo’y nakakaramdam siya ng hilo.
Kasalukuyan niyang iginigisa sa mantika ang bawang. Isasangag niya ang natirang kanin ng nagdaang gabi subalit biglang bumaliktad ang sikmura niya sa amoy nito.
Nahihiya siyang ipaalam kay Sebastian ang totoong dinaramdam ng kaniyang katawan. Natitiyak niyang ipapaalam kaagad nito ang kalagayan niya kay Aelinor. Ayaw niyang dumagdag pa sa alalahanin ng ginang.
“Sige. Basta kung masama ang pakiramdam mo magsabi ka kaagad, ha?” nag-aalalang sambit ng binata bago bumalik sa mesa at itinuloy ang pagkakape.
Ipagpapatuloy na dapat ni Czerina ang pagluluto, akmang pipihitin na niya ang kalan subalit bigla ay naramdaman niyang umiikot ang kaniyang paningin.
Napahawak siya sa ulo.
“Cedee? Ano’ng nangyayari sa ’yo?”
Mabilis na tumayo si Sebastian. Nang makalapit kay Czerina’y biglang nabuwal sa kinatatayuan ang dalaga.
“Cedee!” sigaw ng binata. Maagap nitong sinalo ang dalaga na nawalan ng malay.
Binuhat ni Sebastian si Czerina. May pagmamadali sa kilos na isinakay sa sasakyan upang dalahin sa pinakamalapit na ospital.
Mabilis na pinatakbo ng binata ang puting hatchback subalit naroroon pa rin ang pag-iingat upang hindi maaksidente.
Makaraan ang halos tatlong minuto ay nagkaroon din ng malay si Czerina. Gayunpaman, nagpumilit pa rin si Sebastian na isugod siya sa ospital upang malaman kung ano ang dahilan at siya ay nawalan ng malay.
“Ayos na po talaga ang pakiramdam ko, Kuya Baste. Huwag na tayong tumuloy,” giit ng dalaga kahit nakakaramdam pa rin siya ng kaonting hilo.
“Medyo maputla ka pa. Kaya tutuloy pa rin tayo,” may pinalidad sa tinig na sambit ni Sebastian.
Hindi na muling nakipagtalo pa si Czerina. Hinayaan na lang niya ang binata sa gusto nitong gawin. Masiyadong over protective sa kaniya ang lalaki, at naunawaan niya iyon sapagkat ito ang naatasang magbantay sa kaniya.
“BAKIT nakaimpake ’yang mga damit mo? Aalis ka?” nagtatakang tanong ni Sebastian kay Czerina nang umakyat siya sa silid nito.
Hawak niya ang isang tray na naglalaman ng isang mangkok ng umuusok na tinolang manok, isang platong kanin, tag-isang baso ng gatas at tubig, at isang hiwa ng hinog na papaya.
Hila ni Czerina ang isang hindi kalakihang maleta na naglalaman ng mga damit at ilang mahahalagang gamit. Habang sukbit naman sa kaliwang braso ang itim na backpack.
Pagkagaling nila sa ospital, agad niyang inutusan ang dalaga na umakyat sa sarili nitong silid at magpahinga.
Walang nakitang problema sa kalusugan ni Czerina, kaya sinubukan ng Doctor na mag-pregnancy test ang dalaga matapos ang ilang katanungan tungkol sa mga pagbabagong naramdaman nito sa katawan.
At upang mas makatiyak na nagdadalang-tao ang dalaga, sumailalim din ito sa transvaginal ultrasound–doon nakumpirma nilang buntis nga ang babae na labis nitong ikinatuwa.
Kaya nagmadali siyang magluto pagkatarating nila sa bahay sapagkat hindi pa nalalamanan ang sikmura ni Czerina mula nang umalis sila at pumunta sa ospital. Ayaw din naman nitong um-order siya ng pagkain sa isang fast-food restaurant.
“Opo, Kuya Baste,” matatag na tugon ng dalaga. “Kailangan ko pong makalayo dito at mamuhay ng tahimik.”
Halos mag-isang linya ang kilay ni Sebastian sa mga tinuran ni Czerina. “Hindi ka pwedeng basta na lang umalis, Cedee. Kailangan mo munang magpaalam kay Ma’am Lin,” tutol niya sa nais gawin ng dalaga.
“Ikaw na lang po sana ang magsabi kay Ma’am Lin, Kuya Baste. Nahihiya pa akong humarap sa kaniya.”
“At bakit ako? Kita mong pinababantayan ka nga sa ’kin tapos gusto mong ako pa ang magpaalam para sa ’yo?” tugon niya sa dalaga, bakas ang pagtutol sa mga mata. “At saka saan ka pupunta sa kalagayan mong ’yan? Wala kang kamag-anak dito, kailangang may makakasama ka dahil buntis ka.”
“Sige na naman po, Kuya Baste,” pagpupumilit pa ng dalaga.
Napailing si Sebastian sa nais mangyari ni Czerina. “Tsk! Pumasok ka na nga lang muna doon sa loob, nangangalay na ako dito,” kunwari ay nauubusan ng pasensiyang utos ng binata.
Hindi niya gustong sungitan ang dalaga, ngunit kailangan niyang mapigilan ito sa gustong nitong gawin hangga’t hindi pa niya naibabalita kay Aelinor ang kalagayan nito.
Napilitang sumunod si Czerina sa utos ng binata. Hinila niya at iginilid sa pader ang malerang hawak bago muling bumalik sa loob ng kwarto.
“Kumain ka muna.” Inilapag ng binata ang tray sa mesa na nasa tabi ng kama. “Gutom lang ’yan kaya kung ano-ano na ang naiisip mo.”
Napanguso ang dalaga, lumapit ito sa kama at naupo.
“Masarap ’yan, Cedee, magugustuhan ’yan ni baby.” Nakangiting hinila ni Sebastian ang mesa palapit kay Czerina.
“Pagkatapos ko bang kumain, papayagan mo na akong umalis?” nanantiyang tanong ng dalaga.
Dumoble ang gatla sa noo ni Sebastian. Napakamot siya sa ulo. “Ang sabi ko, kumain ka na muna. Mamaya na natin pag-usapan ang tungkol diyan kapag tapos ka na kumain.”
Humugot ng malalim na paghinga si Czerina. “Sige po.” Dinampot nito ang kutsara at tinidor, saka sinimulang kumain.
Nang magsimulang kumain ang dalaga, hinila ni Sebastian ang upuang kahoy na nasa tapat ng tokador. Naupo siya doon. Matiyaga niyang hinintay si Czerina na makatapos sa pagkain.
“Konti lang ang kanin mo kaya ubusin mo ’yang gulay,” utos niya sa dalaga. Tila isa siyang ama na pinagsasabihan ang paslit na anak.
Napasimangot si Czerina. “Hindi naman ako nagsayang ng pagkain kahit kailan, eh.”
Mahina siyang natawa. “Mahigit one month ka pa lang na nagbubuntis. Hindi ka pa malakas kumain niyan.”
Hindi siya nagsandok ng maraming kanin. Mas dinamihan niya ang gulay na papaya. Alam niyang wala pa gaanong gana kumain ang mga babae sa unang buwan ng pagbubuntis.
Mahigit isang linggo na niyang napupuna na kakaonti parati ang kinakain ni Czerina. Napansin niya rin ang pagiging antukin nito.
Minsan na siyang nagduda na nagdadalang-tao ang dalaga, subalit wala naman siyang nakilala na naging nobyo nito kaya binalewala niya na lang iyon.