"Angel, hija?" Napatingin si Angel kay Manang Tessa na pumasok sa kwarto.
"Bakit ho, Manang?" tanong niya saka bumalik sa pagtitiklop ng mga damit.
"Narinig ko ang nangyari kanina, ayos ka lang? "
Napakagat-labi siya para pigilan na naman ang nagbabadya niyang mga luha saka ngumiti kay Manang Tessa. "Oo naman po, Manang. Bakit naman po ako hindi magiging okay?" Napayuko siya para hindi nito makita ang lungkot sa mga mata niya. "Alam niyo naman na sanay na akong pinapagalitan niya." Tumawa siya pero halata namang pilit. "Sanay na po ako."
Nagulat siya ng bigla siyang yakapin ni Manang Tessa. "Okay lang ‘yan, hija. Iiyak mo lang. Nandito lang ako. Handang dumamay sa ‘yo."
Nanlaki ang mga mata niya saka unti-unting naiyak dahil sa sinabi nito. Niyakap nya ng mahigpit si Manang Tessa saka parang bata na umiyak.
"Nasasaktan ako, Manang. Masakit. Sobrang sakit." Pinunasan niya ang mga luha niya. "Sanay naman ako na pagalitan niya, sigawan, pero hindi ako sanay na sabihan niya ng malandi na kahit kailan ay hindi ko naman ginawa. Masama na ba ngayon ang makipagkaibigan? At isa pa, mabait naman si Mike. Hindi ko siya kakaibiganin kung hindi, nararamdaman ko din naman na mabait siya. Magaan ang loob ko sa kanya."
"Alam ko. Kahit ako nga ay nararamdaman ko na mabait siyang bata."
"Iyon na nga, Manang eh. Nararamdaman nating pareho, pero parang siya ay may galit do’n sa tao. Wala namang ginawang masama sa kanya si Mike. Hindi ko siya maintindihan, Manang. Ang hirap niyang basahin."
Napabuntong-hininga na lang si Manang Tessa saka hinaplos ang likod niya. "Pagpasensyahan mo na siya, hija. Ako na ang humihingi ng pasensya para sa kanya."
Hinawakan niya ang dalawa nitong kamay. "Hindi niyo ho kailangan humingi ng pasensya, Manang Tessa. Hindi naman kayo ang may kasalanan. Hindi niyo ho responsibilidad ang humingi ng paumanhin sa nagawa niyang kasalanan."
"Napakabait mo talagang bata." Ngumiti sila sa isa't-isa. "May itatanong pala ako sa ‘yo."
"Ano po 'yon, Manang?"
"May gusto ka ba kay Mike?"
Natawa siya sa tanong nito. "Ano ba namang klasing tanong 'yan, Manang. Syempre wala. Kaibigan lang po talaga ang turing ko sa kanya. Alam niyo naman kung kanino ako may gusto."
"Hanggang ngayon ba gusto mo pa rin siya kahit na na sinaktan ka niya?"
Napabuga siya ng hangin. "Ewan ko nga, Manang, eh. Nakakainis dahil gusto ko pa rin siya kahit na sobrang sakit ng sinabi niya. Ay, ewan. Basta sa ngayon ayaw ko muna siyang pansinin. Masyado pa pong masakit sa puso ang sinabi niya."
"Ibig sabihin hindi na ikaw ang magsisilbi sa kanya?"
Napaisip siya. "Siguro ako pa rin. Wala naman kasing naglalakas ng loob na pagsilbihan siya. Si Daisy ayaw na din dahil natatakot na pagalitan. Pero kahit ako ang magsisilbi sa kanya ay hindi ko siya papansinin. Bahala siya sa buhay niya."
NAGWAWALIS si Angel sa sala ng nakangising lumapit sa kanya si Daisy. May mapang-inis itong tingin sa kanya.
"Ano na, Angel? Ang bilis ng karma no?" Hindi niya ito pinansin saka nagpatuloy lang sa pagwawalis. "Yan kasi, masyado kang assuming. Porque gusto ni Sir David, ang kape mo ay aasta ka na kung sino ka. Akala mo ikaw na ‘yung gusto niya."
Tiningnan niya ito ng walang gana. "Baka ikaw ang assuming at hindi ako. Hindi naman kasi ako nag-a-assume na magkakagusto din sa akin si Sir David, hindi katulad mo. Porque hindi ka niya pinagalitan ay mabait na siya agad sa ‘yo. Ina-assume mo na agad may gusto siya sa ‘yo." Napatiim-bagang ito at hindi nakasagot. "Hindi din ako umasta ng kung sino, baka nakakalimutan mong gawain mo 'yon no’ng araw na ikaw pa ang nagsisilbi kay Sir David. At ipinagkalat mo pa talaga na may gusto siya sa ‘yo."
"Shut up!" Duro nito sa kanya pero hindi sya nagpatinag. Kahit kailan ay hindi siya matatakot kay Daisy.
"You shut up! Ilang beses kong sinabi sa ‘yo na hindi ako nakikipagkopetensya, pero dinidiin mo pa rin. Ikaw din naman ang may kasalan kung bakit ka nasasaktan ngayon. Gusto mo kasi na dapat magustohan ka rin niya. Para sabihin ko sa ‘yo, Daisy. Kapag may gusto ka sa isang tao huwag kang umasa na magugustohan ka din niya dahil masasaktan ka lang kapag hindi nangyari ang gusto mo."
Umalis na siya saka iniwan ito ng tulala. Nakatiim-bagang ito at alam niyang mas nagagalit ito sa kanya ngayon, pero wala itong masabi dahil totoo naman ang sinasabi niya.
Kahit kailan hindi siya umasa na magugustohan din siya ni David. Ang gusto niya lang ay makita itong ngumiti at tuparin ang pangako niya kay Manang Tessa. Hindi naman kasi pwede na kapag gusto mo ang isang tao ay dapat magustohan ka na din niya. May time na magkakagusto nga siya pabalik at maswerte ka kapag gano’n. Pero kung hindi, well, malas ka. You can’t force someone to love you back just because you love them.
TAHIMIK na inilagay ni Angel ang kape ni David sa mesa. Napatingin si David dito, pero nakatingin lang ito sa malayo at nakatayo ng matuwid. Tiningnan niya ang tasa at lihim na napabuntong-hininga dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nakalagay na sticky note sa tasa.
Ilang araw na ang lumipas simula ng huli silang mag-usap o sabihin na nating n’ong araw na nag-away sila. No’ng araw na hindi niya sinasadyang mapaiyak ito. Hindi niya sinasadya na pagsabihan ang dalaga na malandi at paiyakin ito.
Ang totoo niyan ay hindi naman talaga siya gano’n kagalit ng makita ang ibang bulaklak na natuyo, mas nagalit lang siya ng makita ang ngiti ng dalaga. Magkaiba kasi ang nakikita niyang ngiti nang araw na 'yon habang kausap siya nito, kaysa sa tuwing kausap nito si Mike. Ang ngiting binibigay nito noon sa kanya ay siya na ding binibigay nitong ngiti sa binata.
Naiinis siya na may iba na itong nginingitian at ang mas kinaiinisan pa niya ay napapatawa ng Mike na 'yon ang dalaga na ni minsan ay hindi niya nagawa o narinig man lang ang pagtawa nito.
Hindi niya alam kung bakit naiinis siya sa isiping napapatawa ng Mike na 'yon ang dalaga. Wala naman siyang gusto dito. Napatigil siya sa naisip saka napailing.
"It can't be." Napatingin siya sa dalaga na ngayon ay nagwawalis sa harden. "It can't."
Umalis siya saka nagtungo sa bahay ng kaibigan niyang si Denver. Nang buksan ni Denver ang pinto ay nagulat siya ng makita si David na nasa harap ng bahay niya. Hindi pa nga siya nakaka-recover sa pagkagulat ay pumasok na ito saka prenteng naupo sa sofa.
"Welcome ha," sarkastiko niyang sabi saka sinara ang pinto. "Hindi pa nga kita pinapapasok, pumasok ka na agad. Alam mo umaabuso ka na." Nagkasalubong ang dalawa niyang kilay ng makitang nakatingin ito sa kisame habang nakasandal sa sofa. "Mukhang ang laki ng problema natin ah."
"I have a question." Bigla itong tumitig sa kanya ng seryoso.
"Ano naman 'yon?"
"How can you tell... I mean, how can you really tell that you like someone."
"Damn, dude! Don't tell you realize that you really like me. Oh no!" Kumaway-kaway pa ito. "You have to stop it. Alam mo naman na gusto ko si Monicca. Best friend kita, dude, kaya ayaw kong saktan ka pero mahal ko si Monicca. Ayaw din kita saktan pero..."
Napapikit ng mariin si David dahil sa namumuong inis. Hindi niya matandaan kung paano niya naging kaibigan ang baliw na ito. Kung paano niya natitiis ang kabaliwan nito. Parang no’ng nagbigay ng kaibigan ang mundo ito na lang ang natira para sa kanya at wala na siyang choice dahil wala ng ibang pagpipilian.
"If you don't stop talking those shitty things, I'm going to---"
"Ano bang problema?" Sinamaan niya ito ng tingin, pero ngumiti lang ito ng malaki.
Huminga na lang siya ng malalim, pinapakalma ang saril dahil baka makalimutan niyang ito lang ang kaibigan niya at mapatay pa niya pa ito. Kailangan niya ding pakalmahin ang sarili dahil ito na lang talaga ang makakausap niya. Kahit minsan hindi matino itong kausap. Pagtyatyagaan na lang niya.
"I told you, how can you tell if you really like a girl?"
"Hmm, si Angel ba pinag-uusapan natin?"
"Just answer my f*cking question."
"Okay, okay." Natawa ito. "Ang high blood naman nito. Well, hindi ako sure, pero noong na-realize ko na gusto ko pala si Monicca ay ‘yun 'yong time na na-miss ko siya kapag hindi ko siya nakikita. Parang ang tahimik ng buhay ko kapag hindi ko naririnig ang boses niya. Kahit maingay ‘yun ay ayos lang. Tanggap ko ang pagkamaingay niya."
May gano’n din siyang naramdaman kay Angel. No’ng time na sa condo siya umuuwi para hindi niya makita ang makulit na dalaga. Dapat ay maging masaya siya dahil wala ng kumukulit sa kanya, pero may parte sa kanya na nami-miss niya ito. Ayaw man niya aminin, pero 'yon ang nararamdaman niya.
No’ng pumunta nga ito sa kompanya niya ay naiinis siyang aminin na natutuwa siyang nakita niya ito, kahit sa malayo at kahit sandali lang. No’ng time na nagkasakit siya, parang may humaplos sa puso niya dahil sa pag-alaga nito sa kanya. Hindi niya inaasahan na aalagaan siya nito sa kabila ng pagiging masungit niya dito.
Aaminin niya, unti-unting nagiging malambot ang malabato niyang puso. Unti-unting nalulusaw nito ang pagkamasungit niya sa pamamagitan ng maganda nitong ngiti.
"Tapos kapag nakita mo siyang may kasamang ibang lalaki, tapos katawanan pa niya. Ay nako, ang sarap pumatay, dude. Selos tawag do’n, dude. Sa sobrang selos mo napapagalitan mo na lang siya kahit hindi naman valid ang reason mo. Amputek! Para kang mamamatay sa kaseselos kasi mas napapasaya siya ng ibang lalaki kaysa sa ‘yo--- Oh, dude? Saan ka pupunta?" Bigla siyang tumayo saka umalis. "Hoy?" tawag nito sa kanya, pero hindi na niya ito pinansin. "Pambihirang lalaking 'to oh. Susulpot dito bigla tapos aalis ng walang paalam," iiling-iling na sabi ni Denver.
Mabilis na nagmaneho si David pauwi ng mansyon. Ngayon niya lang napagtanto ang lahat ng nangyayari sa kanya.
Kaya pala umiinit ang dugo niya noong nakita niya si Mike at parang gusto niya itong patayin ng yayain nitong lumabas ang dalaga. Kaya pala naiinis siya kapag nakikita niyang tumatawa ang dalaga kapag kausap ang binata. Sa sinabi ni Denver ay mas na komperma niya ang nararamdaman. Kaya pala...
Dahil may gusto na siya kay Angel.