Isang linggo na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ni Angel si David. Ang sabi ng mga kasama niya ay masungit ang binata, pero gusto niya pa rin makilala ito at makausap para magpasalamat sa pagpayag na dito muna siya sa mansyon nito. Hindi lahat ng tao ay maswerte gaya niya na may taong tutulong sa taong hindi nito kilala.
Malaki ang utang na loob niya dito. Kung hindi ito pumayag na manirahan muna siya dito ay hindi niya alam kung nasaan na siya ngayon. Baka nagpalaboy-laboy na siya sa daan ngayon. Walang tirahan at gutom na. kaya gagawin niya ang lahat para makabayad ng utang na loob dito. Kahit ilang taon pa siyang magtrabaho sa mansyon.
Napalabi siya ng maalala ang mukha nito nang gabing makita niya ito. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang makita ulit ito. Napangiwi siya, imposibleng gusto na niya agad ito gayong hindi naman niya talaga nakita ang buo nitong mukha.
"Tulala ka dyan." Napaayos siya ng tayo ng marinig niya ang boses ni Manang Tessa.
"Pasensya na, Manang." Paghingi niya ng paumanhin dito saka nagpatuloy sa pagpunas ng bintana. "Siya nga po pala, Manang. Bakit hindi ko po nakikita si Sir David?" painosente niyang tanong para hindi maghinala ang Mayordoma kung bakit niya hinhanap ang binata.
"Bakit mo naman natanong?"
Napakagat-labi siya. Akala niya ay hindi na ito magtatanong. "Gusto ko lang po kasi sana magpasalamat sa kanya dahil pinatuloy niya ako dito." Napanguso siya.
Totoo naman kasi na gusto niyang magpasalamat dito at syempre para makita na din ito. Nagtaka siya ng biglang bumuntong-hininga ang matanda. Parang may problema kasi ito.
"Ewan ko ba sa batang, iyon. Ang aga kung umalis para pumasok tapos gabi na masyado kung umuwi. Tapos ngayon ay umalis para sa business trip." Napatango na lang siya sa sinabi nito.
Kaya pala hindi niya ito nakikita nitong mga nakaraan dahil umalis pala ito para sa isang business trip. Hindi niya maiwasan na mapakunot-noo dahil nakita niyang may bahid ng pag-aalala ang mukha ng matanda.
"Bakit, Manang? May problema ba?" Bumuntong-hininga na naman ito, mukha talagang may problema.
"Nag-aalala kasi ako kay David."
"Bakit naman po?" pag-uusisa niya.
Bakit ba? Curious lang siya. Gusto niya din malaman kung bakit ito nag-aalala sa isang binatang malaki na. Kaya naman na siguro nito ang sarili nito.
"Masyado na kasi siyang lulong sa trabaho niya. Hindi na nakakapagpahinga ang batang iyon. Hindi ko nga alam kung nakakakain ba ng maayos iyon." Tinapik niya ng mahina ang balikat ni Manang Tessa para pagaanin man lang ang loob nito.
Nakikita talaga niya sa mukha ng matanda ang pag-aalala para sa binata. Naikwento na kasi sa kanya ni Manang Tessa na ito na nga ang nagpalaki sa binata simula ng mamatay ang mga magulang nito, kaya natural na para dito na mag-alala ito. Tinuring na rin nito na sariling anak ang binata.
"Hindi naman ho siguro niya pababayaan ang sarili niya, lalo na’t alam niya na mag-aalala kayo sa kanya." Nginitian niya ito at mas napangiti siya ng mapangiti na din ang matanda.
GABI na pero nasa labas pa rin ng mansyon si Angel. Hindi siya makatulog kaya naman napagdesisyonan niyang magpahangin sa harden at nagbabakasakali na dalawin ng antok. Napatingin siya sa langit at napangiti ng makitang maraming mga bituin ngayong gabi.
Napakapayapa ng langit, sana ganoon din ang buhay niya. Hindi niya tuloy maiwasan na mapangiti ng mapait. Hanggang sana na lang siya dahil hanggang hindi pa rin bumabalik ang mga alaala niya ay hindi talaga magiging mapayapa ang buhay niya, at hindi siya mabubuhay ng normal.
Hindi madali ang mawalan ng alaala, hindi mo alam kung papaano kumilos o kung paano mabuhay. Para kang isang sanggol na bagong silang, walang kamuwang-muwang, walang alam sa mundo at sa nangyayari. Mabuti pa nga siguro ang sanggol ay lalaki ito at gagawa ng mga alaala, samantalang siya na malaki na ay wala man lang maalaala sa naging buhay niya noon.
Hindi niya alam kung ano siya dati, kung sino siya, kung mabuti ba siya noon o masama. Minsan naiisip niya na baka masama siya kaya nangyayari ito sa kanya. Pinaparusahan siya ng Diyos. Kung sakali mangmasama siya noon ay siguro binigyan siya ng Diyos ng pagkakataon para magbago.
Napatingin siya sa direksyon kung saan ang garahe ng makarinig ng tunog ng sasakyan. Agad siyang napatayo ng mapaisip na baka si David ang dumating. Hindi niya maiwasan na mapangiti sa iisiping makikita na din niya ang binata. Agad siyang pumasok sa mansyon.
"Magandang gabi, Sir." bati niya sa binata ng makita itong bagong pasok.
Biglang napatigil sa akmang paglalakad ang binata ng magsalita siya. Kahit liwanag lang na nagmumula sa buwan ang nagsisilbing liwanag sa kanila ay nakangiti pa rin siya.
"Why are you still awake?" malamig nitong tanong sa kanya.
Napalabi naman siya. "Hindi po kasi ako makatulog." pagpapaliwanag niya. "Nagugutom ka ba? Gusto mong ipagluto kita? Sandali lang." Pupunta na sana siya ng kusina para paghandaan ito ng pagkain ng bigla itong magsalita.
"Don't bother." Nagsimula na itong maglakad sa hagdan.
"P-pero, Sir---"
"I don't like to repeat myself," malamig pa rin nitong sabi kanya dahilan para napalunok siya.
"Sige po, Sir."
Nakatingin lang siya sa likod nito habang naglalakad paakyat ng hagdan. Hindi niya maiwasan na mapabuntong-hininga ng tuluyan na itong mawala sa paningin niya. Napanguso na lang siya dahil tama nga ang sinabi ni Krizza sa kanya, masyadong masungit ang binata. Bukas na lang niya ito pasasalamatan, masyado na din kasing gabi at kagagaling lang ng binata sa business trip kaya sigurado siyang pagod ito.