Kasalukuyan siyang nakatayo sa may paanan ng kama sa nursery room. Ang magtiyuhin na Ford at Klein kasi ay nakahilata na roon. Binabasahan nito ng bed time story ang pamangkin habang nakaunan sa braso nito. Si baby Ri naman ay nasa kuna pa. Iniisip kasi niya na baka madaganan o masipa ng mga ito ang bata kawawa naman.
Umangat ng tingin sa kaniya si Ford. "Ba't nakatayo ka pa riyan? Matutulog ka ng nakatayo?" buska nito sa kaniya. Mainit pa rin ang ulo niya rito pero parang walang yatang balak ito na tumigil at lalo pang ginagatungan ang inis niya.
"Eh kung sipain ko kaya iyang happiness mo, nang iyan naman ang hindi tumayo?"
Umawang ang labi nito at tila nagsasayaw ang mga mata. Ibinaba ang story book na hawak at tinakpan ang tainga ni Klein na buti na lang at nakatulog na. Mahina lang din ang palitan nila ng pambubuska dahil sa dalawang batang natutulog.
"Ang harsh! Nakooo, huwag muna at hindi ko pa nakikita ang lahi ko Mama Viel. Bibigyan ko pa ng kalaro si Klein at Ri," sambit nito sa pagitan ng panaka-nakang mahinang pagtawa.
Sa inis niya ay binato niya ito ng takip ng feeding bottle na agad naman nitong sinalag.
Nakasimangot siyang pumunta sa crib at maingat na kinuha mula roon ang natutulog na si baby Ri. Inilapag niya ito sa kama, ang kama nito sa nursery ay nasa lapag ang kutson. Mas ligtas kasi ito sa baby kung sakaling mahulog ay hindi mataas at napapaligiran pa ng malambot na carpet. Malaki rin ito kaya pihadong kasya silang apat.
Ipinuwesto niya ang bata sa may dulo sa may pader, hinarangan niya ng unan ang paligid nito. Nilingon niya ang magtiyuhin at nakita na tulog na rin pati si Ford. Ang posisyon ng higa nila mula sa pader ay si Baby Ri, siya, si Klein at Ford.
Humiga na rin siya at antok na antok na siya at mabilis na nakatulog. Hindi nila namalayan na bumangon si Klein para umihi at pupungas-pungas na bumalik pero sa tabi na ni baby Ri ito pumwesto. Kaya ang pwesto na nila ay si Ford, siya, si Klein at si baby Ri.
Naalimpungatan siya na parang hindi siya makahinga at may mabigat na nakadagan sa kaniya. Nagmulat siya ng mga mata para lang mabungaran ang guwapong mukha ni Ford na mahimbing na natutulog. Nanlaki ang mga mata niya at kumurap pa.
Sh*t! Parang ang sarap gumising na ganito mabubungaran mo.
Akma siyang babangon pero nahirapan siya dahil ang malaki nitong hita ay nakadantay sa hita niya gayundin ang mga kamay nito na nakapatong sa tiyan niya. Sa kaliwa naman niya ay si Klein na nakapatong din ang paa sa kanya.
"'Tong magtiyuhin na ito, ginawa pa kong unan!" piping reklamo niya habang marahan na inaalis ang mga hita ng mga ito.
Nang makabangon ay agad niyang inilipat si baby Ri sa crib nito at inayos ang higa ni Klein.
Nilingon niya si Ford, nakalilis kasi ang kumot nito at nakabuyangyang ang mamasel na dibdib kung kaya't dumukwang siya para iangat ang kamay nito para ilusot ang kumot ngunit bigla itong gumalaw.
"Ayy!" gulat na napatili siya ng hawakan ni Ford ang kamay niya sabay hila sa kaniya. Buti na lang at hindi nagising si Klein.
Napahiga siya sa tabi nito. Nakapikit pa ito pero nakangiti. "Good morning, Mama Viel," paos pa ang boses na sambit nito sa kaniya.
Hinampas niya ang braso nito na dumantay sa beywang niya. Napapansin niyang nagiging parang feeling close ito sa kaniya. "Bakit ka ba nanghihila? Buti hindi nagising ang mga bata!"
Ngiti lang ang sinagot nito pero nanatiling nakapikit. Mabilis siyang bumangon at lumabas ng kuwarto. Nag-iiba na kasi ang pakiramdam niya kapag napapalapit sa impaktong Ford na iyon. Baka magahasa niya pa!
Naabutan niya sa kusina si Nana Aida at Tetay na nag-aalmusal. "Good morning ho," bati niya sa mga ito.
"Oh Viel, halika na at sumabay sa amin mag-almusal habang tulog pa ang mga alaga mo," pagyaya sa kaniya ni Nana Aida.
"Ayy gising na rin pala si Fafa Ford," napalingon siya sa kuwarto na bumukas sa sinambit ni Tetay. Naglakad siya sa may cupboard para kumuha ng tasa at nagtimpla ng kape.
"Good morning!" masiglang bati ni Ford sa mga ito habang nakangiti. Hayop na 'to, kahit gulo-gulo buhok ang guwapo pa rin! Naka-tshirt na pambahay na ito at jersey shorts.
"Oh Ford, mag-aalmusal ka na ba?" tanong ni Nana Aida.
"Magkakape lang muna ako Nana Aida at tsaka ito," sagot nito sa matanda sabay kuha ng isang pandesal at lumapit sa kaniya na kasalukuyan na hinahalo ang kape na tinimpla niya.
"Thank you sa coffee, Viel," sambit nito sabay kuha sa tasa ng kape na tinimpla niya at nakangiting tumalikod at dumiretso sa sala.
Naiwan siyang nagngingitngit dahil hindi siya pwede magsasagot dahil baka mapagalitan siya ni Nana Aida. "Kapal!" bubulong-bulong na kumuha na lang siya ng bagong tasa.
"Ang batang iyan, ngayon ko lang ulit nakitang nakangiti ng ganiyan. May nangyari ba, Viel?" tanong ni Nana Aida. Muntik na niya mabitiwan ang electric kettle na hawak niya habang binubuhos ang mainit na tubig.
"Ho?" napataas pa ang dalawang kilay niya. Napalunok siya, parang iba kasi ang dating ng tanong ni Nana Aida. Me and my dirty mind!
"Masyadong naging malungkutin ang batang iyan simula ng sunod-sunod ang mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay niya. Pero ngayon, tila bumabalik na ang sigla nito."
"Uy Viel ha! Kung alam ko lang na medyo curvy ang type ni sir Ford sana nagpa-vavavoom na rin ako!" singit ni Tetay sabay pag-wave pa ng kamay sa hangin ng curvy.
Hinampas naman ito ni Nana Aida. "Ang bibig mo, Tetay!"
Napapailing na lang siya na umupo sa harap ng lamesa.
Sabay-sabay sila napalingon sa may sala ng may kumatok at pinagbuksan ni Ford. "Sino iyan, Ford?" sigaw ni Nana Aida.
"Wala ho Nana Aida. Mga tauhan ko ho, nagpadagdag ako ng security rito sa bahay."
Napa-angat ang ulo niya mula sa pagkakatungo sa kinakain ng marinig ang sagot na iyon ni Ford.
Mabuti naman at nakinig sa kaniya ang damuho. Tumayo siya at sumunod na rin kay Nana Aida na lumabas na ng kusina.
Naabutan nila ang limang lalaki sa sala na kausap ni Ford. Sh*t! Bakit ang titikas ng mga ito? Parang mas papasa na modelo kaysa maging close-in security! Pawang may mga nakasukbit na mga baril sa beywang, ang sarap magpaputok. Char!
"By the way, this is Nana Aida, Tetay and Viel. Sila ang mga kasama namin dito bukod sa dalawang bata," pakilala ni Ford sa kanila. Nilingon niya si Tetay ng may marinig na impit na tili. Kinikilig ito habang kinakamayan ng limang lalaki.
Ang isang lalaki ay siniko si Ford sabay tingin sa kaniya. Sinamaan naman nito ng tingin ang lalaki. Tila close niya ang limang lalaki.
Nagulat na lang siya ng nasa tabi na niya Ford habang tatawa-tawang nakatingin rito ang lalaking may abong mga mata at lumalapit sa kaniya. "Hi Viel, I'm Denz. Pinakaguwapong kaibigan ni Ford," nakaumang ang kamay nito para kamayan siya. Akma naman niyang tatanggapin iyon ng kunin ni Ford ang kamay niya sabay hatak. "Makakaalis na kayo!" pagtataboy nito sa mga lalaki na tinugon naman ng mga ito ng malutong na tawanan.
Naiiling na bumulong pa si Denz kay Ford na hindi na umabot sa tainga niya dahil tinulak na nito papunta sa pinto.