MARAHAS siyang bumaba ng sasakyan, hinayaan na mabasa siya ng ulan. “Ano ba?! Gusto mo bang magpakamatay! Kung magpapakamatay ka, huwag mo akong idamay! Ang dami ko ring problema sa buhay!” may halong galit na sigaw ni Kaison sa babaeng muntikan na niyang mabangga.
Hindi kaagad nakita ng lalaki ang mukha ng babae dahil nakatingin ang mata nito sa kalsada habang tukod-tukod ang dalawang kamay roon. Ngunit alam niyang nakatuon ang mata nito sa kanya. Dahil sa liwanag na nagmumula sa kanyang sasakyan ay marahil nasisilaw ito kaya hindi ito makatingin sa kanya ng maayos. Naiinis si Kaison. Namumuo ang sama ng loob niya sa babaeng ito. Wala ba ’tong planong tumayo?!
“Ano?! Wala ka bang planong tumayo diyan!? Hindi naman kita nabangga, ah! Tumayo ka dahil nagmamadali rin ako!” Hindi niya nilapitan ang babae. Pinagsisigawan niya lang ito habang nasa sasakyan siya’t nagpapakabasa sa ulan. Mukhang wala nga’ng planong tumayo, galit na saad niya sa sarili.
Pabagsak na isinara niya ang pinto ng sasakyan. Nilapitan niya ang babaeng nakaupo sa kalsada upang itayo ito. Nagkakaroon na rin kasi ng kumusyon sa lugar na iyon kahit pa na ang lakas-lakas na ng ulan. Bumabagal na rin ang traffic. Napapamura si Kaison nang humakbang siya papunta sa babae.
Ngunit napahinto siya bigla ng muling tumingin ito sa kanya. Teka?! Is this the girl that I saw last night? ’Yong babaeng nagsusuka? ’Yong babaeng pinaghinalaan kong buntis?
Sa isang iglap, nakita ni Kaison kung paano biglang nawalan ng malay ang dalaga. Humandusay ito sa kalsada. Dali-dali siyang tumakbo sa puwesto nito upang tulungan, kinuha ang ulo at pinagmasdan pang mabuti ang mukha. Hindi nga siya nagkakamali. Ito nga ang babaeng nakita niya roon sa convenience store kagabi. At ano naman ang ginagawa nito sa kalsada? Bakit naman ito nagpapakabasa sa ulan?
Parang may kung ano’ng pagbabago sa pakiramdam niya nang mga oras na iyon. Ang nagagalit niyang puso ay kusang lumambot, pumaibabaw ang awa niya sa dalagang patong-patong sa kanyang kandungan habang wala itong ulirat. Sumunod na rumihestro ang kanyang isipan na dalhin sa hospital ang babae. Namumutla pa rin ito katulad kahapon nang mapansin niya ito. Napatingin siya sa dala nitong maleta. May kung ano’ng dumaan sa kanyang isipan nang makita ang bagay na iyon. Naglayas din ba ’to?!
“Hoy! Ano ba?! Wala ka bang planong umalis diyan? Traffic na, oh!” May narinig si Kaison na sigaw ng isang lalaki sa kanyang likuran. Marahil ay driver ito ng sasakyang nakasunod sa kanya. Umiingay na rin ang paligid dahil sa busina ng mga sasakyan. Nagko-cause na siya ng traffic sa gitna ng kalsada.
Binuhat ni Kaison ang babae upang isakay ito sa kotse. Binuksan ang passenger seat at doon inihiga ang dalaga kahit basang-basa ito ng ulan. Pati rin siya ay basang-basa na rin. Kinuha muna ni Kaison ang maleta nito at inilagay sa likod ng kanyang kotse. Umikot sa driver seat at saka mabilis na pinaharurot iyon.
Nawala sa isipan ni Kaison ang mga plano niyang paglalayas dahil mas nananalantay sa isip niya na kailangang maidala niya ang babae sa hospital sa lalong madaling panahon.
ILANG MINUTO ang nakalilipas, nakarating na siya sa Don Del Valle Memorial Hospital. Isa itong private hospital na kasalukuyang dito rin nagtatrabaho ang kanyang pinsan na si Kashton.
Sabagay, noon pa man ay balak na niya talagang pumunta kay Kashton. Matapos niyang mag-text sa pinsan kaninang umaga na maglalayas siya ngayong gabi, tinadtad siya nito ng missed calls at text messages. Habang nagmamaneho siya kanina ay sinabihan niya ang pinsan na gusto niyang magpatulong dito: kung saan siya pupunta at kung saan siya titira sa kanyang ginawang paglalayas.
Wala pa siyang reply kay Kashton nang mga sandaling iyon at doon na nga nangyari ang muntikang aksidente sa babaeng malapit na niyang mabunggo. Mabuti na lang at mabilis na nai-preno niya ang break ng sasakyan, dahil kung hindi, mukhang dagdag problema na naman niya ang babaeng iyon kung sakaling mabubunggo nga niya ito. Mabuti na lang at hindi nangyari iyon.
Pagdating sa hospital, kinarga muli ni Kaison ang babae at nagsisisigaw sa lobby. Wala pa ring malay ito.
“Emergency! Emergency!”
Kaagarang nagsilapitan naman ang mga nurses na naroon. ’Yong dalawa ay may hila-hila pang stretcher. Inihiga ni Kaison ang katawan ng babae na wala pa ring malay at mabilis na dinala ito sa isang kuwarto. Blangko ang reaksyon na sumunod lang si Kaison kung saan dinala ng mga nurses ang katawan ng babae. Habang pinapanuod niya ang mga nurses na busy kakaasikaso rito, may isang babaeng nurse naman ang lumapit sa kanya. Kinausap siya nito.
“Sir, ano po ang pangalan ng pasyente?” tanong ng nurse sa kanya. Walang baling na umiling siya dahil hindi niya alam ang sagot. Kaano-ano nga ba niya ’to? Wala naman talaga, ’di ba? Hanggang ngayon ay nakatutok pa rin ang kanyang mga mata sa babae na kasalukuyang nakahiga sa isang hospital bed.
“Hindi ko alam.”
“Kamag-anak po ba kayo ng pasyente? O, asawa po?”
Dito na siya napatingin sa nurse. Kumurba ang dalawang kilay niya sa sinabi nito. “Hindi ko siya asawa at hindi ko siya kilala,” muli niyang sagot dito. Medyo may namumuong inis na siya sa nurse at mukhang napansin naman iyon ng babae kaya mahinahong nagpaalam na ito sa kanya.
Itinuon muli ni Kaison ang kanyang sarili sa babaeng kanina pang walang malay. Iniisip niya ngayon kung ano ang meron sa babaeng ito at bakit bigla-bigla na lang nahimatay sa gitna ng kalsada. Namumutla pa rin ito. Para itong walang dugo. Nangingitim din ang labi.
“Kaison.” Isang malalim na boses ang kanyang narinig sa likuran kaya napalingon siya rito. Nakita niya ang seryosong mukha ni Kashton, malayo sa masayahing Kashton na kilala niya.
“Kash,” sabi pa niya sa pinsan. Masaya siya nang makita niya muli si Kashton pero parang bulang naglaho ang saya niya dahil sa ekspresyon ng mukha na ipinapakita ng pinsan sa kanya. Parang galit ito sa kanya.
Dumaretso ito sa pasyenteng kanina pa pinagkakaabalahan ng tatlong nurses. Bago ito makalapit, binalingan muna siya ni Kashton at para itong nakakatandang kuya sa kanya na nagsalita. “Stay outside. We will talk. May ipapaliwanag ka sa akin mamaya.”
Hindi na nagawa pa ni Kaison na makapagsalita dahil kaagad na tumalikod na si Kashton sa kanya at naka-focus na ang galaw nito sa babaeng pasyenteng kanyang dinala. Wala siyang nagawa kundi umalis sa loob ng kuwartong iyon at nananatiling umupo sa mga bakanteng benches na nakahilera sa hallway sa labas.
Sa oras na iyon, dinalaw ang kanyang dibdib ng kaba. Kaba na nagbibigay sa kanya ng tensyon sa darating na pag-uusap nila ni Kashton mamaya. Alam na niya ang mangyayari, kahit hindi pa niya alam ang rason kung bakit galit ang ekspresyon ng mukha nito nang tumingin ito sa kanya. Alam niya na galit ito sa kanya dahil sa desisyong ginawa niyang paglalayas. Noong una pa lang kasi ay ayaw talaga ni Kashton na gawin niya ang nasabing paglalayas, to think na kahapon pa lang nila ito pinag-usapan.
Ngayon, para tuloy siyang nakababatang kapatid ni Kashton na nag-aalala sa panenermon nito mamaya. Kung ano man ang sasabihin ng pinsan niya ay tatanggapin niya iyon. Pero wala pa ring makakapigil sa kanya na maglayas sa poder ng kanyang ama, kahit na si Kashton pa na kaisa-isang taong alam niyang matutulungan siya. Kahit wala siyang alam kung saan siya pupunta, siya na lang mismo siguro ang bahala kung saan siya manunuluyan muna. Ang gusto niya ay magpakalayo-layo at maging malaya muna sa kamay na bakal ng ama.
Nananatili lamang si Kaison na nakaupo sa bench na iyon. Kahit basa ang kanyang suot na damit dahil sa ulan, hindi niya alintana ang pamamasa ng kanyang katawan. Lutaw ang kanyang isip sa nangyayari. Nagawa niyang umalis sa bahay na hindi man lang nakikita ni Manang Luz. Nakapagdesisyon siya na umalis sa poder ng kanyang ama, kahit hindi niya alam kung tama ba ang desisyon na ito o mali; at ang huli, ang babaeng muntikan na niyang mabunggo ng sasakyan kanina. Sino ba ito at saan ba ito nanggaling?
Maya-maya ay lumabas si Kashton sa kuwartong pinasukan at nang makita si Kaison ay kaagad nitong kinuha ang lalaki at idinikit sa pader habang hawak-hawak ang kuwelyo ng damit.
“G*go ka talaga, ’no! Hindi mo talaga sinunod ang payo ko. Sabihin mo nga sa akin, Kaison. Bakit ka naglayas? Nahihibang ka na ba?”
Tama nga ang hinala ni Kaison kanina pa; na galit si Kashton sa kanya dahil sa ginawa niya. Hindi naman niya masisisi ito dahil kagustuhan naman niya ang kanyang nasunod kaya siya naglayas.
“Sorry, Kashton. Naisip ko kasi na ’yon ang tanging paraan para makaalis ako sa mga kagustuhan ng ama ko. Naisip ko iyon, kahit mali, dahil alam kong iyon lang ang nakabubuting paraan na puwede kong gawin,” page-explain naman ni Kaison sa pinsan.
“Hindi mo ba iniisip ang mangyayari kapag naglayas ka? Akala ko ba matalino ka?! Hindi mo ba alam ang mangyayari kung malalaman ng daddy mo ang paglalayas mo? Ngayon, baka nga hinahanap ka na niyon! At dahil sa kagaguhan mo ay madadamay na naman ako . . . pati ang pamilya kong nananahimik.”
Napalunok na lamang si Kaison sa sinabi ng pinsan niya sa kanya. Wala na siyang inilabas pa na salita dahil alam niyang tama ang sinasabi nito. Ang tanga niya! Bakit hindi niya naisip iyon? Madadamay pa ang kanyang Tita Jerome at Tita Queenie dahil sa kagaguhang desisyon na ginawa niya.
“Gusto mo ba talaga maging katulad ng ama ko, ah? Ano ang gagawin mo ngayon kung maglalayas ka? Saan ka titira? Sa condo ko? Sa bahay nina daddy at mommy? Kung puwede lang sana ay ginawa ko na. Pero dahil sakim ang tatay mo, hindi ka namin puwedeng patuluyin dahil baka kung ano pa ang gawin ng ama mo sa amin. Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko, Kaison?” pagpapatuloy pa ni Kashton. Umiinit na ang ulo nito dahil sa frustration.
“Sorry, Kashton. Hindi ako nag-iisip. Pasensya na,” ani Kaison na may halong kalungkutan sa kanyang boses. “Akala ko kasi matutulungan mo ako dahil pinsan kita, dahil kapamilya kita. Ngunit nagkamali ako. Akala ko kasi may pamilya pa akong malalapitan kung sakaling gagawin ko ang nais kong paglalayas. Sorry Kashton kung nadamay pa kita. Hindi na mauulit.” Parang may kung ano’ng bumaon sa kanyang lalamunan ngayon habang sinasabi ito sa pinsan
Natigilan si Kashton at dahan-dahan na inalis ang pagkakahawak sa kuwelyo ng lalaki. Tumingin pa siya sa pinsan bago muling nagsalita. “Nangungunsensya ka pa, ah,” ani Kashton habang seryosong nakatingin siya rito.
“Hindi ako nangungunsensya, Kashton. Umasa lang ako na matutulungan mo ako kung gagawin ko ito. Pero tama ka nga, mali itong naging desisyon ko. Hindi na talaga ito mauulit. Mukhang tama nga si Daddy. Kailangan ko sigurong sundin ang gusto niya para sa akin. Aalis na kasi ako bukas papuntang Japan. Nakahanda na ang lahat para sa pag-alis ko. Pero alam mo naman na ayaw ko talagang umalis. Kaya ko ito nagawa. Kaya pasensya na ulit.”
Sa pahiwatig ni Kaison sa pinsan ay naiisip ni Kashton na nangungunsensya lamang ito sa kanya. Pilit niyang huwag maawa rito, pero kahit ano man ang gawin niya ay nakukunsensya pa rin siya sa pinagsasabi niya kanina sa lalaki. Ang gusto lang kasi niya ay malayo sa kapahamakan ang kanyang ama’t ina sa kamay ng kanyang Tito Henry. Alam niya ang maduming kamay na ginagawa nito dahil minsan na rin itong pumunta sa kanilang bahay noong bata pa siya. Hindi niya makalilimutan ang mga kasamahan nitong tauhan, dala-dala ang baril, na bigla na lang nanutok sa kanyang pamilya. Noong panahon kasing iyon ay hinahanap ng kanyang Tito Henry sina Kaison, at ang ina nito na si Elma.
Kaya ganoon na lamang ang sinabi niya kay Kaison. Ayaw niya kasing mangyari muli iyon kahit isang beses lang iyon nangyari. Natatakot siya sa posibleng mangyari sa pamilya niya kapag mangyari ulit iyon. ’Yon ang pinakaaayaw niya sa lahat—ang madamay ang kanyang pamilya.
Napailing na lamang si Kashton at pilit na inalis sa kanyang isip ang pinag-usapan nila ng pinsan. Itinuon na lamang niya ang pag-uusap nila sa babaeng dinala nito.
“By the way, sino ang babaeng iyon? Girlfriend mo?” tanong ni Kashton dito.
Mahinang napangiti si Kaison habang nakatungo siya. “Alam mo namang wala akong girlfriend. Hindi ko siya kilala, Kash.” Napataas siya ng ulo at tumingin kay Kashton na sa pagkakatingin niya ay wala na ang inis nito. “Kumusta na nga pala siya?”
“She’s okay. Over fatigue. Kailangan niya lang magpahinga. Kailangan pa rin niyang mag-undergo ng several test. Bakit? Ano’ng nangyari sa kanya?”
“Muntikan ko na siyang mabangga kanina ng sasakyan. Mabuti na lang at hindi nangyari. ’Tapos, nawalan na siya ng malay.”
Patango-tango na lang si Kashton sa sinabi ni Kaison. Pagkatapos ay biglang may sumagi sa isipan ng lalaki tungkol sa mga tests na ibinanggit ng kanyang pinsan.
“Umuwi ka na, Kaison. Sobrang basa mo na. Baka magkasakit ka niyan. The girl is the sign na hindi mo kailangan maglayas sa poder ng ama mo. Tingnan mo, pinigilan ka na ng tadhana,” Kashton said at saka tinapik ang kanang balikat ni Kaison, “And sorry for what happened. Nadala lang ako sa inis ko sa ginawa mo. Umuwi ka na and I will go ahead dahil may mga pasyente pa akong i-che-check.”
“I will,” Kaison said at napatungo siya ng ulo. He felt guilty after all. Naabala pa niya tuloy si Kashton.
Nang makapagpaalam na si Kashton, muling tinawag ng lalaki ito. Bumaling ng tingin ang pinsan kay Kaison. “Why?”
Alam niyang nahihibang na siya. Dahil wala rin namang saysay ang paglalayas niya, naituon niya ang sarili sa babaeng kanina pa walang malay sa hospital bed nito sa maliit na salamin ng pinto kung saan man siya nakatayo ngayon. May gusto lang siyang i-kumpirma. “Can you do a pregnancy test for her?”
Mas sumalubong pa lalo ang kilay ng pinsan sa tanong niya. “Why? Nabuntis mo ba siya?” seryoso pero may halong biro na tanong ni Kashton sa kausap.
“Hindi,” napapangiti niyang tugon sa sinabi ni Kashton. “I have to confirm something.”
Tumango at ngumuso lang si Kashton sa kanya. “Okay. We will.” At saka ito umalis papalayo sa kanyang kinatatayuan.
Lahat ng mga nangyari kay Kaison ngayong gabi ay nasayang lang dahil sa babaeng iyon. Siguro nga ay tadhana na ang nag-udyok o humarang sa kanya upang huwag matuloy ang ginawa niyang paglalayas. Naisipan na lamang niya na umuwi na lang pagkatapos niyang malaman mamaya ang resulta ng pregnancy test nito, at ipapaubaya na lang niya kay Kashton ang babae kung sakaling makakaalis na nga siya papuntang Japan bukas. Siya na lang din ang magsho-shoulder sa expenses nito sa hospital kung meron man.
He decided to sit down again on the bench. Sumasakit ang sentido niya kaya mabilis niyang hinawakan iyon. Napatayo siya matapos ang ilang minuto at saka pumasok sa kuwarto kung saan dinala ang babae. Tumingin siya sa maamo nitong mukha habang natutulog.
Sino ka ba talaga at bakit naging sagabal ka pa yata sa plano ko? nasabi na lamang niya sa kanyang sarili.