Nagulat si Laurenti nang salubungin siya ng halik ni Donna pagpasok nila sa bahay ng Papa nito. Nakatingkayad itong pilit na inabot ang mga labi niya na kapag hindi niys hinawakan ang katawan nito ay mawawalan ito nang panimbang. Pipigilan niya na si Donna sa paghalik nang bumukas naman ang pinto ng isang silid sa ikalawang palapag at lumabas ang babaeng kanina pa niya tinatawagan sa telepono. At kasunod naman ni Kathleen si Dickson na may ibinulong sa dalaga. Ang isang kamay ng matanda ay ikinawit nang bahagya sa baywang nito dahilan para magngitngit ang kalooban niya. Kaya siya nandito ay para umatras kay Donna sa usapan nilang pagpapakasal kahit siya pa ang lumabas na tunay na ama ng anak nito. Kanina ay tinawagan niya na ito sa telepono para humingi ng oras para magkausap sila.

