“Aalis ka ng wala man lang pasabi sa akin?” Napatingin ako sa nagsalita. “Gan’yan ka na ba talaga, Isay?”
Kaagad kong niyakap si Ecka. “I’m sorry. Akala ko kasi galit ka pa sa `kin, e.”
“Nagtatampo ako, hindi ako galit. Magkaiba `yun, pakitandaan,” nakasimangot na sabi niya sa akin.
“Okay na tayo?” nakangiting tanong ko sa kanya. Nag-hug back na siya sa akin. “Uuwi lang kami saglit sa Palawan, babalik ako bago mag-enroll-an,” paalam ko sa kanya.
“Nagpaalam ka ba kay Art?” seryosong tanong niya. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero nagtataka talaga ako dahil biglaan `tong pag-alis mo.”
“Hindi ko naman kailangan magpaalam kay Art,” mahinang sagot ko.
“Isay,” tawag niya sa `kin.
“Ecka, maniwala ka man o hindi, I’m doing this kasi ito `yung makakabuti para sa aming dalawa,” sabi ko sa kanya.
“You should at least call him, hindi `yung iniiwasan mo siya,” sermon niya sa akin.
“Hindi ko siya iniiwasan,” depensa ko. Tinuloy ko ang pag-aayos ko ng mga gamit ko.
“Ano’ng tawag mo sa ginagawa mo ngayon?” Nag-stiff ako sa kinatatayuan ko. One week kong hindi narinig ang boses niya. Ngayon parang sobrang na-miss ko `to. Itinuloy ko lang ang ginagawa ko. “Isay,” tawag niya.
“Marami akong ginagawa, maaga ang flight namin bukas,” sabi ko.
“`Yan ang tinatawag na pag-iwas, bebelabs,” huminga nang malalim si Ecka, “Kailangan niyong mag-usap at kailangan nang mag-exit ng beauty ko dito.”
“Gaano ka katagal sa Palawan?” tanong ni Art.
“Babalik ako para makapag-enroll, pero do’n ako sa buong bakasyon,” sagot ko.
Hindi ko siya magawang tignan. Natatakot ako na baka pagtinigan ko siya ay bigla na lang akong maging malambot ulit at kalimutan na ang
pansamantala kong pag-alis. At baka bigla ko na lang siyang yakapin.
“Gaano nga katagal `yun? Ilang araw, linggo o buwan akong maghihintay?” seryosong tanong niya.
“Bakit ba ang kulit mo ngayon, Art?” balik na tanong ko sa kanya.
“Sabihin mo, para alam ko kung ilang araw ang bibilangin ko at alam kong hindi ako maghihintay sa wala,” bigla niya akong niyakap mula sa likuran, “Isang linggo mo akong iniwasan, isang linggo ko ding inisip na baka iniwanan mo na ako. Sabihin mo sa akin, babalik ka, `di ba?”
Gusto kong maiyak dahil sa tono ng boses niya. Sobrang lungkot nito. Binibigyan niya ako ng dahilan para hindi na umalis. Inalis ko ang yakap niya sa akin at hinarap na siya. Muli ko na namang nasilayan ang guwapo niyang mukha. Ang mukha ng taong mina— kailangan kong kalimutan.
Ngumiti ako sa kanya. “Magbabakasyon lang ako, babalik pa ako,” sabi ko. Pilit kong pinipigilan ang pag-iyak.
Hindi ako dapat umiyak, hindi sa harapan niya.
“Bigyan mo ako ng bilang ng araw na hihintayin ko, para kapag hindi ka dumating sa araw na iyon susunduin kita sa Palawan,” seryosong sabi niya.
Kumunot ang noo ko. “Ano ba’ng pinagsasasabi mo d’yan? Babalik naman ako,” huminga ako nang malalim, “Art, habang wala ako puwede kang mag-isip o `di kaya’y maghanap ng ibang babaeng mamahalin. Gawin mo `yung mga bagay na ginagawa mo bago mo ako mapansin sa chemistry class.”
“What are you saying? Bakit ako maghahanap kung nariyan ka naman?!” galit na tanong niya. “Huwag mong sasabihin na gusto mong kalimutan kita habang wala ka? Tingin mo gano’n lang kadali `yun? Mahal kita, Isay.”
“Art, paano naman `yung nararamdaman ko? Tinanong mo ba ako kung mahal din kita?” seryosong tanong ko.
Nakita ko ang sakit sa mga mata niya. Ngayon pa lang gusto ko nang bawiin ang sinabi ko.
I’m sorry, Art.
“Okay, okay,” huminga siya nang malalim at tumalikod sa akin, “I get it.”
“A-Art, let me—“
“No,” pigil niya sa akin, “Stop talking!” sigaw niya. Humarap siya sa akin. “I don’t want to hear another word from you. Naiintindihan ko na. Hindi mo na kailangang isampal sa mukha ako,” hinawakan niya ng magkabilang kamay niya ang ulo niya, “This is just another bad dream,” mahinang sabi niya, “Yeah, another bad dream.”
“Art!” nag-aalalang lumapit ako sa kanya. “Art! Are you okay?!” sigaw
ko.
Pumipikit pikit ang mga mata niya at nagsisimula na siyang batukan ang sarili.
“No! No! No! Art no!” natatarantang sabi ko. “Art not this!” naiiyak na sabi ko. Tuluyan na akong lumapit sa kanya at niyakap siya. “Ecka!” tawag ko nang tulong. “Ecka si Art!”
Naging wild na si Art. Kumakalas siya sa yakap ko at pilit niyang sinasaktan ang sarili niya. Hindi ko na rin mapigilan ang pag-iyak ko. Lalo kong pinilipit higpitan ang yakap ko sa kanya.
“Isay, what happened?!” natatarantang tanong ni Ecka. Kaagad niya akong tinulungan sa pag-awat kay Art. “Art, wake up! Get back to your senses!”
Paulit-ulit niya lang sinasabi nang mahina ang ‘no’. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
“Ecka, ano’ng gagawin natin?” umiiyak na tanong ko. Tinignan ko si Art. “Art, I’m sorry. Hindi ko alam na mangyayari `to,” hinalikan ko siya sa noo niya, “Please, calm down. I won’t leave you. Pangako hindi na ako aalis,” mahinang sabi ko sa kanya.
“I’m going to call, Xel,” tumayo si Ecka at natatarantang tumakbo palabas para kuhanin sa bag niya ang cellphone. Pagbalik niya kausap na niya si Xel. “Yeah, wait itali siya? Is that legal?!” hindi mapakaling tanong niya. Tinignan niya ako. “Hindi niya sinasaktan si Isay, he’s hurting himself! For pete’s sake! Bilisan na ng driver mo ang pagmamaneho!”
***
Hawak hawak ko ang kamay ni Art habang pinagmamasdan siyang matulog. Para siyang batang napagod sa kakalaro at ngayon ay mahimbing na natutulog. Hinawi ko `yung buhok niya na tumabing sa mukha niya.
“I’m sorry, Art. Kung alam ko lang,” hinalikan ko `yung kamay niya na hawak ko, “Pinahirapan pa kita lalo.”
“Don’t blame yourself, ma-stress ka niyan.” Tinignan ko si Xel. “May sinabi sa iyo si Tita, `no?”
Huminga ako nang malalim at saka binalik ang tingin ko kay Art. “Hindi dapat ako nakinig sa kanya.”
May inabot sa akin na video camera si Xel. “Ito ba `yung pinakita niya?” Sinilip ko `yung nag-pe-play na video at saka tumango. “Hindi mo lang na halata pero itong video na ito ay three years ago pa,” umupo siya sa tabi ko, “Nang makita ko `tong wala sa gamit ni Mommy kinutuban na ako na kaya ka aalis ay dahil may ginawa si Tita,” umakbay siya sa akin, “Ngayon lang ulit siya nagkagan’yan. Maaring hindi pa nga totally fully recovered si Art.”
“You’re now fully aware kung ano ang mangyayari kay Art.”
Napatingin ako sa pinto, si Tita. “You helped him sa recovery niya, Isay. Sa totoo lang naging hopeless ako sa batang `yan, but when he started talking to you nagpakita siya ng changes. Changes in good terms. You can be his best and at the same time worst.”
“Aalis ka pa ba?” tanong sa akin ni Xel.
Tumingin ako kay Art. “Sa lagay niyang iyan, tingin mo makakaalis pa ako?” hinalikan ko ulit `yung kamay ni Art na hawak hawak ko. “Hindi ko alam kung kakayanin kong malayo sa kanya lalo na’t ganiyan pala ang puwedeng mangyari sa kanya. Napagdaanan niya na `yun, and it’s killing me watching him in that situation.”
“Isay, alalahanin mo na ikaw rin sa sarili mo ay may kailangang alagaan,” paalala sa akin ni Tita.
“Alam ko naman po `yun, Tita,” hinigpitan ko ang hawak ko sa kamay ni Art, “Sabay naming aalagaan ang isa’t isa.”
“How can a teenager say something like that?” nagkukunwaring naiiyak si Tita. “It feels like she’s saying a forever ever after with my nephew. I wanna cry,” pinunasan niya ang ilalim ng mga mata niya, “I seriously want to cry!”
“Mom!” pigil sa kanya ni Xel. “Gosh, ako na lang ba ang matino dito sa pamilya natin?”
***
Nagising ako nang may maramdaman akong humahaplos sa mukha ko. Dahan dahan kong dinilat ang mga mata ko. Sinalubong ako nang nakangiting mukha ni Art.
“Good morning,” nakangiting bati ko sa kanya.
“You’re real, aren’t you?” naniniguradong tanong niya.
Tumago ako at tinitigan siya. Malalim ang mga mata niya, parang sobrang pagod ng itsura niya.
“I’m real,” hinawakan ko siya sa mukha, “See?” sabi ko sabay ngiti.
Sumilay na rin ang ngiti sa kanya mukha. “I thought I had a bad dream,” parang batang sabi niya.
“Walang bad dreams, nasa utak lang natin `yan,” sabi ko sa kanya. Hinawi ko ang ilang hibla ng buhok niya na tumatakip sa mukha niya. “Art, pupunta ako ng Palawan, pero babalik ako after one week. Promise, seven days lang akong mawawala. Dadalaw lang ako kay Papa,” paalam ko sa kanya.
“Seven days? Paano kung hindi ka bumalik after seven days?” nag-aalalang tanong niya.
“E, `di puntahan mo ako sa Palawan,” nakangiting sagot ko sa kanya.
Inabot niya sa akin `yung kamay niya, naka-form ng pinky promise. “Promise?” parang batang tanong niya.
Ngumiti ako at inabot ang kamay niya. “Promise.”
“Ano’ng nangyari kahapon? Feeling ko ang sakit sakit ng ulo ko,” sabi niya sabay masahe sa sintido niya. “May ginawa ba ako na hindi mo dapat nakita?” nag-aalalang tanong niya.
Umiling ako at hinawakan ang kamay niya. “Wala, we just had a nice long conversation last night.”
“Sigurado ka?” hindi makapaniwalang tanong niya. Tumango ako. “What time pala flight mo?”
Tinignan ko ang relos ko. “1pm pa naman, puwede p—“ bigla siyang tumayo sa kama. “Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ko.
“Let’s go, hahatid kita sa airport,” sabi niya.
“H-huh?”
“Para sigurado akong sa Palawan ka talaga pupunta,” ngumiti siya at inabot ang kamay ko, “Bakit? Hindi ba sa Palawan ang punta mo at natatakot kang ihatid kita?” naniningkit ang mga mata niyang tinignan ako.
“Sa Palawan ako pupunta, hatid mo pa ko!” pagsisiguro ko sa kanya. Kinuha niya na ang maleta ko at inakbayan ako.
“`Yan nga ang gagawin ko.”