Kirsten
“Tama na po, Ate! A-Aray!” Marahas nitong hinila ang buhok ko nang sa wakas ay mabuksan nito ang pinto ng banyo. Ngingiwi-ngiwi akong napasunod dito habang hawak ang buhok kong hinihila nito. “Tama na sabi, e!” napupuno kong sigaw rito at saka hinampas ang mga braso nito.
Galit ako nitong tiningnan at saka tinulak sa kama. “Ang arte-arte mong babae ka! Magaling kang umarte sa harap ni Montehermoso, ‘di ba? Naakit mo siya nang ganoon kadali! Ngayon ay pakikinabangan natin ‘yang kalandian mo para magkapera!”
Sinupalpal nito sa akin ang mga damit kaya napaiyak na ako. Hawak-hawak ko ang labi na tinamaan. Sinabunutan pa ako nito nang huling beses kaya napilitan akong isuot iyon sa harapan niya.
Hindi ko inakit si Dark! At hindi rin ako umaarte sa harapan niya!
Gusto kong itama ang mga mali nitong paratang sa akin ngunit hindi ko na nawagang magsalita pa dahil sa panginginig ng mga labi ko.
Hindi naman ako malandi. Bakit ba ang dali nilang husgahan ang pagkatao ko? Wala naman akong ginagawang mali sa kanila.
Gusto kong isumbat ang lahat ng iyon ngunit sa huli ay hindi ko pa rin magawa.
Nanatili pa ring tikom ang bibig ko. Mariin akong napapikit.
Sa mga oras na iyon ay kailangan ko si Dark. Kailangan ko ng makakausap dahil sobrang bigat na ng loob ko...
Walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko habang pinapahiran niya ako ng pulang lipstick sa labi.
Hindi na ako makapalag dito dahil masakit na ang anit at ibang parte ng katawan ko.
Nasaan na ba si Tito? Alam ba niya ang mga pinaggagawa sa akin ng nobya niya?
Sabi ni Tito ay pupunta raw kami sa kaibigan nito na negosiyante. Ngunit nasaan na siya ngayon?
KINALADKAD ako ni ate Marisa papunta sa isang bar na tingin ko ay pang mga elitista. Halos lamunin ako ng lupa dahil sa hiya at takot kong nararamdaman sa mga oras na iyon. Agaw-atensiyon ang mga suot namin ng nobya ni Mayor.
Pansin ko na karamihan sa mga kustomer dito ay tila mga nanggaling sa opisina. Halatang mayayaman. Hindi nababagay ang suot namin dito dahil nagmumukha kaming sobrang babang klaseng babae.
Ngunit lahat kami ay napalingon sa stage nang may maglabasan na mga babaeng nakahubad doon.
Napamaang ako habang tila nanigas ang mga paa. Hindi ko nagawang maihakbang ang mga paa ko dahil sa sobrang pagkagulat.
A-Ano’ng—Ano’ng ginagawa nila?
Anong klaseng bar ito? Bakit ganito? Tila mga mura pa ang edad ng ang mga ito.
Hindi naman ako napunta sa mga ganitong lugar noon dahil hindi ko hilig ang mga ganito. Bahay at paaralan lamang ang palagi kong napupuntahan, minsan ay sa park o mall upang magpalipas ng oras. Pero ngayong napadpad ako rito, masyadong nakakapanindig balahibo.
Napatanga talaga ako habang nakamasid sa mga sumasayaw at sa mga kalalakihan na nanonood. Sa isang iglap, naging mararahas ang mga tao.
Nakakagulat lamang na may ganito palang lugar dito. Tuloy ay hindi ako mapakali. Ang lalaswa ng mga tao rito na halos gusto ko na lamang magkulong maghapon sa kuwarto kaysa makasaksi ng mga ganitong klaseng tao. Hindi ko masikmura.
Bago pa man ako makapagsalita ay mabilis na akong hinila ni Marisa paakyat sa kung saan.
Napa-angat pa ako ng tingin dito na malakas na tinapik ang kamay ko. “Huwag mo ngang itaas iyan, babae! Nakakairita ka na, a!” bulyaw nito sa akin habang naglalakad kami sa gitna ng pasilyo rito sa ikatlong palapag ng bar na pinasukan namin.
Inaangat ko kasi ang suot kong pang-itaas upang matakpan ang itaas ng dibdib ko. Sa loob-loob ko ay kanina pa ako umiiyak. Talagang kahiya-hiya ang mga suot ko na naglalantad sa mga binti, braso, dibdib at kalahati ng tiyan ko.
Iyak pa ako nang iyak kanina dahil sa kahihiyan ngunit wala akong magawa. Masiyadong mapanakit ang babaeng minamahal ni Tito at alam kong wala akong palag dito. Kung pisikalan lamang ang labanan ay hindi kakayanin ng katawan ko.
Hindi ko naman alam kung ano ang gagawin ko rito at isinama pa ako.
Hindi ko maaaring gawin ang sinasabi ni Ate Marisa dahil unang-una ay may hiya ako sa sarili ko. Hindi ko kailangang kumita ng pera sa ganoong paraan.
Dapat ay siya ang gumagawa nito dahil siya naman ang may gusto ng sobrang karangyaan. Hindi pa siya nakuntento sa panloloko ng pamilya niya sa taong-bayan.
Kahapon pa lang ay malakas na ang kutob ko na may masamang mangyayari sa akin, at ngayon ay napatunayan ko na iyon.
Lumakas lalo ang kabog ng dibdib ko nang tumapat kami sa isang VIP room. May mga nakabantay pa roon na mga kalalakihan na malalaki ang katawan.
Dito pa lang sa labas ay rinig na rinig na namin ang mga halakhakan ng kung sino sa loob ng kuwartong iyon.
Napa-atras ako na ikinalingon ni Ate Marisa sa akin.
“Umayos ka nga, Kirsten,” suway nito sa akin at inis na tiningnan ako. “Huwag mo akong ipahiya.”
Tandang-tanda ko pa ang sinabi nito kanina sa akin habang inaayusan niya ako. Nais niyang maging escort ako ng isang binatang bilyonaryo rito. Ibibigay raw niyon ang nanaisin kong materyal na bagay at iyon ang kinahahayukan ng nobya ng Mayor.
Paano niya naaatim na sabihin iyon? May karangyaan na sila sa buhay. Ngunit bakit nais nitong magkaroon pa ng mamahaling bagay galing sa ibang tao? Para ano?
Napaluha ako dahil labag talaga sa loob ko ang nangyayari ngayon. Kanina pa iyan naiinis si Ate Marisa sa akin, at maging ako man dahil pinipilit niya akong gawin ang mga bagay na ayaw ko, tulad na lamang ngayon, pinagsuot niya ako nang ganitong damit.
Ngunit biglang bumukas ang pinto at doon ay nakita ko ang iba’t ibang lahi ng mga kalalakihan.
Naroon din si Tito na ngayon ay nakikipagtawanan sa mga kalalakihan.
Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla. Maging ito man ay nabigla rin nang makita kami.
B-Bakit siya narito? Ito na ba ang sinasabi niyang kaibigan niya na kikitain niya para sa negosiyo? Ngunit bakit dito?
Ang inaasahan ko ay isang pormal na lugar dahil nga sabi niya ay isang negosiyante ang kikitain niya.
Doon na ako tuluyang binalot ng takot sa katawan. Napamaang ako habang nanlalambot ang mga tuhod. Base sa mga hitsura nila ay may mga kademoniyo-han sila na ginagawa. Ibang klase ang pagngisi nila, tila may binabalak palagi.
Takot na tumingin ako kay Tito upang umatras na sana nang mapatingin sa akin ang lahat. Hinila ako ni Ate Marisa sa braso at saka tinulak papunta sa harapan kung kaya ay napaluha akong muli.
“Marisa!” rinig kong suway ni Tito sa babae at saka napatayo. Galit kami nitong tiningnan. “Ano'ng ginagawa ninyo rito? At bakit ganiyan ang mga suot ninyo?” Bahagyang tumaas ang boses nito.
Nakangiting lumapit sa kaniya ang nobya at saka lumingkis. “Relax, hon. Uuwi tayo mamaya nang may dalang ginto. Let Kirsten do her job here.”
Agad akong tumingin nang may pagmamakaawa kay Tito at umiling-iling. Nais kong ipabatid sa kaniya na gusto ko nang bumalik sa tinutuluyan namin.
Ngunit hindi man lang ito nagsalita, tiningnan na lamang ako nito at ang ikinabigla ko ay nang hindi na ako nito pansinin. Sa halip ay nginitian lamang nito ang nobya, wala itong ginawa para tulungan ako.
Napamaang ako habang tila nanlalamig ang buong katawan.
Ano’ng—Ano ang nangyari? Bakit wala man lang pagtutol si Tito na ginawa? Tila biglang nabahag ang buntot nito.
Ito ba ang gusto nila? Ang magpayaman nang magpayaman at idamay pa ako?
Kaya naman pala ako pinasama rito ay dahil sa kalokohang ito! Napaka-hayop talaga nila!
Palihim akong napakuyom ng kamay at saka pinigilan ang mga luha.
“You can sit here, baby girl.” Tumingin sa akin ang lalaking nagsalita. Tinuro pa nito ang tabi dahil iyon na lamang ang bakanteng mauupuan. “By the way, can I ask for your name?” Ngumisi ang lalaking may kakaibang accent. Malaki ang pangangatawan nito at may hikaw pa isang tenga. Ang leeg nito ay pansin kong may tattoo kung kaya ay natakot na ako nang tuluyan.
Napalunok ako nang hirap at tumungo. Namamawis na ang mga palad ko, kasabay niyon ang panginginig ko. Halos hindi na gumagana nang maayos ang utak ko sapagkat nagwawala na ang sistema ko ngayon.
Hindi ko nagawang sagutin ang tanong ng lalaki tungkol sa aking ngalan. Hindi katiwa-tiwala ang hitsura nito. Ayoko sa kaniya.
Hindi ko kayang salubungin ang tingin sa akin ng mga kalalakihan dito. Halos ang iba sa kanila ay mga nasa edad tatlumpo hanggang limampo. Nakakadiri't nakakakilabot ang mga titig nila sa katawan ko.
Kita ko ang pagngiwi ng nobya ni Tito. Ang amain ko naman ay seryoso lamang ang mukha habang hindi makatingin sa akin.
Nang maramdaman nilang wala akong balak sumagot ay nagsalita na ang amain ko.
“Sorry for her bad behavior, my friend. But trust me, she’s good for you.” Bumaling sa akin si Tito at ngumiti, hindi alintana ang masamang timpla ng mukha ko. “Anyways, that is my niece, my friend. The one that I was talking about. As I’ve said before, you’ll meet my beautiful niece, but I didn't know that my girlfriend would bring her here right now.”
Napayuko ako sa kahihiyan. Sa tono ng tiyuhin ko ay parang binubugaw ako nito sa lalaking may maangas na mukha. Nangilabot agad ako sa ideyang iyon.
Napangiti ang lalaking banyaga. “It’s okay, my friend. No problem with me. At least I finally saw her now.” Muli na naman itong napatitig sa akin kung kaya ay napahinga na ako nang malalim. Hindi ko gusto ang paraan ng pagtitig nito dahil may pagnanasa roon na nakapaloob. Kadiri.
Ibang-iba sa lalaking katulad ni Dark dahil hindi ganoon kalagkit ang tingin sa akin ng kaibigan ko.
Sinamaan ako ng tingin ni Ate Marisa. “Maupo ka na sa tabi niya, Kirsten! Ano ba! Pinaghihintay mo ‘yong tao,” mariing sambit nito habang may gigil sa mukha.
Yumuko ako at saka walang nagawa kundi ang sumunod, dahil kung tatayo pa ako ay mas lalo lamang akong tititigan ng mga kalalakihan dito.
Nananahimik lamang ang iba ngunit pansin ko ang malalagkit nilang tingin sa akin. Tingin ko ay mga nasa sampo kaming lahat dito. Tiyak na puro mga barumbadong mararangya ang naririto.
Pakiramdam ko pa ay sinasakal ako ng lalaking katabi ko. Tila ako mauubusan ng hininga nang dumikit ito lalo sa akin pagkaupong-pagkaupo ko sa tabi nito.
Naramdaman ko pa ang pagpatong nito ng braso sa balikat ko na ikinahigit ng hininga ko. “She’s so gorgeous, my friend! Hmm, I like her.” Pinisil nito ang balikat ko kung kaya ay bigla kong natampal ang kamay nitong mapangahas.
Nabigla man ang lalaki ay hindi na nito iyon binigyang pansin pa. Ngumiti lamang ito sa akin at saka ako kinantilan ng halik sa pisngi.
Doon na ako nakaramdam ng inis para sa lalaki. Nakakabastos ang ginawa nito sa akin dahil hindi naman kami magkakilala pero ang lakas ng loob nitong nakawan ako ng halik sa pisngi. Kahit na sabihing sa pisngi lamang iyon ay hindi pa rin iyon tama.
Napatikhim ako at marahang inalis ang kamay nito dahil bumalik ulit iyon kanina pagkatapos kong tampalin.
Ngunit ang sunod nitong sinambit ay siyang nagpatigil sa akin.
“Can I take her to my house after this, my friend Raymond? I want her to be my girlfriend.”
A-Ano? Kunot-noo kong binalingan ng tingin ang lalaking banyaga.
Ano ang pinagsasabi nito? Gusto na niya akong maging nobya gayong kaka-kita pa lamang namin? Anong kalokohan na naman ito nina Tito at nobya niya?
Nais nilang huthutan ko ng yaman ang lalaking ito at patulan pa?
Binalingan ko ng tingin ang amain ko na agad na umiling. Iniiwasan na nito ang tingin ko kung kaya’t lalong sumama ang loob ko. “Not yet, my friend. I’m so sorry but she still have some things to do before that,” ang tugon ng magaling kong amain.
Palihim akong natawa nang pagak. Wala ba talaga itong pakialam sa damdamin ko? Wala ba siyang konsensiya at pati ka-dugo niya ay ginaganito niya? Binabalak ipamigay sa kung sino-sino lang?
“Things like what, my friend?” Tila nalungkot ang mukha ng lalaking katabi ko.
Ngumiti ang Tito. “Let’s just say that there’s this police who’s watching over me, my friend Demetrio. I’m in danger right now so I have no choice but to use my niece to save me from jail, by seducing that police guy who wants to put me inside that freaking jail.”
Napatigil ako at mariing tiningnan si Tito Raymond na nakangisi sa kausap.
Alam kong si Dark ang tinutukoy nito dahil ito lang naman ang police na pinapakuha niya sa akin ang loob. Wala nang iba.
Ang plano nito na pagligtas sa sarili gamit ang ibang tao ay sadyang nakakagalit ng loob.
Kung titigas pa lalo ang ulo ni Tito sa mga susunod pang mga araw, at kung gagawa pa ito ng matitinding kasalanan ay mas maganda siguro kung hihilingin ko na matulad na lamang ito sa mga magulang ko na inabangan ng mga kalaban at pinatay.
Sawang-sawa na akong makita at marinig pa ang mga kawalang hiyaan nito. Mas tatahimik siguro ako kapag nawala na ito nang mabilisan.
‘Di bale nang wala na akong makakasamang pamilya sa buhay, basta ay tahimik ang buhay ko.
Tila bumigat ang loob ko nang maisip ko iyon. Nakakalungkot man isipin dahil ka-pamilya ko pa rin ito tapos hinihiling ko na ang maagang pagkawala nito, ngunit para rin mabawasan na ang gulo at karahasan sa mundo.
“Pardon, my friend?” Tila gulat na gulat ang mukha ng isang lalaking intsik. Maging ang katabi kong lalaki na mukhang taga-Europa na nagnakaw ng halik sa akin.
Napatayo na ako nang hindi ko na makayanan pa ang bigat ng dibdib.
Humugot ako ng lakas ng loob nang harapin ko sila. “Sorry, pero hindi ko po magagawa ang nais ninyo,” matatag kong sambit bago mag-iwas ng tingin. “I need to go.” Tumalikod na ako upang harapin ang pinto na pinasukan namin kanina.
Rinig ko pa ang pagsinghap ng kung sino ngunit hindi ko na iyon binigyang pansin pa. Desidido na ako na aalis ako ngayon dito. Hindi ko na kayang sikmurain pa ang nangyayari ngayon.
Bahala na kung magalit sa akin ang dalawang taong nagpapahamak sa akin.
Ngunit napatigil ako nang mabuksan ko ang pinto.
Nanlaki ang mga mata ko dahil nakaharang doon ang mga bantay nila.
“Excuse me.” Nanginig ang mga labi ko at bahagyang nataranta.
Akma akong lulusot sa pagitan nila nang may dalawang kamay na pumigil sa mga braso ko. Doon na ako nagwala. Kinabahan na ako nang todo dahil sa nangyayari.
“Let me go!” sigaw ko habang pilit na hinihila ang mga braso ko. “Parang awa n’yo na! Bitiwan n’yo ako!” Napahikbi na ako dahil sa takot at pagkataranta.
Napakasama talaga nila!
Sarili kong kadugo ay ginagawa sa akin ito! Mga hayop sila! Isama pa itong mga tauhan nila na tila asong sunod nang sunod sa amo.
Napaupo ako sa sahig nang hindi ko na kayanin pa ang panlalamig at panginginig ng katawan. Ngawa ako nang ngawa sa mga oras na iyon ngunit hindi pa rin nila ako binibitiwan. Sa halip ay kinaladkad lamang ako ng mga ito pabalik sa loob.
Ngunit lahat kami ay napatigil nang makarinig ng mga ingay mula sa ibaba. Kakaibang ingay iyon at may kasama pang putok ng baril.
Agad akong sinalakay ng kaba lalo na nang mataranta rin ang mga kaibigan ni Tito. Pero tila isa iyong magandang pangyayari sa akin dahil nawala sa akin ang atensiyon nila.
“What the heck?” Napatayo ang lalaking tinawag ng tiyuhin ko na Demetrio, iyong walang hiya. Nataranta ito at inutusan ang mga tauhan na tingnan ang ganap sa ibaba.
Nanlaki pa ang mga mata ko nang mabilisan ako nitong nilapitan at hinablot sa braso.
Binitiwan ako ng dalawang lalaki kaya naman ay natigilan ako.
“Get off me, Sir!” naiinis na sigaw ko sa lalaking Demetrio ang pangalan nang kaladkarin ako nito palabas ng VIP room.
Mahigpit nitong hawak ang isa kong braso at pakiramdam ko ay magkakapasa ako roon. “Let me go, old man!” malakas kong sigaw at saka naisipang kagatin ang kamay nitong mariing nakahawak sa akin.
Napasigaw ito sa sakit at saka ako nito nabitiwan.
Napa-atras ako dahil sa pagkagulat, paano’y hindi ko inaasahan na magagawa kong makapanakit ng tao. Dahil sa pagkabigla ay nagawa ko iyon.
Napatingin ako sa tauhan nitong tumatakbo palapit sa amin—ang mga inutusan niya kanina.
“Boss, we need to go back already. There are cop—”
Naputol ang sasabihin ng mga ito nang banggain sila ng uncle ko na humabol sa amin.
“f**k! Demetrio, bring back my niece!”
Umalingawngaw sa buong pasilyo ang malakas at galit na boses ni Tito na ikinakaba ko.
'No, ayoko na sa kaniya...'
At doon ay nakita ko ang pagbabago ng mukha niyong Demetrio. Galit na galit na ang mukha nito habang namimilipit sa sakit.
Mabilis akong tumakbo papalayo sa kanila habang nakahawak sa dibdib kong halos mawasak na dahil sa pagkabog ng puso ko.
“You b***h! Go back here!” rinig ko pang sigaw ni Demetrio at sinubukang humabol sa akin. Ngunit nangunot ang noo ko nang mataranta ito nang makakita ng mga pulis na papalapit na pala rito.
Maging ako man ay nataranta dahil mukhang may huhulihin ang mga ito ngayon.
Nang lingunin kong muli ang lalaking banyaga ay hindi na ako nito tinangka pang habulin dahil sa mga pulis.
Wala na rin ang mga kasama ko kanina. Nagsitakbuhan sila na ikinataka ko.
Takot sila sa pulis? Ibig sabihin lang ay hindi nila hawak ang kapulisan dito sa Manila. Sa siyudad lang namin, ngunit sa probinsiya ng Iloilo na siyang pinamumunuan ni Dark ay hindi rin nila hawak.
Tinanaw kong muli ang mga pulis na tumatakbo upang hulihin ang mga kasamahan ko kanina.
Nais kong humingi ng tulong sa mga ito dahil mukhang pati si Tito ay umalis na rin, wala na akong kasama.
Saan naman kaya sila pumunta?
Ngunit ambang magsasalita ako nang daluhan ako ng iba at saka hinila paalis doon. Takang-taka ako habang pinagmamasdan sila na tinatangay ako.
Ang iba sa kanila ay naka-sibilyan, ang iba ay naka-uniporme.
Natatapilok pa ako ngunit hindi ko na iyon alintana. Bumaba kami ng hagdan habang ako ay palinga-linga sa paligid.
“Kuya, ‘yong mga kasama ko po ay nagsitakbuhan,” kausap ko sa lalaking nasa kanan ko na ikinatingin nito sa akin. “Pero wala po akong ginawang kasalanan dito, a, kuya? Huwag po ninyo akong ikulong.” Tipid ko silang nginitian—na nauwi sa pagkangiwi.
“Sa presinto ka na lang magpaliwanag, Miss,” wika ng katabi ko.
“Tsk. Nahuli na ang isang pasaway na taga-recruit ng mga batang kababaihan na tulad mo kanina lang, Miss. Pinaghahanap pa namin ang iba pa. Mamaya ay kailangan namin kayong kausapin ng mga kasamahan mong babae,” sabi ng isa pang lalaki kung kaya ay kinabahan ako bigla.
Ano? Anong presinto? Bakit naman ako magpapaliwanag sa presinto? At anong mga kasamahan na babae?
Teka, wala akong ginagawang masama rito! Wala akong kinalaman dito!
Nang makababa kami ay napahinga ako nang malalim dahil mayroong mga police roon na nakakalat.
Wala na ang kasiyahan dito kanina. Nakita ko pang nakadapa ang ibang mga kalalakihan na kustomer dito kanina. At ang mga babae naman na sumasayaw kanina sa bar ay napansin kong tinatangay ng mga pulis.
Napasinghap ako.
Doon ay tila napagtanto ko kung bakit ako kinuha ng mga pulis na ito. Napagkamalan nila akong isa sa mga babaeng nagbe-benta ng aliw at laman dito...